Mga Landas na Maghahanda sa Inyo para sa Inyong Kinabukasan
Kayo man ay nasa kolehiyo, naghahanap ng trabaho, o natututong mangalakal, nagkakaroon kayo ng isang katangian na mahalaga sa pagtatayo ng kaharian ng Diyos.
Palagay ko hindi pangarap ng sinumang 14-na-taong-gulang na dalagita na makita ang sarili niya sa isang maalikabok na kamalig, hawak ang isang makalawang na pala, at naglilinis ng mabahong kuwadra ng kabayo. Pero naroon ako araw-araw pagkauwi ko mula sa eskuwela hanggang sa umabot ako sa tamang edad para makakuha ng ibang trabaho.
Talagang hindi ko pinangarap na magtrabaho noong high school ako, pero naunawaan ko noon na kung nais kong makakuha ng trabaho na talagang gusto ko—na walang kasamang paglilinis ng kuwadra ng mga hayop—kailangan kong mag-aral sa kolehiyo, at para makapag-aral sa kolehiyo, kailangan ko ng pera. Alam ko na para sa akin, edukasyon ang tamang hakbang para matupad (sana) ang pangarap kong propesyon.
Ang maganda ay na ang landas na pinili ko ay isa lamang sa ilan na makakatulong sa inyo na matutong magtrabaho at matustusan ang sarili ninyong mga pangangailangan. Ito ay tinatawag na pag-asa sa sarili sa temporal at sa espirituwal. Habang iniisip ninyo ang inyong mga opsiyon, subukang pumili ng landas na sa tingin ninyo ay higit na maghahanda sa inyo.
Ang mga kuwentong ito ay nagmula sa mga taong kaedad ninyo ilang taon pa lang ang nakararaan. Sa pagsunod sa mga halimbawa ng mga young adult na ito, mahahanap ninyo ang inyong sariling landas tungo sa matagumpay na pag-asa sa sarili.
Isipin ang mga Pangangailangan sa Paligid Ninyo
Ni Oudom Piseth, Cambodia
Para makamit ang aking mga mithiin, lagi kong sinasabi sa sarili ko na napakahalagang magpakasipag, pero ang isa pang paraan para magtagumpay ay magtrabaho nang may katalinuhan. Pagkatapos kong magmisyon sa England, bumalik ako sa Cambodia at naghanap ng trabaho. Tiningnan ko ang mga bagay na katulad ng haba ng training para matanggap sa bawat trabaho at kung magkano ang training.
Nalaman ko na ang training program para maging clothing merchandiser ay maikli pero mahirap, at iilan lang ang gumagawa nito. Nakita ko na magandang oportunidad iyon at ipinasiya kong pasukin iyon. Natapos ko na ngayon ang programa at nagtatrabaho ako bilang merchandiser para sa isang clothing company.
Maaaring mahirap maghanap ng tamang propesyon, pero nariyan ang Tagapagligtas para tulungan at suportahan ako.
Gamitin ang Edukasyon para Magkaroon ng mga Oportunidad
Ni Iolanda Teixeira, Cape Verde, Africa
Laging pinalalakas ng nanay ko ang loob ko sa mga katagang, “Edukasyon ang susi sa tagumpay.” Gusto kong magkaroon ng mas magandang kinabukasan para sa sarili ko at lalo na para sa aking pamilya, at para magawa ito, kinailangan kong magpatuloy sa pag-aaral. Walang pera para makapag-aral sa kolehiyo noon, nag-aplay ako sa isang scholarship para makapag-aral sa vocational school ng computer systems and maintenance.
Sa buong pag-aaral ko dumanas ako ng iba’t ibang hamon, pero hindi iyon nakapigil sa pagsulong ko na nakapako ang mga mata sa mas magandang kinabukasan. Malaking tulong sa akin ang panalangin; lagi akong humihingi ng payo sa Panginoon. Noon pa man ay tapat na ako sa pag-aaral, at ngayo’y nananatili akong tapat sa aking trabaho, at ginagawa ko ang lahat ng makakaya ko bilang computer technician at marketing assistant.
Magtrabaho Ngayon para sa Kinabukasang Nais Ninyo
Nina Ann-Sophie at Lawrence Cavin, Scotland, UK
Ann-Sophie: Noon pa ma’y gusto ko nang mag-aral sa unibersidad, pero noong tinedyer ako, nagbago nang husto ang mga plano ko kung ano ang pag-aaralan ko. Pagkatapos ko ng high school, nagboluntaryo ako sa hospital nang anim na buwan. Mula noon gustung-gusto ko na ang ideyang maging nurse, pero hindi ko inisip na kakayanin kong gawin iyon.
