Ating mga Tahanan, Ating mga Pamilya
Pagsusumikap na Maging Isang Matalino at Marangal na Ina
Ang awtor ay naninirahan sa Metro Manila, Philippines.
Nagsusumikap ako noon na makasumpong ng layunin sa pagiging ina. Pagkatapos ay binago ng nakatala sa isang lumang journal ang aking pananaw.
Noon pa man ay gusto ko nang maging magaling na tagapag-ambag sa siyensiya. Noong nag-aaral pa ako sa kolehiyo sa Brigham Young University–Hawaii, ipinakilala at sinanay ako ni Dr. Douglas Oba, isang napaka-supportive na propesor, sa mundo ng molecular biology at biotechnology. Nagkaroon pa nga ako ng pagkakataong magtrabaho sa molecular laboratory sa Brigham Young University sa Provo, Utah, USA, para sa isang summer internship.
Nang umuwi ako sa Pilipinas, natanggap ako sa trabaho sa DNA Analysis Laboratory ng Unibersidad ng Pilipinas. Kasama sa mga tampok sa aking propesyon ang pagtatrabaho sa iba’t ibang mga proyekto sa komunidad, pagdalo sa mga training at kumperensya, at makilala ng mga lokal at internasyonal na mga grupo ng mga siyentipiko dahil sa aking mga lathalain tungkol sa siyensya. Nagsimula rin ako sa aking graduate program. Pakiramdam ko tagumpay ako sa aking bagong propesyon.
Makalipas ang dalawang taon ng pagtatrabaho, pinakasalan ko sa templo ang kababata ko. Kalaunan, ipinanganak ko ang aming panganay at sa unang pagkakataon, nahirapan ako. Hindi ko alam kung paano balansehin ang pag-aalaga sa baby, paggugol ng oras sa piling ng aking asawa, paggawa ng mga kailangang gawin sa mga klase ko sa graduate program, pagsabayin ang mga proyekto at papeles at trabaho, at gawin ang mga tawag ng Simbahan. Kinausap ko ang asawa ko tungkol sa mga paghihirap ko, at malumanay niyang iminungkahi na magbitiw muna ako sa trabaho. Nakita ko na may saysay ang kanyang payo, pero hindi pa ako handang isuko ang propesyon ko.
Nang magdalantao ako sa aming pangalawang anak, humilab ang tiyan ko nang wala sa oras kaya kinailangan kong manatiling nakahiga. Sa huli natanto ko na hindi ko kayang gawin ang lahat nang sabay-sabay. Batid ko na kailangan kong piliin ang pinakamainam para sa akin at sa aking pamilya. Matapos ang maraming pagninilay at pagdarasal, nagpasiya akong iwanan ang trabaho ko sa siyensya at sa halip ay ilaan ang lahat ng oras ko sa aking mga anak.
Buong buhay kong pinagplanuhan na maging ina, ngunit hindi ko natanto kailanman kung gaano kalaking sakripisyo ang pasiya kong ito. Ginawa ko ang lahat para mapanatiling positibo ang aking pananaw, pero madalas akong malungkot dahil kinailangan kong tumigil sa pagtatrabaho at pag-aaral sa graduate program. Ipinagdasal ko sa Ama sa Langit na bigyan ako ng espirituwal na lakas na buong pusong magampanan ang aking papel bilang ina. Matiyagang nakinig ang asawa ko sa aking mga pag-aalala. Hinikayat niya akong isulat sa journal ko ang aking mga iniisip at nadarama, na hindi ko nagawa nang ilang panahon dahil sa dami ng aking ginagawa.
Isang araw, habang natutulog ang mga anak ko, nagpasiya akong basahin ang mga luma kong journal. Habang binabasa ko ang mga ito, nagulat ako sa dalas ng pagsulat ko tungkol sa matinding hangarin kong maging ina noong kabataan ko at noong young adult ako. Isang pahayag ang partikular na nakaantig sa akin: “Magsisikap akong maging mahusay sa aking akademiko at espirituwal na pag-aaral para ako maging isang matalino at marangal na ina sa aking mga anak.”
Ang kabatirang iyon ang kailangang-kailangan ko! Nadama ko na pinatotohanan sa akin ng Espiritu na tama ang pasiya ko para sa aking pamilya. Natanto ko na ang aking edukasyon at karanasan sa trabaho ay hindi lang para sa kapakanan ko kundi pati na sa mga anak ko. Pinanibago nito ang aking patotoo at walang-hanggang pananaw tungkol sa pagiging ina.
Nanatili ako sa bahay para sa aking mga anak sa loob ng limang taon. Kalaunan, natapos ko ang aking graduate program at bumalik ako sa trabaho nang malalaki na ang mga anak namin. Patuloy akong natututong ibalanse ang aking limitadong panahon sa pagsasagawa ng aking mga tungkulin sa trabaho, sa bahay, at sa simbahan, ngunit alam ko na posible ang lahat ng ito sa tulong ng Panginoon. Patuloy akong nagkakaroon ng mahalagang karanasan sa “laboratoryo ng buhay” at nakasusumpong ng kagalakan at layunin sa pagiging ina.