2018
Pagsamba Sa Panahong Digital
August 2018


Pagsamba Sa Panahong Digital

Bigyang-pansin itong tatlong alituntunin para sa angkop na paggamit ng mga digital device sa loob ng simbahan.

sitting in sacrament meeting

Isang araw ng linggo habang ipinapasa ang sakramento, isang ward Relief Society president na kilala ko ang naglabas ng kanyang smartphone para basahin ang “Ang Buhay na Cristo: Ang Patotoo ng mga Apostol.” Nabigyang-inspirasyon ng patotoong ito ng mga apostol tungkol sa Tagapagligtas, pakiramdam niya ay napanibago ang kanyang tapat na pangako na lagi siyang alalahanin.

Gayunman, naglaho ang kanyang magandang damdamin makalipas ang ilang araw nang makatanggap siya, sa koreo, ng isang liham mula sa isang miyembro ng ward na hindi nagpakilala. Pinuna ng lumiham ang pagpapakita niya ng masamang halimbawa sa paggamit ng kanyang smartphone sa sacrament meeting. Nalungkot siya.

Siyempre, ayaw niyang magdamdam ang sinuman sa paggamit niya ng mobile device. Bihira niya itong gamitin sa loob ng chapel, at noon lang nang madama niya na angkop iyon. Ngunit matapos matanggap ang liham, pinagdudahan niya ang kanyang sarili.

Isang Bagong Hamon

Bawat henerasyon ay may mga hamon. Inireport sa isang pag-aaral na pagsapit ng 2020 ay mas marami pang taong may mobile phone (5.4 na bilyon) kaysa dumadaloy na tubig (3.5 na bilyon).1 Idagdag pa ang mga tablet, “phablet,” at iba pang kaugnay na mga device, at mahihirapang sagutin ng mundo ang tanong na: Ano ang angkop na “ugali sa paggamit ng digital device”?

Habang nahihirapang magpasiya ang mga magulang, lider, at guro kung ano ang angkop na ugali sa paggamit ng digital device sa loob ng Simbahan, humantong na ang magkakaibang opinyon sa kung minsa’y magkakasalungat na paraan sa paggamit ng mga digital device sa mga pulong ng Simbahan.

Nagbigay na ng payo ang mga pinuno ng Simbahan tungkol sa mga pagpapala at panganib ng paggamit ng teknolohiya. Gayunman, hindi palaging sinasabi ng mga pinuno ng Simbahan ang lahat ng dapat gawin at hindi dapat gawin sa pamumuhay ng ebanghelyo (tingnan sa Mosias 4:29–30). Inaasahan na pag-aaralan ng mga miyembro ang bagay na ito para sa kanilang sarili at hangarin ang patnubay ng Espiritu Santo sa paggawa ng mga desisyon. Sa kasamaang palad, tulad sa sitwasyon sa itaas, kung minsa’y pinipili nating hindi lamang sundin ang isang desisyon kundi pintasan pa ang mga taong iba ang desisyon.

Binigyang-Inspirasyon ng Diyos; Sinamantala ni Satanas

Ipinagkaloob ng Diyos ang mga pagpapala ng teknolohiya para sa ating kapakinabangan at sa pagsusulong ng Kanyang gawain.2 Kaya habang di-angkop ang paggamit ng ilang miyembro ng kanilang digital device, itinuro ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol na “hindi natin dapat hayaang makahadlang sa atin ang takot na magkamali sa pagtanggap natin ng mga dakilang pagpapala ng mga tool na ito.”3 Kailangan tayong matutong gamitin nang angkop ang mga ito at ituro sa ating mga anak na gayon din ang gawin.

Ang mga mobile device ay tumutulong sa mga miyembro ng Simbahan sa pag-aaral ng ebanghelyo, family history at gawain sa templo, at pagbabahagi ng ebanghelyo. Halimbawa, higit sa 3.5 milyong katao ang gumamit ng Gospel Library app noong Enero 2018. Ang pinagsama-samang oras ng kanilang pag-aaral ay katumbas ng mahigit isang libong taon.

Kasabay ng pagpansin sa mga pagpapala, nagbabala ang mga pinuno ng Simbahan tungkol sa mga potensyal na panganib nito, kabilang na ang nasayang na oras, nasirang mga relasyon, at pagkabitag sa kasalanan.4 Sa loob ng Simbahan, ang di-angkop na paggamit ay maaaring makagambala sa atin at sa iba sa pagsamba at pag-aaral na mahalaga sa pakikipag-ugnayan natin sa Diyos.