Sa aming ward self-reliance class, pinapili kami ng trabahong gusto naming pasukan kahit wala kaming mga kwalipikasyon. Ipinagdasal ko kung ano ang dapat gawin, at laging pumapasok sa isip ko ang nursing. Nagpasiya akong sundin ang mga pahiwatig ng Panginoon.
Hindi naging madali ang pagtahak sa landas na ito. Para makapagsimula, sinaliksik ko ang nursing program at kung ano ang kailangan para makapag-aral ako. Kinausap ko ang mga tao na nagdaan din sa prosesong ito. Nang una akong mag-aplay sa nursing program, isinama ako sa waiting list. Pero hindi ako sumuko; nag-aplay ako ulit at kalaunan ay nakapasok ako. Kung minsan kailangan ninyong magtiyaga at magtiwala sa Panginoon dahil may sarili Siyang plano para sa inyo.
Lawrence: Noong bata-bata pa ako, nagtakda ako ng mithiin na maging pinakamahusay sa anumang asignaturang pinag-aralan ko o anumang trabahong pinasukan ko. Lagi akong nagsisikap na matuto at magpakahusay para lalo akong magtagumpay.
Nagtatrabaho ako ngayon bilang manager sa isang clothing company, pero gusto kong maging pulis. Sa Scotland, kailangan ninyong manirahan sa bansa nang tatlong magkakasunod na taon bago kayo mag-aplay para maging pulis. Dahil dalawang taon akong nasa labas ng bansa nang magmisyon ako, kailangan kong maghintay ng ilang buwan pa bago ako makapag-aplay.
Bagama’t naging malaking hadlang ito, hindi pa ako sumusuko. May magandang trabaho ako para matustusan ang pamilya ko, at nagpakasipag ako para matiyak na makakakuha ako ng magandang reference kapag nag-aplay ako sa ibang trabaho sa hinaharap.
Tulad ng mga young adult na ito, makikita ninyo na maihahanda kayo ng iba’t ibang landas na pangalagaan ang inyong sarili at ang inyong pamilya sa hinaharap. Nasasaisip ang mithiing iyan, maaari kayong magplano para magtagumpay. Itinuro ni Elder Dieter F. Uchtdorf ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Gawin natin ang pinakamahusay nating magagawa at lumikha ng reputasyon sa pagiging mahusay sa lahat ng ating gawain. Ituon natin ang ating isipan at katawan sa napakagandang oportunidad na makapagtrabaho sa bawat araw na dumarating” (“Dalawang Alituntunin para sa Alinmang Pamumuhay,” pangkalahatang kumperensya ng Okt. 2009). Kapag nagtuon kayo ngayon sa pag-aaral at pagtatrabaho, magkakaroon kayo ng mga gawi na tutulong sa inyo na mas magtiwala sa kinabukasan.
Pagtuklas sa Inyong landas
-
Kilalanin ang Inyong Sarili
Saan kayo mahusay? Ano ang gustung-gusto ninyong gawin? Ang pagsagot sa mga tanong na ito ay makakatulong sa inyo na matukoy ang isang potensyal na propesyon na akma sa anumang mga kasanayan, interes, at talentong mayroon na kayo.
Hint: Isiping tanungin ang inyong mga magulang, guro, at kaibigan kung anong talento ang nakikita nila sa inyo. Baka magulat kayo sa sinasabi nila!
-
Unawain ang Mundo sa Inyong Paligid
Anong mga trabaho ang kailangang-kailangan sa lugar kung saan kayo nakatira? Aling mga kumpanya ang nagha-hire? Makabubuting pumili ng kurso sa isang area na lumalago at malamang na magkaroon ng mga oportunidad sa hinaharap.
Hint: Madalas ay alam ng mga kolehiyo, unibersidad, o trade school kung anong mga kasanayan ang kailangang-kailangan at kung anong mga industriya ang lumalago.
-
Alamin Kung Ano ang Kailangan Ninyong Sunod na Gawin
Anong paghahanda ang kailangan para sa trabahong gusto ninyo? Saan kayo kukuha ng training at edukasyon na kailangan ninyo? Paano ninyo ito babayaran? Para makamit ang minimithing pangmatagalang propesyon, kailangan ninyong alamin kung paano mararating iyon.
Hint: Isiping kausapin ang isang taong ginagawa na ang gusto ninyong gawin. Tanungin sila. Karamihan sa mga tao ay nasisiyahang magpayo at magmungkahi.