2018
Ang Unang Hakbang Tungo sa Pagsisisi
Oktubre 2018


Ang Unang Hakbang Tungo sa Pagsisisi

Ang awtor ay naninirahan sa Ouest, Haiti.

Nadama kong may kadilimang lumukob sa buhay ko. At pagkatapos ay natanto ko na kailangan kong kausapin ang bishop ko.

man praying, thinking of Christ

Paglalarawan ni Joshua Dennis

Naaalala ko na itinakda ko ang petsa ng binyag ko sa mga missionary. Tinanong nila ako kung handa na akong gawin ang tipan na ito sa ating Ama sa Langit. Hindi na ako nag-isip tungkol dito at masayang-masaya kong sinabing, “Oo!” Gusto kong matanggap ang espesyal na kaloob na bigay sa akin ng aking mapagmahal na Ama, at alam kong hindi ako ganito kasaya kung wala sa buhay ko ang Tagapagligtas. Pero hindi ako talaga sigurado kung anong kinabukasan ang naghihintay sa akin.

Sa wakas, dumating ang araw ng binyag. Hinding-hindi ko iyon malilimutan, at napakasaya ko.

Madidilim na Araw

Matapos akong mabinyagan at makumpirma, parang biglang nagdilim ang mga araw. Naharap ako sa mga problema sa pamilya, at nahirapan akong sundin ang lahat ng utos ng Diyos. Hindi ko alam ang gagawin ko, at gusto ko nang isuko ang lahat. Parang walang nakakaunawa sa akin.

Palabasa ako ng Aklat ni Mormon, pero noong panahong iyon ay isinantabi ko ito. Isang araw, nang mag-isa ako sa bahay, nadama ko ang magiliw na paramdam sa akin ng Espiritu na basahin ang Aklat ni Mormon. Nagdasal muna ako, sa kagustuhang makahanap ng sagot na maghahatid ng kapanatagan sa paghihirap ko. Binuklat ko ito kaagad sa Alma kabanata 5. Sabi sa talata 27: “Kayo ba ay lumakad na pinananatiling walang sala ang inyong sarili sa harapan ng Diyos? Masasabi ba ninyo sa inyong sarili, kung kayo ay tatawaging mamatay sa mga sandaling ito, na kayo ay naging sapat na mapagpakumbaba? Na ang inyong mga kasuotan ay nalinis at nagawang maputi sa pamamagitan ng dugo ni Cristo, na paparito upang tubusin ang kanyang mga tao mula sa kanilang mga kasalanan?”

Sa wakas, naantig ako sa mga salitang ito. Alam kong kailangan kong magsisi, kaya gumawa ako ng appointment na makipagkita sa bishop ko. Talagang takot ako, pero pinilit ko ang sarili ko na pumunta at kausapin siya.

Pag-unawa sa Pangako ng Diyos

Pagdating ko sa opisina ng bishop, nakonsiyensya ako talaga kaya gusto ko nang umalis nang hindi siya nakakausap. Pero ipinagdasal kong magkaroon ng tapang na sabihin ang lahat ng kailangan kong sabihin. Pinapasok ako ni bishop sa opisina niya, at pagkatapos ay nagdasal siya para humingi ng tulong sa Diyos. Kinausap niya ako na parang anak niya ako at ipinakitang mahal niya ako sa kanyang pananalita. Pinayuhan niya ako at hiniling na gawin ko ang ilang bagay para mapatawad ako ng Diyos at pagkatapos ay bumalik para magkausap kami.

Masayang-masaya ako sa pagkakataong ito. Sinunod ko ang payo niya at kalaunan ay naunawaan ko na ang ipinangakong pagpapatawad ng Panginoon kay Alma: “Kung magtatapat siya ng kanyang mga kasalanan sa iyo at sa akin, at magsisisi nang taos sa kanyang puso, siya ay iyong patatawarin, at akin din siyang patatawarin” (Mosias 26:29). Pagkatapos magsisi nang taos-puso, alam kong pinatawad na ako ng Diyos. Sa wakas ay nadama ko na ang pagmamahal ng Ama sa Langit sa puso ko, at napawi ang kadiliman. Masaya ako at natuwa sa sarili ko.

Nariyan ang Bishop para Tumulong

Ang bishop ang kinatawan ng Panginoon sa ward. Dapat mong malaman na nariyan siya para tulungan kang mahanap ang tunay na kaligayahang laan ng Diyos para sa iyo. Magtiwala sa kanya. Kung mayroon kang mga problema o kailangan mong magsisi, humayo ka at hanapin mo siya. Tutulungan ka niya.

Alam kong hindi madaling magpunta sa kanya kung minsan. Pero gaya ng ipinaliwanag ni Pangulong Lorenzo Snow (1814–1901) tungkol sa walang-hanggang plano ng ating Ama sa Langit: “Naniniwala ako na sa [premortal] na daigdig ng mga espiritu, nang imungkahi sa atin na … pagdaraanan natin ang mga dinaranas natin ngayon, sa pangkalahatan ay hindi iyon kalugud-lugod at nakasisiya. … Gayunman walang alinlangan na nakita at naunawaan nating mabuti doon na upang maisakatuparan ang ating kadakilaan at kaluwalhatian ay kailangan ang karanasang ito.” Sinabi pa niya na, “Handa tayo noon na sumunod sa kagustuhan ng Diyos, at dahil doon ay narito tayo ngayon” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Lorenzo Snow [2012], 124).

Ang pagsisisi ay bahagi ng pagsunod sa kalooban ng Diyos. Kaya sa halip na matakot sa bishop, kaibiganin mo siya. Pinili siya ng Diyos, at matutulungan ka niyang magsisi at pagalingin ang iyong kaluluwa sa paglapit kay Jesucristo. Nais ng Panginoon na tulungan tayo, pero kailangan nating gawin ang unang hakbang tungo sa pagsisisi. Sa gayong paraan makikita natin ang katuparan ng pangako sa Isaias 1:18: “Bagaman ang inyong mga kasalanan ay maging tila mapula, ay magiging mapuputi na parang niebe.” At dahil diyan, nariyan ang bishop para tumulong.

Pinatototohanan ko na ang Diyos ay buhay at na si Jesucristo ang ating Tagapagligtas. Mahal na mahal Nila tayo!