2018
Mga Itlog, mga Fuse, at Pananampalataya
Oktubre 2018


Mga Itlog, mga Fuse, at Pananampalataya

Alvaro Alcaino

Antofagasta, Chile

pencil sharpener

Paglalarawan ni Carolyn Vibbert

Ang isa sa aming mga mithiin bilang pamilya ay makaipon ng sapat na pera para makapagbigay ng paunang bayad para sa sarili naming tahanan. Kung hindi sa mithiing iyon, baka sayangin ko lang ang mga Sabado’t Linggo ko sa panonood ng telebisyon, paghihintay na lumapit sa akin ang mga pagkakataon na magkapera.

Bilang driver sa isang kumpanya ng pagmimina sa hilagang bahagi ng Chile, apat na araw akong nagtatrabaho nang malayo sa bahay sa mga minahan at pagkatapos ay may tatlong araw akong bakasyon—Sabado hanggang Lunes. Para maragdagan ang aming kita at ipon para sa isang bahay, nagpasiya kaming magbenta ng mga itlog. Ang plano namin ay kumuha ng mga order mula sa mga kaibigan, kapitbahay, at miyembro ng Simbahan; bumili ng mga 1,000 itlog kada linggo mula sa isang mamamakyaw; at pagkatapos ay kunin at i-deliver ang mga itlog tuwing Sabado at Lunes.

Nagpasiya kami ng asawa kong si Laura na isama ang dalawa naming anak sa pagde-deliver at masaya kaming magkasama-sama. Gayunman, habang papunta kami para bumili ng unang batch ng mga itlog, may aksidenteng nangyari. Inihagis ng isa sa mga anak namin, na nilalaro ang isang maliit na metal na pantasa ng lapis, ang pantasa at diretso itong bumagsak sa bakanteng lalagyan ng lighter ng sigarilyo. Sumiklab ito, at nawalan ng kuryente ang van namin, at biglang huminto sa gitna mismo ng highway. Nasunog ang isang fuse namin.

Habang nakaupo kami roon at naantala ng trapiko at nag-iisip kami kung ano ang gagawin, inis na inis na kami at gusto na naming umiyak. Pero sa sandaling iyon, naalala ko na nangako ang Panginoon na pasisiglahin at tutulungan tayo kung magtitiwala tayo sa Kanya. Napanatag ako. Natanto ko na hindi maaaring umupo lang ako roon at magreklamo. May problema kami, at sa tulong ng Diyos, lulutasin namin iyon.

Bumaling kami ni Laura sa isa’t isa at sinabi namin, “Kailangan tayong manalig.” Nagdasal kami at pinunasan ang aming mga luha. Pagkatapos, habang si Laura ang nasa manibela, lumabas ako para itulak ang kotse. Nagsilabas ang ilang tao mula sa kanilang sasakyan at tinulungan ako.

Itinulak namin ang kotse nang mga 200 metro bago kami nakakita ng ligtas na mapaparadahan sa highway. Nang tumigil ang kotse, napansin ko na pumarada pala kami sa harap mismo ng isang tindahan ng stereo ng kotse.

Hinanap ko ang nasunog na fuse, pumasok ako sa loob ng tindahan, at nagtanong, “May ganito ba kayo?”

Sagot ng clerk, “Oo naman.”

Bumili ako ng fuse at inilagay ko ito sa lugar nito, umandar kaagad ang kotse, at umalis na kami. Magsasara na ang wholesaler o mamamakyaw ng itlog nang pumarada kami. Bumili kami ng mga itlog at nakapag-deliver.

Kapag may mga hamon tayo, alalahanin nating humingi ng tulong sa ating Ama sa Langit. Alam ko na sasagutin Niya tayo habang sumusulong tayo at nagpapakita ng pananampalataya sa Kanya.