2018
Elder Gerrit W. Gong: Mahalin ang Panginoon at Magtiwala sa Kanya
Oktubre 2018


Elder Gerrit W. Gong: Mahalin ang Panginoon at Magtiwala sa Kanya

Elder and Sister Gong

Isang bagong kasal na graduate student noon sa University of Oxford sa England, natutuhan ni Gerrit W. Gong mula sa personal na karanasan na kapag minahal natin ang Panginoon at nagtiwala tayo sa Kanya, tutulungan, gagabayan, at palalakasin Niya tayo.

Si Gerrit ay isang Rhodes Scholar na nagtrabaho para makatapos ng dalawang graduate degree, at ang isa sa mga ito ay doctorate. Kasabay niyon, naglingkod siya sa Oxford Ward bishopric. Naalala nila ng kanyang asawang si Susan ang payo ni Elder David B. Haight (1906–2004) ng Korum ng Labindalawang Apostol nang ikasal sila nito sa Salt Lake Temple. “Dapat daw kaming magkaroon palagi ng calling,” sabi ni Elder Gong. “Nabatid namin na kung magtitiwala kami sa Diyos at gagawin namin ang lahat, tutulungan Niya kami.”

Tumanggap nga sina Gerrit at Susan ng “banal na tulong at awa,” sabi niya. Habang naglilingkod sa bishopric, natapos ni Gerrit ang lahat ng academic requirement para sa doctoral degree, maliban sa kanyang thesis. Humingi siya ng priesthood blessing sa bishop ng Oxford Ward na si Alan Webster. Sa basbas o blessing, natanggap ni Gerrit ang pangakong ito: “Patuloy mong gawin ang lahat ng makakaya mo, at pagpapalain ka ng Panginoon.”

Nagboluntaryong tumulong ang dalawang miyembro ng ward na may karanasan na sa pagiging legal secretary na i-type ang kanyang manuskrito, at natapos ni Gerrit ang kanyang thesis sa loob ng ilang buwan. Sa katunayan, natapos niya kapwa ang isang masters at isang doctoral degree sa loob lang ng mahigit tatlong taon. Nang maka-graduate tumanggap din siya ng posisyon sa faculty research sa unibersidad. Ang kanyang karanasan sa Oxford ay nagpalakas ng kanyang tiwala sa Panginoon, tiwala na naroon pa rin hanggang sa ngayon at patuloy na magpapala kay Gerrit W. Gong habang naglilingkod siya ngayon sa Korum ng Labindalawang Apostol.

Mga Tinapay at Isda

“Mabait at mapagmahal ang Panginoon at hangad Niyang pagpalain tayo,” sabi ni Elder Gong. “Kung gagawin natin ang lahat, bibigyan Niya tayo ng kakayahang gawin ang higit pa sa magagawa natin. Katulad ito ng pagpaparami sa mga tinapay at isda. Ginagamit ng Panginoon kung ano ang nariyan at pinararami o pinalalaki ito nang higit pa sa magagawa nating mag-isa.”

Ang alituntunin ng mga tinapay at isda ay angkop din sa pagkatuto, ayon sa kanya. “Kahit hindi pormal na nakapag-aral, ang diwa ng pagkatuto ang mahalaga, dahil ang pagkatuto ay walang hanggan. Maaari nating hanaping lahat ang liwanag at katotohanan, anuman ang ating sitwasyon. Kapag ginawa natin ito, tutulungan tayo ng Panginoon na matagpuan ito.”

Makabilang sa Tipan

Habang nasa Oxford, natuto si Elder Gong ng isa pang alituntunin ng ebanghelyo, na tinatawag niyang “pagiging kabilang sa tipan.”

“Habang napapalapit tayo sa Panginoon, napapalapit din tayo sa isa’t isa,” wika niya. “Sa Oxford, itinangi namin ni Susan ang aming karanasan sa ward tulad ng pagtatangi namin sa aming karanasan sa akademya. Marami sa aming pinakamamahal na mga kaibigan hanggang ngayon ay mula sa Oxford Ward.”

Kabilang sa mga kaibigang iyon sina Tim at Katherine Witts, na naaalala na nagpunta sila sa templo kasama ang mga Gong. “Malinaw pa sa alaala ko na inalis ni Brother Gong ang kanyang relo para hindi siya magambala o magmadali kapag nagninilay siya tungkol sa kawalang-hanggan,” sabi ni Sister Witts. “Ang munting kilos na iyon ay nakatulong na maging mas masigasig sa sarili kong pagsamba sa templo.”

