2018
Napakamaawain ng Panginoon
Oktubre 2018


Napakamaawain ng Panginoon

Ang bagong maramihang-aklat na kasaysayan ng Simbahan ay tutulungan tayong tuparin ang ating mga tipan sa pamamagitan ng pagpapalawak sa ating alaala tungkol sa nagawa ng Panginoon para sa atin.

holding Saints book

Sa unang pagkakataon sa loob ng halos isang daang taon, isang bagong maramihang-aklat na kasaysayan ng Simbahan ay inilalathala sa ilalim ng pamamahala ng Unang Panguluhan at ng Korum ng Labindalawang Apostol. Pinamagatang Mga Banal: Ang Kuwento ng Simbahan ni Jesucristo sa mga Huling Araw, ang salaysay na ito ay naglalahad ng totoong kuwento ng mga ordinaryong tao na naging Banal sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo (tingnan sa Mosias 3:19). Kumpleto na ang unang aklat na, Ang Pamantayan ng Katotohanan, 1815–1846, at naisalin na sa 14 na wika para ipamahagi sa maraming lugar sa mundo.

Ang Mga Banal ay ang kuwento kung paano ipinanumbalik ng Diyos ang Kanyang walang-hanggang tipan dahil sa Kanyang pagmamahal sa Kanyang mga anak. Ipinapakita rito kung paano ipinanumbalik ng Panginoon ang Kanyang ebanghelyo para magbigay ng pag-asa at kapayapaan sa mga panahon ng kaguluhan, pagsubok, at pagdurusa. Ipinapakita rin dito kung paano humahantong ang ipinanumbalik na mga tipan sa kadakilaan sa pamamagitan ni Jesucristo.

Maaaring inaasahan ninyong magsimula ang kuwento kay Joseph Smith, ngunit ang Mga Banal ay nagsisimula sa pagputok ng isang bulkan sa Indonesia noong 1815, na nagsanhi ng laganap na kamatayan, sakit, at kaguluhan. Ang panimulang bahaging ito ay pinili dahil sa inihayag ng Panginoon kung paano Niya ipinanumbalik ang mga tipan na nagbibigkis sa atin sa Tagapagligtas at tinutulungan tayong makayanan ang lahat ng problema sa buhay:

“Ako, ang Panginoon, nalalaman ang kapahamakang sasapit sa mga naninirahan sa mundo, ay tinawag ang aking tagapaglingkod na si Joseph Smith, Jun., at nangusap sa kanya mula sa langit, at nagbigay sa kanya ng mga kautusan; …

“Nang ang aking walang hanggang tipan ay mapagtibay” (D at T 1:17, 22).

Mula sa simula hanggang sa pamamahagi nito sa buong mundo, ang Mga Banal ay hudyat sa mga anak ng Diyos sa buong mundo na ito ang kuwento ng kanilang tipan sa Diyos, na nakakaalam sa lahat ng paghihirap nila. Sa pamamagitan ng Kanyang propeta, pinanibago ng Diyos ang mga tipan na hindi nag-aalis ng kasamaan, kalungkutan, pagdurusa, at paghihiwalay sa kamatayan ngunit talagang nangangako ng paggaling sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas, nagpapabanal at nagbibigay ng higit na kahulugan sa ating buhay, at sinisiguro sa atin na ang mga relasyong itinatangi natin dito sa mundo ay magtatagal sa kawalang-hanggan, na “may kakabit na walang hanggang kaluwalhatian” (tingnan sa D at T 130:2).

Ang unang walong kabanata ng Ang Pamantayan ng Katotohanan ay inilathala na sa mga isyu ng magasing ito sa buong taon. Matatapos sa isyu ngayong buwan ang serye ng mga kabanata mula sa Mga Banal, ngunit magpapatuloy ang kuwento sa saints.lds.org, sa Gospel Library app, and sa nakalimbag na aklat (umorder sa store.lds.org). Inaaanyayahan ko kayong patuloy na basahin ito gamit ang anuman sa nabanggit na media.

