Mga Tanong at Sagot
Anong mga aktibidad ang dapat kong gawin sa libreng oras ko para maging mas kapaki-pakinabang ito?
Pag-aralan ang Doktrina
Isang mahusay na paraan ng paggamit ng libreng oras mo ay pag-aralan ang doktrina ng Panginoon. Kung titingnan nang may walang-hanggang pananaw, ang pagbabasa ng mga banal na kasulatan, artikulo sa magasin ng Simbahan, at iba pang nakasisiglang mga materyal ay makatutulong sa inyo nang higit sa iba pang mga aktibidad.
Josh C., edad 13, Tennessee, USA
Magsikap na Makatapos ng Isang Gawain
Gumawa ng bagay na may halaga. Minsan ay sinasayang ko ang oras ko sa paggawa ng mga bagay na walang halaga, tulad ng pagbababad sa internet sa loob ng dalawang oras, at kalauna’y pinagsisisihan ko ito. Maaari mong subukang maglinang ng bagong talento, gawin ang Personal Progress o Duty to God, turuan ang kapatid o kaibigan mo sa mga aralin, magtanim sa hardin, magsulat ng kuwento o magligpit ng gamit—walang katapusan ang mga posibilidad. Ang patakarang isinasabuhay ko ay tiyaking ginagamit ko ang libreng oras ko na laging nakatutulong sa akin na magsikap makatapos ng isang gawain.
Kimberly A., edad 19, Alaska, USA
Pag-aralan ang Aklat ni Mormon
Ginagawa kong mas makabuluhan at mas may halaga ang aking libreng oras sa pamamagitan ng pag-aaral ng Aklat ni Mormon. Ito ang saligang-bato ng ating relihiyon at, sa salita ni Propetang Joseph Smith, tayo ay “malalapit sa Diyos sa pamamagitan ng pagsunod sa mga tuntunin nito, nang higit kaysa sa pamamagitan ng alin mang aklat” (pambungad sa Aklat ni Mormon).
Lynne T., edad 18, Accra, Ghana
Maging Ikaw na Nais Mo
May isang mensahe sa aking sala na nagsasabing, “Itanong sa iyong sarili kung ang ginagawa mo ngayon ay inilalapit ka sa gusto mong maging ikaw bukas.” Pag-isipan ang klase ng tao na nais mong maging ikaw at ang mga mithiin na mayroon ka. Piliin mong gawin ang mga bagay na makatutulong sa iyong makamit ang mga mithiing ito. Gawin ang mga bagay na makapagpapanatili ng Espiritu sa iyo at nakaayon sa mga pamantayan sa Para sa Lakas ng mga Kabataan.
Amy P., edad 16, Kentucky, USA
Umawit o Makinig ng mga Himno
Ang aktibidad na pinakagusto kong gawin sa aking libreng oras ay ang pag-awit ng mga himno. Nilalayon ko na kabisaduhin ang maraming himno ng Simbahan na kaya ko. Karaniwang nagda-download ako ng ilang himno na nais kong matutuhan upang mapakinggan ko ang mga ito anumang oras na may libreng pagkakataon ako.
Justice O., edad 16, Orlu, Nigeria
Magtakda ng mga Mithiin
Una mong kailangang pag-isipan ang tungkol sa nais mong maging ikaw sa loob ng ilang taon. Pagkatapos ay maaari ka nang magpasya kung ano ang dapat mong gawin ngayon sa libreng oras mo upang makamit ang mithiing ito. Sa pagtatapos ng bawat araw, iniisip ko ang tungkol sa mga mithiin ko at gumagawa ako ng iskedyul kung ano ang gagawin ko kinabukasan sa libreng oras ko.
Elder Agostinelli, edad 20, Chile Santiago West Mission
Ano Ba ang Nasa Isip Mo?
“Paano ko ba mas makakasundo ang aking pamilya?”
Isumite ang iyong sagot at, kung nais mo, maglakip ng isang high-resolution na retrato bago sumapit ang Setyembre 15, 2018, sa liahona.lds.org (i-klik ang “Submit an Article or Feedback”).
Ang mga sagot ay maaaring i-edit para paikliin o linawin ito.