Ang Magandang Kaloob na Sakramento
Mula sa isang mensahe sa debosyonal na, “The Good Life,” na ibinahagi sa Brigham Young University–Idaho, noong Setyembre 26, 2017.
Ipagdasal na mapanibago kayo habang tumatanggap kayo ng sakramento at ginugunita ang Tagapagligtas.
Noong Abril 2017, nagkaroon kami ng pagkakataong tumulong sa open house sa Paris France Temple bago ito inilaan noong Mayo 21, 2017. Matatagpuan sa bakuran ng templo ang isang magandang rebulto ng Christus. Kopya ito ng orihinal na obra maestra noong 1838 ng Danish sculptor na si Bertel Thorvaldsen. Ang rebultong ito ay nakatutok sa halamanan at ipinapahayag sa lahat ng dumarating ang ating pananalig kay Jesucristo. Ang karangalan, laki, at kinalalagyan nito ay kahanga-hanga. Naaakit ang mga bisita sa paglalarawang ito sa nagbangong Panginoon at kadalasa’y gusto nilang tumayo roon para magparetrato.
Ang rebulto ay madalas tawaging Christus Consolator. Ang consolator ay isang taong nag-aalo.1 Ang ibig sabihin ng mag-alo ay aliwin ang iba sa oras ng dalamhati o kabiguan, magpanatag, makiramay, makidalamhati, o mahabag sa iba.2 Para sa atin, ang Christus ay nagpapahiwatig ng mga banal na katangian ng Tagapagligtas.
Ang orihinal na Christus Consolator ay nasa Vor Frue Kirke, ang Church of Our Lady, sa Copenhagen, Denmark. Napapaligiran ng mga rebulto ng Labindalawang Apostol, ang Christus ay nasa isang sulok na may poste sa magkabilang tabi. Sa ibabaw at sa ilalim ng rebulto ay may nakasulat na popular na mga talata mula sa Biblia.
Nakasulat sa ibabaw, sa panel sa itaas ng dalawang poste, ang mga salitang Danish na: “DENNE ER MIN SØN DEN ELSKELIGE HØRER HAM.” Sa Ingles: “Ito ang Aking Pinakamamahal na Anak: pakinggan siya.”
Ang mga salitang ito ay sinambit ng ating Diyos Ama sa Langit, nang magbagong-anyo si Jesus sa isang bundok sa harap nina Pedro, Santiago, at Juan. Sabi sa buong talata, “At dumating ang isang alapaap na sa kanila’y lumilim: at may isang tinig na nanggaling sa alapaap, Ito ang sinisinta kong Anak; siya ang inyong pakinggan” (Marcos 9:7).
Sa pedestal kung saan nakatayo ang Christus Consolator ay nakasaad ang mga salitang Danish na: “KOMMER TIL MIG.” Sa Ingles: “Magsiparito sa akin.” Sa lahat ng salitang sinambit ng Tagapagligtas, wala nang mas nagsusumamo at mahalaga sa atin kaysa “magsiparito sa akin.”
Sabi sa buong talata, “Magsiparito sa akin, kayong lahat na nangapapagal at nangabibigatang lubha, at kayo’y aking papagpapahingahin” (Mateo 11:28).
Sa orihinal na rebultong ito ng Christus Consolator, sumasaatin kapwa ang paanyaya ng Ama na makinig sa Kanyang Bugtong na Anak at ang paanyaya ng Anak na lumapit sa Kanya. Sa lubos na pagkakaisa, inaanyayahan Nila ang lahat na makinig at lumapit.
Ito ang ating daan pabalik sa ating tahanan sa langit. “Naniniwala kami na sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Cristo, ang buong sangkatauhan ay maaaring maligtas, sa pamamagitan ng pagsunod sa mga batas at ordenansa ng Ebanghelyo” (Mga Saligan ng Pananampalataya 1:3). Bawat tao ay maaaring lumapit kay Jesucristo nang lubos sa pamamagitan lamang ng pagtanggap sa ipinanumbalik na ebanghelyo. Ating “[tinatanggap ang ipinanumbalik] na ebanghelyo sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesucristo at sa Kanyang Pagbabayad-sala, pagsisisi, binyag, pagtanggap ng kaloob na Espiritu Santo, at pagtitiis hanggang wakas.”3
Ang Doktrina ni Cristo
Ito ang pinag-isang mensahe ng Ama at ng Anak. Nais Nilang sundin ng lahat ng anak ng Ama sa Langit ang doktrina ni Cristo. Ngayon, para hindi nakakalito, ang ibig sabihin ng mga katagang “ang doktrina ni Cristo” ay kapareho ng ebanghelyo ni Cristo.