Madalas makakita ang mga Gong ng mga kaibigang kakilala nila dahil sa ebanghelyo. “Sasabihin ng mga tao, ‘Nagkatulungan tayo noong nasa high council kayo,’ mga ganoong bagay,” sabi ni Elder Gong, “at gayon din kami. Nagpapasalamat ako sa isang stake president at isang ward council na tumulong sa akin noong bishop pa ako. May utang-na-loob kaming lahat sa mga magulang, biyenan, kapitbahay, mission president, kapatid, at priesthood leader na mabait, gumagabay, at naghihikayat sa amin na lumapit kay Cristo.”

Pamana ng Angkan

Mababakas ang kasaysayan ng pamilya ni Elder Gong pabalik sa 34 na henerasyon hanggang kay First Dragon Gong, na isinilang noong AD 837. Nandayuhan sa Estados Unidos ang mga lolo’t lola ni Elder Gong mula sa China. Sumapi ang kanyang inang si Jean sa Simbahan noong tinedyer siya sa Hawaii, USA, at kalaunan ay nag-aral sa Brigham Young University sa Provo, Utah, USA, kung saan nakitira siya sa pamilya ni Gerrit de Jong, ang unang dekano ng College of Fine Arts. “Ipinaunawa sa akin ng mga de Jong kung ano ang hitsura ng pamilyang namumuhay sa ebanghelyo,” sabi niya.

Pagkatapos mag-aral sa BYU, nag-aral si Jean sa Stanford University sa Palo Alto, California, USA, kung saan sila nagkakilala ni Walter A. Gong. “Kristiyano na siya noon at agad niyang naunawaan kung ano ang iniaalok ng ipinanumbalik na ebanghelyo,” sabi ni Jean. Sumapi siya sa Simbahan, at pagkaraan ng isang taon ay ikinasal sila sa Salt Lake Temple. Kapwa sila naging propesyonal na guro at magkasamang nagturo nang mahigit 70 taon.

“Naging patriarch din si Tatay,” sabi ni Elder Gong, “at dahil sa bahay namin isinasagawa ang mga patriarchal blessing, napuspos ng pagpipitagan ang aming tahanan sa pag-ibig ng Diyos para sa bawat isa sa Kanyang mga anak.”

Elder Gong as a baby with his parents

Noong Disyembre 23, 1953, sa Redwood City, California, ipinanganak ang panganay sa tatlong anak nina Jean at Walter. “Ang pangalan niyang Gerrit ay Dutch, bilang papugay kay Gerrit de Jong,” paliwanag ni Jean. “Ang gitnang pangalan niya ay Walter, bilang papugay sa kanyang ama. At ang apelyido ng aming pamilya ay Chinese, na nagbibigay-pugay sa kanyang angkan.”

Sabi ni Jean, mapagbigay si Gerrit sa nakababata niyang mga kapatid na sina Brian at Marguerite. “Gusto niya silang tulungan,” sabi niya, “kahit sa maliliit na bagay tulad ng pagtuturo sa kanila na itali ang kanilang sapatos.” Naaalala niya na pag-uwi niya galing sa simbahan isang araw, narinig niyang sinasabi nina Gerrit at Brian na nakakawalang-gana ang isang mensahe sa sacrament meeting. “Kaya hinamon ko sila: ‘Kung gayo’y bumuo kayo ng mas magandang mensahe.’ Tinanggap nila ang hamon at nagsimula silang mas makinig sa lahat ng mensahe,” sabi niya.

Noong tinedyer si Gerrit, mahilig siya sa backpacking at hiking kasama ang iba pang mga kabataang lalaki sa kanyang ward. Naaalala ni Wally Salbacka, isang matagal na niyang kaibigan, ang isang partikular na camping trip. “Kasama ko roon sina Gerrit at kapatid niyang si Brian, at isang kaibigan na hindi miyembro ng ating Simbahan. Sa kung anong dahilan, nagsimula kaming kumanta ng mga himno. Kinanta ni Gerrit ang himig, kinanta ni Brian ang tenor, at kinanta ko ang baho. Sa tingin ko 10 o 20 himno ang kinanta namin, dahil lang sa masayang kumanta. Magandang karanasan iyon. Humanga ang kaibigan naming di-miyembro.”

