2018
Isang Tinig ng Kapayapaan
August 2018


Pananampalataya, Pag-asa, at Biyaya—Bahagi 1

Isang Tinig ng Kapayapaan

Ang awtor ay naninirahan sa New Jersey, USA.

“Kahit anong mangyari, hindi pababayaan ng Diyos ang ating pamilya,” sabi ni Mom.

Si Grace Vlam ay isang siyam na taong gulang na batang naninirahan sa Holland noong 1940 sa gitna ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Kasisimula pa lamang atakihin ng Nazi Germany ang Holland.

Larawan
A Voice of Peace

BOOM! BOOM!

Alas-tres ng umaga noon, at binobomba ang lunsod. Isang minuto natutulog si Grace sa kanyang kama, at sa sumunod, sinasabi ng kanyang Dad na magtago. Ngayon si Grace ay nakasiksik sa ilalim ng mesa sa kusina kasama ang kanyang daddy, mommy, at mga nakababatang kapatid na lalaki, sina Heber at Alvin. Naririnig niya ang dagundong ng mga pagsabog at mga salaming nababasag sa labas. Napakalakas niyon!

“Ano ang mangyayari sa atin?” Tanong ni Grace kay Dad.

Hinimas ni Dad ang kanyang buhok. “Hindi ko alam,” sabi niya. “Pero magdasal tayo.”

Nagyakapan nang mahigpit ang bawat isa sa pamilya Vlam.

“Mahal na Ama sa Langit,” dasal ni Dad, “panatilihin po ninyong ligtas ang aming pamilya.”

Hindi nagtagal, humupa ang ingay. Wala nang mga pagsabog. Ligtas sila!

Hinawakan ni Mom ang kamay ni Grace at nginitian siya. “Natatandaan mo ba noong nabuklod tayo sa templo?”

Tumango si Grace. Noong lumipat sila sa Holland mula sa Indonesia, nagawa nilang sumaglit sa Utah at nabuklod sa Salt Lake Temple.

“Kahit anong mangyari, hindi pababayaan ng Diyos ang ating pamilya,” sabi ni Mom.

Kinabukasan, narinig ni Grace ang mga sirena ng air raid noong siya ay nasa labas sa plasa ng lunsod. Tumingala siya at nakita ang mga eroplano sa itaas niya, na may maliliit na bagay na kulay itim na bumabagsak mula sa mga ito. Nakatayo siya roon, nakatitig, nakanganga ang kanyang bibig.

May lalaking sumigaw sa kanya. “Takbo! Bomba ang mga iyon!”

Tumakbo pauwi si Grace, mabilis ang pintig ng kanyang puso nang ligtas siyang nakapasok sa kanilang pintuan sa harapan.

Makalipas ang ilang araw, ang mga Nazi—na siyang mga pinuno ng pamahalaan ng Germany—ay opisyal na sinakop ang Holland. Minsan ay dinudukot nila ang mga tao na naging opisyal ng militar bilang mga bihag. Dahil si Dad ay naging opisyal ng militar ng Dutch, minanmanan siyang mabuti ng mga opisyal na Nazi.

“Pero hindi ganoon ang mangyayari kay Dad,” naisip ni Grace. “Kami ay mga miyembro ng Simbahan, at si Dad ay isang lider sa mission presidency. Poprotektahan siya ng Diyos.”

Matapos ng mga pagbobomba, kinailangang lisanin ng pamilya Vlam ang kanilang lunsod. Isang araw sa kanyang bagong paaralan, narinig ni Grace ang ibang mga mag-aaral na nagbubulung-bulungan.

“May mga taong kinuhang bihag ngayon!”

“Makababalik pa kaya sila?”

Natakot si Grace. OK lang kaya si Dad? Mabilis siyang tumakbo pauwi. Nang nagmamadali siyang pumasok sa pintuan, nakita niya si Mom sa pasilyo.

“Totoo ba?” Tanong ni Grace. “Wala na si Dad?”

Hindi umimik si Mom, subalit alam ni Grace mula sa malulungkot na mata ni Mom na dinakip si Dad. Isa siyang bilanggo ng digmaan. Napasandal sa pader si Grace. Hindi man lang siya maiyak dahil sa labis na takot.

“Ano nang gagawin namin ngayon?” naisip niya.

Nang sandaling iyon, may narinig na boses si Grace na nagsasabing. “Makikita mong muli ang iyong ama.” Ang tinig ay banayad at malinaw. Alam ni Grace na ito ay tinig ng Espiritu Santo. Bahagyang pinaginhawa nito ang kanyang pakiramdam.

Hindi niya alam kung ano ang eksaktong mangyayari, pero alam niyang aalagaan siya at ang kanyang pamilya ng Ama sa Langit.

Itutuloy …

Print