Elder Ulisses Soares: Isang Taong Walang Pandaraya
Sa pagsisimula ng Kanyang ministeryo, habang pinipili ni Jesus ang Kanyang mga Apostol, nakita niyang papalapit si Natanael sa Kanya. Agad Niyang nahiwatigan ang kabutihan ni Natanael, at sinabing, “Narito, ang isang tunay na Israelita, na sa kaniya’y walang daya!”1
Alam ni Jesus na si Natanael ay isang taong dalisay ang puso, tapat sa kanyang mga layunin, at hindi mapagkunwari o mapanlinlang. Mahal ng Panginoon ang kalidad na ito ng matwid na integridad, at tinawag Niya si Natanael na maging Apostol.2
Si Ulisses Soares ay parang si Natanael ng sinauna, at tinawag din siya ng Tagapagligtas.
“Ang Halimbawa ng Aking mga Magulang”
Si Ulisses, ang bunso sa apat na magkakapatid na lalaki, ay ipinanganak sa São Paulo, Brazil, noong Oktubre 2, 1958. Aba ang kanyang pinagmulan, pero ang kanyang mga magulang na sina Apparecido at Mercedes Carecho Soares ay mararangal at masisipag na tao na tapat na nakinig sa mga missionary. Sumapi sila sa Simbahan noong 1965 noong anim na taong gulang si Ulisses.
“Hindi ko pa nakita si Brother Apparecido na hindi dumalo sa isang miting,” sabi ni Osiris Cabral, na naglingkod bilang stake president noong binata pa si Ulisses. “Napakatapat din ni Mercedes. Minana ni Ulisses ang dedikasyon ng kanyang mga magulang.”
Yumabong ang likas na kabutihan sa puso ni Ulisses nang matutuhan niya ang mga paraan ng Panginoon. “Lumaki ako sa Simbahan na sumusunod sa halimbawa ng aking mga magulang,” sabi ni Elder Soares. Habang sinusundan niya ang liwanag o halimbawang iyon, lumakas ang patotoo niya sa kabila ng oposisyon.
“Ako lang ang miyembro ng Simbahan sa paaralan namin, at palagi akong tinutukso at itinutulak ng ibang mga bata na gumawa ng masama,” sabi niya. “Kinailangan kong matutong ipagtanggol ang sarili ko sa mga hamon na ito, pero nagtiwala ako palagi sa Panginoon nang buong puso na tutulungan Niya akong magtagumpay. Natutuhan ko noong binata pa ako na kung gagawin mo ang tungkulin mo, gagawin ng Panginoon ang Kanyang bahagi. Pero kailangan mong kumapit nang mahigpit sa Kanyang kamay at sa Kanyang ebanghelyo.”
Noong 15 anyos si Ulisses, hinilingan siya ng bishop niya na magturo sa youth Sunday School class. Nagturo siya ng isang lesson tungkol sa pagtatamo ng patotoo sa ebanghelyo. Napag-aralan na ni Ulisses ang Aklat ni Mormon, nadama noon pa man na ang Simbahan ay totoo, at nanalig siya sa Tagapagligtas na si Jesucristo.
Sa paghahanda niya ng kanyang lesson, ginusto niyang patotohanan nang husto sa klase niya ang katotohanan ng ebanghelyo. “Nag-aral at nagdasal ako nang taimtim,” paggunita ni Elder Soares. “Nang nakaluhod na ako, napasapuso ko ang isang napakagandang pakiramdam, isang munting tinig na nagpatibay sa akin na ako ay nasa tamang landas. Napakalakas niyon kung kaya’t hindi ko kailanman masasabing hindi ko alam.”
Sa pagtanda ni Ulisses, natutuhan niya na kung gagawin niya ang higit pa sa inaasahan o hinihiling, lubos siyang pagpalain ng Panginoon. Dumating ang isa sa gayong mga aral nang maghanda siya para sa misyon. Sa mga interbyu kay Ulisses, binigyang-diin ng kanyang bishop ang kahalagahan ng pagsunod sa mga utos at pamumuhay nang marapat. Binigyang-diin din niya ang pinansiyal na paghahanda.
