Ang Nais ng Bawat Bishop na Malaman ng Bawat Miyembro ng Kanyang Ward
Ang awtor ay naninirahan sa Utah, USA.
Narito ang walong katotohanang natutuhan ko sa aking paglilingkod bilang bishop.
Nagkaroon ako ng napakagandang pagkakataong maglingkod bilang bishop. Sa mga taon na iyon, hindi ko na mabilang ang mga aral na natutuhan ko. Pero natutuhan ko talaga ang walong katotohanan na pinaniniwalaan kong para sa lahat. Bagama’t maaaring hindi ganito ang pananaw ng lahat, sisikapin kong ibahagi ang mga inaasam ng bawat bishop na malaman ng mga miyembro ng kanyang ward.
1. Totoong mahal ng bishop ang bawat miyembro ng kanyang ward.
Ang pagmamahal ng bishop para sa kanyang ward ay konektado sa pagmamahal ng Ama sa Langit at ni Jesucristo para sa atin. Kapag tiningnan ng bishop ang mga miyembro sa sacrament meeting, naroon ang habag at pagdamay niya sa paraang hindi maihahalintulad sa anupamang naranasan niya. Kapag tumayo ang bishop at nagbahagi kung gaano niya kamahal ang mga miyembro ng kanyang ward, taos-puso at tunay ang damdamin niyang iyon. Dapat ninyong malaman na mahal kayo ng inyong bishop, inaalala niya kayo, at nagmamalasakit siya sa inyo nang higit pa sa alam ninyo.
2. Ang bishop ay pisikal, emosyonal, at espirtuwal na pinalalakas ng pananampalataya at mga dalangin ng mga miyembro.
Hindi mabibilang ang oras ng paglilingkod ng bishop. Madalas siyang gugugol ng maraming oras sa simbahan tuwing Linggo at iba pang mga gabi sa loob ng isang linggo pagkatapos ng trabaho sa pagbisita, pag-interbyu, at pangangalaga sa mga miyembro ng kanyang ward.
Nagagawa ito ng bishop linggu-linggo dahil sa pananampalataya at mga panalangin ng mga miyembro ng ward. Bilang bagong tawag na bishop, hindi ko sinasadyang maluha tuwing maririnig ko ang isang miyembro na ipinagdarasal na “basbasan po Ninyo ang bishop.” Ang inyong mga panalangin ng pananampalataya ay tunay na sinasagot, at natatanggap at nadarama ng bishop ang nagpapalakas na impluwensya ng mga panalanging iyon. Sinasagot ng Panginoon ang mga panalanging iyon na puno ng pananampalataya sa ulunan ng mga bishop ng Simbahan.
3. Kadalasan ay nadarama ng bishop na kulang ang kakayahan niya para sa tungkulin (kahit lumipas na ang tatlo o apat na taon).
Iilan lang ang nakilala kong bishop na nakadama na talagang “handa” sila para sa tungkulin. Gayunpaman, alam ko na “sinumang tinawag ng Panginoon ay pinagigindapat ng Panginoon.”1 Kahit alam ng bishop na pinagigindapat siya, nadarama pa rin niya na hindi niya magagampanan nang maayos ang tungkulin kailanman. Gagawin niya ang lahat ng kanyang makakaya na magbigay ng matalinong payo kung kailangan, hindi makasakit ng damdamin, at marinig at madama ang Espiritu, pero kung minsan ay iniisip pa rin niya kung talagang nagagawa niya nang katanggap-tanggap ang kanyang tungkulin.
4. Maiimpluwensyahan ng Espiritu ng Diyos ang bishop kapag pinapayuhan niya ang mga miyembro ng ward.
Kapag tinatanong ako kung ano ang hinahanap-hanap ko sa paglilingkod bilang bishop, sinasabi ko sa mga tao na iyo’y ang malakas na impluwensya ng Espiritu na kasama ng awtoridad ng isang bishop. Ito man ay pag-alo sa mga nawalan ng mahal sa buhay, pakikipag-usap sa mga nahihirapan dahil sa asawang nagtaksil, o pananawagan sa mga tao na magsisi, ang Espiritung nadarama ng isang tapat na bishop ay ang Espiritu ng Diyos at ang diwa ng paghahayag.
Kamakailan ay humingi ng tulong sa akin ang isang dating miyembro ng ward tungkol sa kanyang mga personal na problema. Lumipat siya sa ibang ward at hindi siya sigurado kung gusto niyang lumapit sa kanyang bagong bishop para humingi ng tulong. Ibinahagi ko sa kanya ang maraming beses ko nang ibinahagi simula nang ma-release ako, na kahit ikasisiya kong tumulong, hindi ko na hawak ang mga susing hawak ng bishop at napakahalaga ng mga susing iyon sa pagbibigay ng suportang kailangan niya. Pinayuhan ko siya na kausapin niya ang kanyang bishop. Binisita ko siya makalipas ang dalawang linggo, at sinabi niya na nakausap na niya ang kanyang bishop at parang alam na nito ang mga problema niya at kung paano siya higit na matutulungan. Bagama’t maaaring magkamali ang bishop, binibigyang-inspirasyon siya ng Panginoon, ginagabayan siya, at pinagpapala ang maraming buhay sa pamamagitan ng kanyang mga salita.
