2018
5 Paraan para Makasumpong ng Kagalakan sa Pagiging Ina
Agosto 2018


5 Paraan para Makasumpong ng Kagalakan sa Pagiging Ina

Nalaman ko na sa wakas kung paano gustuhing mamalagi sa bahay sa piling ng aking mga anak.

mother and baby

Noong kapapanganak ko, pakiramdam ko hindi ako makahinga sa araw-araw na pag-aalaga ng bata. Mahirap pagmasdan ang asawa ko at iba pang mga tao sa masasaya nilang ginagawa habang buong maghapon akong nakatali sa maliit naming apartment at nag-aalaga ng dalawang maliliit na bata. Nais kong gustuhin ang pagiging ina, pero nahihirapan ako. Kaya’t nanalangin ako sa Ama sa Langit. Hiniling ko sa Kanya na ipaalam sa akin kung paano ko babaguhin ang aking pananaw at ang aking sarili. Ang mga sagot na natanggap ko ay simple ngunit makapangyarihan.

  1. Bilangin ang iyong mga pagpapala. Kapag nakatuon ako sa mabubuting bagay sa aking buhay sa halip na sa mga negatibong bagay, nagpapasalamat ako at sumasaya.

  2. Hanapin ang maganda at nakakagalak sa araw-araw. Napansin ko kung gaano kadalas tumawa ang mga anak ko at gaano kadalas nila ako patawanin. Gustung-gusto kong masdan ang kanilang paglaki araw-araw. Nagsimula akong malugod sa paggawa ng mga gawaing-bahay, kahit yaong mga ilang ulit kong kinailangang gawin sa isang araw. Isa itong pagpapala ng Espiritu na nakamit ko sa pamamagitan ng panalangin at pagsisikap.

  3. Makipaglaro sa iyong mga anak. Ang paglalaan ng oras na makipaglaro sa aking mga anak ay isang malaking pagpapala. Tinutulungan ako nitong unahin ang dapat unahin at bawasan ang mga gambala, at binabawasan nito ang oras ng mga anak ko sa panonood ng TV, paggawa ng kalokohan, at pangungulit sa isa’t isa! Kapag kalaro ko ang mga anak ko, masaya sila, at kapag masaya sila, masaya rin ako. Ang pagsali sa kanilang laro ay mas nagpapatibay sa relasyon ko sa kanila at nakikita ko ang mundo ayon sa kanilang pananaw. Ipinapaalala nito sa akin kung bakit sulit ang mga hirap ng maging magulang.

  4. Huwag magtuon sa sarili. Kapag nakatuon ako sa iba, hindi ko pinapansn ang sarili kong mga problema. Hindi ako naiinip, nalulungkot, o pinanghihinaan ng loob at napapalitan ang mga damdaming ito ng dalisay na pag-ibig ni Cristo. Alam kong totoo ito, pero kailangan kong pag-aralan itong muli paminsan-minsan. Hindi ko ginagawa ang lahat ng ginagawa ko para sa aking sarili; ginagawa ko iyon para sa mga natatanging kaluluwang ipinagkatiwala ng Diyos sa akin. Lalo akong nagiging katulad Niya habang tinuturuan ko silang maging mas katulad Niya.

  5. Magpanatili ng pangmatagalang pananaw. Kapag naiinis ako sa tila walang-katapusang mga gawain sa aking harapan, ipinapaalala ko sa sarili ko kung gaano kahalaga ang panahong ito ng buhay. Makakapiling ko ang mga anak ko sa maikling panahon lamang, at itinatangi ko ang panahong ginugugol ko para turuan sila at masdan ang kanilang paglaki hanggang sa maging kahanga-hanga silang mga tao na nais ng Ama sa Langit na kahinatnan nila.

Ang pagsunod sa mga pahiwatig na ito ay lubusang nagpabago sa pananaw ko sa pagiging ina. Noon, pakiramdam ko hindi ako nakakasama sa malalaking pakikipagsapalaran sa buhay. Ngunit ngayon ay alam ko nang ang mga anak ko ay malaking pakikipagsapalaran. Nasa harapan ko lang pala ang kinasasabikan at layuning hinahanap ko noon pa man. Hindi lang ako isang katulong; isa akong guro, tagapayo, katapatang-loob. Ang pagiging ina ay kapwa isang malaking pagpapala at isang malaking hamon, at nagpapasalamat ako sa mga paraan na nag-uunat, nagtuturo, at nagpapatino sa akin para maging tao na alam ng Ama sa Langit na kaya kong maging.