2018
Ang Naggaganyak sa Atin na Ipamuhay ang Ebanghelyo
Oktubre 2018


Mga Young Adult

Ang Naggaganyak sa Atin na Ipamuhay ang Ebanghelyo

Laging magkakaroon ng “mga turong mahirap tanggapin.” Ngunit laging may opsiyon na piliing manampalataya kaysa magduda o mag-alinlangan.

man hiking in the mountains

Ang landas ng pagkadisipulo ay puno ng mga pagpapala—yaong mga “nakikita at di nakikita.”1 Ngunit may mga pagkakataon na ang landas na iyon, sa kabila ng mga pagpapala nito, ay hindi madali o kumbinyente. Ang pagiging disipulo ni Jesucristo ay nangangailangan ng pagsisikap at sakripisyo, at kung minsa’y mahirap maganyak na sundin ang mga kautusan at gawin ang mga sakripisyong iyon.

Bilang young adult, malamang ay abala ka ring gumanap sa mga bagong responsibilidad, gumawa ng mga desisyong magpapabago sa buhay mo, at magpasiya kung ano ang bubuo sa sarili mong landas ng pagkadisipulo sa buong buhay mo. Bukod pa riyan, maaaring may mga bagay sa mga patakaran o kasaysayan ng Simbahan o sa doktrina ng ebanghelyo na hindi mo lubos na nauunawaan at mga tuksong nagpapahirap sa iyo, at mga pagpapalang hinihintay mo pa rin at mga tanong tungkol sa plano ng Diyos para sa iyo.

Maaaring magtaka ang ilan sa atin paminsan-minsan kung ang pamumuhay ayon sa ebanghelyo ay nararapat sa mga pagpapalang ipinangako sa atin. Maaaring sabihin natin na ayaw sa atin ng iba, na napakaraming gagawin, o na parang marami kang tanong na hindi nasasagot. Ngunit talagang depende lang iyan sa motibasyon. Bakit mo ginagawa ang ginagawa mo at bakit ka namumuhay nang ganyan? Bakit mo patuloy na sinusunod ang mga kautusan, kahit walang nakakapansin kung ginagawa mo ito?

Sino ka man at ano man ang sitwasyon ng buhay mo, nasa iyo na kung pipiliin mong maghanap ng maggaganyak sa iyo sa pamamagitan ng pagpapalakas ng iyong pananampalataya sa Tagapagligtas at sa Kanyang ebanghelyo.

Kanino Kami Magsisiparoon?

Ang paghahanap at patuloy na pagkakaroon ng motibasyon na ipamuhay ang ebanghelyo ay hindi kakaibang hamon sa ating panahon. Kahit noong narito sa lupa ang Tagapagligtas, nahirapan pa rin ang mga tao na unawain at sundin ang mga alituntuning itinuro Niya. Nakinig ang ilan sa Kanyang mga disipulo nang ipaliwanag Niya ang isang konsepto na tila nakasakit sa kanila—ang Kanyang papel bilang “tinapay ng kabuhayan” (tingnan sa Juan 6:35–58). Nag-aalinlangan silang sumagot, na nagsasabing, “Matigas ang pananalitang ito; sino ang makaririnig noon?” (Juan 6:60).

Nang makita ni Cristo na nahihirapan silang paniwalaan o tanggapin ang doktrinang ito, nagtanong Siya, “Ito baga’y nakapagpapatisod sa inyo?” (Juan 6:61). Sa halip na manampalataya kaysa magduda, marami sa Kanyang mga disipulo ang “nagsitalikod, at hindi na nagsisama sa kaniya” (Juan 6:66).

Ngunit nang tanungin ni Cristo ang iba pang mga disipulo Niya kung sila man ay “magsi[si]alis,” ibinigay ni Pedro ang tanging sagot na maibibigay: “Kanino kami magsisiparoon? ikaw ang may mga salita ng buhay na walang hanggan” (Juan 6:67–68).

