2018
5 Paraan para Matulungan Mo ang Bishop Mo na Tulungan Ka
Oktubre 2018


5 Paraan para Matulungan Mo ang Bishop Mo na Tulungan Ka

Ginagawa niya ang lahat ng kaya niya, pero kung minsa’y kailangan niya ng tulong.

young adult talking with bishop

Mahigpit ka niyang kinakamayan tuwing magkikita kayo, umuupo siya sa tamang puwesto sa pulpito sa oras ng sacrament meeting, at nagsasakripisyo ng maraming oras para paglingkuran ka at ang Panginoon.

Siya ang bishop mo: isang priesthood leader na tinawag ng Diyos upang mamuno sa inyong ward. Hindi niya lubos na nakukumpleto kailanman ang nasa listahan ng kanyang mga gagawin, pinapayuhan niya ang mga miyembro sa kanyang opisina kahit pagod na siya sa trabaho, at nagtatagal sa meetinghouse pagkatapos ng simba para gampanan ang lahat ng kanyang tungkulin.

Maaaring mukhang hindi napapagod ang bishop mo, pero nakakapagod mamuno sa isang buong ward! Sinisikap niyang gawin ang lahat ng kaya niya, pero kung minsa’y kailangan niya ng tulong. Narito ang 5 paraan para matulungan mo ang bishop mo na tulungan ka:

  1. Ipagdasal siya. Ang tungkulin ng bishop ay sumusubok sa hangganan ng kanyang mental, espirituwal, at pisikal na lakas. Kailangan niya ng lakas na Diyos lamang ang makapagbibigay ngunit maaaring makamtan dahil sa iyong pananampalataya at mga dalangin (tingnan sa Santiago 5:16).

  2. Manalig sa katungkulan. Sinang-ayunan mo siya bilang bishop, ngunit hindi ibig sabihin ay nananalig ka sa tao; nananalig ka sa katungkulan o tungkulin ng bishop at sa Diyos na tumawag at umaalalay sa kanya. Paano mo maipapakita ang iyong pananampalataya? Maging handang gampanan ang mga tungkulin at assignment. Kapag kinausap mo ang bishop mo, maging handa—magdasal, mag-ayuno kung kailangan, at manamit nang angkop para ipakita ang paggalang mo sa Panginoon. Pag-isipang mabuti ang payo niya. Kinakatawan niya ang Panginoon.

  3. Kilalanin siya. Sikaping kilalanin siya. Tanungin siya tungkol sa kanyang buhay, pinagmulan, at karanasan. Ipaalam sa kanya na pinahahalagahan mo ang kanyang paglilingkod at na nananalig ka sa kakayahan niyang gampanan ang kanyang tungkulin. (Tingnan sa I Mga Taga Tesalonica 5:12–13.)

  4. Huwag mo siyang pagurin. Nais ng bishop mo na tulungan ka, pero kung may problema ka na malulutas naman ng mga home teacher mo, ng isa sa mga counselor ng bishop, o ng Relief Society o elders quorum president mo, sa kanila ka muna pumunta. May dahilan kaya umiiral ang mga tungkulin nila! Nariyan sila para tulungan ka at para makapagtuon din ang bishop mo sa mga bagay na siya lang ang makagagawa.

  5. Hayaan mo siyang magkamali. Kahit parang akmang-akma sa bishop mo ang kanyang tungkulin, hindi siya perpekto. Nagdududa siya sa kanyang sarili, at nagkakamali. Pero mahal ka niya talaga at ginagawa niya ang lahat sa kanyang tungkulin. Makipag-usap sa kanya. Kapag mas marami siyang alam tungkol sa iyo at sa iyong sitwasyon, mas matutulungan ka niya.