Tinuruan ng Espiritu Santo
Naghanda ang mga kabataang ito na maturuan ng Espiritu bago sumapit ang pangkalahatang kumperensya. Narito ang mga natutuhan nila mula sa isang nakaraang kumperensya at ang mga pagbabagong ginagawa nila dahil dito.
Inspiradong Tagubilin
Nagkaroon ako ng inspirasyon sa pangkalahatang kumperensya. Habang nakikinig sa tagubilin ng ating mga pinuno na maglingkod sa iba, magtiwala kay Cristo, at kumapit nang mahigpit sa gabay na bakal, nadama ko na nagpapatotoo sa akin ang Espiritu Santo na ang ebanghelyong ito ay totoo at na maaari tayong magtamo ng buhay na walang hanggan sa pagsunod sa mga kautusan at salita ng Diyos. Nagtakda ako ng mga mithiin na mas maglingkod sa aking komunidad at palakasin ang aking patotoo sa pamamagitan ng pagdarasal at pag-aaral ng banal na kasulatan araw-araw. Alam ko na ako ay anak ng Ama sa Langit. Buhay Siya at mahal Niya ako at lagi Niya akong mamahalin magpakailanman.
Madelyn B., edad 16, Delaware, USA
Mga Sagot sa mga Tanong
Bago sumapit ang pangkalahatang kumperensya, mayroon akong dalawang tanong: (1) Paano ko pananatilihing maganda ang aking ugali at tutulungan ang aking mga kaibigan kapag nakakagawa sila ng mga maling desisyon? at (2) Paano ko mapapatotohanan ang Simbahan nang hindi nila ako pinagtatawanan? Sa oras ng kumperensya, pinatotohanan sa akin ng Espiritu na hindi ako nag-iisa. Ngayon alam ko nang sa pamamagitan ng taos-pusong pag-aaral ng mga banal na kasulatan, masasagot ang mga tanong ko tungkol sa aking mga kaibigan. Alam ko na nakikinig ang Ama sa aking mga panalangin, at pipilitin kong maging mas mabuti bawat araw.
Isaak R., edad 13, Pichincha, Ecuador
Handang Matuto
Naramdaman ko nang husto ang Espiritu sa pangkalahatang kumperensya. Simula nang maghanda ako ng mga tanong at espirituwal na ihanda ang aking sarili para sa kumperensya, nagkaroon ito ng ibang kahulugan sa buhay ko, at mas marami akong natututuhan sa bawat mensahe. Labis akong nagpapasalamat sa mga propeta at apostol, at alam ko na isinugo sila ng Ama sa Langit upang pamunuan at gabayan tayo sa ating buhay!
Ben H., edad 17, Kentucky, USA
Inanyayahang Lumago
Pinatatag ng pangkalahatang kumperensya ang pagnanais kong tahakin ang landas ng ebanghelyo ni Jesucristo. Ipinaalam at ipinaunawa nito sa akin na ito ang totoong Simbahan, na naghahatid sa atin ng liwanag at kaligayahan. Nadama ko na inanyayahan ako ng Espiritu na lumago araw-araw at magbasa ng Aklat ni Mormon para magkaroon ako ng malakas na patotoo sa ebanghelyo. Naniniwala ako na nais ng Ama sa langit na makinig ako sa mga inspiradong mensaheng ito.
Vicente A., edad 16, Metropolitan Region, Chile
Paghahanap ng Liwanag
Ang taon bago noong nakaraan ay naging mahirap para sa akin. Lumaban ang aking ama sa kanser, at nagkaroon ng mga terrorist attack sa lungsod namin. Balisang-balisa ako sa kaiisip kung paano ako mapapayapa samantalang nangangamba ako para sa aking espirituwal at pisikal na kaligtasan. Mula sa pangkalahatang kumperensya nalaman ko na mapapayapa tayo kapag nagpakabait tayo, pinuspos natin ang ating puso ng pananampalataya, at pinanatili natin ang walang-hanggang pananaw. Nagkainspirasyon akong bumaling kay Cristo sa mga panahon ng paghihirap sa halip na umasa sa sarili kong pang-unawa. Alam ko na madaraig ko ang impluwensya ng kadiliman sa paghahanap sa ningning ng liwanag ni Cristo.
Olivia H., edad 17, Belgium