Para mabigyang-diin ang pagkakaisa ng Ama at ng Anak sa Kanilang mensahe tungkol sa doktrina ni Cristo, tingnan natin ang tsart na ito.
Kabuuan | |||||
Pananampalataya |
1 |
2 |
4 |
1 |
8 |
Pagsisisi |
5 |
4 |
4 |
3 |
16 |
Binyag |
10 |
0 |
13 |
3 |
26 |
Espiritu Santo |
8 |
2 |
6 |
1 |
17 |
Magtiis |
3 |
0 |
0 |
3 |
6 |
Ama |
14 |
5 |
20 |
25 |
64 |
Alam natin na ang mga kabanatang binanggit dito (2 Nephi 31; 3 Nephi 9; 3 Nephi 11; at 3 Nephi 27) ay naglalaman ng doktrina ni Cristo. Madalas banggitin sa mga kabanatang ito ang pananampalataya, pagsisisi, binyag, ang Espiritu Santo, at pagtitiis hanggang wakas. Nakatala kung ilang beses binanggit ang bawat isa. Tulad ng nakikita ninyo, ang pananampalataya ay binanggit nang 8 beses; pagsisisi, 16 na beses; binyag, 26 na beses; ang Espiritu Santo, 17 beses; at pagtitiis hanggang wakas, 6 na beses.
Gayunman, maaaring ang nakakagulat ay na nakikita rin natin na maraming beses binanggit ang Ama sa mga kabanatang ito. Sa katunayan, partikular Siyang binanggit nang 64 na beses, higit pa sa pagkabanggit sa binyag.4 Mula rito, malalaman natin na ang doktrina ni Cristo ang doktrina kapwa ng Ama at ng Anak.
Usisain pa nating mabuti ang ilang reperensya sa Ama.
“At sinabi ng Ama: Magsisi kayo, magsisi kayo, at magpabinyag sa pangalan ng Sinisinta kong Anak.
“At gayon din, ang tinig ng Anak ay nangusap sa akin, nagsasabing: Siya na nabinyagan sa aking pangalan, sa kanya ay ibibigay ng Ama ang Espiritu Santo, katulad sa akin; samakatwid, sumunod sa akin, at gawin ang mga bagay na nakita ninyong ginawa ko. …
“At narinig ko [Nephi] ang isang tinig mula sa Ama, nagsasabing: Oo, ang mga salita ng aking Sinisinta ay tunay at tapat. Siya na makapagtitiis hanggang wakas, siya rin ay maliligtas” (2 Nephi 31:11–12, 15).
Ang Ama, ang Anak, at ang Espiritu Santo ay nagpapatotoo na ito lang ang paraan.
Inuulit ang mga salita mula sa Mateo, sinasabi sa atin ng Ama at ng Anak na dapat tayong lumapit kay Cristo at ilagay ang Kanyang pamatok sa atin dahil ang mga pasaning pasan natin ay mapapagaan at makasusumpong tayo ng kapahingahan. Lahat tayo may pasaning dinadala. Maaaring nabibigatan tayo sa kasalanan, kalungkutan, adiksyon, karamdaman, panunurot ng budhi, o kahihiyan. Sa mga paghihirap na ito, ang pagbaling kay Cristo ay naghahatid ng paggaling at pag-asa at pag-alo.
Ang doktrina ni Cristo—pananampalataya, pagsisisi, binyag, at kaloob na Espiritu Santo—ay hindi nilayon na maranasan nang minsanan. Itinuturo sa atin ng ating teolohiya na nagiging sakdal tayo sa paulit-ulit na “[pag-asa] nang lubos” sa doktrina at kabutihan ni Jesucristo (2 Nephi 31:19). Nangangahulugan ito na inuulit natin ang mga hakbang sa doktrina ni Cristo habang nabubuhay tayo. Bawat hakbang ay batay sa naunang hakbang, at ang pagkakasunud-sunod ay nilayon na maranasan nang paulit-ulit.
