2018
Mga Estrangherong Kapamilya
August 2018


Mga Estrangherong Kapamilya

Jeff Messerly

Utah, USA

Larawan
family in hospital waiting room

Paglalarawan ni Allen Garns

Isang maghahatinggabi, tumawag ang anak kong si Garrett mula sa Eau Claire, Wisconsin, USA. Naglalakbay sila noon ng asawa niyang si Shelly at kanilang mga anak mula Alabama, kung saan nag-military training si Garrett, patungong Minot Air Force Base sa North Dakota. Ipinaliwanag niya na habang naglalakbay sila sa Wisconsin, nagkasakit nang malubha si Shelly. Nakakita sila ng ospital, at nakaiskedyul na operahan si Shelly sa apendisitis kinabukasan.

Bumili ako ng tiket para lumipad at puntahan sila, pero kinabukasan pa ako makakarating. Namroblema ang anak ko kung ano ang gagawin sa tatlong anak niya—na edad limang taon, isang taon, at tatlong linggo—habang inooperahan ang kanilang ina. Walang kilala sa lugar, nagpasiya siyang tawagan ang bishop sa Minot, kahit hindi pa sila magkakilala. Sinabi ng bishop sa Minot na tatawagan niya ang bishop sa Eau Claire.

Kinabukasan, kasama ang Relief Society president, nakipagkita ang bishop ng Eau Claire kay Garrett sa kanyang otel. Sinabi nila na ikalulugod nilang alagaan ang mga bata habang inooperahan si Shelly. Kalaunan ay sinabi ni Shelly na lubos siyang panatag na pabantayan sa dalawang estranghero—na kapamilya sa ebanghelyo—ang kanyang mga anak. Nang makarating ako sa Eau Claire, nagpapagaling na si Shelly at kasama na ulit nila ni Garrett ang mga apo ko. Nagpapasalamat kami sa tulong na natanggap namin sa oras ng pangangailangan.

Ilang linggo pagkaraan, nanood ako ng pangkalahatang kumperensya ng Oktubre 2016 kung kailan sinabi ni Pangulong M. Rusell Ballard, Gumaganap na Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Saan kayo pupunta para mahanap ang detalyado at inspiradong estruktura ng organisasyon ng Simbahan kung saan kayo tinuturuan at sinusuportahan ng kalalakihan at kababaihan na talagang tapat sa paglilingkod sa Panginoon sa pamamagitan ng paglilingkod sa inyo at sa inyong pamilya?” (“Kanino Kami Magsisiparoon?” Liahona, Nob. 2016, 91).

Hindi ko mapigilang isipin ang nangyari sa Eau Claire. Isang pagpapapala hindi lamang ang maging miyembro ng Simbahan kundi ang maging miyembro ng isang pamilya sa ebanghelyo, kung saan maaari naming paglingkuran at pagpalain ang isa’t isa saan man kami naroon.

Print