2018
Ang Ating Sumusuportang Pagsang-ayon
Oktubre 2018


Hanggang sa Muli Nating Pagkikita

Ang Ating Sumusuportang Pagsang-ayon

Mula sa isang mensahe sa pangkalahatang kumperensya noong Oktubre 2005.

Ang espirituwal na patnubay sa maraming pagkakataon ay nakasalalay sa pakikiisa sa … mga propeta, tagakita, at tagapaghayag.

raised hands

Hangad kong magsalita tungkol sa mga sagradong tungkulin ng mga lider ng priesthood na iyon na “tinawag at pinili” (D at T 55:1) upang gabayan ang Simbahan sa panahong ito. …

… Ang aking mga Kapatid [sa Korum ng Labindalawang Apostol], lahat sila, ay mabubuti, mararangal, at mapagkakatiwalaang kalalakihan. Alam ko ang nasa puso nila. Sila’y mga alagad ng Panginoon. Ang hangarin lamang nila ay gawin ang kanilang dakilang mga tungkulin at itatag ang kaharian ng Diyos sa lupa. Ang ating mga Kapatid na naglilingkod ngayon ay tunay, subok na, at tapat. … Dalisay ang kanilang puso, napakaganda ng kanilang karanasan, napakalinaw ng kanilang isipan, at napakalalim ng kanilang espirituwal na karunungan kaya’t mapapanatag ka kapag kasama mo sila.

… [Nang matawag ako, pinayuhan ako] na ang pinakamahalagang bagay na dapat kong gawin ay makiisa palagi sa aking mga Kapatid. … Iyan ang isang bagay na gusto kong gawin nang buong puso ko.

… Naisip kong halos lahat ng espirituwal na patnubay ay nakasalalay sa pagiging kaisa sa Pangulo ng Simbahan, sa Unang Panguluhan, at sa Korum ng Labindalawa—lahat sila’y sinang-ayunan bilang mga propeta, tagakita, at tagapaghayag. Hindi ko alam kung paano tayo lubos na makikiisa sa Espiritu ng Panginoon kung hindi tayo nakikiisa sa Pangulo ng Simbahan at sa iba pang mga propeta, tagakita, at tagapaghayag. …

Ang payo ko sa mga miyembro ng Simbahan ay suportahan ang Pangulo ng Simbahan, ang Unang Panguluhan, Korum ng Labindalawa, at iba pang mga General Authority nang ating buong puso at kaluluwa. Kung gagawin natin ito, tayo’y maliligtas. …

Kailangan din nating suportahan at sang-ayunan ang ating mga lokal na lider, sapagkat sila rin ay “tinawag at pinili.” Bawat miyembro ng Simbahang ito ay maaaring tumanggap ng payo mula sa bishop o branch president, stake o mission president, at sa Pangulo ng Simbahan at sa kanyang mga kasama. Walang sinuman sa mga kapatid na ito ang hiniling ang kanyang tungkulin. Walang sinumang perpekto. Gayunpaman sila’y mga alagad ng Panginoon, na tinawag Niya sa pamamagitan ng mga taong karapat-dapat na mabigyang-inspirasyon. Ang mga tinawag, sinang-ayunan, at itinalaga ay nararapat sa ating pagsang-ayon.