Hanggang sa Muli Nating Pagkikita
Patuloy na Magsikap
Mula sa “If Thou Endure It Well,” Ensign, Nob. 1984, 20-22.
Ang manalo sa karera para sa buhay na walang hanggan ay nangangailangan ng pagsisikap—palagiang pagtatrabaho, sigasig, at pagtitiis na mabuti sa tulong ng Diyos.
Kapag naiisip ko ang payo ng Tagapagligtas na masayang gawin ang lahat ng bagay sa abot ng ating makakaya [tingnan sa D at T 123:17], naiisip ko ang ama ng alibughang anak. Nagdalamhati ang ama dahil sa pagkawala at pag-uugali ng kanyang suwail na anak. Ngunit walang nabanggit na nanaghoy siya, “Saan ako nagkamali?” “Ano ang nagawa ko para danasin ito?” O, “Saan ako nagkulang?”
Sa halip ay tila natiis niya nang walang pagdaramdam ang pagkakasala ng kanyang anak at tinanggap siyang muli nang may pagmamahal. “Sapagka’t patay na ang anak kong ito, at muling nabuhay; siya’y nawala, at nasumpungan. …” (Lucas 15:24).
Kapag binibigo tayo ng mga miyembro ng pamilya, mas kailangan nating matutuhan ang pagtitiis. Hangga’t nagpapakita tayo ng pagmamahal, pagtitiis, at pag-unawa, kahit na malinaw na walang pag-usad, tayo ay hindi nabibigo. Kailangan nating patuloy na magsikap. …
Ang manalo sa karera para sa buhay na walang hanggan ay nangangailangan ng pagsisikap—palagiang pagtatrabaho, sigasig, at pagtitiis na mabuti sa tulong ng Diyos. …
… Pasakit at mga balakid sa buhay ay kakaharapin nating lahat. Maaaring makaranas tayo ng mga pighati, kalungkutan, kamatayan, kasalanan, kahinaan, kalamidad, karamdaman, sakit, dalamhati ng isipan, hindi makatarungang pambabatikos, hapis, o pagtanggi. Kung paano natin hinaharap ang mga hamong ito ang nagtatakda kung ang mga ito ay magiging sagabal o pundasyon. Para sa masisigasig, ang mga hamong ito ay posibleng magdala ng pag-unlad at pagbabago. …
Minsan noong mga bata pa tayo, sinasabihan tayo na maaayos din ang lahat. Ngunit hindi ganoon ang buhay. Kahit sino ka man, magkakaroon ka ng mga problema. Ang trahedya at kabiguan ay mga hindi inaasahang manghihimasok sa mga plano ng buhay. …
… Ang kadakilaan ay pinakamainam na nasusukat sa kung gaano kahusay ang isang tao sa pagtugon sa mga pangyayari sa buhay na tila hindi makatarungan, hindi makatwiran, at hindi karapat-dapat. …
… Si Jesus ang Cristo. Isa sa mga marka ng Kanyang kadakilaan, ang Kanyang pagtitiis, ay nagsisilbing walang-humpay na tanglaw para tularan natin. Sa panahon ng Kanyang buhay sa mundo matiyaga Siyang nagtiis ng pagdurusa at pagtanggi sa pinakamalalim na anyo nito. Pinatototohanan ko na tutulungan tayo ng Diyos na magtiis habang nagsisikap tayong ipamuhay ang Kanyang mga turo, hinahangad ang Kanyang patnubay, at sinusunod ang Kanyang mga kautusan.