Ngayon lahat ng missionary na taga-Brazil ay nag-aambag sa kanilang gastusin sa misyon, kasama ang maraming pamilya na nag-aambag sa lahat ng gastusin. Nang nalalapit na ang edad ni Ulisses para magmisyon, naisip niya na pagtatrabahuhan niya ang lahat ng perang kailangan para sa kanyang misyon. Dahil sa natutuhan niyang magandang sistema sa pagtatrabaho sa munting negosyo ng kanyang ama at kakayahang mag-type nang mabilis, nakakita ng trabaho si Ulisses sa pagtulong sa isang kumpanya na maghanda ng pasuweldo nito.
Matapos pumasa sa isang mahirap na exam para makapasok, nagsimula siyang mag-aral ng accounting sa isang technical high school sa gabi. Bawat buwan, matapos magbayad ng ikapu, nag-iipon siya ng pera para sa kanyang misyon. Pagkaraan ng isang taon, nalipat siya sa accounting department ng kanyang kumpanya.
“Iyan ang ginawa ko para makaipon ng pera para sa misyon ko,” sabi ni Elder Soares. “At kada buwan sa loob ng tatlong taon bago ako umalis, bumibili ako ng isang bagay na kailangan ko—isang polo, isang pantalon, isang pares ng medyas, isang kurbata, isang maleta.” Kinailangan din niya, at tumanggap siya, ng matinding pagmamahal at suporta mula sa kanyang mga magulang at lokal na lider.
Tinawag si Ulisses na maglingkod sa Brazil Rio de Janeiro Mission. Naglingkod siya sa unang bahagi ng kanyang misyon sa ilalim na pamumuno ni President Helio da Rocha Camargo, na kalaunan ay naging unang General Authority na tinawag mula sa Brazil. Sinimulan ni Ulisses ang kanyang misyon sa mga unang buwan ng 1978. Ang unang templo sa Latin America ay inilaan ni Pangulong Spencer W. Kimball (1895–1985) sa São Paulo noong mga huling buwan ng taon ding iyon.
Noong Enero 1980, si Ulisses at ang kanyang kompanyon, na hindi pa rin nakatanggap ng kanyang endowment, ay sumakay ng bus sa Rio de Janeiro para sa walong-oras na biyahe patungong São Paulo Brazil Temple. Nagkita sila roon ng mga magulang at kapatid ni Ulisses, at nabuklod ang pamilya Soares para sa buhay na ito at sa kawalang-hanggan. Hindi na nalimutan ni Ulisses ang limang oras na pagsasama-sama nilang iyon sa São Paulo Temple. Kalaunan nang araw na iyon, bumalik sila ng kompanyon niya sa mission field.
Pag-uuna sa Diyos
Masaya si Ulisses sa kanyang matagumpay na misyon, na lalong nagpalakas ng kanyang patotoo. Pag-uwi niya, nakakita siya ng trabaho at nagsimulang mag-aral ng accounting at economics sa isang lokal na unibersidad.
Mga pitong buwan na siyang nakakauwi nang magtagpo sila ni “Sister Morgado” sa isang multistake dance. Nakapaglingkod sandali si Ulisses bilang zone leader ni Sister, at ginugol ng dalawa ang gabi sa pagbabalitaan at pagkukuwentuhan tungkol sa misyon. Matapos ang tatlong linggo, nagsimula silang magdeyt.
Si Rosana Fernandes Morgado ay walong taong gulang nang simulan siyang isama ng ate niyang si Margareth sa simbahan. Kalaunan, pinayagan ng kanilang ama ang dalawang matatapat na kabataang investigator na mabinyagan, pero kinailangang maghintay ng bawat isa hanggang sa mag-17 anyos siya. Nagsimba si Rosana nang siyam na taon bago siya pinayagang mabinyagan.
Si Ulisses ay nakatira sa hilagang São Paulo, at si Rosana ay nakatira kasama ang kanyang mga magulang sa katimugang bahagi ng lungsod. Ang pagbibiyahe sa pamamagitan ng bus o subway sa malawak na lungsod ay inaabot ng dalawa hanggang tatlong oras. Mabuti na lamang nakatira si Margareth at ang kanyang asawang si Claudio malapit sa bahay ng mga magulang ni Rosana.