Kapag sumampalataya tayo, lalo itong lumalago. Habang patuloy nating hinahangad na magsisi, bumubuti tayo. Maaari tayong umunlad, sa pamamagitan ng sarili nating mga pagsisikap, mula sa paminsan-minsang pagkadama sa Espiritu Santo hanggang sa makasama natin Siya nang palagian. Bukod pa rito, habang nabubuhay tayo, maaari nating alamin ang mga katangian ni Jesucristo at maaari tayong magkaroon ng ganitong mga katangian.5 Habang lalo tayong nagiging katulad niya, nababago ang ating puso at nakapagtitiis tayo hanggang wakas (tingnan, halimbawa, sa 2 Nephi 31:2–21; 3 Nephi 11:23–31; 27:13–21; Moroni 4:3; 5:2; 6:6; D at T 20:77, 79; 59:8–9).
Madaling makita kung paano mauulit at masasaligan ang lahat ng hakbang sa doktrina ni Cristo habang tayo’y nabubuhay. Pero ano naman ang binyag? Tutal, lahat tayo ay minsan lang binibinyagan para sa ating sarili.
Ang Sakramento ng Hapunan ng Panginoon
Para masagot ang tanong na ito, dapat nating isipin ang isang teolohikal na obra maestrang isinulat ni Elder James E. Talmage (1862–1933) ng Korum ng Labindalawang Apostol na tinatawag na The Articles of Faith. Una itong inilathala noong 1899 at nasagot nito ang mga tanong tungkol sa Simbahan at ang mga batayang turo nito para sa susunod na henerasyon na nabasa at napag-aralan ito.
Sa mga nilalaman, nakikita natin na bawat kabanata, bukod pa sa panimula, ay nauugnay sa isa sa labintatlong saligan ng pananampalataya.6 Ang ilang saligan ng pananampalataya ay hindi lang sa isang kabanata tinalakay, ngunit bawat kabanata ay nauugnay sa isang saligan ng pananampalataya.
Ang nakakaaliw, ang kabanata 9, na pinamagatang “Ang Sakramento ng Hapunan ng Panginoon,” ay kasunod na kasunod ng kabanata tungkol sa Espiritu Santo.7 Iniugnay ito ni Elder Talmage sa ikaapat na saligan ng pananampalataya.
Sa simula ng kabanata 9, isinulat ni Elder Talmage, “Sa takbo ng ating pag-aaral tungkol sa mga alituntunin at ordenansa ng Ebanghelyo, ayon sa nakasaad sa ikaapat ng Articles of Faith, ang paksa ng Sakramento ng Hapunan ng Panginoon ay angkop at nararapat na bigyang-pansin, ang pagsunod sa ordenansang ito ay ipinagagawa sa lahat ng naging miyembro ng Simbahan ni Cristo sa pamamagitan ng pagsunod sa mga hinihingi ng pananampalataya, pagsisisi at binyag sa pamamagitan ng tubig at ng Espiritu Santo.”8
Nasasaisip ang mga salitang iyon, nakikita natin kung bakit iniugnay ni Elder Talmage ang sakramento sa ikaapat na saligan ng pananampalataya. Sakramento ang sumunod na ordenansang kailangan ng lahat matapos makumpirmang miyembro ng Simbahan.
Sakramento ang sumunod na ordernansang kailangan ng isang lalaki matapos tumanggap ng Melchizedek Priesthood.
Sakramento ang sumunod na ordenansang kailangan ng mga tao matapos ma-endow sa templo.
Sakramento ang sumunod na ordenansang kailangan ng isang mag-asawa matapos mabuklod.
Sakramento ang sumunod na ordenansang kailangan natin. Sakramento ang susi sa pagsampalataya kay Jesucristo, pagsisisi sa kasalanan, at pagdama sa impluwensya ng Espiritu Santo sa ating buhay. Ito ang mekanismo para mapanibago natin ang mga tipan at pagpapala ng binyag.
Ayon sa Handbook 2, “Ang mga miyembro ng Simbahan ay inuutusang magtipun-tipon nang madalas para tumanggap ng sakramento upang laging alalahanin ang Tagapagligtas at panibaguhin ang mga tipan at pagpapala ng binyag.”9 Maitatanong ninyo, “Anong mga pagpapala?” Sigurado, ang patuloy na pagkakaloob ng Banal na Espiritu ay isang pagpapala ng binyag. Pero napapanibago rin ba ang nakalilinis na epekto ng binyag, na isa sa pinakamagagandang pagpapala nito?
