Paano Natutuhan ni Eric Na Magtiwala sa Diyos
Alam ng young adult na ito mula sa Ghana na kapag tila wala nang pag-asa ang buhay, lagi kang makaaasa sa Ama sa Langit.
Noong 3 taong gulang pa lamang ang 21-taong-gulang na si Eric Ayala ng Techiman, Ghana, siya at ang kanyang ina ay nasa gilid ng kalsada ng palengke nang isang kotse ang nawalan ng kontrol at bumangga sa kanila.
“Una nitong tinamaan ang aking ina at nabali ang kanyang binti,” sabi ni Eric. “Pagkatapos ay kinaladkad ako nito sa malayo bago gumulong ang katawan ko patungo sa estero. Idineklara akong patay na at dinala sa punerarya. Inihahanda na ng embalsamador ang katawan ko nang nalaman niya na ako ay buhay pa. Isinugod ako sa ospital.”
Ngayon ay isa nang paraplegic, naharap si Eric sa maraming pagsubok habang lumalaki siya nang hindi naikikilos ang mga binti. Kalaunan ay nakakuha siya ng mga braces para sa mga binti niya kung kaya’t nagawa niyang tumayo, subalit nakalakhan niya ang mga ito at hindi nakayanang bumili ng mga kapalit. Binigyan siya ng maliit na wheelchair, ngunit nakalakhan niya rin ito. Lumiit ang kanyang mga binti, minsan ay nanginginig dahil sa mga pasma, at nawala ang porma ng kanyang mga paa.
Sa Ghana, ang mga may kapansanan ay kadalasang itinuturing na pabigat. May kaunting pera lamang ang pamilya ni Eric, hindi sapat upang tustusan ang pagpapagamot. Noong mga 10 taong gulang si Eric, nagkaroon siya ng mga sugat na dulot ng kakulangan ng paggalaw at sa pag-upo sa kahoy at semento. Nagnana ang mga sugat, palaging tumatagas, at sobrang baho nito.
Dahil dito, sa labas nakatira si Eric, sa isang bangko sa bukas na kubol. Ang kanyang ina, si Lucy, at ang mga kapatid niyang babae ay dinadalhan siya ng pagkain, nilalabhan ang mga damit niya, at tinulungan siyang maligo. Madalas mabasa ng ulan si Eric at giniginaw sa gabi. Natuto siyang mahalin ng sikat ng araw sa umaga dahil nagdadala ito ng init. Sa labis na kahirapan para pumasok pa sa eskuwela at hindi makapagtrabaho, ginugol niya ang mga taon sa kubol na iyon, paminsan-minsang namamasyal sa paligid gamit ang kanyang wheelchair.
Ang Simula ng Paniniwala
Sa halip na mapuno ng galit, “Nagsimula akong mahalin at maniwala sa Diyos,” sabi ni Eric. “Walang nagturo sa akin tungkol sa Kanya, subalit nakikita ko ang Kanyang mga nilikha, at nakita ko ang mabuti at masama sa mga tao. Kung minsan ay mahirap maniwala sa Kanya kapag mahirap ang buhay. Ngunit pagkatapos ay nakakakita ako ng mabuting bagay na dumarating sa buhay ko, at sasabihin ko, ‘Kita mo na, ang Diyos ay naririto, at kahanga-hanga ito.’”
Hindi pormal na naturuang manalangin si Eric, ngunit nagsimula siyang tumawag sa Diyos. Tumanggap siya ng mga sagot—noong siya ay may sakit, isang di-inaasahang pagkakataon na magpatingin sa isang doktor; nang humiling siya na maginhawaan mula sa kanyang mga sugat, napawi ito; noong nakalakhan niya ang kanyang maliit na wheelchair, isang mabait na dayuhan ang nagbigay sa kanya ng mas malaki. “Maraming ginawang mabuti ang Diyos sa buhay ko,” sabi niya.
Gayunpaman, kung minsan si Eric ay pinanghihinaan ng loob. Natatagpuan niya ang sarili na umiiyak kapag nahihirapan sa sakit at kapag nagugutom. “Napagpasyahan ko na kung magiging masaya ako, nasa akin na iyon,” paggunita niya. “Pinilit ko ang aking sarili na ngumiti. Kung hindi ko gagawin iyon, natakot ako na maging isang taong masama.” Isang halimbawa, nang makita niya ang mga kaibigan na gumagamit ng alak at droga, at, “sinabi ng puso ko na mali iyon.”