“Kapag dumarating si Ulisses tuwing Sabado’t Linggo para ideyt si Rosana, nahihirapan siyang umuwi nang malayo kapag gabi,” paggunita ni Elder Claudio R. M. Costa, General Authority Seventy, tungkol sa kanyang magiging bayaw. Kaya, inanyayahan nila ni Margareth si Ulisses na sa bahay na lang nila matulog pagkatapos nilang magdeyt. “Inampon namin siya sandali,” dagdag pa ni Elder Costa.
“Natutulog siya sa sopa sa sala namin,” sabi ni Sister Costa. “Bagong kasal pa lang kami noon, kaya wala kaming mga ekstra na kumot. Pero nagkukumot siya gamit ang lumang kurtina namin. Masaya siya dahil nakikita niya ulit si Rosana kinabukasan. Mabait siya sa kapatid ko, at gustung-gusto siya ng mga magulang ko.”
Ikinasal sina Ulisses at Rosana sa São Paulo Brazil Temple noong Oktubre 30, 1982.
Kung gugugol ka ng ilang minuto na kasama sina Elder at Sister Soares, madali mong makikita ang kanilang pagmamahal, paghanga, at paggalang sa isa’t isa. Para kay Elder Soares, si Rosana ay “isang halimbawa ng kabutihan, pagmamahal, at tunay na katapatan sa Panginoon para sa akin at sa aming pamilya.”3 Para kay Sister Soares, si Ulisses ay “kaloob ng langit.”
Dagdag pa ni Sister Soares: “Lubhang responsable at matwid siya palagi, lagi niyang pinangangalagaan nang husto ang aming pamilya, at napakaganda palagi ng pagtrato niya sa akin. Sa lahat ng tungkulin niya sa Simbahan, ginawa niya ang lahat ng kanyang makakaya. Humahayo siya at gumagawa. Lagi niyang inuuna ang mga bagay ng Diyos sa kanyang buhay. Paulit-ulit akong umiibig sa kanya dahil alam ko na kung inuuna niya ang mga bagay ng Diyos, uunahin niya rin ako.”
Tungkol sa kanyang asawa, sinabi ni Elder Soares: “Siya ang tunay na bayani at inspirasyon sa aming pamilya. Siya’y mapagmahal, mabait, at mapagpasensya sa lahat. Pinagkakaisa niya ang aming pamilya, at nakikita niya ang mabuti sa lahat ng tao. Malaki ang naiambag niya sa nangyari sa buhay ko. Sa calling ko sa Korum ng Labindalawang Apostol, pabiro kong sinabi sa kanya, ‘Ikaw ang may kagagawan nito kasi napalaki mo nang husto ang kapangyarihan ng ebanghelyo sa buhay ko.’”
Napakabait at Mapagbigay na Tao
Naaalala ni Gustavo, ang panganay ng mga Soares, ang gabi noong bata pa siya na sinuway niya ang kanyang mga magulang at tumalilis para panoorin ang isang taunang pagdiriwang sa kanilang lugar sa São Paulo na tinatawag na Festa Junina.
“Nasa gitna ako ng malaking pulutong ng mga tao na nagkakatuwaan nang marinig ko na pinapupunta ako ng isang announcer sa harap,” sabi niya. “Doon ko nakita si Itay.”
Alalang-alala na pala ang mga magulang niya, pero sa halip na pagalitan si Gustavo, niyakap siya nang mahigpit ni Ulisses.
“Nag-usap kami nang seryoso tungkol sa pagkawala ko, pero iginalang ako ng mga magulang ko,” paggunita ni Gustavo. “Nadama kong protektado ako, at nalaman ko na talagang mahal nila ako.”
Si Ulisses ay tapat sa kanyang pamilya. Sa kabila ng marami niyang gawain at iskedyul ng biyahe sa paglipas ng mga taon, nag-ukol siya ng panahon para patatagin ang ugnayan nila ng kanyang mga anak.
Nang sang-ayunan si Elder Soares sa Korum ng Labindalawang Apostol noong Marso 31, 2018, wala sigurong mas nagulat pa kaysa kay Gustavo at sa kanyang dalawang kapatid na sina Lethicia Caravello at Nathalia Soares Avila. Pero kung pagmamahal, kasipagan, pagdamay, at pagpapakumbaba ang nagpapagindapat sa isang tao para maging apostol, sabi nila, nauunawaan nila kung bakit tinawag ng Panginoon ang kanilang ama.
