2018
Pagsisisi: Bahagi ng Aking Landas tungo sa Kasakdalan
Agosto 2018


Pagsisisi: Bahagi ng Aking Landas tungo sa Kasakdalan

“Ang pagsisisi ay hindi isang kahiya-hiyang karanasan, tinutulungan tayo nitong maging higit na katulad ni Cristo.”

young adult man looking out window

Pumasok ako sa opisina ng bishop na nadaramang walang-wala akong silbi.

Ngumiti ang bishop at pinaupo ako. Ipinaliwanag ko sa kanya ang nangyari, at mas lalo akong nahiya sa bawat salitang sinambit ko. Itinanong ko na may luha sa mga mata, “Ano po ang kailangan kong gawin? Paano ako magiging lubos na malinis ulit?”

Sandaling nanahimik ang bishop, pagkatapos ay sinabing, “Siguradong maaari kang maging malinis mula rito. Pero sa tingin ko hindi mo naiintindihan ang isang mahalagang bahagi ng pagsisisi.”

“Ano po ang ibig ninyong sabihin?” gulat kong itinanong.

“Iniisip mo na ang pagsisisi ay parang kapag sinindihan mo ang ilaw, liliwanag na,” sabi niya. “Para bang perfect 10 ka na, at dahil nagkasala ka, 8 o 7 ka na lang.”

Marahan akong tumango.

“Sa totoo lang,” pagpapatuloy ng bishop, “Walang perfect 10 sa atin, sa katunayan, mas malapit siguro tayo sa 1 at 2. Hindi tayo nagsisimula na perpekto. Malilinis tayo ng pagsisisi mula sa kasalanan, pero tinutulungan din tayo nitong sumulong mula 2 hanggang 3 at 3 hanggang 4 at kung anu-ano pa hanggang sa maging perfect 10 tayo balang-araw. Tinutulungan tayo ng pagsisisi na maging higit na katulad ni Cristo.

Sinamahan akong magdasal ng bishop at pinayuhan ako na pag-aralan ang kaloob na pagsisisi.

Nang lisanin ko ang kanyang opisina, matagal akong naupo sa kotse ko, na pinag-iisipan ang kanyang sinabi.

Napagtanto ko na tama siya. Inakala ko na ang pagsisisi ay isang paraan lang para makabalik sa kung ano ako noon, para maging “10” ulit. Dahil inakala ko na lubos akong malinis dati, dahil sa bigat ng “pagiging perpekto,” pakiramdam ko wala akong halaga at hindi na matutubos—tulad ng nadarama ko palagi tuwing kailangan kong magsisi.

Ngunit ang pangangailangang magsisi ay hindi isang negatibo o nakahihiyang karanasan—ito ang pinakadiwa ng pagiging katulad ni Cristo. Tinulutan ako nitong talikuran ang aking mga kasalanan at binigyan ako ng kakayahang maging mas mabuti kaysa rati. Ang Tagapagligtas ay hindi taga-kumpuni, na tinatapalan ang mga lamat sa kaluluwa ko, kundi isang arkitekto, na inaangat ako sa taas na hindi ko maaabot kailanman kung wala Siya.

Pinawi ng kaalamang ito ang pagiging perfectionist ko. Hindi ako perpekto at hindi ko kailangang maging perpekto—hindi pa. Ang pagsisisi ay bahagi ng aking landas tungo sa kasakdalan. Pumasok ako sa bahay ko na iba na ang pananaw at mapagkumbaba ang puso.

Mula noon ay nagsisi na ako at tinalikuran ko ang kasalanang nagtulak sa akin na pumasok sa opisina ng bishop noong araw na iyon, at ngayo’y talagang malinis na ako sa pakiramdam ko. Hindi pa rin ako perpekto, pero salamat na lang at sapat ang biyaya ni Cristo para magligtas. Sa pamamagitan Niya, maaari akong mapatawad, mapagaling, at mabigyan ng lakas na daigin ang aking mga kahinaan. At sa pamamagitan ng Kanyang kaloob na pagsisisi, maaari akong hubugin hanggang sa maging katulad ako ng nararapat kong kahinatnan.