Sa Pulpito
Ano ang Pananampalataya?
Dahil pananampalataya ang unang alituntunin ng ebanghelyo, kailangang itanong, Ano ang pananampalataya? Sinasabi sa atin sa mga banal na kasulatan na “ang pananampalataya ay kapanatagan sa mga bagay na inaasam, ang katunayan ng mga bagay na hindi nakikita” [Pagsasalin ni Joseph Smith, Sa Mga Hebreo 11:1]. … Kaya nga kapag sinusunod natin ang ebanghelyo, kasunod nito ang ilang pagpapala, ngunit kung sinasabi natin na naniniwala tayo pero hindi tayo sumusunod, walang saysay ang ating pananampalataya. Para itong katawan na walang espiritu, patay. Ang buhay na pananampalatayang ito, mga kapatid kong kabataan, na naging dahilan para sundin ng inyong ama’t ina ang ebanghelyo sa kanilang bayang sinilangan at tahanan; sa gitna ng pangungutya at pang-uusig, sa pamamagitan ng pananampalataya nilisan nila ang kanilang tahanan at kaanak at lahat ng mahal nila at tumulak sa malawak na karagatan, … na nagtitiwala na ligtas silang dadalhin ni Jehova sa isang kanlungan ng kapahingahan, at marami sa kanila ang hindi nakaranas ng mga pagsubok at paghihirap sa buhay kailanman. … Isipin ninyo, mga kapatid kong kabataan: naglakbay ang inyong ama’t ina nang mahigit isang libong milya (1,609 km) na may hilang kariton, dala ang kanilang mga rasyon at higaan, mga gamit sa pagluluto, damit at iba pa, marami sa kanila ang may maliliit na anak; tumawid ng mga ilog na hanggang baywang nila at nagtiis na tawirin ang milya-milyang buhangin, subalit sa tabi ng siga sa kampo sa gabi dinig ng Diyos ang kanilang mga awit ng papuri, dahil nakatanim sa kanilang dibdib ang mga alituntunin ng pananampalataya; nasiguro nila ang mga bagay na hindi nakikita; sa pagsampalataya’y nakarating sila sa mga lambak na ito; hindi pa ito katulad ng mayayaman at mayayabong na lambak na nakikita ninyo ngayon. Sa pamamagitan ng pananampalataya, nalupig nila ang tigang na lupa at sa pamamagitan ng mga pagpapala ng Diyos, tagumpay nilang napamulaklak ang disyerto na gaya ng rosas. …
Kukulangin ako ng oras sa pagkukuwento sa inyo ng mga pagsubok sa ating pananampalataya na idinulot ng mga kuliglig, tipaklong, tagtuyot, baha, at maging ng mga pang-uusig ng ating mga kaaway; ngunit sa kabuuan tayo’y labis na pinagpala at masasayang tao; at sa pamamagitan ng pananampalataya layon nating lumago at dumami at kumalat sa ibang bansa hanggang sa, tulad ni Abraham noong araw, maging walang katapusan ang ating pagdami.
Ngayon, mahal kong mga kaibigang kabataan, hindi ninyo kailangang isipin na dahil marami na tayong nagawa ay wala na kayong ibang gagawin; kailangan ninyong kumalat sa ibang bansa. Hindi ninyo kailangang isipin na ang teritoryo ng Utah ang hahawak sa mga anak ng Sion. Kakailanganin ninyong magtayo ng mga bagong kolonya. …
Kung gayon, masigasig na ipaglaban ang pananampalatayang ibinigay sa mga huling araw na ito sa inyong mga ama, upang makatulong kayo sa pamamagitan ng pananampalataya na isakatuparan ang mga layunin ni Jehova; at nawa’y mapasa mga anak ng Sion ang nagbibigay-buhay na impluwensya ng Espiritu ng Diyos, nang ito ay laging mag-alab sa kanilang kalooban, at maghatid ng maraming bunga sa kabanalan.
Ang seryeng ito ay nagtatampok sa buhay ng matatapat na kababaihan at sa kanilang mga mensahe, na sinipi mula sa aklat na At the Pulpit: 185 Years of Discourses by Latter-day Saint Women (2017).