2018
Pag-asa sa Holland
Oktubre 2018


Pananampalataya, Pag-asa, at BIYAYA—Bahagi 3

Pag-asa sa Holland

Ang awtor ay naninirahan sa New Jersey, USA.

Si Grace ay isang 15-taong-gulang na batang nanirahan sa Holland noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Matagal nang nagsimula ang digmaan. Gutom na gutom ang mga tao sa Holland, at inasam nilang matapos na kaagad ang digmaan.

Hope in Holland

Ang huling taon ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig ang pinakamalala para sa Holland. Kinuha ng mga Nazi ang lahat. Hindi makapasok sa paaralan si Grace. Walang uling para mapainit ang bahay nila. Para hindi magutom, kinailangang kumain ni Grace at ng kanyang pamilya ng mga talbos ng tulip. Ang pangit ng lasa nito! Ang pinakamalala sa lahat, bilanggo pa rin ng digmaan si Itay.

Pero may pag-asang nadama sa paligid. Sabi ng mga tao, natatalo na sa digmaan ang mga Nazi. At noong Mayo ng 1945, sumuko na ang mga Nazi. Sa wakas ay malaya na ulit ang Holland! Nagdiwang ang mga tao sa kalsada. Makakapag-aral na ulit ngayon si Grace. Wala nang katatakutang mga sundalo.

Ang pinakamasaya sa lahat, habang naglalakad pauwi si Grace at ang kanyang mga kapatid isang araw, nakita nila ang bandila ng Holland na nagwawagayway sa harap ng bahay nila. Alam nila na isa lang ang ibig sabihin niyon.

“Nakauwi na si Itay!” sigaw ni Heber.

Tumakbo papasok si Grace at ang kanyang mga kapatid. Niyakap nang mahigpit ni Grace si Itay. Niyakap din siya nito nang mahigpit. Talagang napakasayang makasama si Itay sa bahay.

Hindi nagtagal, nagdatingan ang mga pakete ng pagkain, damit, at gamot sa Holland. Nagpadala ang mga pinuno ng Simbahan sa Salt Lake ng maraming suplay para tulungan ang mga tao pagkatapos ng digmaan. Nakakuha pa nga ng bagong bestida si Grace! Limang taon na niyang suot ang bestida niya, kaya masayang-masaya siyang makakuha ng bago.

Sa unang pagkakataon sa loob ng maraming taon, nagkaroon ng sapat na makakain si Grace. Nagpasiya ang mission presidency at ang pamahalaan sa Holland na magpasimula ng potato project para magpatubo ng mas maraming pagkain. Nagtanim ng maraming patatas ang mga miyembro ng Simbahan sa kalapit na mga bukirin. Pagsapit ng taglagas, magkakaroon sila ng libu-libong patatas na makakain.

“Tingnan ninyo!” sabi ni Grace kay Itay, habang nakaturo sa isang umuusbong na tanim na patatas. “Hindi na tayo magugutom ulit!”

Tumango si Itay pero hindi ngumiti. Sabi niya, “Kausap ko kanina si President Zappey. Sabi niya sa akin, nagugutom pa rin ang mga Banal sa mga Huling Araw sa Germany, tulad natin dati. Wala silang natatanggap na tulong mula sa pamahalaan tulad natin.” Inakbayan ni Itay si Grace. “Nagtanong si President Zappey kung puwede nating ibigay ang mga patatas natin sa mga Banal sa Germany.”

“Ibigay ang mga patatas natin!” hiyaw ni Grace. Pero ang mga Nazi ay taga-Germany! “Maaaring mga Banal sa mga Huling Araw sila, Itay, pero German pa rin sila.”

“Alam kong hindi iyan madali,” sabi ni Itay. “Pero anak din sila ng Diyos. Mahal din Niya sila. Pinatawad ko sila sa pagbibilanggo nila sa akin. Matutulungan tayong lahat ng Panginoon na magpatawad.”

Tumingala si Grace kay Itay. Siya ang pinakamatapang na taong nakilala niya, pero hindi niya alam kung may tapang siyang magpatawad na tulad nito. Pagkatapos ay bigla niyang naalala ang isa sa kanyang mga guro noong may digmaan. Sinabi ng guro niya na hindi lahat ng German ay Nazi, at hindi lahat ng sundalong Nazi ay masama. At ngayon ang mga batang babae at lalaki sa Germany ay nagugutom, tulad ni Grace dati.

Huminga nang malalim si Grace. “Naiintindihan ko po,” sabi niya. “Ibigay natin sa kanila ang mga patatas natin.”

Niyakap siya ni Itay at ngumiti ito. “Napakatapang mong bata. Mahirap gawin iyan. Pero tayo ay mga disipulo ni Jesucristo, at gayundin ang mga kapatid nating German.”

Ngumiti si Grace. Naglaho ang galit sa kanyang puso, at kumalma siya at gumanda ang kanyang pakiramdam. Mapapatawad niya ang mga German. At matutulungan siya ni Jesus na mahalin din sila.