Isang Banal na Huwaran at Plano

Ang Mga Banal ay itinutuloy ang banal na huwaran kung saan ginagamit ng mga propeta ang nakaraan, bilang bahagi ng kanilang ministeryo, para tulungan tayong malaman kung sino tayo at makita ang mga layunin ng Diyos sa ating buhay. Sa mga banal na kasulatan, sinisimulan ng maraming propeta ang ang kanilang pagtuturo sa pagsasalaysay ng mga kuwento tungkol sa awa ng Diyos sa kanilang mga ninuno.1 Pinayuhan ni Moroni ang mga mambabasa ng Aklat ni Mormon na “[alalahanin] kung paano naging maawain ang Diyos” sa buong kasaysayan “at pagbulay-bulayin ang mga yaon sa inyong mga puso” (Moroni 10:3). Ang pagninilay tungkol sa kabutihan ng Diyos ay inihahanda tayong matanggap ang patotoo ng Espiritu, na nagtuturo sa atin ng “mga bagay kung ano talaga ang mga ito, at mga bagay kung ano talaga ang magiging ito” (Jacob 4:13; tingnan din sa Moroni 10:4–5).

dad holding children

Ang pagkaalam na nagplano ang ating mga Magulang sa Langit para sa ating sukdulang kaligayahan at kadakilaan ay naglalaan sa atin ng pananaw, nagbibigay sa atin ng pagkakakilanlan bilang mga minamahal na anak ng mga banal na magulang, at nagpapaibayo sa ating tiwala sa Panginoon, maging sa oras ng paghihirap. Ang pag-alaala sa kabutihan ng Panginoon ay maaari din tayong protektahan laban sa kayabangan at kapahamakang dulot ng kasaganaan. Nagsulat si Mormon tungkol sa panahon na “nagsimula[ng] magsiyaman nang labis” ang mga Nepita. Ngunit hindi tulad ng ibang mga panahon sa Aklat ni Mormom kung kailan tinulutan ng mga tao na ibagsak sila ng kanilang kayabangan at kayamanan, ibang landas ang tinahak nila sa panahong ito: “Subalit sa kabila ng kanilang mga kayamanan, o ng kanilang lakas, o ng kanilang kasaganaan, hindi sila iniangat sa kapalaluan ng kanilang mga paningin; ni hindi sila naging mabagal sa pag-aalaala sa Panginoon nilang Diyos kundi sila ay nagpakumbaba nang labis sa kanyang harapan.” Tinupad nila ang kanilang mga tipan at nanatiling matwid dahil “naalaala nila ang mabubuting bagay na ginawa ng Panginoon para sa kanila” (tingnan sa Alma 62:48–50).

Itinuturo sa Mga Banal ang mga bagay na katulad nito at marami pang iba. Tutulungan kayo nitong makita ang patnubay ng Panginoon sa inyong buhay habang parang kayo mismo ang nagdaranas ng mga pagsubok sa pananampalataya, mga pighati at kagalakan, mga paghahayag at pagtitika ng mga taong di-perpekto na minahal ang Diyos at nadama ang Kanyang pagmamahal.

Habang nagbabasa kayo, makatutuklas kayo ng bagong kabatiran at kahulugan kahit sa mga kuwentong narinig na ninyo dati. Walang pangyayari sa kasaysayan ng Simbahan na mas kilala pa kaysa sa Unang Pangitain ni Joseph Smith, ngunit mas ipauunawa sa atin ng Mga Banal kung paano pinagsikapan ni Joseph na pagkasunduin ang nadama niya sa kanyang puso at ang laman ng kanyang isipan.

Ang taos-pusong hangarin ni Joseph na madama ang kapatawaran ng Tagapagligtas ay hindi natupad dahil nakita niya na wala sa mga simbahan noon ang nagtuturo ng “ebanghelyo ni Jesucristo tulad ng nakatala sa Bagong Tipan.”2 Sa kanyang isipan, pinagnilayan ni Joseph kung aling Simbahan ang tama o kung mali ba silang lahat. Sa puso niya ay labis siyang umasa na isa sa mga ito ang tama para masumpungan niya ang kapayapaang hangad niya. Habang nagtutunggali ang kanyang puso’t isipan, natuklasan ni Joseph na maaari siyang magtanong sa Diyos. Pumunta siya sa kakahuyan upang magdasal. Nakita niya roon ang Ama at ang Anak, na pinatawad siya at nilutas ang kanyang problema sa paraang hindi niya naisip kailanman.3

Ninais ni Joseph, ng kanyang pamilya, at ng marami pang iba na tumanggap sa ipinanumbalik na tipan ng Panginoon na madama ang pagmamahal ng Diyos sa kanila, matutuhan kung paano sila mas mapapalapit sa Kanya, at maisaayos ang mga relasyon nila sa kanilang mga mahal sa buhay. Nakalahad sa Mga Banal ang kanilang mga kuwento.