Pagkatapos, sa tila isang himala, sa edad na 14, si Eric ay tinanggap sa paaralan. Ang kanyang ina, sa pamamagitan ng pagluluto para sa iba, ay nakapag-ipon ng sapat na pera para ibili siya ng uniporme at magbayad para sa mga aklat at matrikula. Sa paaralan, “Hindi ako makalabas at makapag-ehersisyo kasama ng iba,” paliwanag niya, “kaya nanatili ako sa loob at nag-aral buong oras.” Napamangha niya ang kanyang punong-guro sa pagtanggap ng pinakamataas na marka sa matematika, pagbabasa, at pagsusulat.
Isang madre mula sa ospital ang nagbigay ng bagong tráysikel na maaaring i-pedal ni Eric gamit ang kanyang mga kamay, na nagpadali sa kanyang pagpasok sa paaralan. Ngunit habang si Eric ay paroo’t parito, muling nabuksan ang mga sugat niya. Nagbalik ang impeksyon, pati na ang malansang amoy habang tumatagas ang mga sugat. Nagreklamo ang mga estudyante tungkol sa mga langaw na palaging lumilipad sa paligid ni Eric. 17 taong gulang siya nang sinabihan siya ng punong-guro na umuwi at magpagaling, o hindi na siya makababalik sa paaralan.
May maliit na sakahan sa nayon ang ama ni Eric. Dinala niya ang kanyang pamilya para magtrabaho sa sakahan, subalit nanatili sa kanyang kubol si Eric, nag-iisa. Samantala, ang kanyang mga sugat ay lumaki at pumasok ang impeksyon sa kanyang mga buto, isang mapanganib na kondisyon na tinatawag na osteomyelitis.
Pakikipag-usap sa isang Obruni
Noong siya ay 18 taong gulang, nakita ni Eric ang kaibigan niyang si Emmanuel Ofosu-hene na nakikipag-usap ng Ingles sa isang obruni (maputing lalake). Ang obruni ay isang Mormon missionary, si Elder Old. “Ang alam kong salita lamang ay Twi, ngunit nagsalin si Emmanuel para sa akin: ‘Malubha ang sakit ko at sa palagay ko’y mamamatay ako. Matutulungan mo ba ako na malaman kung ano ang gagawin ko upang makaakyat sa langit?”
“Si Elder Old at ang kanyang kasamang African ay naupo sa tabi ko at tinuruan ako. Sa kung anong dahilan, nagsimula sila sa Word of Wisdom. Alam ko na sinasabi nila ang katotohanan dahil alam ko noon pa na ang kape at tabako ay nakasasama.” Binigyan din nila si Eric ng polyeto tungkol sa pinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo at inimbitahan siya sa simbahan.
“Nang nagpunta ako, nakita ko na iba ang Simbahang ito,” sabi niya. “Kapita-pitagan ito.” Kahit na inaabot siya ng isang oras sa pagtulak sa sarili gamit ang kanyang wheelchair papuntang simbahan, nagustuhan ni Eric ang mga pulong. “Nais kong pumunta sa harapan at makasama ang mga tao,” sabi niya. “Pero nanatili akong nasa likod dahil alam kong masama ang amoy ko.”
Sinabi ni Eric sa mga missionary, “Ang natututuhan ko ay totoo.” Sinabi rin niya sa kanila na gusto niyang magpabinyag, ngunit binalaan siya ng mga doktor na huwag hayaang mabasa ang kanyang mga sugat. “Ipagpapasa-Diyos ko ang mga sagot,” sabi niya. Nakapagsimba siya sa loob ng isang taon at naging malubha ang kanyang sakit at walang lakas upang dalhin niya roon ang sarili.
Nakilala ng ina ni Eric, si Lucy, ang mga missionary, pinag-aralan ang ebanghelyo, at nabinyagan noong 2015. Ngunit dahil sa hindi naiayos ang kanyang nabaling binti, masakit para sa kanya ang maglakad. Naging hamon din para sa kanya ang pagdalo sa mga pulong.
Sa huli, muling dinala si Eric sa ospital. Sa Ghana, ang mga pasyente ay dapat magdala ng kanilang sariling tubig, pagkain, gamit-pantulog, gamot at benda. Kung wala silang pera, hindi sila gagamutin. Ginawa ng ina at mga kapatid ni Eric ang kanilang makakaya. Madalang na nakakatanggap ng pagkain at atensyong medikal si Eric, kung kaya’t nanghina siya.
Isang Di-Inaasahang Pagbisita
Pagkatapos ay tumanggap si Eric ng ilang di-inaasahang bisita. Ang mga missionary, sina Sister Peprah at Sister Nafuna, ay nakita ang kanyang larawan sa simbahan at pumunta upang dalawin siya sa ospital at magdala sa kanya ng pagkain. Isang taon na mula nang siya ay huling pumunta sa simbahan, ngunit sinabi niya sa kanila na gusto pa rin niyang magpabinyag.