Ang Pinagmumulan ng Ating Motibasyon o Pagkaganyak

Alam ni Pedro ang pinagmumulan ng kanyang motibasyon o pagkaganyak. Depende ito sa pangunahing dahilan kung bakit ginagawa natin ang ginagawa natin sa ebanghelyo: ang ating patotoo at pananampalataya kay Jesucristo. “At kami’y nagsisisampalataya at nakikilala namin,” sabi ni Pedro, “na ikaw [ang Cristo,] ang [Anak] ng [buhay na] Dios” (Juan 6:69; idinagdag ang pagbibigay-diin). Sa pagkakaroon ng gayong malakas na pananalig kay Jesucristo, sa Kanyang kabanalan, at sa Kanyang gawain, magaganyak din tayo na patuloy na ipamuhay ang ebanghelyo—kahit mukhang mahirap gawin ito, kahit walang ibang makakapansin, at kahit hindi tayo sigurado na gusto natin.

Laging magkakaroon ng “mga turong mahirap tanggapin.” Ngunit laging may opsiyon na piliing manampalataya kaysa magduda o mag-alinlangan. Tulad ng sabi ni Elder L. Whitney Clayton ng Panguluhan ng Pitumpu, “Ang desisyong maniwala ang pinakamahalagang pagpiling ginagawa natin.”2

Kaya ano ang gagawin natin kung nasa kabilang panig tayo ng isa sa “mga turong mahirap tanggapin”?

1. Sundan ang halimbawa ni Pedro at ng iba pang mga disipulo na nanatiling tapat kahit madali sanang “magsialis.” Makinig sa payo ng mga propeta, apostol, at iba pang mga pinuno:

“Sa mga sandali ng takot o pag-aalinlangan o problema, panindigan ang inyong pananampalataya. … Manangan nang mahigpit sa nalalaman na ninyo at manindigan hanggang sa dumating ang karagdagang kaalaman.”3

“Sumulong nang may pananampalataya—sa paisa-isang hakbang. … Magtuon sa mga katotohanang pinaniwalaan [ninyo] at hayaang puspusin nito ang [inyong] puso’t isipan. …

“… Magsimula sa mga pangunahing katotohanan ng ebanghelyo.”4

2. Manatiling malapit sa mga banal na kasulatan at sundin ang mga turo nito:

“Pag-aralan at pagnilayan nang may panalangin ang Aklat ni Mormon araw-araw.”5

“Kung ang sinomang tao ay nagiibig gumawa ng kaniyang kalooban, ay makikilala niya ang turo, kung ito’y sa Dios, o kung ako’y nagsasalita na mula sa aking sarili” (Juan 7:17).

“Maging tagatupad kayo ng salita, at huwag tagapakinig lamang” (Santiago 1:22).

3. Patuloy na sundin ang mga kautusan.

“Ang mga sagot sa ating tapat na mga tanong ay dumarating kapag masigasig nating hinahanap at sinusunod ang mga kautusan. … Matutulungan tayo ng ating pananampalataya na maniwala sa mga bagay na walang kabuluhan sa atin sa oras na iyon.”6

“Kung patuloy kayong magiging masunurin, … ibibigay sa inyo ang kaalaman at pang-unawang hangad ninyo.”7

Sa huli, ang naggaganyak sa atin ay yaon lamang sinabi ni Pedro. Naniniwala ba tayo na si Jesus ang Cristo, na Siya ang nagpapatakbo ng Kanyang Simbahan at nasa Kanya ang mga salita ng buhay na walang hanggan? Nangingibabaw ba ang ating pananampalataya sa Kanya kaysa “mga turong mahirap tanggapin” na maaaring hindi natin maunawaan sa ngayon?

Mga Gantimpala ng Pamumuhay ayon sa Ebanghelyo

looking at the view from the top of a mountain

Kapag nagdesisyon tayong mahalin at sundin ang Diyos at si Jesucristo at tuparin ang mga utos kahit hindi natin lubos na nauunawaan ang mga ito, napakalaki ng mga gantimpala. Ang tanong ng likas na tao, “Ano’ng mapapala ko riyan?” Ang tugon sa mga turo ng ebanghelyo: “Kapayapaan sa daigdig na ito, at buhay na walang hanggan sa daigdig na darating”; isang lugar na inihanda para sa iyo sa mga mansiyon ng Diyos; lahat ng mayroon ang Ama sa Langit; “walang katapusang kaligayahan” (tingnan sa D at T 59:23; Eter 12:34; D at T 84:38; Mosias 2:41); at, tulad ng sabi ni Elder Dieter F. Uchtdorf ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Dito [sa Simbahan] ay matatagpuan ninyo ang isang bagay na hindi matutumbasan ng salapi. … Pinatototohanan ko na makikita ninyo rito ang mga salita ng buhay na walang hanggan, ang pangako ng dakilang pagtubos, at ang landas tungo sa kapayapaan at kaligayahan.”8 Ilan lang iyan sa pagpapalang ipinangako sa atin.

