2018
Ang mga Espirituwal na Pundasyon ng Financial Self-Reliance ng Simbahan
August 2018


Ang mga Espirituwal na Pundasyon ng Financial Self-Reliance ng Simbahan

Hango sa isang mensahe sa 2018 Church History Symposium, “Financing Faith: The Intersection of Business and Religion,” sa Brigham Young University noong Marso 2, 2018.

Bilang mga lider ng Simbahan, patuloy naming nadarama ang aming malaking responsibilidad na gamitin ang mga sagradong ikapu at handog sa paraang nakasisiya sa Panginoon.

Larawan
family walking in front of chapel

Kamakailan ay nagkaroon ako ng pagkakataong bumisita sa Kirtland, Ohio. Sa makasaysayang lugar na ito, kung saan nangyari ang maraming pambihirang kaganapan sa Pagpapanumbalik, inaanyayahan ang mga bisita na pagnilayan ang pananampalataya at pamana ng magigiting na kalalakihan at kababaihang naglatag ng mga pundasyon para sa dakilang gawaing ito sa mga huling araw. Habang nagkakaroon ng pambihirang paglago at pagbuhos ng espiritu sa Kirtland, karamihan sa naunang mga Banal na ito noong araw ay lubhang maralita at nabuhay sa mga mapanganib na kundisyon. Isinakripisyo na nila ang lahat—kadalasa’y mauunlad na bukirin at matatatag na propesyon—para sundin si Jesucristo at ang Kanyang propetang si Joseph Smith.

Habang naglalakad ako sa sagradong bakurang ito, hindi ko mapigilang pagnilayan ang malaking pagkakaiba ng dating karukhaan ng Kirtland at ng kaunlaran ngayon ng Simbahan at ng maraming kasapi nito ng iba’t ibang henerasyon. Pinagpala ng Panginoon ang Kanyang Simbahan at ang mga Banal sa mga Huling Araw sa napakagandang paraan!

Ang kasaganaang ito ng mga temporal na pagpapala ay nakasalig sa madalas uliting pangako ng Diyos na “habang inyong sinusunod ang aking mga kautusan kayo ay uunlad sa lupain.”1

Ang pangakong ito ay mahalaga sa kuwento at mga turo ng Aklat ni Mormon. Lumilitaw ito sa 18 iba’t ibang talata, at sa pito sa 15 aklat nito. Kahit na ang mga pagpapala ng kaunlaran na binanggit sa mga talatang ito ay espirituwal, kasama rin dito ang kakayahan ng mga tao ng Diyos na magtamasa ng pag-unlad sa ekonomiya at maging self-reliant sa temporal.

Ang lubhang kapuna-puna, ang temporal na kaunlaran ay nagmumula sa tapat na pagsunod sa ilang gumagabay na alituntunin na inihayag ng Panginoon sa pamamagitan ng Kanyang mga propeta at naging bahagi ng pang-araw-araw na buhay at kultura ng mga Banal sa mga Huling Araw. Kabilang sa mga alituntuning ito ang batas ng ikapu, batas ng ayuno, at ang pangangailangang mag-aral, magtrabaho, at umasa sa sarili. Pinapayuhan din ang mga miyembro ng Simbahan na mamuhay ayon sa kanilang kinikita, iwasan ang hindi kailangang pangungutang, at maghanda para sa hinaharap sa pagkakaroon ng mga temporal na ipon, pati na ng pagkain at pera.

Nang ituro sa mga miyembro ang mga temporal na alituntuning ito, ipinatupad na rin ng mga pinuno ng Simbahan ang mga ito nang mas malawakan para sa buong Simbahan. Sa mga patakaran nito sa pananalapi at pamumuhunan, sinusunod lang ng Simbahan ang doktrina at mga tuntuning itinuturo nito sa mga miyembro. Tatalakayin ko ngayon ang apat sa mga alituntuning ito.

