Ang Pangakong Hindi na Mag-aaway
Ang awtor ay naninirahan sa Utah, USA.
“Kinuha nila ang kanilang mga espada, at lahat ng sandatang ginagamit … , at ibinaon nila ang mga ito nang malalim sa lupa” (Alma 24:17).
Maganda ang araw na ito. Darating ang pinsan ni Timmy na si Madi. At mananatili siya rito sa loob ng isang linggo! Hindi na siya makapaghintay pa na ipakita sa kanya ang mga laruan niya at makipaglaro sa kanya.
Pagdating ni Madi, agad na nagsimula ang mga abentura. Sa loob ng unang dalawang araw, naglaro sila ng mga laruang dinosaur at nagkunwaring mga pirata. Napakasaya talaga. Ngunit noong ikatlong araw, hindi naging maganda ang lahat. Walang mapagkasunduan sina Timmy at Madi sa anumang bagay.
“Punta tayo sa labas at gawing spaceship ang treehouse!” Sabi ni Timmy.
“Ayoko nga. Dito na lang tayo sa loob at magdrowing,” sabi ni Madi.
“Nakakabagot sa loob!”
“Hindi ah! Lagi nating nilalaro ang mga gusto mong laro. Bakit ikaw ang laging namimili ng gagawin natin?”
Patuloy na nagtalo sina Timmy at Madi. Hindi na sila nasisiyahan. Hindi gusto ni Timmy ang nadarama niya tuwing nag-aaway sila. Pagkatapos ay naisip niya ang isang bagay.
“Hoy, Madi,” sabi ng Timmy, “magkunwari tayong mga Anti-Nephi-Lehies.”
“Sino?”
“Ang mga Anti-Nephi-Lehies. Sila yung mga tao sa Aklat ni Mormon na ibinaon sa lupa ang mga espada nila. Ang dami nilang naging labanan, at humingi sila ng tawad, kaya nagsisi sila. Ipinangako nila sa Ama sa Langit na hindi na sila muling makikipaglaban. Pagkatapos ay ibinaon nila ang kanilang mga sandata sa lupa para ipakita na gusto nilang tuparin ang kanilang pangako.”
Biglang may ideyang pumasok sa isip ni Timmy. “Gawa tayo ng mga laruang espada at ibaon natin sila sa lupa at mangako tayo na hindi na tayo mag-aaway.”
“OK,” sabi ni Madi.
Kumuha sina Timmy at Madi ng ilang plastik na ginagawang laruan mula sa silid ni Timmy at gumawa ng iba’t ibang uri ng espada mula sa mga ito. Ang iba ay mahahaba. Ang iba ay maiikli. At ang ilan ay may iba’t ibang kulay. Nang matapos sila, dinala nina Timmy at Madi ang kanilang mga sandata sa malaking alpombra sa may pasukan.
“Kunwari ang alpombra ay malaking butas,” sabi ni Timmy.
Umupo sila sa may gilid ng alpombra. Pagkatapos ay paisa-isa, inilagay nila ang bawat isa sa kanilang mga espada sa alpombra, kunwari ay ibinabaon ang mga ito.
“Ipinapangako ko na hindi na ako makikipag-away pa,” sabi ni Timmy, habang inilalagay ang kanyang huling laruang espada sa tumpok.
“Ako rin,” sabi ni Madi. “Tara laro na tayo! Ano ang gusto mong gawin?”
“Magdrowing tayo,” nakangiting sinabi ni Timmy.
Nginitian din siya ni Madi. “Tapos laro tayo ng spaceship sa labas.”
Sa mga natitirang araw ng linggo, tinupad nina Timmy at Madi ang kanilang pangako. At mas masaya silang naglaro pagkatapos kalimutan ang kanilang pag-aaway. ◼