2018
Anim na Paraan para Laging Maalala ang Tagapagligtas
August 2018


Ang Huling Salita

Anim na Paraan para Laging Maalala ang Tagapagligtas

Mula sa isang mensahe sa pangkalahatang kumperensya noong Abril 2016.

Six Ways to Always Remember the Savior

Bawat linggo, sa pagtanggap ng sakramento, nakikipagtipan tayo na laging alalahanin ang Tagapagligtas. Mula sa halos 400 reperensya sa banal na kasulatan sa salitang alalahanin, narito ang anim na paraan na lagi natin Siyang maaalala.

Una, lagi natin Siyang maaalala kapag nagtiwala tayo sa Kanyang mga tipan, pangako, at pagtiyak.

Pangalawa, lagi natin Siyang maaalala kapag pinasasalamatan at kinikilala natin ang Kanyang impluwensya sa ating buhay.

Pangatlo, lagi natin Siyang maaalala kapag nagtitiwala tayo sa pagtiyak ng Panginoon na “Siya na nagsisi ng kanyang mga kasalanan, ay siya ring patatawarin, at ako, ang Panginoon, ay hindi na naaalaala ang mga ito” (D at T 58:42).

Pang-apat, inaanyayahan Niya tayong alalahanin na lagi Niya tayong malugod na tatanggapin.

Panglima, lagi natin Siyang maaalala sa araw ng Sabbath sa pamamagitan ng sakramento. Sa pagtatapos ng Kanyang ministeryo sa lupa at pagsisimula ng Kanyang ministeryo nang Siya’y mabuhay na Mag-uli—sa dalawang pagkakataong ito—kumuha ng tinapay at alak ang ating Tagapagligtas at hiniling Niyang alalahanin natin ang Kanyang katawan at dugo.

Sa ordenansa ng sakramento, pinatototohanan natin sa Diyos Ama na handa tayong taglayin sa ating sarili ang pangalan ng Kanyang Anak at lagi Siyang alalahanin at sundin ang Kanyang mga kautusan, na ibinigay Niya sa atin, nang sa tuwina ay mapasaatin ang Kanyang Espiritu upang makasama natin (tingnan sa Moroni 4:3; 5:2; D at T 20:77, 79).

Ang huli at pang-anim, inaanyayahan tayo ng Tagapagligtas na lagi Siyang alalahanin tulad ng pag-alaala Niya sa atin.

Ipinahayag ng ating Tagapagligtas:

“Oo, [sila’y] makalilimot, nguni’t hindi kita kalilimutan.

“Narito aking inanyuan ka sa mga palad ng aking mga kamay” (Isaias 49:15–16; tingnan din sa 1 Nephi 21:15–16).

Pinatotohanan Niya: “Ako ang siyang itinaas. Ako si Jesus na ipinako sa krus. Ako ang Anak ng Diyos” (D at T 45:52).

Mapagpakumbaba kong pinatototohanan at idinadalangin na lagi natin Siyang aalalahanin—sa lahat ng oras, sa lahat ng bagay, at sa lahat ng lugar kung saan man tayo naroroon (tingnan sa Mosias 18:9).