Ilang araw pagkaraan nito, dumalaw ang kapatid na babae ni Eric sa kanya at nakita siya na malubha ang kalagayan. Tumakbo siyang pauwi at sinabihan ang kanilang ina. Bagama’t ang kanilang ina ay nagdurusa sa permanenteng pinsala sa kanyang binti dahil sa aksidenteng kinasangkutan nila ni Eric, naglakad siya patungo sa ospital, ngumingiwi sa bawat hakbang. “Kailangan mong umuwi,’ sinabi niya kay Eric. “Kung ikaw ay mamamatay, gusto ko ay nasa malapit ka lamang.”
Kinaumagahan, nagtungo sa bahay ang mga sister missionary. “Wala ka sa ospital,” sabi ni Sister Peprah. “Kung kaya’t nagtungo kami rito.” Kasama nila sina Elder at Sister Wood, mga senior missionary mula sa New Zealand. Tiningnan nila ang mga kakailanganin at nangakong babalik.
Ilang araw kalaunan, dinala ng ama ni Eric ang pamilya pabalik sa bukirin—maliban kay Eric, na natagpuan ang kanyang sarili na mag-isang muli at walang pagkain o tubig. Nang bumalik sina Elder at Sister Wood at natuklasan si Eric na nag-iisa at nagugutom, dinalhan nila ito ng pagkain at tubig. Bumalik sila kinabukasan at napansin ang dumadaloy na likido sa kanyang binti at nakita ang isang malaking bukas na sugat na nagnanaknak sa kanyang hita. Agad nilang ibinalik si Eric sa ospital.
Nalaman ng mga Wood ang tungkol sa humanitarian medical team mula sa Estados Unidos na darating sa Ghana. Libreng ooperahan ng koponan si Eric. Ginamot ng surgeon o doktor ang sugat sa binti ni Eric. Ngunit nang makita niya ang tindi ng mga sugat ni Eric, pati na rin ang osteomyelitis, natanto niya na hindi niya kayang gawin ang lahat ng kinakailangang panggagamot sa Ghana. Batay sa kanyang mga rekomendasyon, nagpasimula ang organisasyong humanitarian ng isang proseso na kalaunan ay maghahatid kay Eric sa Estados Unidos upang tumanggap ng karagdagang paggamot at tuluyang isara ang kanyang mga sugat. Bukod pa rito, isang kanlungan sa Winneba, Ghana, na pinangangasiwaan ng mga miyembro ng Simbahan, ang pumayag na patirahin doon si Eric kapag bumalik siya upang makapasok sa paaralan at tapusin ang kanyang pag-aaral.
Naglaan ang Panginoon
Si Elder Wood, isang inhinyero ang propesyon, ay muling inayos ang hand-pedal na tráysikel ni Eric. Isinagawa rin niya ang kaparehong pagkumpuni sa kanyang wheelchair. Nakipagsangguni rin siya kay President Cosgrace ng Ghana Kumasi Mission, isang doktor sa medisina. Nadama nilang maaaring mabinyagan si Eric kung wastong pag-iingat ay gagawin.
“Binalot ni Elder Wood ang katawan ko sa plastic, may tape na bumabalot sa plastik” paliwanag ni Eric. “Pagkatapos ay binuhat niya ako sa isang baptismal font na puno ng tubig na nilagyan ng pandisimpekta. Bininyagan ako noong Hunyo 26, 2016.” Umasa si Eric sa Panginoon, at nagbigay ng daan ang Panginoon.
Ngayon, si Eric ay nag-aaral para maging isang computer technician. Ngunit pakiramdam din niya ay maaari rin siyang makaimpluwensya sa iba sa pamamagitan ng musika—gusto niyang mag-rap sa Twi. Ang kanyang masiglang mensahe ay tinatalakay kung paano siya sinagip ng Diyos. Isa sa kanyang paboritong banal na kasulatan ay nagsasaad na “Tiyaking aasa ka sa Diyos at mabubuhay” (Alma 37:47). At sinasabi pa rin niya, “nakikita ko ang Diyos sa lahat ng bagay.”
Dagdag niya, “Ayokong isipin ninuman na magiging katulad ng paraan ng pagpapala sa akin ng Ama sa Langit ang paraan kung paano Niya sila pagpapalain. Ngunit pagpapalain Niya yaong mga nagtitiwala sa Kanya. Kapag kailangan mong humarap sa mahihirap na bagay, manalangin at magtiwala sa Diyos.”