Gayunman, ang mga panganib na ito ay hindi natatangi sa mga digital device. “Ang ilan sa mga gamit na ito—tulad ng anumang gamit sa kamay ng isang taong hindi-sanay o walang disiplina—ay maaaring mapanganib,” pagtuturo ni Elder M. Russell Ballard ng Korum ng Labindalawang Apostol. “… Walang ipinagkaiba iyon sa kung paano pinipiling gamitin ng mga tao ang telebisyon o mga sine o kahit ang library. Laging mabilis si Satanas sa paggamit sa negatibong kapangyarihan ng mga bagong imbensyon, para sirain at hamakin, at balewalain ang anumang epekto nito para sa kabutihan.”5

Mga Mobile Device sa Sacrament Meeting

Dahil sa mga potensyal na pagpapala—pati na rin sa mga magiging hadlang—ng mga digital device na ito, paano nagpapasiya ang mga miyembro kung paano ito gagamitin? Iminungkahi ni Joseph Smith ang bisa ng isang pamamaraang batay sa isang alituntunin nang sabihin niyang, “Tinuturuan ko sila ng mga wastong alituntunin, at pinamamahalaan nila ang kanilang sarili.”6

Dito, sinusuri natin ang mga alituntunin na maaaring makatulong sa pagdedesisyon tungkol sa paggamit ng mga mobile device sa sacrament meeting. Para sa isang talakayan tungkol sa angkop na paggamit ng mga digital device sa loob ng klase, tingnan sa “Paggamit ng Teknolohiya sa Pagtuturo: Paano Panatilihing Interesado ang mga Kabataan sa Paggamit ng Teknolohiya sa Mundo,” ni Brother Brian K. Ashton, Pangalawang Tagapayo sa Sunday School General Presidency, sa pahina 30 ng isyung ito.

Alituntunin 1: Ang aking mga pasiya ay sumusuporta sa pagsamba.

Ang sacrament meeting ay para sa “[pag-uukol ng ating] mga pananalangin sa Kataas-taasan” (D at T 59:10). Itinuro ni Elder Dallin H. Oaks ng Korum ng Labindalawang Apostol na dapat ang tuon natin doon ay sa pagpapanibago ng ating mga tipan at ating pananampalataya sa Panginoong Jesucristo at sa Kanyang Pagbabayad-sala.7 Ang pinipili nating gawin sa sacrament meeting ay dapat makatulong sa atin na gawin ang mga bagay na iyon.

Dahil sa pagtutuon na iyan, kung kinakailangan, maaari nating gamitin nang angkop ang ating mga device para:

  • Mapagbuti ang ating pagsamba. Maaaring gamitin ng isang miyembro ang digital device sa oras ng sacrament meeting para maghanap ng mga talata sa banal na kasulatan, kumanta ng mga himno, o magtala ng mga espirituwal na pahiwatig.

  • Maglingkod. Maaaring mapansin ng bishop ang isang bago o di-gaanong aktibong miyembro na umupo sa likod ng simbahan sa oras ng sacrament meeting at kung makadama siya ng pahiwatig, i-text ang lider ng ward mission na batiin ito at anyayahan sa klase ng mga Alituntunin ng Ebanghelyo pagkatapos ng miting.

  • Gawing posible ang mahahalagang koneksyon. Ang mga doktor, first-responder (pulis, bumbero, drayber ng ambulansya, atbp.), at iba pang mga propesyonal ay maaaring makilahok sa pagsamba dahil alam nila na maaari silang tawagan kung kailangan sa pamamagitan ng kanilang mobile device.

Sa paghahangad nating magtuon sa Tagapagligtas, mahalagang tandaan na ang ating device ay magpapadali sa ating pag-aaral, ngunit hindi ito makakapag-aral para sa atin. Makapagbibigay ang mga ito ng isang bagay na pag-iisipan, ngunit ang mga ito ay hindi makakapag-isip para sa atin. Maaari pa tayong paalalahanan ng mga ito na magdasal, ngunit ang pagdarasal ay isang bagay na dapat nating gawin para sa ating sarili.

Itinuro ni Elder Bednar na ang ating kaugnayan sa Diyos ay tunay, hindi virtual.8 Hindi ito maaaring i-double-click o i-download.9 Kaya kahit ginamit ng Relief Society president sa simula ng artikulong ito ang kanyang cellphone para ituon ang kanyang isipan kay Cristo, ang tipan na kanyang pinaninibago ay hindi sa kanyang cellphone; iyon ay kay Cristo. Ang paglalakbay na sinimulan niya sa tulong ng kanyang device ay kinailangang tapusin sa kanyang isipan, sa kanyang mga panalangin, at sa kanyang mga kilos.

youth on phone during church

Alituntunin 2: Binabawasan ko ang mga panggagambala.

Dapat nating pagsikapang lahat ang isang kapaligiran na nagdaragdag ng pagtutuon natin sa pagsamba at pag-aaral. Mahalagang bawasan ang mga bagay na nakagagambala. Ang alituntuning ito ay angkop sa maraming sitwasyon, mula sa kung paano tayo nag-uusap o nagdidisiplina ng makukulit na bata hanggang sa kung paano natin ginagamit ang ating digital device.