Pagtitiwala sa Diyos sa mga Oras ng Pagsubok

Kabilang sa Tomo 1 ng Mga Banal ang makabagbag-damdaming kuwento ni Amanda Barnes Smith at ng kanyang pamilya, na sumunod sa mga utos ng Panginoon at sa Kanyang kalooban.4 Malupit na pinatay ang asawa ni Amanda at isa sa kanyang mga anak na lalaki kasama ang 15 iba pang mga Banal sa mga Huling Araw na nagkakampo sa isang maliit na pamayanan sa Shoal Creek sa Missouri. Pinalakas ng Panginoon si Amanda sa malagim na karanasang ito, sinagot ang kanyang mga panalangin, pinalakas ang kanyang loob, at binigyan siya ng kakayahang pagalingin ang kanyang anak na lalaki na lubhang nasugatan.5

Ipinapakita sa Mga Banal kung paano natutuhan ni Amanda na magtiwala sa Panginoon sa gitna ng matinding paghihirap. Nakalahad din dito ang natutuhan ni Joseph Smith tungkol sa kabutihan ng Diyos kahit sa oras ng pagdurusa. Ipinapakita rito na ang pagkaalam tungkol sa mga pakikitungo ng Diyos ay binibigyan tayo ng walang-hanggang pananaw, tinutulungan tayong makita ang mga bagay kung ano talaga ito at magiging ito, at tinutulungan tayong manampalataya na tutulungan tayo ng Panginoon sa mga panahon ng paghihirap.

Nang malaman ni Propetang Joseph ang nangyari sa pamilya ni Amanda at sa iba pa sa Shoal Creek, nadama niya na mas gugustuhin pa niyang makulong o mamatay kaysa hayaang mapatay ang mga Banal. Kinabukasan, sinubukan niyang makipag-ayos nang payapa sa militar ng Missouri, na nakahanda nang umatake sa pangunahing tirahan ng mga Banal sa Far West. Sa halip, hinuli si Joseph at ibinilanggo.

Halos limang buwan pagkaraan, nanatili sa bilangguan si Joseph, na nakakulong sa loob ng isang malamig at masikip na selda sa silong sa Liberty, Missouri. Inisip niya kung saan nagtatago ang Diyos at kung gaano katagal Niyang titiising makinig sa mga daing ng mga balo at ulila. Nanalangin siya, “O Panginoon, hanggang kailan sila magdurusa sa mga kaapihang ito at hindi makatarungang kalupitan, bago ang inyong puso ay lumambot para sa kanila, at ang inyong kalooban ay maantig sa habag para sa kanila?” (D at T 121:3).

Itinuturo sa atin sa Mga Banal na ang kahirapan ay hindi katunayan na hindi nasisiyahan ang Diyos, ni isang pagbawi ng Kanyang mga biyaya. Ang oposisyon ay bahagi ng plano ng Diyos para patinuin at ihanda tayo para sa isang walang-hanggan at selestiyal na tadhana (tingnan sa 2 Nephi 2:11). Nalaman ni Joseph na ang walang-katapusang paghihirap ng Tagapagligtas ay binibigyan Siya ng kakayahang tulungan tayo kapag tayo ay nagdurusa at para dakilain tayo sa huli (tingnan sa Alma 7:11–13). Bilang sagot sa nagdadalamhating paghibik ni Joseph, inilista ng Panginoon ang lahat ng uri ng pagsubok bago sinabing:

“Kung ang pinakapanga ng impiyerno ay ibubuka nang malaki ang bibig sa iyo, alamin mo, aking anak, na ang lahat ng bagay na ito ay magbibigay sa iyo ng karanasan, at para sa iyong ikabubuti.

“Ang Anak ng Tao ay nagpakababa-baba sa kanilang lahat. Ikaw ba’y nakahihigit sa kanya?” (D at T 122:7–8).

Ang pagdanas natin mismo ng mga bagay na ito ay mabibigyan tayo ng damdamin ng pakikiramay na tulad ni Cristo para sa mga naghihirap. “Mas mapagmahal ang aking puso tuwina matapos ito kaysa noon,” napagtanto ni Joseph habang nasa kulungan. Ninais niyang makasama ang mga Banal upang aliwin at aluin sila. “Hindi ko madarama ang nadarama ko ngayon,” paliwanag niya, “kung hindi ko naranasang mapagmalupitan.”6

woman reading Saints book

Ang isang dahilan kaya ipinagawa at inaprubahan ng Unang Panguluhan at ng Korum ng Labindalawang Apostol ang Mga Banal ay para maiparanas nito sa bawat isa sa atin ang mga bagay na ito sa mga kuwento ng iba. Matututuhan natin kay Amanda na kahit akma sa tingin ng Diyos sa Kanyang walang-hanggang karunungan na hindi pigilan ang kasamaan o pagdurusa, mahal Niya tayo at lagi tayong inaalala. Dinirinig Niya ang ating mga dalangin at Siya ay maawain at mabait.

