Narinig ng Ama sa Langit ang Panalangin Ko
Raquel E. Pedraza de Brosio
Utah, USA
Nakatira pa rin kami sa aming sinilangang bayan, Argentina, nang sinimulan naming mag-asawa ang aming pamilya. Mga nagbabalik na misyonero kami at batid naming isang pagpapala na ikasal sa templo ng Panginoon. Nasasabik kaming tahakin ang daan pabalik sa Ama sa Langit.
Alam namin na kasama sa plano ng kaligtasan ang mga pagsubok, ngunit nagtitiwala kami na madaraig namin ang kahit ano sa pamamagitan ng pananampalataya at panalangin. Ngunit hindi namin inaasahan na ang mga pagsubok ay darating sa amin nang walang patid. Sunod-sunod na mga pagsubok ang tila umuulan sa amin.
Isang hapon ay nag-iisa ako, lubhang malungkot at humahagulgol dahil sa aming mga paghihirap. Hindi ko alam ang gagawin ko. Tuwing sinusubukan kong tumigil sa pag-iyak, lalo kong nararamdaman ang kalungkutan at panaghoy.
Naisip ko rin ang mga lalaki at babae na nagbahagi kung gaano kahalaga ang pagdarasal sa kanila sa panahon ng kagipitan. Mayroon akong patotoo sa panalangin, ngunit ang diwa at espiritu ko ay lubos na nahihirapan kung kaya’t inisip ko kung kaya ko bang mahanap ang mga salitang sasambitin.
Lumuluha, lumuhod ako sa aking kama at buong puso, humiling ako sa Ama sa Langit ng kaalwaan at kapayapaan. Hindi ako humiling ng solusyon o kahit na mawala na sana ang pagsubok. Tanging kapayapaan ang hiniling ko.
Habang nananalangin ako, nakarinig ako ng katok sa pintuan ko sa harap ng bahay. Binuksan ko ito, na may luha pa sa mga mata ko, at nakita ko ang isang sister mula sa Relief Society. Sinabi niya sa akin na nagtatrabaho siya sa lugar na iyon at dumaan gamit ang kanyang motorsiklo. Ang nagawa ko lamang ay yakapin siya. Sinabi niya, “Hindi ko alam kung bakit, ngunit pakiramdam ko ay kailangan kong dumaan at dalawin ka.”
Naupo kami sa mesa ko sa kusina at tinulungan niya akong kumalma. Matapos makipag-usap sa kanya nang ilang minuto, nagsimula kong maramdaman na hindi ako nag-iisa at narinig ng Ama sa Langit ang panalangin ko.
Isang pagpapala na makausap ang Ama sa Langit sa pamamagitan ng panalangin. Nakinig Siya sa akin sa panahon ko ng kagipitan at ipinadala ang isa sa Kanyang mga anak upang tulungan ako. Nagpapasalamat ako na ang sister na ito ay narinig ang inspirasyon ng Espiritu at sinunod ito.