Mga Alituntunin ng Paglilingkod
Pagbubuo ng mga Makabuluhang Relasyon
Nag-iibayo ang ating kakayahang pangalagaan ang iba kapag tayo ay may makabuluhang relasyon sa kanila.
Ang paanyayang maglingkod sa iba ay isang pagkakataong bumuo ng magigiliw na relasyon sa kanila—ang klase ng relasyon na mapapanatag silang humingi o tumanggap ng ating tulong. Kapag nagsikap na tayong magkaroon ng gayong uri ng relasyon, nababago ng Diyos ang buhay ng magkabilang panig.
“Talagang naniniwala ako na walang makabuluhang pagbabago kung walang makabuluhang mga relasyon,” sabi ni Sharon Eubank, Unang Tagapayo sa Relief Society General Presidency. At para mabago ng ating mga paglilingkod ang buhay ng iba, wika niya, kailangan ay “nakabatay sila sa tapat na hangaring gumaling at makinig at makiisa at gumalang.”1
Ang mga makabuluhang relasyon ay hindi mga taktika. Nabubuo ito sa pagdamay, tapat na mga pagsisikap, at “hindi pakunwaring pag-ibig” (D at T 121:41).2
Mga Paraan ng Pagbubuo at Pagpapatatag ng mga Relasyon
“[Nagbubuo tayo ng mga relasyon sa mga tao nang paisa-isa],” sabi ni Elder Dieter F. Uchtdorf ng Korum ng Labindalawang Apostol.3 Sa pagsisikap nating bumuo ng mga makabuluhang relasyon sa mga pinaglilingkuran natin, magagabayan tayo ng Espiritu Santo. Ang sumusunod na mga mungkahi ay batay sa isang huwarang iminungkahi ni Elder Uchtdorf.4
-
Kilalanin sila.
Itinuro ni Pangulong Ezra Taft Benson (1899–1994), “Hindi ninyo lubos na mapaglilingkuran ang mga taong hindi ninyo lubos na kilala.” Iminungkahi niya na alamin ang pangalan ng bawat miyembro ng pamilya at ang mahahalagang kaganapan tulad ng mga kaarawan, basbas, binyag, at kasal. Ito ang pagkakataong sumulat o tumawag para batiin ang isang miyembro ng pamilya sa isang espesyal na tagumpay o nagawa.5
-
Gumugol ng panahon na magkasama kayo.
Kailangan ng panahon para mabuo ang isang relasyon. Humanap ng mga pagkakataong kontakin ang isa’t isa. Nakita sa isang pag-aaral na mahalaga sa masasayang relasyon na ipaalam sa mga tao na mahal mo sila.6 Kausapin nang madalas ang mga taong pinaglilingkuran mo. Kausapin sila sa Simbahan. Gumamit ng iba pang mga paraang makatuturan—tulad ng e-mail, Facebook, Instagram, Twitter, Skype, tumawag sa telepono, o magpadala ng card. Binanggit ni Elder Richard G. Scott (1928–2015) ng Korum ng Labindalawang Apostol ang kapangyarihan ng mga simple at malikhaing pagpapahayag ng pagmamahal at suporta: “Madalas kong buksan ang mga banal na kasulatan ko, … at nakakakita ako ng magiliw at nakasisiglang maikling sulat [ng aking asawang si] Jeanene na nakasingit sa mga pahina. … Ang mahahalagang sulat na iyon … ay walang kapantay na aliw at inspirasyon noon at ngayon.”7
Tandaan din na dalawa ang bumubuo sa isang relasyon. Maaari kang magbigay ng pagmamahal at pakikipagkaibigan, ngunit hindi lalago ang relasyon kung hindi tatanggapin at susuklian ang ibinibigay. Kung malamig ang pakikitungo ng kabilang panig, huwag mong ipilit ang relasyon. Bigyan mo siya ng panahong makita ang iyong tapat na mga pagsisikap, at kung kailangan, humingi ng payo sa mga lider mo kung mukhang posible pa rin kayong magkaroon ng makabuluhang relasyon.
-
Makipag-usap nang may pagmamahal.