Kapag inilaan natin ang ating sarili sa pagsunod kay Cristo at sa Kanyang mga utos, ipinangako sa atin ang lahat ng ito at marami pang iba. Hindi iyan nangangahulugan na laging magiging madali o maliwanag ang landas, ngunit ang mga pagpapalang ipinangako sa atin sa pananatiling matatag ay patuloy na darating habang tayo’y nabubuhay at maging sa kabilang-buhay.

Gayunman, kahit kamangha-mangha ang mga pagpapalang ito, hindi dapat ang mga ito ang pangunahing naggaganyak sa atin na ipamuhay ang ebanghelyo. Ano man ang inyong mga tanong, ano mang doktrina ang hindi ninyo nauunawaan, ang inyong pananampalataya kay Jesucristo at sa Kanyang Pagbabayad-sala ang magiging susi para maganyak kayong ipamuhay ang Kanyang ebanghelyo, tulad noon kay Pedro at sa iba.

“Iniimpluwensyahan ng ating mga hangarin at isipin ang ating mga kilos sa bandang huli,” sabi ni Elder Uchtdorf. “Ang patotoo sa katotohanan ng ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo ang pinakamabisa at nakagaganyak na puwersa sa ating buhay. Paulit-ulit na binigyang-diin ni Jesus ang kapangyarihan ng mabubuting kaisipan at wastong hangarin: ‘Isaalang-alang ako sa bawat pag-iisip; Huwag mag-alinlangan, huwag matakot’ (D at T 6:36).

“Makakatulong sa ating buhay ang patotoo tungkol kay Jesucristo at sa ipinanumbalik na ebanghelyo na malaman ang mismong plano ng Diyos para sa atin at kumilos ayon dito. Tinitiyak sa atin nito ang katunayan, katotohanan, at kabutihan ng Diyos, ang mga turo at Pagbabayad-sala ni Jesucristo, at ang banal na tungkulin ng mga propeta sa mga huling araw.”9

Ako naman, patuloy akong magsisikap, kahit parang mahirap. Patuloy akong magdarasal at pag-aaralan ang aking mga banal na kasulatan. Patuloy akong magsisikap na patatagin ang aking patotoo sa Tagapagligtas araw-araw. At patuloy akong magsisikap na mamuhay sa paraang gusto Niyang ipamuhay ko at aasa na tuturuan ako ng Kanyang mga salita at ng Kanyang mga buhay na propeta at apostol kung paano, na umaasang magaganyak hindi lamang ng aking pananampalataya at pagmamahal sa Kanya kundi maging ng Kanyang walang-hanggang sakripisyo at pagmamahal para sa akin.

Mga Tala

  1. Dieter F. Uchtdorf, “Ang Landas Tungo sa Pagkadisipulo,” Liahona, Mayo 2009, 76.

  2. L. Whitney Clayton, “Piliing Maniwala,” Liahona, Mayo 2015, 38.

  3. Jeffrey R. Holland, “Panginoon, Nananampalataya Ako,” Liahona, Mayo 2013, 93–94; binigyang-diin ang orihinal.

  4. Rosemary M. Wixom, “Pagbalik sa Pananampalataya,” Liahona, Mayo 2015, 94.

  5. Thomas S. Monson, “Ang Kapangyarihan ng Aklat ni Mormon,” Liahona, Mayo 2017, 87.

  6. Rosemary M. Wixom, “Pagbalik sa Pananampalataya,” 95.

  7. Russell M. Nelson, “Paghahayag para sa Simbahan, Paghahayag para sa Ating Buhay,” Liahona, Mayo 2018, 95–96.

  8. Dieter F. Uchtdorf, “Halina, Sumama sa Amin,” Liahona, Nob. 2013, 24.

  9. Dieter F. Uchtdorf, “Ang Bisa ng Personal na Patotoo,” Liahona, Nob. 2006, 37.