Isipin ang pahayag na ito ni Pangulong Dallin H. Oaks, Unang Tagapayo ng Unang Panguluhan, “Inutusan tayong magsisi ng ating mga kasalanan at lumapit sa Panginoon nang may bagbag na puso at nagsisising espiritu at makibahagi ng sakramento. … Nagpapatotoo tayo na pumapayag tayong taglayin natin ang pangalan ni Jesucristo at lagi Siyang aalalahanin at susundin ang Kanyang mga kautusan. Kapag tumutupad tayo sa tipang ito, pinaninibago ng Panginoon ang bisa ng paglilinis ng ating pagbibinyag. Nililinis tayo at tuwina’y mapapasaatin ang Kanyang espiritu.”10
Pero magbabala tayo, na “ang sakramento ay hindi itinatag bilang partikular na paraan ng pagtanggap ng kapatawaran sa mga kasalanan.”11 Sa madaling salita, hindi ka maaaring sadyang magkasala sa Sabado ng gabi at umasa na mahimala kang mapapatawad sa pamamagitan ng pagkain ng isang piraso ng tinapay at pag-inom ng kaunting tubig sa araw ng Linggo. Ang pagsisisi ay isang mas personal na proseso na nangangailangan ng taos na pagsisisi at pagtalikod sa kasalanan. Ang planadong pagsisisi ay kasuklam-suklam sa Tagapagligtas.
Nagiging karapat-dapat tayo sa naglilinis na kapangyarihan ni Jesucristo kapag nakikibahagi tayo ng sakramento nang karapat-dapat.12 Ito ang paraan para manatili tayong “walang bahid-dungis mula sa sanlibutan” (D at T 59:9). Ang sakramento ng Hapunan ng Panginoon ay tama lang na sumunod sa binyag sa inulit na pagsasabuhay ng doktrina ni Cristo sa pagsulong ng mga Banal sa mga Huling Araw tungo sa kasakdalan.
Dapat nating sundan ang landas na ito, na sakramento ang nagiging kasunod na ordenansa sa binyag at pagtanggap ng Espiritu Santo. Ang paghahanda para sa sakramento ay kinakailangang pag-isipan muna at pansinin. Hindi ninyo maaasahang maging espirituwal na karanasan ang sakramento kung humahangos kayo, nagte-text kayo sa cell phone ninyo, o dili kaya’y nagagambala.
Kaya magsimba nang maaga. Sa pagsisimula ng himno ng sakramento, tiyaking nakatuon ang inyong isipan sa Tagapagligtas, sa Kanyang Pagbabayad-sala, sa Kanyang pagmamahal, at sa Kanyang pagkahabag. Ipagdasal na mapanibago kayo habang tumatanggap kayo ng sakramento at ginugunita Siya.
Isang Aral mula sa Rwanda
Noong 1994 isang kalagim-lagim na pagpatay sa buong lahi ang naganap sa Rwanda. Humigit-kumulang 600,000 at 900,000 tao ang pinatay sa loob lamang ng 60 hanggang 90 araw.
Kalaunan, nagtayo ng branch ang Simbahan sa kabiserang lungsod ng Kigali. Maayos ang takbo ng branch—nang walang mga full-time missionary. Noong 2011 naglilingkod kami sa Africa Southeast Area nang malaman namin, nang may kalungkutan, na ang rehistro namin bilang simbahan sa bansang Rwanda ay walang bisa, ibig sabihin ay ilegal naming pinatatakbo ang simbahan. Nalaman din namin na ang aming meetinghouse, isang inayos na dalawang-palapag na tahanan, ay wala sa lugar na maaaring magdaos ng mga pulong ng Simbahan. Malungkot na ipinasiya ng Area Presidency, sa pagsangguni sa una naming kontak sa Korum ng Labindalawa, na isara ang branch. Hindi na nakapagtipon ang mga miyembro para sa mga pulong ng Simbahan.
Sinimulang taimtim na lutasin ng mga abugado sa Kigali, Salt Lake City, at Johannesburg, South Africa, ang mga problema. Samantala, tanong nang tanong ang mga Banal kung kailan sila maaaring magtipong muli. Ilang buwan ang lumipas na walang resolusyon o progreso.