Para maging makabuluhan ang mga relasyon, kailangan nating laliman ang komunikasyon. Ang mababaw na komunikasyon ay puro kaswal na pag-uusap tungkol sa mga iskedyul, klima, at iba pang di-mahalagang isyu, ngunit walang halong mga damdamin, paniniwala, mithiin, at pag-aalalang kailangan para maging mas makabuluhan ang pag-uusap. Ang Ama sa Langit ang halimbawa nitong mas makabuluhang klase ng komunikasyon sa pagbabahagi ng Kanyang damdamin at mga plano sa Kanyang Anak (tingnan sa Juan 5:20) at sa atin sa pamamagitan ng Kanyang mga propeta (tingnan sa Amos 3:7). Sa pagkukuwento ng pang-araw-araw na mga kaganapan at hamon sa buhay sa isa’t isa ayon sa patnubay ng Espiritu, nagkakaroon tayo ng pagpapahalaga sa isa’t isa kapag nagkapareho ang ating mga interes at nagbahagi tayo ng mga karanasan.
Ang pakikinig ay mahalagang bahagi ng pagpapaalam na nagmamalasakit kayo.8 Kapag nakinig kayong mabuti, nadaragdagan ang pagkakataon ninyong tulungan ang iba na lumapit kay Cristo kapag naunawaan at nalaman ninyo ang kanilang mga pangangailangan at nadama nila na sila ay minamahal, nauunawaan, at panatag sa piling ninyo.
-
Pahalagahan ang mga pagkakaiba at maging ang mga pagkakapareho.
“Ang ganitong pag-iisip ay nagtutulak sa ilan na maniwalang gusto ng Simbahan na maging pare-pareho ang personalidad ng mga miyembro—na dapat ay magkakapareho ang hitsura, nadarama, at kilos ng isa’t isa,” sabi ni Elder Uchtdorf. “Sasalungatin nito ang katalinuhan ng Diyos, na nilikha ang bawat tao na iba sa kanyang kapatid. …
“Lumalakas ang Simbahan kapag sinamantala natin ang pagkakaibang ito at hinikayat natin ang isa’t isa na paunlarin at gamitin ang ating mga talento at palakasin ang ating kapwa mga disipulo.”9
Para mahalin ang iba sa paraang minamahal tayo ng Diyos, kailangan nating sikaping tingnan ang iba sa paraan ng pagtingin sa kanila ng Diyos. Itinuro ni Pangulong Thomas S. Monson (1927–2018), “Kailangang magtamo tayo ng kakayahang makita ang tao hindi dahil sa kung ano sila ngayon kundi kung ano ang maaari nilang kahinatnan.”10 Maaari tayong humingi ng tulong sa panalangin na tingnan ang iba sa paraan ng pagtingin sa kanila ng Diyos. Kapag pinakitunguhan natin ang iba batay sa kanilang potensyal na lumago, malamang na magtagumpay sila.11
-
Paglingkuran sila.
Maging sensitibo sa mga pangangailangan ng mga pinaglilingkuran ninyo at maging handang magbigay ng inyong panahon at mga talento, sa oras man ng pangangailangan o dahil lamang sa nagmamalasakit kayo. Maaari kayong magbigay ng kapanatagan, suporta, at tulong na kailangan kapag may emergency, karamdaman, o mahalagang sitwasyon. Ngunit sa napakaraming relasyon, tumutugon tayo ayon sa sitwasyon. Binigyan tayo ng Diyos ng kalayaan para kumilos tayo sa halip na pakilusin (tingnan sa 2 Nephi 2:14). Tulad ng itinuro ni Apostol Juan na mahal natin ang Diyos dahil Siya ang unang nagmahal sa atin (tingnan sa I Ni Juan 4:19), kapag nadama ng iba ang ating tunay na pagmamahal sa pamamagitan ng ating mga paglilingkod, palalambutin nito ang mga puso at pag-iibayuhin ang pagmamahal at tiwala.12 Dumarami ang mabubuting gawa na makapagbubuo ng mga relasyon.
Paglilingkod na Tulad ng Ginawa ng Tagapagligtas
Si Jesucristo ay nagbuo ng mga makabuluhang relasyon sa Kanyang mga disipulo (tingnan sa Juan 11:5). Kilala Niya sila (tingnan sa Juan 1:47–48). Gumugol Siya ng oras sa piling nila (tingnan sa Lucas 24:13–31). Ang Kanyang komunikasyon ay hindi mababaw (tingnan Juan 15:15). Pinahalagahan Niya ang kanilang mga pagkakaiba (tingnan sa Mateo 9:10) at nakita ang kanilang potensyal (tingnan Juan 17:23). Naglingkod Siya sa lahat, bagama’t Siya ang Panginoon ng lahat, na sinasabi na Siya ay pumarito hindi para paglingkuran kundi para maglingkod (tingnan sa Marcos 10:42–45).
Ano ang gagawin mo para bumuo ng mas matitibay na relasyon sa mga taong pinaglilingkuran mo?