Pagkatuto sa Paraan ng Panginoon
Mula sa isang mensaheng ibinigay sa seminar para sa mga bagong mission president noong Hunyo 25, 2014.
Ang pag-anyaya sa Espiritu Santo na maging guro ay isang pangunahing layunin sa lahat ng huwaran ng Panginoon sa pagkatuto.
Sa pagpapabilis ng Panginoon sa Kanyang gawain, kailangan nating patuloy na matuto, magbago, at sumulong nang may pananampalataya sa Tagapagligtas.
Isang Huwaran sa Lahat ng Bagay
Sa isang paghahayag na ibinigay sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith noong Hunyo ng 1831, sinabi ng Panginoon: “Ako ay magbibigay sa inyo ng isang huwaran sa lahat ng bagay, nang hindi kayo malinlang; sapagkat si Satanas ay nagtungo sa lupa, at siya ay naglilibot [na] nililinlang ang mga bansa” (D at T 52:14).
Ang nakakatuwa, binigyan tayo ng Panginoon ng “isang” at hindi “ng” huwaran para sa lahat ng bagay. Hindi ako naniniwala na ipinahihiwatig ng Panginoon sa pananalitang “isang huwaran sa lahat ng bagay” na isa lang ang huwaran Niya na gagamitin sa bawat sitwasyon. Bagkus, kabilang sa paraan ng Panginoon ang sari-saring huwaran na magagamit upang makamit ang iba’t ibang mga espirituwal na layunin.
Ang pinakamimithi natin dapat sa anumang karanasan sa pagkatuto at pagtuturo ay alamin at gamitin ang huwaran o mga huwaran na higit na tutugon sa ating mga pangangailangan at maghahatid ng hinahangad nating mga resulta sa pagkatuto.
Ang Espiritu Santo ang Guro
Ang Espiritu Santo ang ikatlong miyembro ng Panguluhang Diyos at isang Tagapaghayag, Guro, Mang-aaliw, Tagapagpabanal, at Siyang nagpapaalala sa atin sa lahat ng bagay (tingnan sa Juan 14:16–17, 26; 3 Nephi 27:20). Ipinaliwanag ni Elder James E. Talmage (1862–1933) ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Ang Katungkulan ng Espiritu Santo sa pagtulong Niya sa mga tao ay inilarawan sa banal na kasulatan. Siya ay isang guro na isinugo ng Ama; at sa mga taong may karapatan sa Kanyang pagtuturo ay ihahayag Niya ang lahat ng bagay na kailangan para umunlad ang kaluluwa.”1 Ang pag-anyaya sa Espiritu Santo na maging guro ay isang pangunahing layunin sa lahat ng huwaran ng Panginoon sa pagkatuto at pagtuturo.
Ang isang mag-aaral na gumagamit ng kalayaang moral at kumikilos ayon sa tamang alituntunin ay binubuksan ang nilalaman ng kanyang puso sa Espiritu Santo—at sa gayo’y inaanyayahan ang Kanyang pagtuturo, kapangyarihang magpatotoo, at nagpapatunay na pagsaksi. Ang pagkatuto sa pamamagitan ng pananampalataya ay nangangailangan ng espirituwal, mental, at pisikal na pagsisikap at hindi sa pagtanggap lamang nang walang ginagawa. Sa katapatan at patuloy na paggawa nang may pananampalataya, naipapakita natin sa ating Ama sa Langit at sa Kanyang Anak na si Jesucristo na tayo ay handang matuto at tumanggap ng tagubilin mula sa Espiritu Santo.
Bigyang-pansin kung paano tinutulungan ng mga missionary ang mga investigator na matuto sa pamamagitan ng pananampalataya. Ang paggawa at pagtupad ng mga espirituwal na pangako, gaya ng pag-aaral at pagdarasal tungkol sa Aklat ni Mormon, pagtupad sa mga kautusan, at pagdalo sa mga miting ng Simbahan ay nangangailangan ng pananampalataya at pagkilos. Angkop din ang alituntuning ito sa lahat ng miyembro, kabilang na ang mga magulang, guro, at lider.
Ang pagtuturo, paghihikayat, at pagpapaliwanag—mahalaga man ang mga ito—ay hindi kailanman magbibigay sa isang investigator, bata, estudyante, o miyembro ng patotoo sa katotohanan ng ipinanumbalik na ebanghelyo. Kapag pinakilos sila ng kanilang pananampalataya at nagbukas ito ng daan tungo sa puso, saka lamang magpapadala ng nagpapatibay na mga patotoo ang Espiritu Santo. Malinaw na kailangang matuto ang mga missionary, magulang, guro, at lider na magturo sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu. Gayunman, mahalaga ring katulad nito ang responsibilidad nilang tulungan ang iba na matuto para sa kanilang sarili sa pamamagitan ng pananampalataya.
