2018
Isang Lumang Aklat ni Mormon
August 2018


Isang Lumang Aklat ni Mormon

Dan Hobbs

Idaho, USA

old Book of Mormon

Paglalarawan ni Allen Garns

Ilang taon na ang nakararaan, nakatanggap ako ng voice mail sa telepono ko, “Ito po ba si Dan Hobbs na nakatira sa Idaho Falls at nanilbihan sa isang misyon sa Washington noong 1974? Si Tom Janaky po ito. Sa palagay ko ay kayo ang nagturo sa mommy at daddy ko.”

Nagulat ako. Naglingkod ako sa Texas, USA, hindi sa Washington, ngunit nakikilala ko ang pangalan. Agad kong naisip ang aklat sa tokador ko—isang 1948 na edisyon ng Aklat ni Mormon. Binuklat ko ito sa isang sulat-kamay na mensahe sa pabalat nito: “Nawa’y sumaiyo ang Diyos. Pagpalain ka ng Diyos! Frank at Virginia Janaky, 1974.” Biglang bumalik ang isipan ko sa nakalipas na 35 taon.

21 taong gulang ako noon at malapit nang matapos sa misyon ko sa Houston, Texas. Ako at ang kompanyon ko ay hindi masyadong naging matagumpay sa paghahanap ng matuturuan nang kumatok kami sa isang pintuan na binuksan ng isang lalaking mainit kaming tinanggap. Ipinakilala niya ang sarili bilang si Frank Janaky at ipinakilala kami sa kanyang asawa, si Virginia. Saglit kaming nakipag-usap sa kanila.

Sa mga sumunod na pagdalaw, itinuro namin sa kanila ang ebanghelyo. Hindi sila interesado na magpabinyag, ngunit palagi silang magiliw. Sa isang talakayan namin, napansin ko ang isang lumang kopya ng Aklat ni Mormon sa istante ng mga libro. Hindi ko maaalala kung paano ito napunta sa kanilang pag-iingat, ngunit naaalala ko na nabanggit ko kung gaano ang paghanga ko rito.

Ilang araw bago ako umuwi, dumalaw kami ng kompanyon ko upang magpaalam. Bago kami umalis, sinulatan ni Frank ang lumang kopya ng Aklat ni Mormon at ibinigay niya ito sa akin bilang regalo sa pag-alis ko. Hiniling niya na isulat ko sa Bibliya ng kanyang pamilya ang aking pangalan at tirahan. Iyon ang huling pagkakataong nakita ko ang mga Janaky, ngunit lagi kong pinahahalagahan ang kanilang regalo.

Tumugon ako sa voice mail noong gabing iyon. Muling tinanong ni Tom kung naglingkod ba ako sa isang misyon sa Washington noong 1974. Sinabi ko sa kanya na sa Texas ako nagmisyon at itinanong ko kung ang kanyang mga magulang ba ay sina Frank at Virginia.

Sinabi niya na lumipat ang kanyang mga magulang sa Washington mula sa Texas. Inakala niya na ang mga missionary na dumalaw sa kanyang mga magulang ay nasa Washington. Sinabi niya na natagpuan niya ang aking pangalan at tirahan sa Bibliya ng pamilya.

“Tumatawag po ako sa inyo upang ipaalam sa inyo na ako at ang kapatid kong lalaki ay kapwa nabinyagan na, isang dahilan ay dahil sa pagiging napakabuti ng mga missionary sa mga magulang ko,” sabi niya. “Kinagiliwan nila nang husto ang lahat ng missionary na kumokontak sa kanila sa pagdaan ng mga taon.”

Pagkatapos ay sinabi ni Tom na kapwa sila namayapa na.

“Ngunit ngayon ay tinatapos po namin ang gawain sa templo para sa kanila,” sabi niya.

Nangingilid ang luha sa mga mata ko, pinasalamatan ko si Tom sa kanyang pagtawag.

Sa loob ng mga taon sa pakiramdam ko ay hindi naging masyadong matagumpay ang aking misyon. Minsan ay iniisip ko kung may buhay ba akong naantig habang naglilingkod. Ang pagtawag ni Tom ay isang mapagmahal na awa mula sa Panginoon. Nagpapasalamat ako sa aking misyon at sa maliit na papel na ginampanan ko sa pagdadala ng ebanghelyo sa pamilya Janaky.