Unang Alituntunin: Ang Batas ng Ikapu

Sa isang paghahayag na natanggap ni Joseph Smith noong Hulyo 8, 1838, iniutos ng Panginoon na “yaong mga hiningan ng ikapu ay magbabayad ng ikasampung bahagi ng lahat ng kanilang tinubo taun-taon.” Ipinaliwanag din nito na ang partikular na tagubiling ito sa lahat ng Banal ay “mananatiling batas sa kanila magpakailanman.”2

Ang batas ng ikapu ay natanggap sa araw na iyon bilang isang utos mula sa Panginoon at para muling itatag ang isang banal na batas na sinusunod na noong araw pa ng mga tao sa Israel. Iyon ay tanda ng tipang ginawa ng Panginoon sa Kanyang mga tao—na kung mananatili silang tapat dito, pagpapalain Niya sila kapwa sa espirituwal at sa temporal. Ngayon, ang batas ng ikapu ay patuloy na nagiging mahalagang gawain ng mga Banal sa mga Huling Araw, saanman sila nakatira, anuman ang kanilang katayuan sa lipunan, o mga pag-aari nila sa mundo. Ito rin ang pundasyon ng katatagan sa pananalapi ng Simbahan.

Mula nang tawagin ako sa Presiding Bishopric, palagi na akong namamangha sa pananampalataya at katapatan ng mga miyembro ng Simbahan sa pagsunod nila sa batas na ito. Kung walang ikapu, hindi magkakaroon ng kakayahan ang Simbahan na isagawa ang banal na misyon nito. Sa isang di-malilimutang mensahe sa pangkalahatang kumperensya, ipinahayag ni Pangulong Gordon B. Hinckley (1910–2008): “Labis akong nagpapasalamat sa batas ng ikapu. Para sa akin ito’y isang himalang palaging nauulit! Naging posible ito dahil sa pananampalataya ng mga tao. Ito ang plano ng Panginoon sa pagtustos sa gawain ng Kanyang kaharian.”3

Sa araw ding iyon noong 1838, natanggap ni Joseph ang isa pang paghahayag kung saan nilinaw ng Panginoon kung paano dapat aprubahan at pangasiwaan ang paggamit ng ikapu. Sabi niya, “Ito ay ipamamahagi sa pamamagitan ng isang kapulungan, na binubuo ng Unang Panguluhan ng aking Simbahan, at ng obispo at ng kanyang kapulungan, at ng aking mataas na kapulungan; at ng sarili kong tinig sa kanila, wika ng Panginoon.”4 Ang “obispo at [a]ng kanyang kapulungan” at “aking mataas na kapulungan” na tinutukoy sa paghahayag na ito ay kilala ngayon bilang Presiding Bishopric at Korum ng Labindalawang Apostol.

Sa ating panahon, ang mga tagubiling ito sa bahagi 120 ng Doktrina at mga Tipan ay patuloy na isinasagawa nang buong ingat. Tuwing unang Biyernes ng Disyembre, nagpupulong ang Unang Panguluhan, Korum ng Labindalawang Apostol, at Presiding Bishopric para suriin at aprubahan ang alokasyon ng sagradong pondo ng Simbahan mula sa tinatayang mga ikapu at handog para sa susunod na taon. Ang pagdaraos ng kapulungang iyon ay tumitiyak na ginagawa ang mga desisyon sa diwa ng pagsasanggunian, paghahayag, at pagkakaisa.

Bilang mga pinuno ng Simbahan, patuloy nating nadarama ang ating malaking responsibilidad na gamitin ang mga sagradong ikapu at handog sa paraang angkop at nakasisiya sa Panginoon. Tulad ng mahusay na pagpapahayag ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Batid namin ang kasagraduhan ng lepta ng babaeng balo.”5 Dagdag pa ni Pangulong Hinckley:

“Ang perang tinatanggap ng Simbahan mula sa matatapat na miyembro ng Simbahan ay inilalaan. Ito ang pera ng Panginoon. … Tiwala ang Panginoon na ang pondong pananagutan natin ay gagamitin nang may lubos na katapatan at integridad, at malaking kasinupan bilang nakalaang mga handog ng mga tao sa Diyos.