Pagkaraan ng 10 buwan, lumipad kami papuntang Kigali para bisitahin ang mga Banal na iyon at sikaping palakasin ang kanilang loob. Bago namin ginawa iyon, hiniling naming ilagay ang problemang ito sa temple prayer roll ng lingguhang pulong ng Unang Panguluhan at Korum ng Labindalawa.
Martes bago kami nakatakdang magbiyahe mula Johannesburg hanggang Kigali, nagulat kami nang abisuhan kami na binigyan na ng pamahalaan ng pansamantalang rehistro ang Simbahan sa Kigali. Pagkatapos noong Huwebes ng linggo ring iyon, nagbigay ng exemption ang zoning commission sa zoning ordinance. Maaari nang magtipong muli ang mga Banal sa Kigali sa aming gusali nang hindi labag sa batas.
Himala ito! Agad ipinaalam ng mga miyembro na magtitipon ang branch sa araw ng Linggo. Dumating kami noong Biyernes at inanyayahan namin ang mga miyembro na magsimba. Pagsapit ng Linggo, lahat ng miyembro—lahat sila—at marami sa kanilang mga kaibigan ay nagsimba. Maaga silang nagdatingan, sabik na muling magkasama-sama. Nang basbasan at ipasa ang sakramento, nakaranas kaming lahat ng pambihirang pagpapanibago, pagpapasigla, at paglilinis ng Espiritu.
Naaalala namin, sa pulong, na nagtataka kami kung bakit hindi namin nadama ang diwang ito linggu-linggo habang tumatanggap kami ng sakramento. Inilibot namin ang aming tingin sa mga Banal at natanto namin na dumating silang gutom at uhaw sa sakramento. Ang kanilang pananampalataya, kasigasigan, at tiyaga ay nagpala sa aming lahat. Nangako kami na tuwing tatanggap kaming muli ng sakramento, aalalahanin namin ang karanasang ito sa mga Banal sa Kigali. Ipinasiya namin na kami man ay mananabik sa mga pagpapala ng pagtanggap ng sakramento.
Maaalala ninyo na matapos pasimulan ng Tagapagligtas ang sakramento sa mga Nephita, sinabi Niya sa kanila na ang sakramento ang susi sa pagiging matatag nila sa Kanyang bato. Sabi niya:
“At ibinibigay ko sa inyo ang kautusan na gawin ninyo ang mga bagay na ito [makibahagi ng sakramento]. At kung lagi ninyong gagawin ang mga bagay na ito ay pinagpala kayo, sapagkat kayo ay nakatayo sa aking bato.
“Ngunit sinuman sa inyo ang gagawa ng labis o kulang kaysa rito ay hindi nakatayo sa aking bato, kundi nakatayo sa saligang buhangin; at kapag bumuhos ang ulan, at ang mga baha ay dumating, at ang hangin ay umihip, at humampas sa kanila, sila ay babagsak” (3 Nephi 18:12–13).
Ang sakramento ay isang magandang kaloob na natatanggap natin tuwing Linggo na tumutulong sa ating pag-unlad dito sa lupa. Sa pamamagitan ng sakramento, nararanasan natin ang isang mahalagang bahagi ng doktrina ni Cristo, na nagpapalapit sa atin sa ating Tagapagligtas at nararanasan natin ang Kanyang pagmamahal at kapatawaran sa ating buhay. Nagpapasalamat kami sa mga sandaling ito linggu-linggo, na tumutulong sa amin na manatiling nakatuon ang pansin sa Tagapagligtas.
“Para Lamang sa Akin”
Ibinahagi ng isang kaibigan namin sa South Africa kung paano niya ito natanto. Noong bagong miyembro si Diane, dumalo siya sa isang branch sa labas ng Johannesburg. Isang araw ng Linggo, habang nakaupo siya sa kongregasyon, hindi siya nakita ng deacon nang ipasa nito ang sakramento dahil sa disenyo ng chapel. Nalungkot si Diane pero hindi siya kumibo. Napansin ito ng isa pang miyembro at binanggit ito sa branch president pagkatapos ng pulong. Nang magsimula ang Sunday School, dinala si Diane sa isang silid na walang tao.
