2018
6 Na Dahilan Kung Bakit Talagang Kailangan Natin ang Simbahan!
August 2018


6 Na Dahilan Kung Bakit Talagang Kailangan Natin ang Simbahan!

Maraming bagay sa buhay ay opsyonal. Ngunit upang maging tao na dapat na maging ikaw, kailangan mong sundin ang planong ginawa ng Ama sa Langit para sa iyo.

youth at church

Narinig mo na bang may nagtanong kung bakit may simbahan tayo? O kaya naman ay kung bakit natin kailangan ito? Bakit hindi na lang ang sarili nila ang maging espirituwal—magtungo sa mga bundok o sa dalampasigan o ibang espesyal na lugar at mapalapit sa Diyos—at tawagin itong mabuti?

Talagang totoo na maaari kang mapalapit sa Diyos nasaan ka man (sa katunayan, isa talaga itong magandang ideya!), ngunit ang Ama sa Langit ay may nakalaan na mas higit pa para sa iyo kaysa sa pangkaraniwang espirituwalidad. Nais Niyang maging pinakamabuti ka sa abot ng makakayanan mo. Sa katunayan, nais Niyang manahin mo ang lahat ng mayroon Siya at magtamo ng buhay na walang hanggan. At mayroon Siyang plano at isang organisasyon upang magawa mo ito. Ang plano ng kaligtasan ang plano, at Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ang organisasyon—“ang tanging tunay at buhay na simbahan sa ibabaw ng buong mundo” (D at T 1:30).

Narito ang anim na dahilan kung bakit talagang kailangan natin ang Simbahan.

1. Upang Matuto at Makilahok sa Ebanghelyo ni Jesucristo

Isa sa mga biyaya ng pagiging miyembro ng Simbahan ay maaari nating matutuhan ang kabuuan ng ebanghelyo (tingnan sa D at T 1:17–23). Kung tayo ay may tapat na hangaring matuto, at kung tayo ay mapagpakumbaba, madasalin, masigasig, at masunurin, maaari tayong magkaroon ng patotoo at magkaroon ng pag-asa sa Pagkabuhay na Mag-uli at sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo.

Sa pamamagitan ng mga lider ng Simbahan at mga materyal ng Simbahan, nalalaman din natin ang iba pang mahahalagang doktrina, kabilang na ang Panunumbalik ng ebanghelyo, ang paghirang ng mga propeta ngayon, at ang tunay na katangian ng Panguluhang Diyos. Ang pamumuhay alinsunod sa tunay na doktrina ay nagdudulot sa atin ng kagalakan at kaligayahan.

2. Upang Makatanggap ng Mahahalagang Ordenansa at Tipan

Ang gawain ng Ama sa Langit ay “isakatuparan ang kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan ng tao” (Moises 1:39). Ngunit maaaring malimutan natin kung minsan na ang Kanyang gawain ay nangangailangan din ng ilang pagsisikap mula sa atin! Nagiging karapat-dapat tayo sa mga pagpapala ng buhay na walang hanggan sa pamamagitan ng pagsunod sa mga ordenansa at tipan ng ebanghelyo. Sinabi ni Pangulong Russell M. Nelson na: “Hindi maaaring pangarapin lang natin na makapasok sa kinaroroonan ng Diyos. Dapat nating sundin ang mga batas kung saan nakasalalay ang mga pagpapalang iyon [tingnan sa D at T 130:20–21].”1

Ang mga banal na ordenansa na ating nilalahukan at ang lahat ng tipan na ating ginagawa ay mahalaga upang makabalik tayo sa kinaroroonan ng ating Ama sa Langit at mabuhay kasama Niya. Kinakailangan ng mga ordenansa at tipang iyon ang priesthood—na matatagpuan lamang sa totoong Simbahan ng Diyos. Kung wala ang mga ordenansang iyon, maliligaw tayo ng landas.

3. Upang Magtulungan ang Bawat Isa sa Pagtahak Natin ng Landas

Itinuro ni Elder D. Todd Christofferson ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Ang isang pangunahing dahilan kung bakit may simbahan ang Panginoon ay upang lumikha ng isang komunidad ng mga Banal na susuportahan ang isa’t isa sa ‘makipot at makitid na landas na patungo sa buhay na walang hanggan’ [2 Nephi 31:18].”2

Sa simbahan, maaari nating linangin ang maarugang ugnayan sa ibang tao. Maaari nating tulungan ang bawat isa sa mahihirap na sandali habang tayo ay umaakay, gumagabay, at sumasabay sa paglakad ng bawat isa (tingnan sa “Ako ay Anak ng Diyos,” Mga Himno, blg. 189; Mga Taga Efeso 2:19). Sinabi ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Lahat tayo ay mga anak ng Diyos, at dapat nating turuan ang isa’t isa; dapat nating tulungan ang bawat isa na ‘mahanap ang tamang daan.’”3 Ang Simbahan ang pinakamainam na lugar para gawin iyon!