“Nang tawagin ni Jesus ang Kanyang mga Apostol, hindi Niya pinili ang pinaka-maalam na mga Fariseo, pinili Niya ang mga mangingisda,” sabi ni Lethicia. “Ganoon ang aking ama’t ina. Lubos silang nagtitiwala sa Panginoon, at ginagamit Niya sila para isagawa ang Kanyang mga gawain dahil alam Niya na hindi sila makasarili, handa silang magsumigasig, at sapat silang mapagpakumbaba para tumanggap ng pagtutuwid.”
Ang “kabaitan at pagiging mapagbigay” ng kanilang ama ay tutulong sa pagsulong niya bilang isa sa mga natatanging saksi ng Tagapagligtas, dagdag pa ni Nathalia. “Sapat ang habag niya para magawa iyon,” sabi niya. “Dama niya ang impluwensya ng langit, at mahal niya ang lahat ng tao at nais niyang gawin ang tama.”
“Magiging Maayos ang Lahat”
Nang maglingkod si Elder Soares bilang pangulo ng Portugal Porto Mission mula 2000 hanggang 2003, naging kilala siya sa paggamit ng mga katagang Portuges na “Tudo vai dar certo”—magiging maayos ang lahat.
“Itinuro niya ito sa amin,” paggunita ni Ty Bennett, isa sa kanyang mga missionary. “Nabubuhay siya nang may pananampalataya at magandang pananaw na kung gagawin natin ang nais ipagawa sa atin ng Panginoon, magiging maayos ang lahat.”
Itinuro din niya sa kanyang mga missionary na huwag gamitin ang mga salitang mahirap o imposible, sabi ni Richard Shields, isa sa kanyang mga missionary. “Tinawag namin ang mga ito na ‘mga hamon.’ Ang payong iyon ay nakatulong sa paghubog sa buhay ko nang ituring ko itong ‘mga hamon’ na daraigin sa halip na ‘mahirap’ o ‘imposible.’”
Ang gayong pananampalataya at magandang pananaw ay hindi nagmula sa madaling buhay. Alam na alam nina Elder at Sister Soares ang hirap ng paghihikahos, ang kapaguran ng mahahabang araw ng pagtatrabaho at pag-aaral, ang mga hamon ng pagkakasakit, at ang pighati ng naudlot na pagbubuntis, pagsisilang ng patay na sanggol, at ang mawalan ng mga kapatid at magulang.
Pero sa paglalakbay sa buhay, sumampalataya sila sa mga salita sa paboritong talata ni Elder Soares sa banal na kasulatan: “Maging mapagpakumbaba ka; at ang Panginoon mong Diyos ay aakayin ka sa kamay, at bibigyan ka ng kasagutan sa iyong mga panalangin.”4
“Ang mga hamon ay bahagi ng ating pag-unlad,” sabi ni Elder Soares. “Pero kapag matiisin tayo sa pagdurusa, kapag natuto tayong kayanin ang mga hamon ng buhay, kapag nanatili tayong tapat, mananatiling mataas ang pagtingin sa atin ng Panginoon at bibiyayaan tayo ng mga pagpapalang ipinangako Niya.”
At kapag kumapit tayo nang mahigpit sa gabay na bakal, dagdag pa niya, hindi tayo pababayaan ng Panginoon.
“Ang palagiang pagkapit nang mahigpit sa mga kautusan, sa ebanghelyo, sa mga banal na kasulatan, at sa Panginoong Jesucristo ang tutulong sa atin na madaig ang mga hamon ng buhay,” pagpapatotoo ni Elder Soares. “Kapag lumuhod tayo para magdasal, mapapasaatin Siya at gagabayan Niya tayo. Bibigyang-inspirasyon Niya tayo kung saan tayo pupunta at kung ano ang ating gagawin. Kapag tayo ay masunurin at mapagpakumbaba, sinasagot ng Panginoon ang ating mga dalangin.”
Tapat na Disipulo
Si Ulisses Soares ay isang taong may kakayahan at paghahanda. Ang kanyang pag-aaral, pati na ang masters ng business administration, ay naghanda sa kanya na makapagtrabaho bilang accountant at auditor para sa mga multinational na korporasyon sa Brazil. Ang karanasang iyon ay naghanda sa kanya na makapagtrabaho sa finance department ng Simbahan, na naghanda naman sa kanya sa edad na 31 na maging isa sa mga pinakabatang director of temporal affairs ng Simbahan. Ang paghahandang iyon ay nagsilbing malaking tulong sa kanya bilang mission president at sa kanyang tungkulin bilang General Authority Seventy noong Abril 2, 2005.