“Nadarama namin na malaki ang responsibilidad namin sa inyo na nagbibigay ng mga kontribusyong ito. Nadarama namin na mas malaki pa ang aming responsibilidad sa Panginoon na nagmamay-ari ng perang ito.”6

Hindi tayo isang institusyon sa pananalapi o korporasyon sa pangangalakal. Tayo ang Simbahan ni Jesucristo, at ang Simbahang ito ay walang ibang pakay maliban sa iniatas mismo ng Panginoon dito—na anyayahan ang lahat na “lumapit kay Cristo, at maging ganap sa kanya,”7 sa “pagtulong sa mga miyembro na ipamuhay ang ebanghelyo ni Jesucristo, pagtitipon sa Israel sa pamamagitan ng gawaing misyonero, pangangalaga sa mga maralita at nangangailangan, at pagliligtas sa mga patay sa pamamagitan ng pagtatayo ng mga templo at pagsasagawa ng nakapagliligtas na mga ordenansa.”8

Ayon sa patakaran, ang sagradong pondo ng ikapu ay inaaprubahan at inilalaan para suportahan ang espirituwal at banal na misyon ng Simbahan. Ginagastos ito para suportahan ang anim na pangunahing bagay: (1) paglalaan at pagmentena ng mga bahay sambahan para sa mahigit 30,000 kongregasyon sa buong mundo; (2) pangangasiwa sa mga welfare at humanitarian aid program ng Simbahan, kabilang na ang mahigit 2,700 proyekto noong 2017; (3) paglalaan ng mga programa sa pag-aaral, kabilang na ang mga paaralan, unibersidad, at seminary at institute program ng Simbahan; (4) pagsuporta sa ating mga mission operation sa buong daigdig, pati na sa 420 mission at resources na kailangan ng tinatayang 70,000 mga missionary; (5) pagtatayo at pagpapatakbo ng halos 160 mga templo sa buong mundo, at marami pang itatayo, at pangangasiwa sa isang malawak ng family history at records preservation program; at (6) pagsuporta sa pangkalahatang pangangasiwa ng Simbahan.

Nagpapasalamat ako para sa batas ng ikapu. Pinagmumulan ito ng mga pagpapala, kapwa espirituwal at temporal, para sa Simbahan at sa bawat miyembro nito.

Larawan
wheelchairs donated in India

Noong Hulyo 2016, nagbigay ang LDS Charities ng donasyon na 280 wheelchair at mga hand-powered tricycle sa Karimnagar, India. Simula pa noong 2001, nakapamahagi na ang Simbahan ng mahigit 500,000 mga wheelchair sa 133 bansa.

Pangalawang Alituntunin: Self-Reliance at Pagsasarili

Ang personal na kalayaan ay isa sa mga pinakadakilang kaloob ng Diyos. Mahalaga ito sa ating pag-unlad sa mundo at sa ating walang-hanggang kaligtasan. Sa pagiging self-reliant sa temporal at espirituwal, umuunlad ang mga anak ng Diyos sa kakayahan nilang magpasiyang mag-isa at sa gayo’y maisakatuparan ang layunin ng paglikha sa kanila.

Dahil dito, hindi nakakagulat na walang humpay ang pag-anyaya ng mga propeta sa ating dispensasyon sa mga miyembro ng Simbahan na sikaping maging self-reliant. Napakaliwanag ng sinabi ni Pangulong Hinckley:

“Hinihimok ko kayo … na tingnan ang sitwasyon ng inyong pananalapi. Hinihimok ko kayo na maging matipid sa inyong paggastos; disiplinahin ang inyong sarili sa pamimili para makaiwas sa utang hangga’t maaari. Agad bayaran ang inyong utang nang mabilis hangga’t kaya ninyo, at palayain ang inyong sarili sa pagkaalipin.