Naaalala rin ni Brother Salbacka na noong high school, hinilingan ni Gerrit ang cheerleaders na mamuno sa tahimik na pagcheer para sa chess team. “Nakumbinsi niya sila na makakabuti ang moral support na iyon para sa lahat,” sabi niya, “at talagang pumunta sila sa isang kumpetisyon!”

Elder Gong as a missionary and later with a missionary

Mula kaliwa: Binati nina Marjorie at Gordon B. Hinckley sina Gerrit at Susan sa salu-salo sa kasal ng mga Gong. Bilang missionary sa Taiwan, may tinuruang pamilya si Elder Gong at pagkaraan ng ilang taon, bilang General Authority, nakilala niya ang apong lalaki ng isa sa mga anak na babae sa pamilyang iyon. Sa Vietnam, nagpinta ng isang mural sina Elder at Sister Gong para maghatid ng galak sa mga batang nagdaranas ng mga hamon sa buhay. Nakitipon ang mga miyembro ng pamilya Gong sa mga taong tumulong sa pagpipinta ng mural sa Vietnam.

Pagkatapos ng high school, nag-aral si Elder Gong sa Brigham Young University. Mula 1973 hanggang 1975, naglingkod siya sa Taiwan Taipei Mission, pagkatapos ay bumalik sa BYU, kung saan tumanggap siya ng bachelor’s degree sa Asian studies at university studies noong 1977.

Pagliligawan at Pag-aasawa

Pagkatapos ng kanyang misyon, nagboluntaryo si Elder Gong na maglaan ng mga evening fireside tuwing Linggo sa Provo Missionary Training Center. Nakatulong ang mga fireside para maipaalam sa mga missionary na papuntang Taiwan ang tungkol sa mga tao, kaugalian, at kultura doon. Ang isa sa mga missionary ay si Sister Susan Lindsay mula sa Taylorsville, Utah, anak nina Richard P. at Marian B. Lindsay. Si Brother Lindsay ay miyembro ng Pangalawang Korum ng Pitumpu. “Pakiramdam ko matagal ko nang kilala si Susan,” sabi ni Elder Gong.

Pagkaraan ng dalawang taon, ilang buwan matapos makabalik si Susan sa BYU kasunod ng kanyang misyon, nasa Provo si Gerrit at ang kanyang pamilya. Nagtuturo noon ang kanyang ama sa unibersidad, at nagplano si Gerrit ng dalawang-linggong pagbisita. Tumagal nang apat na linggo ang pagbisita, dahil araw-araw silang nagdeyt ni Susan. Pagkatapos ay nagtungo na si Gerrit sa Hawaii para sa internship bago siya bumalik sa Oxford.

“Nagligawan kami mula sa dalawang magkaibang hemisphere,” paggunita ni Elder Gong. “Sinikap kong mag-aral sa England habang inaalam ko ang lahat tungkol sa kanya mula sa kabilang panig ng Atlantic Ocean.”

“Naging magnobyo kami sa telepono,” sabi ni Sister Gong. “Umuwi siya ulit noong Thanksgiving, at ikinasal kami sa unang araw na nagbukas ang templo sa bagong taon.” Dalawang linggo kalaunan, lumipad sila patungong England para magkasamang magsimula ng bagong buhay.

“Kapag nagpapakasal ang mga tao, nag-uusap sila tungkol sa dalawang pamilyang pinag-iisa,” sabi ni Elder Gong. “At ganyan nga ang nangyari sa akin. Pakiramdam ko bahagi ako ng pamilya Lindsay, tulad ng pagiging bahagi ko ng pamilya Gong.”

Gong wedding photo with the Hinckleys

Isang Bukod-Tanging Propesyon

Pagkatapos ng maikling panahong ginugol niya sa faculty sa Oxford, nagbago ng propesyon si Gerrit at naglingkod sa pamahalaan sa Washington, D.C., USA. Noong 1984, naglingkod siya bilang tauhan ng Reagan-Bush reelection campaign, kung saan nakasama niya sa iisang opisina si Mike Leavitt, na kalaunan ay naging gobernador ng Utah. “Si Gerrit ay mapagmasid at maalalahanin,” sabi ni Brother Leavitt, “pero kilala siya sa kanyang walang-sawang kabaitan.”

Noong 1985 naglingkod si Gerrit bilang special assistant sa Under Secretary ng State Department. Noong 1987 naging special assistant siya sa U.S. ambassador sa Beijing, China. At mula 1989 hanggang 2001, pinunan niya ang ilang posisyon sa Center for Strategic and International Studies sa Washington, D.C. Pagkatapos ay bumalik siya sa akademya nang tanggapin niya ang isang posisyon bilang assistant sa president ng strategic planning sa BYU. Siyam na taon siya sa tungkuling iyon.

