5 Paraan para Matuto mula sa Pangkalahatang Kumperensya
Ang pangkalahatang kumperensya ay isang pambihirang pagkakataon na makasama ang mga miyembro ng Simbahan sa buong mundo para makinig sa mga lider ng Simbahan at tumanggap ng patnubay mula sa Panginoon. Ang panonood, pakikinig, at pag-aaral sa mga mensahe ng pangkalahatang kumperensya ay maghahatid ng Espiritu sa inyong buhay at magpapalakas sa inyong patotoo. Pagkakataon ito para tumanggap kayo ng personal na paghahayag at kumilos kayo ayon dito.
Narito ang limang paraan para matuto kayo mula sa pangkalahatang kumperensya.
1. Isulat ang inyong mga tanong bago magsimula ang pangkalahatang kumperensya
Mag-ukol ng oras para isulat ang inyong mga tanong bago magsimula ang kumperensya, at pagkatapos ay magtuon ng pansin sa mga sagot na dumarating sa inyo sa oras ng kumperensya. Ang inyong mga dalangin at tanong ay masasagot habang nakikibahagi kayo at nakikinig sa Espiritu.
2. Hangaring matuto tungkol kay Cristo
Ang mga propeta ay nagpapatotoo at nagtuturo tungkol sa Tagapagligtas (tingnan sa Mga Gawa 10:43). Sa pakikinig ninyo sa mga mensahe ng kumperensya, maaari ninyong isipin kung ano ang itinuturo sa inyo ng nagsasalita tungkol kay Jesucristo. Maaari pa kayong magtala.
3. Abangan ang mga tema
Matapos panoorin ang ilan sa pangkalahatang kumperensya, mapapansin ninyo na hindi lang minsan ninyo narinig na binanggit ang isang paksa o tema. Ang mga huwarang napapansin ninyo ay maaaring isang paraan na ipinapaalam sa inyo ng Espiritu ang isang bagay na kailangan ninyong matutuhan.
4. Pansinin ang Aklat ni Mormon
Marami kayong matututuhan sa pagbibigay-pansin sa tinutukoy ng mga lider ng Simbahan na mga talata sa banal na kasulatan, lalo na sa Aklat ni Mormon, na “saligang bato ng ating relihiyon” (pambungad sa Aklat ni Mormon). Tingnan kung masusundan ninyo ang bawat pagkakataon na nabanggit ito sa pangkalahatang kumperensya. Mamamangha kayo sa malalaman ninyo!
5. Maganyak at magka-inspirasyong kumilos
Isulat ang mga mensahe at sipi na naghihikayat o nag-aanyaya sa inyo na kumilos. Matutulungan kayo nitong ipamuhay ang natututuhan ninyo—at ipapaalala sa inyo ang mga naisip ninyo kalaunan kapag kailangan ninyong mapaalalahanan!