“Ito ay bahagi ng temporal na aspeto ng ebanghelyo na pinaniniwalaan natin. Nawa’y pagpalain kayo ng Panginoon … na maisaayos ang inyong tahanan. Kung nakabayad na kayo ng inyong mga utang, kung may matitira sa inyo, kahit kaunti, pagdating ng mga unos, magkakaroon kayo ng kanlungan para sa inyong [pamilya] at kapayapaan sa inyong puso.”9

Binigyang-diin din ni Pangulong Russell M. Nelson ang mga pagpapala ng self-reliance nang sabihin niyang: “Sa pagtulong nang bukal sa kalooban, nagkakaroon ng panibagong pagpapahalaga ang mga Banal sa kanilang pagkatao at walang-hanggang kahalagahan. Nagiging mga personal na mithiin ang kabutihan, pagsasarili, pagtitipid, kasipagan, at self-reliance. Ang mga katangiang ito ay nagpapabago ng buhay.”10

Tulad ng pagbibigay-kakayahan ng matalinong pagbabadyet sa bahay sa bawat miyembro at pamilya na patuloy na makapagsarili, ang masinop na pangangasiwa sa pananalapi ay mahalaga sa kakayahan ng Simbahan na kumilos nang malaya. Sumusunod ito sa banal na utos na ibinigay sa pamamagitan ni Joseph Smith na “sa pamamagitan ng [kalinga ng Panginoon], … ang Simbahan ay ma[ka]katayong malaya sa ibabaw ng lahat ng iba pang mga nilalang sa ilalim ng selestiyal na daigdig.”11

Ang pagkalingang ito ay kitang-kita sa ating panahon. Nagagalak tayo sa katotohanan na ang Simbahan ay lubos nang may pinansiyal na kakayahan at kaya nang isakatuparan ang misyon nito nang walang anumang utang. Sabi nga ni Pangulong Hinckley: “Kung hindi natin makakaya, babawasan natin ang ating mga programa. … Hindi tayo manghihiram.”12

Ang mga patakaran sa pamamahala sa pananalapi ay natukoy ng mga pinuno ng Simbahan at maingat na ginamit sa pagbuo ng taunang badyet at paglalaan ng mga pondo. Ang mga patakarang ito ay kinabibilangan ng dalawang simple at malinaw na alituntunin:

  • Una, ang kabuuang gastos ay hindi lalampas sa tinatayang kita.

  • Pangalawa, ang badyet para sa mga gastusin sa pagpapatakbo ng Simbahan ay hindi tataas taun-taon nang mas mabilis kaysa sa inaasahang pag-unlad sa mga kontribusyong ikapu.

Larawan
man picking peaches

Ang mga miyembrong naninirahan sa mga bukid na pag-aari ng Simbahan ay may pagkakataong magboluntaryo na mamitas ng mga prutas at gulay. Ang mga produkto mula sa mga bukid ng Simbahan ay nagsusuplay sa mga cannery at bishops’ storehouse para tulungan ang mga miyembrong nangangailangan.

Pangatlong Alituntunin: Masinop na Pamumuhay

Batid ng mga miyembro ng Simbahan ang katotohanan na nabubuhay sila sa panahon ng mga kalamidad, na kagagawan kapwa ng tao at ng kalikasan. Ang mga propesiya tungkol sa mga huling araw ay malinaw, at may dakilang karunungan sa paghahanda para sa kinabukasan—kung ito man ay para sa posibleng taggutom, sakuna, kakulangan sa pera, o iba pang di-inaasahang masamang pangyayari. Madalas payuhan ng mga pinuno ng Simbahan ang mga miyembro na maging masinop sa pamumuhay sa pamamagitan ng pag-iimbak ng pagkain sa bahay, pati na ng ekstrang tubig, mga pangunahing pagkain, gamot, damit, at iba pang mga suplay na maaaring kailanganin sa oras ng emergency. Napayuhan na rin ang mga miyembro na “unti-unting palakihin ang reserbang pondo sa pamamagitan ng regular na pagtatabi ng bahagi ng kanilang kita.”13