Napakaraming paraan para magambala ng isang device na dinisenyo para gumawa ng napakaraming bagay. Malinaw na ang panonood ng mga video, pakikinig ng musika, o ang panonood ng mga video ay magpapahirap sa pagtutuon ng pansin sa sacrament service. Ngunit gayon din ang pagtingin sa email, mga text message, social media, mga iskor sa isports, at maraming tunog, icon, at larawang lumalabas sa mobile device na naglalayo sa atin sa mga kaganapan, pag-uugnayan, at pag-uusap na nangyayari sa labas ng miting. Ang lahat ng ito at marami pang iba ay makagagambala sa atin at sa iba, maging sa mga nasa malayu-layong upuan.

Para sa mga taong nais alisin nang tuluyan ang mga panggagambala ng digital device, maaaring angkop na iwanan sa bahay ang kanilang device o patayin ito. Para sa mga gumagamit ng kanilang device para makatulong sa kanilang pagsamba ngunit ayaw makagambala sa iba, maaaring sapat na ang ilagay sa silent ang device, i-set ito sa do not disturb, o ilagay ito sa airplane mode.10

Alituntunin 3: Nagtutuon ako sa sarili kong pagsamba.

Palaging magkakaroon ng iba’t ibang panggagambala, at hindi lahat ay digital. Maaaring kabilang dito ang ingay ng sanggol, hugong ng insekto, o ingay ng trapik sa labas. Pangunahing responsibilidad natin ang napapala o pakinabang na nakukuha natin sa ating pagsamba. Kaya kung may nakakalimot na ilagay ang kanilang cellphone sa airplane mode, kailangan nating sikaping ilagay ang ating sarili sa mode na “huwag pansinin ang mga panggagambala.”

Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson, Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Bawat miyembro ng Simbahan ay may responsibilidad na espirituwal na mapagyaman ang sarili sa sakrament meeting.”11

Kung mapapansin natin ang iba sa ating paligid na gumagamit ng kanilang device, huwag nating ipalagay kaagad na ang ginagawa nila ay hindi angkop dahil lang sa gumagamit sila ng digital device. Kung ang tao ay isang bata o isang taong responsibilidad natin, maaaring angkop lang na tingnan ang paggamit nila ayon sa patnubay ng Espiritu. Kung hindi man, sikapin nating bumalik sa ating sariling pagsamba.

Sama-samang Pag-aaral

Sa isang pahayag na sumasaklaw sa mga alituntuning ito, ipinayo ni Elder Oaks, “Sa sacrament meeting—lalo na sa oras ng pagbibigay ng sakramento—kailangang ituon natin ang pansin sa pagsamba at iwasang gumawa pa ng iba lalo na ng mga pagkilos na makagagambala sa pagsamba ng iba.”12

Maraming iba pang alituntunin na makakatulong na gabayan ang ating paggamit. Habang lalong nagiging normal na bahagi ng ating kultura ang mga digital device, kailangan nating sama-samang sagutin ang mga tanong kung ano ang angkop. Dahil bawat sitwasyon ay kakaiba at ang teknolohiya ay patuloy na magbabago, kailangang patuloy nating suriin ang ating sariling paggamit, mag-isip tayo ng bago o ibang mga pananaw, at maging handa tayong patawarin ang iba habang sama-sama tayong natututo.

Mga Tala

  1. Tingnan sa “10th Annual Cisco Visual Networking Index (VNI) Mobile Forecast Projects 70 Percent of Global Population Will Be Mobile Users,” Peb. 3, 2016, newsroom.cisco.com.

  2. Tingnan sa David A. Bednar, “Apostol Nagpayo Tungkol sa Social Media,” Liahona, Ene. 2015, 17; Discourses of Brigham Young, pinili ni John A. Widtsoe [1954], 18–19.

  3. Sa Sarah Jane Weaver, “Elder Bednar Tells 2016 Mission Presidents Not to Fear Technology,” Hulyo 6, 2016, news.lds.org.

  4. Tingnan sa “Elder Bednar Tells 2016 Mission Presidents.”

  5. M. Russell Ballard, “Pagbabahagi ng Ebanghelyo Gamit ang Internet,” Liahona, Hunyo 2008, B2.

  6. Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith (2007), 331.

  7. Tingnan sa Dallin H. Oaks, “Ang Sakrament Miting at ang Sakrament,” Liahona, Nob. 2008, 17–20.

  8. Tingnan sa David A. Bednar, “Ang Katunayan ng mga Bagay-Bagay,” Liahona, Hunyo 2010, 22–31.

  9. Tingnan sa Scott D. Whiting, “Digital Detachment and Personal Revelation,” Ensign, Mar. 2010, 16–21.

  10. Tingnan sa M. Russell Ballard, “Mapanatag at Malaman na Ako ang Diyos” (Church Educational System devotional, Mayo 4, 2014), lds.org/broadcasts.

  11. Russell M. Nelson, “Pagsamba sa Sakrament Miting,” Liahona, Ago. 2004, 14.

  12. Dallin H. Oaks, “Ang Sakrament Miting at ang Sakrament,” 18–19.