Si Carri Jenkins, assistant sa president ng university communications sa BYU, ay nasa katabing opisina. Naaalala nito ang kakayahan ni Gerrit Gong na palakasin ang loob ng mga tao sa paligid niya. “Kung wala kang tiwala sa sarili na makakaya mo ang isang mahirap na tungkulin, taglay niya ang tiwalang iyan para sa iyo,” sabi nito. “Ginagawa niya lahat ng makakaya niya para payuhan ka, bigyan ka ng pag-asa, at hikayatin kang sumulong at patunayan ang sarili mo.”

Ganito ang paglalarawan ng federal judge na si Thomas B. Griffith, na kakilala noon ni Elder Gong sa Washington at sa BYU, sa pag-uusap nilang dalawa: “Sa pagtatapos ng pag-uusap, matatanto mo na ikaw pala ang pinag-uusapan ninyo. Napakagaling niyang makinig. At pag-iisipin ka ng mga tanong niya.”

Sabi ni Cecil O. Samuelson, emeritus General Authority Seventy at dating pangulo ng BYU, Si Elder Gong ay “karaniwang tahimik, pero palaging umaandar ang utak.”

Gong family in Vietnam

Buhay-Pamilya

Sina Gerrit at Susan Gong ay may apat na anak na lalaki—sina Abraham, Samuel, Christopher, at Matthew—na lumaki sa iba’t ibang lugar.

“Noong nasa Beijing kami, napagpalang maging matalik na magkakaibigan ang aming mga anak,” sabi ni Elder Gong.

“Sa isang banda, nagkaroon sila ng pagkakataong makita nang malawakan ang mundo,” dagdag pa ni Sister Gong. “Sa kabilang banda, nakatulong ito para maging matibay at magkalapit kami nang husto bilang pamilya. Sinasabi pa rin ng mga anak namin na ang pinakamaganda naming ginawa bilang mga magulang ay bigyan sila ng mga kapatid na lalaki.”

“Minsan, ginamit namin ang frequent-flyer miles namin,” sabi ni Elder Gong. “Pinapili namin ng destinasyon ang bawat isa. Nagsimula kami sa Washington, D.C., kung saan kami nakatira noon, pagkatapos ay nagtungo kami sa England, Czech Republic, Greece, Turkey, India, China, at Japan.

“May isa kaming matibay na panuntunan sa paglalakbay na iyon,” sabi ni Susan. “Saanman kami nagpunta, kinain namin ang kinakain ng mga lokal na taong nakatira roon.” Sa huli, sa Japan sa kahuli-hulihang biyahe, sinabi ni Elder Gong sa kanyang mga anak na dadalhin niya sila sa isang restoran na kilala sa buong mundo sa kanilang masarap na karneng baka. Sa McDonald’s, nakaubos ng 17 hamburger ang apat na gutom na mga anak at mga magulang nila!

“Parehong mataas ang pagpapahalaga nina Inay at Itay sa pagkatuto mula sa karanasan,” sabi ni Abraham. “Masyadong mahalaga kay Itay kung paano hinuhubog ng mga karanasan ang mga tao, pati na ang mga kultura.” Napansin din ni Abraham na ang kanyang ama ay “maingat magsalita dahil gusto nitong iparating ang talagang ibig niyang sabihin o lubos na pinaniniwalaan.”

Naaalala ni Sam na “kahit abala si Itay sa State Department, nag-ukol siya ng panahon gabi-gabi para turuan at sanayin ako sa isang math competition na gusto kong salihan noong grade three ako, na tinatawag na ‘Challenge 24.’ Sabi niya kung mananalo ako, magpa-party kami na may mga ice cream sundae at 24 toppings.” Umabot si Sam sa national finals pero hindi nanalo. Kumain pa rin ng sundae ang pamilya Gong. Pero hindi naging madaling gumawa ng 24 toppings—isa rito ang beef jerky o tapa.

Nagbigay ng puna sina Christopher at Matthew kung gaano nila “pinahahalagahan ang ibinabahaging tiwala, pagmamahal, at katapatan ng aming ama’t ina.” Ito ang pagmamahal na ipinapakita nina Elder at Sister Gong sa isa’t isa at sa bawat anak at kaanak.