Nagamit din ang prinsipyong ito sa temporal na paghahanda sa buong Simbahan. Halimbawa, nagtatag ng mga grain silo at warehouse na puno ng mga pangunahing agarang pangangailangan sa buong North America. Sinunod din ng Simbahan ang nakagawiang magtabi ng isang bahagi ng resources nito bawat taon para mapaghandaan ang anumang posibleng mga pangangailangan sa hinaharap.

Pagkatapos ay idinaragdag ang perang naitabi sa investment reserves ng Simbahan. Naka-invest ang mga ito sa stocks at bonds; karamihan sa mga interes sa mga negosyong may buwis (na ang ilan ay noon pang nagsisimula ang Simbahan sa Utah); sa ari-ariang komersiyal, industriyal, at residensiyal; at sa agrikultura. Ang reserves ng Simbahan ay pinamamahalaan ng isang propesyonal na grupo ng mga empleyado at tagalabas na mga tagapayo. Sari-sari ang mga panganib, alinsunod sa matalino at masinop na pangangasiwa at sa mga alituntunin ng makabagong investment o pamumuhunan.

Sa talinghaga ng mga talento, pinagsabihan ng panginoong humiling sa kanyang mga alipin na magsulit ang taong hindi ipinuhunan ang perang ipinagkatiwala sa kanya kundi sa halip ay ibinaon ang perang iyon sa lupa. Inilarawan niya ang aliping iyon na “masama at tamad”14 dahil hindi nito ipinuhunan ang perang iyon para kumita. Alinsunod sa espirituwal na alituntuning ito, ang financial reserves ng Simbahan ay hindi inilalagay sa di-produktibong mga bank account kundi sa halip ay ginagamit ito kung saan ito kikita.

Ang naka-invest na mga pondong ito ay maaaring kunin sa oras ng paghihirap upang matiyak ang patuloy at walang patid na gawain ng misyon, mga programa, at pagpapatakbo ng Simbahan, at matugunan ang mga pangangailangang pinansyal sa oras ng emergency. Kailangan din ang mga pondo para maglaan ng karagdagang financial resources upang suportahan ang misyon ng Simbahan na paghandaan ang Ikalawang Pagparito ng Panginoon. Matutulungan nitong suportahan ang paglago ng Simbahan habang natutupad ang propesiya na ang ebanghelyo ni Jesucristo ay ituturo at ang Simbahan ay itatatag sa lahat ng bansa sa mundo. Inaasahan natin na mangyayari ang malaking bahagi ng paglagong ito sa umuunlad at matataong bansa sa mundo. Kailangang patuloy na lumago ang salapi upang matustusan ang libu-libong meetinghouse, karagdagang mga templo, at iba pang mahahalagang resources para pagpalain ang buhay ng mga miyembro saanman sila naroon. Sa madaling salita, wala nang iba pang dahilan ang lahat ng pondong ito kundi para suportahan ang banal na misyon ng Simbahan.

Pang-apat na Alituntunin: Sa Sariling Paraan ng Panginoon

Binalaan ni Pablo ang mga Banal sa Corinto na ang kanilang “pananampalataya ay huwag masalig sa karunungan ng mga tao, kundi sa kapangyarihan ng Dios.”15 Mas naunawaan ko ang kahalagahan ng alituntuning ito nang tinawag akong maglingkod sa Presiding Bishopric ng Simbahan.