4. Upang Tulungan ang mga Pamilya na Maging Karapat-dapat para sa Buhay na Walang Hanggan

Isa pang malaking dahilan kung bakit may Simbahan tayo ay upang tulungan ang mga pamilya na maging karapat-dapat para sa buhay na walang hanggan. Ang nagbubuklod na ordenansa sa templo ang nagtutulot sa mga pamilya na magsama nang walang hanggan. Para mangyari iyan, kailangan nating mamuhay nang karapat-dapat upang matanggap ang mga pagpapalang iyon. Tinutulungan ng Simbahan ang mga pamilya na tulungan ang isa’t isa na gawin iyon.

Ayon sa turo ni Elder Christofferson, “Ang layunin ng pagtuturo ng ebanghelyo at mga ordenansa ng priesthood na pinangangasiwaan ng Simbahan ay ang gawing karapat-dapat sa buhay na walang hanggan ang mga pamilya.”4 Sa gayon, tumutulong ang Simbahan sa atin na maging marapat sa mga tipang ito—at tumutulong sa atin na suportahan ang isa‘t isa habang daan.

young women at church

5. Upang Mapagpala ang Lahat ng Tao sa Buong Daigdig

Sinabi ni Elder Christofferson na habang nagtutulungan tayo sa loob ng Simbahan, nagagawa ng Ama sa Langit na “magtamo ng kinakailangang bagay na hindi magagawa ng mga indibiduwal o [mas] maliliit na grupo.”5

Alam ba ninyo na taun-taon sa nakalipas na 30 taon, ang Simbahan ay nakapagbigay ng US$ 40 milyong halaga ng donasyon sa welfare at humanitarian aid at mga proyektong pangserbisyo-publiko? Ang magandang-loob na mga donasyon at boluntaryong serbisyo na ibinibigay ng mga miyembro ng Simbahan ay nagsasagawa ng mga bagay na hindi maaaring gawin sa ibang paraan.

Sa pamamagitan ng ating bukod-tanging programang pangmisyonero, naibabahagi ng mga missionary sa mga tao sa buong mundo ang liwanag ng ebanghelyo. Halos 105,000 missionary (kabilang na ang mga young adult at matatanda) ang naglilingkod. Wow! Mas maraming tao iyon kaysa sa populasyon ng ilang lunsod!

At dahil sa mapagkawanggawang donasyon ng mga miyembro, may mapagkukunang pondo ang Simbahan para makapagtayo ng mga templo sa iba’t ibang panig ng mundo. Noong Abril 2018, may 182 templo ang ginagamit na, kasalukuyang itinatayo o inihayag [na itatayo pa lang].

6. Upang Itatag ang Kaharian ng Diyos sa Lupa

Isa sa mga pinakamahalagang dahilan kung bakit ang Diyos ay nagtatag ng isang simbahan ay dahil ito ang kaharian ng Diyos dito sa lupa (tingnan sa D at T 65). Iginawad ng Panginoon kay Joseph Smith at sa lahat ng propeta at apostol na sumunod sa kanya ang mga susi ng priesthood. Itinuro ni Elder Christofferson, “Sa awtoridad ng mga susing ito, iniingatan ng mga priesthood leader ng Simbahan ang kadalisayan ng doktrina ng Tagapagligtas at ang integridad ng Kanyang nakapagliligtas na mga ordenansa.”6

Sa pamamagitan ng mga lider ng Simbahan, mapangangasiwaan ng Panginoon ang Kanyang gawain at makapaglilingkod sa Kanyang mga anak. Kapag wala ang ganitong pamumuno, lahat ng uri ng mga maling ideya at turo ay magbabanta na akayin tayo sa madilim at ipinagbabawal na mga landas. Sa madaling salita, upang matulungan tayong malaman kung paano makamit ang buhay na walang hanggan, kailangan natin ang proteksyong ibinibigay ng tunay na tinawag at inordeng mga propeta at apostol. Nangyayari lamang iyan sa Kanyang Simbahan.

Mga Tala

  1. Russell M. Nelson, “Ngayon ang Panahon Para Maghanda,” Abr. 2005 pangkalahatang kumperensya.

  2. D. Todd Christofferson, “Bakit Kailangan ang Simbahan,” Okt. 2015 pangkalahatang kumperesiya.

  3. Jeffrey R. Holland, “Pagtuturo at Pag-aaral sa Simbahan,” Ensign, Hunyo 2007, 90.

  4. D. Todd Christofferson, “Bakit Kailangan ang Simbahan.”

  5. D. Todd Christofferson, “Bakit Kailangan ang Simbahan.”

  6. D. Todd Christofferson, “Bakit Kailangan ang Simbahan.”