“Katulad ng pagiging tapat na ama, si Gerrit ay isa ring tapat na anak at kapatid,” sabi ni Susan. “Ang mga tungkuling iyon ay mahalaga sa kanya. Ipinauunawa niya sa amin na ang mga ugnayan sa pamilya ang pinakamahalaga sa lahat.”

Karanasan sa Simbahan

Kahit abala si Elder Gong sa trabaho at pamilya, maluwag sa loob na patuloy siyang naglingkod sa Simbahan, tumupad ng mga tungkulin bilang high councilor, high priests group leader, stake Sunday School president, seminary teacher, bishop, stake mission president, stake president, at Area Seventy.

Anuman ang ipinagagawa sa kanya, at kahit sa kanyang pamilya, palagi siyang nagpapamalas ng ilang katangian. “Ang tingin niya sa lahat ay anak na lalaki o anak na babae ng Ama sa Langit,” sabi ni Sister Gong. “Pero higit sa lahat, mahal niya ang Panginoon. Talagang buong puso niyang hinahangad na itayo ang kaharian at pagpalain ang mga anak ng Ama sa Langit.”

At hinahangaan niya ang kanyang asawa. “Anuman ang ipagawa sa akin,” sabi niya, “nasa tabi ko si Susan. Komportable siya sa lahat at sanay sa ibang tao. Palagi siyang handang magpunta sa iba’t ibang lugar at sumubok ng mga bagong bagay, at pinasasalamatan ko ito.”

Paglilingkod Kasama ang Pitumpu

Noong Abril 3, 2010, sinang-ayunan si Elder Gerrit W. Gong bilang General Authority Seventy. Inatasan siyang maglingkod sa Asia Area Presidency, na ang headquarters ay nasa Hong Kong. Kalaunan ay naging Asia Area President siya. Noong Oktubre 6, 2015, sinang-ayunan si Elder Gong sa Panguluhan ng Pitumpu, kung saan nagpatuloy ang karanasan niya sa iba’t ibang bansa, pati na ang mga area review sa iba’t ibang lugar sa mundo tulad ng Africa at Central America.

“Nakikilala mo at napapamahal sa iyo ang mga Banal sa lahat ng lugar na ito,” sabi niya. “Nadarama mo na pinagpala ka na may taong nagsasabi sa iyo tungkol sa kanilang pananampalataya, dahil ang karanasan nila sa Diyos na umiimpluwensya sa buhay nila ay nagiging bahagi ng pag-unawa kung sino ang Diyos at kung paano Niya minamahal ang bawat isa sa atin.”

“Kapag ipinadadala namin si Elder Gong sa anumang sitwasyon, ang pakiramdam ng mga nakasama niya ay nakatagpo sila ng isang kaibigan,” sabi ni Pangulong Russell M. Nelson. “Napakalawak ng kanyang kaalaman, pero mapagpakumbaba siya. Nakakaugnay siya sa mga tao sa lahat ng antas at laging handang-handa at mapanghikayat.”

Gongs in Thailand

Mula kaliwa: Sa Thailand, nakipagpulong si Elder Gong sa Kanyang Kamahalan na si Francis Xavier Cardinal Kriengsak Kovithavanij, ang Catholic Archbishop ng Bangkok. Masaya si Elder Gong na makasama nang sarilinan ang kanyang mga anak sa mga paglalakbay, tulad ng paglalakbay na ito sa Canada kasama ang anak niyang si Sam. Nagbahagi ng mga ideya si Elder Gong tungkol sa Tinapay ng Kabuhayan sa mga guro ng seminary at institute noong 2017. Nakipagpalitan ng pagbati si Sister Gong sa bahay ng isang miyembrong Cambodian.

Tungkulin Bilang Apostol

Nang bigyan ng tungkulin ni Pangulong Nelson si Elder Gong na maglingkod bilang miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol, “[mapagmahal na hinawakan ng propeta] ang aking mga kamay habang katabi ko ang pinakamamahal kong si Susan at ipinaabot ang sagradong tungkulin mula sa Panginoon na talagang gumulat sa akin” (“Si Cristo Ngayo’y Nabuhay,” Liahona, Mayo 2018, 97). Mapagpakumbaba, ngunit nakatitiyak sa pagmamahal at tiwala niya sa Panginoon, tinanggap ni Elder Gong ang tungkulin. Siya ay sinang-ayunan noong Marso 31, 2018. Inihandang mabuti ng Panginoon, magmiministeryo siya ngayon bilang “espesyal na [saksi] ng pangalan ni Cristo sa buong daigdig” (D at T 107:23).