2018
Limang Bagay na Ituturo sa Iyo ng Doktrina at mga Tipan tungkol sa Pagiging Missionary
August 2018


5 Bagay na Ituturo sa Iyo ng Doktrina at mga Tipan tungkol sa Pagiging Missionary

young men reading the scriptures

Kung naghahanda ka para sa isang misyon o naghahanap lamang ng mga paraan para kausapin ang iyong mga kaibigan tungkol sa mga paniniwala mo, may gabay na makabuluhan na maaari mo itong tawaging isa pang manwal na pang-missionary.

Ito ang Doktrina at mga Tipan. Matatagpuan natin doon ang mga bagong hayag at magagandang doktrina tungkol sa mga walang hanggang pamilya, kung ano ang mangyayari kapag pumanaw tayo, at kung paano dapat organisahin ang Simbahan ni Jesucristo. Ngunit nakakatagpo rin tayo—nang paulit-ulit—ng mga kautusan na ibahagi ang ebanghelyo. Sa katunayan, sa dami ng mga pangako at pangaral na ibinibigay nito sa mga missionary, maituturing mo ang aklat na ito ng banal na kasulatan bilang gabay sa pagbabahagi ng ebanghelyo.

Halimbawa, narito ang limang kagila-gilalas na katotohanan na maaari mong matutuhan tungkol sa gawaing misyonero sa pamamagitan lamang ng pagbabasa ng Doktrina at mga Tipan.

1. Hindi mo kailangang mag-alala kung saan ka man mapunta.

D at T 80:3: “Dahil dito, magsihayo kayo at ipangaral ang aking ebanghelyo, maging sa hilaga o sa timog, sa silangan o sa kanluran, hindi ito mahalaga, sapagkat kayo ay hindi maaaring malihis.”

“Hindi ako naniniwalang ang pariralang ‘hindi ito mahalaga,’ gaya ng pagkakagamit ng Panginoon sa banal na kasulatang ito ay nagsasabing hindi Siya nag-aalala kung saan man maglilingkod ang Kanyang mga tagapaglingkod. Katunayan, lubos Siyang nag-aalala. … Siya ay nagbibigay ng inspirasyon, gumagabay, at pinapatnubayan ang Kanyang mga awtorisadong tagapaglingkod. Kapag nagsisikap ang mga missionary na maging mas marapat at may kakayahang kasangkapan sa Kanyang mga kamay at ginagawa ang lahat ng kanilang makakaya para matapat na matupad ang kanilang mga tungkulin, kung ganoon, sa tulong Niya ay ‘hindi [sila] maaaring malihis’—saanman sila naglilingkod.”1

—Elder David A. Bednar

2. Pahalagahan ang mga banal na kasulatan, at malalaman mo kung ano ang sasabihin.

D at T 84:85: “Papagyamanin sa inyong mga isipan tuwina ang mga salita ng buhay, at ibibigay ito sa inyo sa oras na iyon yaong bahagi na nararapat ipagkaloob sa bawat tao.”

“Habang inyong pinapahalagahan ang mga salita ng mga banal na kasulatan at mga propeta sa mga huling araw sa pamamagitan ng pag-aaral at pananampalataya, ang hangarin ninyong ibahagi ang ebanghelyo ay madaragdagan. Pinangakuan kayo na tutulungan kayo ng Espiritu na malaman ang inyong sasabihin kapag kayo ay nagtuturo.”2

Mangaral ng Aking Ebanghelyo

3. Nasa lahat ng dako ang mga taong naghahanap ng ebanghelyo.

D at T 123:12: “Sapagkat marami pa sa mundo sa lahat ng pangkat, grupo, at sekta, na binubulag ng pandaraya ng mga tao, kung saan sila ay naghihintay upang manlinlang, at na napagkakaitan lamang ng katotohanan sapagkat hindi nila alam kung saan ito matatagpuan.”

“Nasa buong paligid ninyo, bawat araw, ang mga kaibigan at kapwa-tao na ‘napagkakaitan lamang ng katotohanan sapagkat hindi nila alam kung saan ito matatagpuan.’ Habang ginagabayan kayo ng Espiritu, makapagbabahagi kayo ng mensahe, paanyaya, text o tweet na magiging daan para malaman ng mga kaibigan ninyo ang mga katotohanan ng ipinanumbalik na ebanghelyo.”3

—Elder David A. Bednar

4. Manalangin nang mabuti upang makapag-turo nang mabuti.

D at T 42:14: “At ang Espiritu ay ibibigay sa inyo sa pamamagitan ng panalangin nang may pananampalataya; at kung hindi ninyo natanggap ang Espiritu kayo ay hindi magtuturo.”

“Dapat lumuhod ang mga misyonero at magsumamo sa Panginoon na kalagan ang kanilang mga dila at magsalita sa pamamagitan nito para mapagpala ang mga taong tuturuan nila. Sa gayon, bagong liwanag ang darating sa kanilang buhay. Sisigla sila sa gawain. Malalaman nila na sila’y tunay na mga lingkod ng Panginoon na nagsasalita para sa Kanya. Makakakita sila ng kakaibang pagtugon sa mga tinuturuan nila.”4

—Pangulong Gordon B. Hinckley (1910–2008)

5. Magpapatotoo ang Espiritu Santo sa mga kinakausap mo.

D at T 100:7–8: “Subalit isang kautusan ang ibinibigay ko sa inyo, na kayo ay magpahayag ng anumang bagay na inyong ipahahayag sa pangalan ko, sa kataimtiman ng puso, sa diwa ng kaamuan, sa lahat ng bagay. At ibinibigay ko sa inyo ang pangakong ito, na yayamang ginagawa ninyo ito ang Espiritu Santo ay ibubuhos sa pagpapatotoo sa lahat ng bagay anuman ang inyong sasabihin.”

“[Malamang na] kumikilos ang Espiritu Santo sa pamamagitan ng Liwanag ni Cristo. Ang guro ng mga katotohanan ng ebanghelyo ay hindi nagtatanim ng isang bagay na kakaiba o bago sa isang matanda o bata. Sa halip, ang misyonero o guro ay nakikipag-ugnayan sa Espiritu ni Cristo na naroroon na. Ang ebanghelyo ay magiging pamilyar na sa kanila.”5

—Pangulong Boyd K. Packer (1924—2015)

Magtakda ng Mithiin

Simula pa lamang ito. Habang pinag-aaralan mo ang Doktrina at mga Tipan ngayong taong ito, magtakda ng mithiin na matutuhan ang lahat ng makakaya mo tungkol sa gawaing misyonero. Pagkatapos ay gawin mo ang lahat upang simulang isabuhay ang ilan sa mga turong iyon. Tandaan: “Kung ikaw ay may mga naising maglingkod sa Diyos ikaw ay tinatawag sa gawain; sapagkat masdan ang bukid ay puti na upang anihin” (D at T 4:3–4).

Mga Tala

  1. David A. Bednar, “Tinawag sa Gawain,” Liahona, Mayo 2017, 68.

  2. Mangaral ng Aking Ebanghelyo: Gabay sa Paglilingkod ng Misyonero (2004), 21.

  3. David A. Bednar, “Tinawag sa Gawain,” 70.

  4. Gordon B. Hinckley, “Missionary Service”, First Worldwide Leadership Training Meeting, Ene. 11, 2003, 20.

  5. Boyd K. Packer, “The Light of Christ: What Everyone Called to Preach the Gospel, Teach the Gospel, or Live the Gospel Should Know” (mensaheng ibinigay sa seminar para sa mga bagong mission president, Hunyo 22, 2004), 2, Church History Library, Salt Lake City.