2018
Ang mga Panalangin ng Isang Bagong Ina
August 2018


Ang mga Panalangin ng Isang Bagong Ina

Krystal Baker Chipman

Utah, USA

Larawan
mother holding laundry basket and baby

Paglalarawan ni Joshua Dennis

Bilang ina sa unang pagkakataon ng isang maliit at lumalaking batang lalaki, kung minsan nadarama kong ang buhay ko ay tila umiikot sa ilan pang mga bagay maliban sa pagpapalit ng mga diaper at iskedyul ng pagpapasuso.

Habang nag-aadjust sa pagiging ina, natuklasan kong binabalewala ko ang aking mga espirituwal na pangangailangan. Sa halip na basahin ang mga banal na kasulatan, karaniwan ay nagnanakaw ako ng kailangan kong pag-idlip o naglalaba. Ang mga panalangin ay mga madaliang pagsamo sa aking Ama sa Langit para makatulog ang anak ko at manatiling tulog, o para sa tulong na makaraos ako sa maghapon.

Noong mga apat na buwan na ang anak ko, natanto ko kung gaano na kahina ang aking espiritu. Nawawala na ang hangarin kong palakasin ang aking patotoo. Parang ayaw ko nang maupo nang tatlong oras sa simbahan, at tila wala akong lakas para sa iba pang mga responsibilidad sa tahanan at simbahan. Gusto kong madamang muli ang liwanag ng ebanghelyo, pero wala na akong lakas at hindi ko alam kung saan magsisimula. Isang gabi taimtim akong nagdasal para humingi ng tulong.

Kinabukasan, pinilit kong magpunta sa simbahan. Habang nakikinig sa lesson sa Relief Society, nakita ko ang isang poster na naglalarawan sa layunin ng Relief Society. Nakikita ko ang poster tuwing Linggo, pero noon ko lang natanto ang mensahe nito. Nakasaad doon na ang mga layunin ng Relief Society ay “pag-ibayuhin ang pananampalataya at sariling kabutihan, palakasin ang mga pamilya at tahanan, at hanapin at tulungan ang mga nangangailangan.”

Muli ko itong binasa. Sa oras na ito nakatuon ang isipan ko sa “ibayong pananampalataya at sariling kabutihan.” Naging malinaw na bago ko magampanan ang mga tungkulin ko sa Simbahan at mabisang mapaglingkuran ang iba, kailangan kong tulungan ang sarili kong espirituwal na kalusugan. Sinimulan ko sa paglalaan ng oras sa bawat araw para basahin ang mga banal na kasulatan. Sinikap ko ring maging mas maalalahanin kapag nagdarasal ako.

Nang simulan kong alagaan ang sarili kong pananampalataya at sariling kabutihan at hingin ang patnubay ng Ama sa Langit, nadama ko na muling nag-alab ang pagmamahal ko sa ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo. Ang paglilingkod sa mga calling o tungkulin, pagbisita sa aking mga kapatid sa Relief Society, at pakikibahagi ng sakramento bawat linggo ay naging makabuluhang muli sa aking buhay. At ang mga bagay na minsan kong itinuring na wala akong oras at lakas ay naging kapanatagan at lakas sa akin at sa aking pamilya.

Print