2018
Michael Isaac—Bydgoszcz, Poland
Oktubre 2018


Mga Larawan ng Pananampalataya

Michael Isaac

Bydgoszcz, Poland

“Maraming magandang bagay na maidudulot ang karamdaman,” sabi ni Michael, na may kidney failure. Dahil naragdagan ang kanyang pasasalamat para sa ebanghelyo dahil sa kanyang karamdaman, sabi niya, “magandang pagsubok ito.”

Leslie Nilsson, Retratista

Michael Isaac

Isinilang ako sa Ethiopia noong 1942 at nagpunta sa Poland para mag-aral noong 1965. Noong 1991, nakilala ko ang mga missionary at sumapi ako sa Simbahan. Nakapaglingkod ako bilang branch president sa loob ng tatlo’t kalahating taon. Naglingkod ako bilang counselor sa mission presidency sa loob ng 12 taon. Muli akong naging branch president at pagkatapos ay district president. Pagkatapos ay nagkaroon ako ng kidney failure.

Ngayo’y kaunti na lang ang nagagawa ko sa Simbahan. Sinisikap kong magsimba tuwing Linggo.

Nagalit ako noong una.

“Bakit ako?” pagdarasal ko. “Naglingkod ako sa Inyo, Panginoon.” Di-nagtagal, naunawaan ko na. Sabi sa mga banal na kasulatan, “Siya na may pananampalataya sa akin na mapagaling, at hindi itinakda sa kamatayan, ay mapagagaling” (D at T 42:48).

Sabi sa talatang ito, gagaling tayo kung hindi tayo nakatakdang mamatay.

Patuloy akong ipinagdarasal ng mga miyembro ng Simbahan, pero lumalala ang sakit ko. Iniisip nila na hindi sinasagot ang kanilang mga panalangin, pero dinirinig ang mga ito dahil naging mas mabubuting tao sila at dahil nadarama ko ang pagmamahal nila sa akin.

Kahit malusog ako, gaano pa ba ang itatagal ng buhay ko sa edad kong ito? Gayunman, marami pa ring pagkakataong naghihintay sa akin.

Gusto kong basahin ang mga banal na kasulatan at hanapin ang mga bayaning tumutulong sa akin. Noong malusog ako at naglilingkod, ginusto kong tularan si Nephi, pero ngayon madalas kong maisip si Job. Mabuting tao siya, at nagdusa rin siya. Laging may pag-asa sa ebanghelyo.

Sa isang lungsod na gaya ng Bydgoszcz, kung gusto kong bisitahin ang mayor, hindi ako magkakaroon ng pagkakataon dahil napakahamak ko para gawin iyon. Pero sa pamamagitan ng ebanghelyo, palaging bukas ang pinto para manawagan sa Diyos. Kaya ko mahal ang simbahan ko.

Nariyan ang Simbahan. May paraan ako para makaugnayan ang Diyos sa panalangin, sa pag-aayuno, sa lahat ng ginagawa natin. Ano pa ang kailangan ko?

Kung minsan sinasabi ko sa sarili ko, “Kaya siguro ako nagkasakit—para maunawaan ko ang kadakilaan ng Simbahan at ng ebanghelyo.”

Nakikita kong nalulungkot ang asawa kong si Renata dahil maysakit ako. Ayaw kong mangyari iyon, pero ang kalungkutan ay bunga ng pagmamahal. Kung hindi siya nagmahal, hindi siya malulungkot. Ipinadarama sa iyo ng pagmamahal na hindi ka nag-iisa at na may mga taong nagmamalasakit.

Ayos lang ang mamatay. Lahat ay mamamatay. Depende ito sa kung ano ang tingin natin sa kamatayan. Alam ko na ang Diyos ay buhay. Mahal Niya tayong lahat—pati ako. Iyan ang masasabi ko.

Michael sitting with his wife

Mahirap na pagsubok ang karamdaman ni Michael para sa kanyang asawang si Renata. “Nakikita kong nalulungkot ang asawa kong si Renata dahil maysakit ako,” wika niya. “Pero ang kalungkutan ay bunga ng pagmamahal. Ipinadarama sa iyo ng pagmamahal na hindi ka nag-iisa at na may mga taong nagmamalasakit.”

Michael talking to a man at church

Sa kabila ng mga limitasyong dulot ng kanyang karamdaman, nakakahanap pa rin si Michael ng mga paraan para mapaglingkuran at mapasigla ang mga nasa paligid niya.

Michael sitting at church

Nakakasumpong ng pag-asa at patnubay si Michael sa mga banal na kasulatan. Noong malusog siya at naglilingkod, hinangaan niya si Nephi. “Pero ngayon madalas kong maisip si Job,” wika niya. “Mabuting tao siya, at nagdusa rin siya.”