Isang priesthood holder ang pumasok. Lumuhod ito, binasbasan ang kaunting tinapay, at inabutan siya ng isang piraso. Kinain niya ito. Muli itong lumuhod at binasbasan ang kaunting tubig, at inabutan siya ng isang maliit na baso. Ininom niya ito. May dalawang bagay na agad pumasok sa isip ni Diane: “Ah, ginawa niya [ng priesthood holder] ito para lamang sa akin,” at pagkatapos, “Ah, ginawa Niya [ng Tagapagligtas] ito para lamang sa akin.” Sa pamamagitan ng sakramento, nadama ni Diane ang pagmamahal ng Ama sa Langit para lamang sa kanya.
Ang pagkatanto na ang sakripisyo ng Tagapagligtas ay para lamang sa kanya ay nagpadama sa kanya na malapit siya sa Kanya at lalo pa niyang hinangad na panatilihin ang damdaming iyon sa kanyang puso—hindi lamang sa araw ng Linggo kundi araw-araw. Natanto niya na kahit nakaupo siya sa kongregasyon para tumanggap ng sakramento, ang mga tipan na muli niyang ginagawa tuwing Linggo ay kanya lamang. Nakatulong ang sakramento—at patuloy na nakakatulong—na madama ni Diane ang kapangyarihan ng pagmamahal ng Diyos, makita ang kamay ng Panginoon sa kanyang buhay, at lalong mapalapit sa Tagapagligtas.13
Ang ating paanyaya ay katulad kay Moroni:
“Oo, lumapit kay Cristo, at maging ganap sa kanya, at pagkaitan ang inyong sarili ng lahat ng kasamaan; at kung inyong pagkakaitan ang sarili ng lahat ng kasamaan, at iibigin ang Diyos nang buo ninyong kakayahan, pag-iisip at lakas, kung magkagayon ang kanyang biyaya ay sapat sa inyo, upang sa pamamagitan ng kanyang biyaya kayo ay maging ganap kay Cristo; at kung sa pamamagitan ng biyaya ng Diyos kayo ay ganap kay Cristo, wala kayong dahilang magtatwa sa kapangyarihan ng Diyos.
At muli, kung sa biyaya ng Diyos kayo ay ganap kay Cristo, at hindi itatatwa ang kanyang kapangyarihan, kung magkagayon kayo ay pinabanal kay Cristo sa pamamagitan ng biyaya ng Diyos, sa pamamagitan ng pagbubuhos ng dugo ni Cristo, na siyang nasa tipan ng Ama tungo sa ikapagpapatawad ng inyong mga kasalanan, upang kayo ay maging banal, na walang bahid-dungis” (Moroni 10:32–33).
Nangyayari ito kapag ipinamuhay natin ang doktrina ni Cristo, na itinuturing ang sakramento bilang kasunod na ordenansa sa binyag at pagtanggap ng Espiritu Santo. Sa ganitong paraan, maaari tayong “[umasa] nang lubos sa mga awa niya na makapangyarihang magligtas” (2 Nephi 31:19). Lubos kaming nagpapasalamat sa sakramento—kung paano kami nito tinuturuan at pinapaalalahanan bawat linggo kung ano ang ginawa ng Tagapagligtas para sa atin. Lubos kaming nagpapasalamat sa Kanya dahil alam namin na nagbayad-sala Siya para sa bawat isa sa atin.
Nang magsalita ang Tagapagligtas sa mga Nephita, sinabi Niya kung kailan dumarating ang ulan, hangin, at mga baha. Hindi Niya sinabing kapag. Sa katunayan, dumarating ang ulan, hangin, at mga baha sa lahat. Ngunit sinabi Niya sa atin na ang paraan para tayo tumatag sa Kanyang bato ay tumingin sa Kanya habang nakikibahagi tayo ng sakramento (tingnan sa 3 Nephi 15:9; 18:1).
Darating ang panahon sa buhay ng bawat isa sa inyo kapag nag-alinlangan kayong magsimba at makibahagi ng sakramento. Kung hindi pa ito nangyayari, mangyayari ito. Ngunit dapat ninyo itong malaman: kung susundin ninyo ang tagubilin ng Tagapagligtas at makikibahagi kayo ng sakramento nang may bagbag na puso at nagsisising espiritu, bubuhos ang mga pagpapala sa inyo na pananatilihin kayong matibay at matatag sa matibay na pundasyon na si Jesucristo. Ang desisyon ninyong gawin ito ay makakaapekto sa kawalang-hanggan. Itatatag mo ang iyong sarili kay Jesucristo, ang may-akda at tagatapos ng ating pananampalataya.