2018
4 na Aral mula sa Paglalabas ni Joseph Smith ng Aklat ni Mormon
Oktubre 2018


Digital Lamang

4 na Aral mula sa Paglalabas ni Joseph Smith ng Aklat ni Mormon

Sa edad lamang na 24 anyos, naharap si Joseph Smith sa mga hamon habang sinisikap niyang isakatuparan ang mga utos ng Diyos. Ngunit nagtagumpay siya sa tulong ng Diyos, at kaya rin natin ito.

young adult woman holding an old Book of Mormon

Bilang mga young adult, maaari tayong hilingang gawin ang mga bagay na tila imposible kung walang tulong ng Diyos. Gayundin, si Joseph Smith, sa edad lamang na 24 anyos, ay naharap sa mga hamon at nakadama ng kakulangan sa paghahangad niyang isakatuparan ang isang mahalagang utos—ang pagpapalathala ng salin ng Aklat ni Mormon. Ngunit sa tulong ng Diyos, nakumpleto niya ang lahat ng ipinagawa sa kanya, at ang ipinakita ng kanyang halimbawa ang ilang paraan na magagawa nating posible ang imposible kapag nasa panig natin ang Diyos.

  1. Hindi tayo kailangang maging dakila para makapaghimala ang Diyos sa pamamagitan natin. Noong naghahanda si Joseph na ilathala ang Aklat ni Mormon, isa siyang young adult na walang gaanong pera o pormal na edukasyon—lalo pa ng kaalaman kung paano isalin at ilathala ang gayon kahalagang tala. Gayunman, sumulong siya nang may pananampalataya at kaloob at kapangyarihan ng Diyos para makumpleto ang ipinagawa sa kanya. Kung may tiwala tayo sa Ama sa Langit, mabibigyan Niya tayo ng kakayahang gawin ang Kanyang gawain.

  2. Kapag binigyan tayo ng Diyos ng gawain, maglalaan Siya ng paraan para magtagumpay tayo. Para kay Joseph, mukhang imposibleng maglimbag ng 5,000 kopya ng 590-pahinang aklat. Pero, noong ilalathala na ang manuskrito, binigyang-inspirasyon ng Panginoon si Martin Harris na isangla ang kanyang saganang bukirin, na naglaan ng $3,000 (katumbas ng mga $76,000 ngayon) para tulungan si Joseph na tuparin ang kanyang misyon. Tulad ng itinuro ni Nephi, “[ang Panginoon] ay maghahanda ng paraan para sa kanila upang kanilang maisagawa ang bagay na kanyang ipinag-uutos sa kanila” (1 Nephi 3:7). Ibinigay ng Ama sa Langit ang kailangang resources kay Joseph para matapos ang proyekto. At gagawin din Niya ito para sa atin.

  3. Ang Diyos ay nagbibigay ng pangalawang pagkakataon. Nakagawa ng mga pagkakamali si Joseph Smith na humantong sa pagkawala ng 116 na pahina ng manuskrito ng Aklat ni Mormon. Dahil sa pagkawala ng 116 na pahina, pansamantala ring nawala ang kakayahan ni Joseph na magsalin. Ngunit dahil pinili niyang magsisi, pinatawad siya kalaunan at binigyan ng pangalawang pagkakataon para tuparin ang kanyang misyon. Sabi ng Panginoon, “Subalit tandaan, ang Diyos ay maawain; samakatwid, magsisi sa yaong iyong nagawa na salungat sa kautusang ibinigay ko sa iyo, at ikaw ay pinili pa rin, at muling tinatawag sa gawain” (D at T 3:10). Ang ating buhay ay mapupuno ng mga pagkakamali sa buhay na ito, ngunit kapag nagsisi tayo at matwid ang ating mga hangarin, lagi tayong bibigyan ng Panginoong ng pangalawang pagkakataon.

  4. Ang pag-asam sa ipinangakong kagalakan ay makatutulong sa atin na malampasan ang mga hamon. Sa kabila ng lahat ng hamon na kinailangang harapin ni Joseph, tumanggap siya ng maraming pagpapala at nakadama ng tunay na kagalakan sa kanyang buong gawain na ilabas ang Aklat ni Mormon. Nang mailathala ang Aklat ni Mormon, inorganisa ang Simbahan at nabinyagan ang mga magulang ni Joseph. Sa araw na iyon, mag-isang nagtungo si Joseph sa kakahuyan at nagsimulang tumangis sa kaligayahan. Kung magpapatuloy tayo sa pagdaan sa ating mga pagsubok nang taas-noo, na lubusang nagtitiwala sa Diyos, makadarama rin tayo ng kagalakan at kapayapaan.