Ipinanumbalik na mga Pagpapala ng Templo

Wala nang ibang lugar na mas naipapakita sa atin ang awa at kabutihang iyon kaysa sa templo. Ang Mga Banal ay talagang kuwento ng ipinanumbalik na mga pagpapala ng templo. Ang unang aklat ay nagwawakas sa pagtanggap ng libu-libong Banal sa mga Huling Araw ng mga sagradong ordenansa sa Nauvoo Temple noong 1846. Ang pangalawang aklat ay hahantong sa paglalaan ng Salt Lake Temple at pagsisimula ng mga Banal sa pagtanggap ng mga ordenansa roon noong 1893. Ang pangatlong aklat ay magwawakas sa pagsisimula ng pagtitipon ng mga Banal mula sa Europe sa templo sa Switzerland noong 1955. Ang pang-apat na aklat ay dadalhin ang kuwento sa kasalukuyan, kung kailan dumarami ang mga templo sa daigdig at tinatanggap ng mga Banal sa buong mundo ang ordenansa ng kadakilaan, tulad ng nakinita ng mga propeta noong araw.

Sa bahay ng Diyos, gumagawa tayo ng mga tipan at pinagkakalooban ng kapangyarihang madaig ang mga epekto ng Pagkahulog, pati na ang kasamaan at pagdurusa sa mundong ito. Tumatanggap tayo ng proteksyon at ng kapangyarihang magbangon sa Pagkabuhay na Mag-uli sa huli, na nakabuklod sa mga mahal sa buhay magpakailanman.

Ang Mga Banal ay tutulungan tayong tumupad ng mga tipan sa pamamagitan ng pagpapalawak sa ating mga alaala sa pagtanggap ng sakramento. Tutulungan tayo nito na laging alalahanin ang nagawa ng Tagapagligtas para sa atin. Kung hindi sa mga talaan ng mga pakikitungo ng Diyos noong araw, hindi natin “maalaala kung paano naging maawain ang Panginoon sa mga anak ng tao” (Moroni 10:3). Dahil dito, may utang na loob tayo sa Panginoon at sa mga Banal na nagtala ng kanilang mga karanasan sa Kanyang pagmamahal para sa kanila. Inutusan ng Panginoon si Joseph Smith na itala ang kanyang mga karanasan (tingnan sa D at T 21:1). Inutusan niya ang isang Church historian na nagtatrabaho sa ilalim ng pamumuno ni Joseph na “patuloy na mag-ingat ng talaan at kasaysayan ng simbahan” (D at T 47:3). Iniutos Niya na isama sa kasaysayan ang “lahat ng bagay na para sa ikabubuti ng simbahan, at para sa bumabangong salinlahi” (D at T 69:8).

Sa mga paghahayag na ito at sa pangako sa tipan na laging isasaisip ang Panginoon, sinimulang planuhin ng Unang Panguluhan at ng Korum ng Labindalawang Apostol ang Mga Banal 10 taon na ang nakararaan. Ngayon ay hinihikayat namin kayong basahin ito, na nagtitiwala na tutulungan kayo nitong maunawaan ang plano ng Diyos, nakikita na napakamaawain ng Panginoon, nagtitiis nang tapat sa mga panahon ng kaginhawahan at paghihirap, nagtatamo ng pakikiramay na tulad ni Cristo para sa iba, at tumutupad ng mga tipan na umaakay sa inyo sa kadakilaan.

Mga Tala

  1. Kabilang sa mga halimbawa sina Nephi (1 Nephi 17:23–43), Haring Benjamin (Mosias 1), Limhi (Mosias 7), isang anghel na isinugo ng Panginoon kay Alma (Mosias 27), Alma (Alma 9:10), Mormon (Mormon 3:17–22), at Moises (Exodo 13:3).

  2. Joseph Smith, sa “History, circa Summer 1832,” 2, josephsmithpapers.org.

  3. Tingnan sa “History, 1838–1856, volume A-1 [23 December 1805–30 August 1834],” 3, josephsmithpapers.org.

  4. Tingnan sa “Revelation, 12 January 1838–C,” [1], josephsmithpapers.org.

  5. Tingnan sa Mga Banal, tomo 1, kabanata 30, “Lumaban na Tulad ng mga Anghel.”

  6. “Letter to Presendia Huntington Buell, 15 March 1839,” [1], josephsmithpapers.org.