Bago tinawag si Elder Soares sa Panguluhan ng Pitumpu noong Enero 6, 2013, naglingkod siya bilang tagapayo sa at pagkatapos ay bilang Pangulo ng Brazil Area Presidency at bilang tagapayo sa Africa Southeast Area. Doon, naglingkod siya bilang tagapayo kay Elder Dale G. Renlund, na noon ay isang General Authority Seventy. Pinahahalagahan ni Elder Renlund, na ngayon ay miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol, ang panahon na magkasama sila.
“Si Elder Soares ay isang masaya, tapat, at debotong disipulo ni Jesucristo,” sabi ni Elder Renlund. “Wala akong kilalang sinuman na mas seryoso ang pakiramdam na siya ay nasa paglilingkod sa Panginoon. Kung hinilingan siyang gawin ang isang bagay, ginagawa niya ito nang buong lakas.”
Sabi niya, agad “napamahal” kay Elder Soares ang mga Banal sa Africa. Isa sa kanyang mga unang tungkulin sa area ay mamuno sa isang stake conference sa Kananga, Democratic Republic of Congo. “Pagbalik niya, wala siyang tigil sa pagkuwento tungkol sa kabutihan at katapatan ng mga taong nakilala niya,” sabi ni Elder Renlund.
Si Elder L. Whitney Clayton, na kasama ni Elder Soares na naglingkod nang lima’t kalahating taon sa Panguluhan ng Pitumpu, ay tinatawag si Elder Soares na isang tagagawa ng kasunduan. “Nakikinig siya at nag-iingat sa kanyang mga iniisip. Maingat siya sa kanyang mga kilos sa mga miting kaya nagkakaisa ang aming mga tinig, sa halip na mag-unahan kami sa pagsasalita.”
Si Elder Soares ay mapagpakumbaba tungkol sa kanyang kakayahang makipag-ugnayan sa Portuguese, English, Spanish, at French. Pero ang kaloob na iyon, na nangangailangan ng palagiang atensyon, ay isang pagpapala sa Simbahan, sabi ni Elder Clayton. Si Elder Soares ay makapagsasalita sa karamihan ng mga miyembro ng Simbahan sa sarili nilang wika.
“Lider na si Ulisses kahit noong bata pa siya,” sabi ni Elder Claudio Costa tungkol sa kanyang bayaw. “Napakatalino niya at napakagaling, at ramdam niya ang responsibilidad na laging ibigay ang lahat ng kanyang makakaya. Madaling mapamahal sa kanya ang mga nasa paligid niya. Taglay niya ang puso ng isang tunay na disipulo ng Tagapagligtas, at may matibay na patotoo na si Jesus ang Cristo. Mahal ko siya at nagpapasalamat akong masang-ayunan siya bilang Apostol ng Panginoon.”
At idinagdag pa ni Elder David A. Bednar, nang magsalita siya para sa Korum ng Labindalawang Apostol: “Si Elder Soares ay isang dalisay, walang pandaraya, at inosenteng disipulo ng Tagapagligtas. Sa liwanag sa kanyang mukha, kanyang matamis na ngiti, at kanyang mapagmahal na paraan, maraming tao at mga pamilya ang nabigyang-inspirasyon, nabibigyang-inspirasyon, at mabibigyang-inspirasyon na mas hangaring sundin ang Tagapagligtas at ipamuhay ang mga tuntunin ng Kanyang ebanghelyo.”
At sa ating dispensasyon, sinabi ng Panginoon tungkol kay Edward Partridge, “Ang kanyang puso ay dalisay sa harapan ko, sapagkat siya ay katulad ni Natanael noong sinauna, na sa kanya ay walang pandaraya.”5 Tungkol kay Hyrum Smith, sinabi ng Panginoon, “Ako, ang Panginoon, ay minamahal siya dahil sa katapatan ng kanyang puso, at dahil kanyang minamahal yaong tama sa aking harapan.”6
Iyon din ang sasabihin ng Panginoon tungkol kay Ulisses Soares.