Ang pagkatutong inilalarawan ko ay higit pa sa nauunawaan ng isipan at pagtanda at pagtanda at pag-alaala sa impormasyon. Ang uri ng pagkatuto na tinutukoy ko ay dahilan para magbalik-loob tayo sa Diyos (tingnan sa Alma 5:7), hubarin ang likas na tao (tingnan sa Mosias 3:19), baguhin ang ating puso (tingnan sa Mosias 5:2), at magbalik-loob sa Panginoon at huwag tumalikod kailanman (tingnan sa Alma 23:6). Ang pagkatuto sa pamamagitan ng pananampalataya ay nangangailangan kapwa ng puso at ng may pagkukusang isipan (tingnan sa D at T 64:34) at ito ay dahil sa Espiritu Santo na nagdadala ng kapangyarihan ng salita ng Diyos kapwa sa damdamin at sa puso. Ang pagkatuto sa pamamagitan ng pananampalataya ay hindi maililipat ng tagapagturo sa estudyante, ng missionary sa investigator, sa pamamagitan ng lecture, pagpapamalas, o pagdanas; sa halip, kailangang manampalataya at kumilos ang isang estudyante para magtamo ng kaalaman para sa kanyang sarili.
Isang Huwaran sa Pagkatuto at Pagtuturo
1. Maghandang matuto. Kung dumadalo kayo sa inyong mga klase sa Sunday School at nakikinig sa paglalahad ng paksa ng inyong guro, mabuti iyan. Ngunit kung nagsikap kayo at naghanda, kung iniisip ninyo ang mga bagay na sinabi ng inyong guro na basahin, pagnilayan, at ipagdasal bago magklase, maaaring magkaroon ng matinding pagbuhos ng Espiritu, at ang Espiritu Santo ang nagiging guro ninyo. Ang paghahanda ay nag-aanyaya ng paghahayag.
2. Makisalamuha para makapagpasigla. Gusto kong ituon ang inyong pansin sa talatang ito. “Magtalaga sa inyo ng isang guro, at huwag maging mga tagapagsalita ang lahat kaagad; sa halip magsalita nang isa-isa at makinig ang lahat sa kanyang sinasabi, upang kapag ang lahat ay nakapagsalita na ang lahat ay mapasigla ng lahat, at upang ang bawat tao ay magkaroon ng pantay na pribilehiyo” (D at T 88:122).
Ito ay isa sa mabibisang huwaran ng Panginoon sa pagkatuto at pagtuturo. Gusto kong magmungkahi ng isa pang paraan ng pagtingin sa talatang ito: “Magtalaga sa inyo ng isang guro.” Sino ang guro? Ang Espiritu Santo. Posible kaya na kung gusto ninyong ang Espiritu Santo ang maging guro, “huwag [magsalita nang sabay-sabay] ang lahat …; sa halip magsalita nang isa-isa at makinig ang lahat sa kanyang sinasabi, upang kapag ang lahat ay nakapagsalita na ang lahat ay mapasigla ng lahat”? Ang tanging makapagbibigay ng pagpapasiglang iyon ay ang Espiritu Santo.
Ang pakikisalamuha para makapagpasigla ay nag-aanyaya ng paghahayag. Sa Simbahan sa kasalukuyan, pinag-aaralan at ipinamumuhay natin ang mas espirituwal na sensitibo, mahigpit, at mahirap na mga huwaran ng pagkatuto at pagtuturo. Lagi ba nating gagawin ang lagi nating ginagawa at makukuha ang kaparehong resultang lagi nating nakukuha, o magsisisi tayo at matututo at magbabago at lalong magtuturo sa paraan ng Panginoon?
3. Mag-anyayang kumilos. Isang simpleng tanong lang ay nakakatulong sa pagkakamit ng layuning ito. Ano ang gagawin ninyo sa inyong natutuhan? Ang pagkilos ayon sa paghahayag ay nag-aanyaya ng iba pang paghahayag.
Dalangin ko na makasabay tayo sa pagpapabilis ng Panginoon, na hindi lang natin gagawin ang lagi nating ginagawa sa paraang lagi natin iyong ginagawa.
Pinatototohanan ko na totoong buhay ang Panginoong Jesucristo. Ako ay saksi na Siya ay buhay. Siya ay nabuhay na mag-uli. Siya ang namumuno sa Simbahang ito at Siya ang namamahala sa mga gawain nito. Nagsusumamo Siya na sumabay tayong lahat sa Kanyang pagpapabilis at sumunod sa mga huwarang itinakda Niya para sa ating paglago at pagkatuto.