5. Tao lamang ang bishop; kung minsan ay nagkakamali siya at kung minsan ay mali ang paraan ng paggawa niya.
Kunsabagay, mortal naman ang mga bishop. Sila ay may mga kakulangan, kahinaan, kinikilingan, at sariling problema. Pinagigindapat ng Espiritu ang taong tinawag na maging bishop, pero tao pa rin ang bishop na maaaring magkaroon ng mga problema at kahinaang kinakaharap nating lahat.
Ang pagkatantong ito ay hindi dapat makabawas sa paggalang natin sa kanyang tungkulin o pagsunod natin sa kanyang payo. Alam na alam ng bishop ang kanyang mga kahinaan at sinisikap niyang daigin ang mga ito o hindi nagpapaapekto rito sa paglilingkod niya bilang bishop. Kahit na anong pilit niya, hindi siya magiging perpekto.
6. Nadarama ng bishop na hindi niya sapat na makakausap ang mga miyembro ng ward o hindi magiging sapat ang kabutihang magagawa niya.
Bawat araw, iniisip ng bishop kung sino pa sana ang maaari niyang tulungan o dapat tulungan sa araw na iyon. Gusto ko rin sanang regular na mabisita ang mga miyembro, pero mayroon akong trabaho, pamilya, youth program, at ilang miyembro ng ward na may matitinding pangangailangan. Wala talagang sapat na panahon para regular na mabisita ang bawat miyembro.
Gayunpaman, bilang bishop, paminsan-minsa’y ipinaramdam sa akin ng Espiritu na bisitahin ang isang miyembrong nahihirapan. Maraming beses, nagsisimula ang mga pagbisitang iyon sa pagsabi nila ng, “Alam kong darating ka.” Madalas kaming mapuspos ng Espiritu kapag kapwa namin natanto na ang pagbisitang iyon ay patunay na sinasagot ng Diyos ang mga dalangin.
Lagi rin akong nasisiyahan sa pagtanggap sa akin sa tahanan ng mga aktibo at “di-hirap” na mga miyembro. Ang mabubuting taong ito ay nagsisimba linggu-linggo, tapat na naglilingkod sa mga tungkulin, walang malalaking hamon, at kadalasa’y hindi regular na nabibisita ng mga lider ng priesthood. Nagpasalamat silang magkaroon ng panahong makausap nang sarilinan ang kanilang bishop. Sa inyong lahat, gusto kong sabihing, “Salamat!” Magpatuloy kayo! Dapat ninyong malaman na mahal kayo ng inyong bishop at bibisitahin niya kayo nang mas madalas kung kaya niya.”
7. Talagang-talagang kailangan ng inyong bishop na mag-minister kayo sa bawat isa.
Noong bishop ako, tuwing sinasabihan ako na nahihirapan ang isang miyembro ng ward, ang tanong ko palagi ay, “Sino ang mga home at visiting teacher niya?” Isang paraan ito para masiguro na matutugunan ang mga pangangailangan ng miyembrong iyon, kapwa pansamantala at pangmatagalan. Ang bishop, kung walang tulong mula sa iba pang mga miyembro ng ward at stake, ay limitado ang resources. Siguradong kaya niya—at gagawin niya—na bisitahin ang mga tao sa panahon ng krisis. Ngunit sa tulong ng priesthood at Relief Society, mapapalawak pa ang tulong na maibibigay niya.
Ganyan ang ministering. May mga pagkakataon na nalilimutan ng ilan sa atin kung bakit tayo nagmi-minister sa isa’t isa: Inutusan tayo ng Panginoon na “mahalin ang bawat isa” (Juan 13:34). Dapat ninyong malaman na ginagamit ng inyong bishop ang ministering bilang isang inspiradong paraan para “lalong makaimpluwensya” sa buhay ng mga miyembro ng ward.
8. Gustong gawin ng bishop ang lahat para sa kanyang kawan.
Anumang oras, araw o gabi, ito man ay basbas ng priesthood, pagpapayo sa isang batang naliligaw ng landas, o mabilis na pagresponde sa isang aksidente, gusto niyang asikasuhin ang anumang kailangan ng isang miyembro. Hindi niya palaging magagawa ang lahat ng ito, at maaaring hindi siya ang tamang tao para sa bawat sitwasyon, ngunit huwag matakot na humingi ng tulong kapag kailangan ninyo ito. Dapat ninyong malaman na nariyan ang bishop upang maglingkod sa mga panahong iyon at na kapwa kayo pinagpapala nang husto sa pagtutulungan ninyo.
Nakadarama ako ng pagpapakumbaba sa sagradong pagkakataon kong ito na maglingkod sa banal na tungkuling ito. Sa aking paglilingkod, ang aking mga pinaniwalaan ay naging kaalaman. Hindi na ako naniniwala na ang ebanghelyo ay totoo; alam ko na ito ay totoo. Hindi na ako naniniwala na kilala ako ng Diyos; alam ko na kilala ng Diyos ang bawat isa sa atin, ang ating pang-araw-araw na buhay at ating personal na mga pagsubok. Bukod pa riyan, alam ko na gumagawa siya sa pamamagitan ng Kanyang mga lingkod, lalo na sa mga mayhawak ng mga susi ng priesthood. Alam ko na hindi ko kakayaning maglingkod bilang bishop kung walang malasakit ang Diyos sa gawaing ito. Ang katotohanan ng ebanghelyo at pagmamahal ng Diyos para sa Kanyang mga anak ang dahilan kaya nakakaya ng bawat bishop na maglingkod.