Bilang Bishopric, nagsasanggunian kami para pag-aralan ang mga isyu, gamit ang aming mga personal na pinagmulan, karanasan, at kahusayan. Ngunit sa huli ay nagdedesisyon kami sa diwa ng panalangin at palagiang paghahangad ng paghahayag tungkol sa kalooban ng Panginoon. Habang iniisip natin ang mga bagay na tulad ng mga macro-economic indicator at financial analysis, ang pinakamimithi natin ay gampanan ang ating responsibilidad sa paraan na maisasakatuparan ang mga layunin ng Panginoon at banal na misyon ng Simbahan na anyayahan ang lahat na lumapit kay Cristo. Ang mithiing ito ay makakamit at maipatutupad lamang sa pamamagitan ng inspirasyon at kapangyarihan ng Kanyang priesthood. Sa utos na gawin ang mga bagay sa paraan ng Panginoon, pinupuspos ako ng calling na ito ng kababaang-loob bawat araw.

Larawan
family at family history center

Katapusan

Inilalarawan ng ilang tao paminsan-minsan ang Simbahan ngayon bilang isang malakas at maunlad na institusyon. Maaaring totoo ito, ngunit ang katatagan ng Simbahan ay hindi lamang masusukat sa dami o ganda ng mga gusali nito o sa mga financial at real estate holdings nito. Gaya ng sinabing minsan ni Pangulong Hinckley, “Matapos masabi at magawa ang lahat, ang tanging tunay na kayamanan ng Simbahan ay nasa pananampalataya ng mga miyembro nito.”16 Ang susi sa pag-unawa sa Simbahan “ay makita ito hindi bilang isang pandaigdigang korporasyon, kundi bilang milyun-milyong matatapat na miyembro sa libu-libong kongregasyon sa buong mundo na sumusunod kay Cristo at nagmamalasakit sa isa’t isa at sa kanilang kapwa.”17

Sa madaling salita, ang Simbahan ay tungkol sa mga tao. Ito ay tungkol sa indibiduwal na mga miyembro na binigkis ng mga karaniwang paniniwala at tipan. Sila ang lakas at hinaharap nito. Lubos akong nagpapasalamat sa mga paghahayag na ibinigay ng Panginoon sa mga unang araw ng Pagpapanumbalik hinggil sa batas ng ikapu, self-reliance at pagsasarili, masinop na pamumuhay, at paglalaan sa mga Banal sa paraan ng Panginoon. Pinatototohanan ko na ang mga alituntuning ito ang pinagmumulan ng malaking espirituwal at temporal na mga pagpapala para sa mga miyembro ng Simbahan, sa kanilang pamilya, at sa buong Simbahan. Ang mga alituntuning ito ay patuloy na gagabay sa ating hakbang at susuportahan ang misyon ng Simbahan hanggang sa bumalik ang Tagapagligtas.

Mga Tala

  1. Tingnan, halimbawa, sa 2 Nephi 1:20.

  2. Doktrina at mga Tipan 119:4.

  3. Gordon B. Hinckley, “Of Missions, Temples, and Stewardship,” Ensign, Nob. 1995, 53.

  4. Doktrina at mga Tipan 120:1.

  5. David A. Bednar, “Mga Dungawan sa Langit, Liahona, Nob. 2013, 20.

  6. Gordon B. Hinckley, “Latter-day Saints in Very Deed,” Ensign, Nob. 1997, 85.

  7. Moroni 10:32.

  8. Handbook 2: Administering the Church (2010), 2.2.

  9. Gordon B. Hinckley, “To the Boys and to the Men,” Ensign, Nob. 1998, 54.

  10. Russell M. Nelson, “In the Lord’s Own Way,” Ensign, Mayo 1986, 27.

  11. Doktrina at mga Tipan 78:14.

  12. Gordon B. Hinckley, “To the Boys and to the Men,” 54.

  13. Handbook 2, 6.1.1.

  14. Tingnan sa Mateo 25:14–30.

  15. I Mga Taga Corinto 2:5.

  16. Gordon B. Hinckley, “The State of the Church,” Ensign, Mayo 1991, 54.

  17. “The Church and Its Financial Independence,” Hulyo 12, 2012, mormonnewsroom.org.

Print