Ang Pinakamalala Kong Pakikipagkalas ay Totoong Naging Isa sa Pinakamalalaking Pagpapala sa Akin
Kung minsa’y nauunawaan natin ang mga dahilan ng mga paramdam at kung minsa’y hindi. Sa anumang paraan, kailangan tayong kumilos nang may pananampalataya.
Nakipagkalas ako sa una kong kasintahan sa isang maaliwalas na gabi ng tag-init.
Maaga-aga pa noong araw na iyon, nag-away na kami ni Carter (pinalitan ang pangalan)—na karaniwan na sa tatlong-taon naming galit-bating relasyon. Pinag-awayan namin ang lahat—mula sa kung ano ang kakainin hanggang sa mga plano para sa hinaharap. Sa simula, hindi ko pinansin ang mga pagkakaiba namin dahil sa kasabihan na “naaakit sa isa’t isa ang dalawang taong magkaiba.” Pero ang paminsan-minsan naming pagtutuksuhan ay nauwi kalaunan sa nakakapagod na mga pagtatalo.
Sa gabing iyon ng tag-init, nagdala kami ng teleskopyo sa disyerto para silipin ang mga planeta. Pero natuklasan namin na wala kaming makita dahil natakpan ng liwanag ng buwan ang madilim na kalangitan. Dahil sa inis, nagsimula kaming magtalo—na naman.
Dahil dito, lumayo ako para magpakalma. “Hindi ako ganito,” naisip ko. Kilala ako bilang tagapamayapa sa aming magkakapatid, at malumanay akong magsalita at mabait ako sa iba kong mga kaibigan. Kung gayon bakit ko sinisigawan ang lalaking sinasabi kong mahal ko?
Tumingala ako sa madilim na kalangitan at nagdasal na malaman kung paano ko mapapaganda ang relasyon namin ni Carter. Biglang napalitan ng matinding kapayapaan ang galit ko, at nadama ko na ang pinakamabuti kong magagawa para sa aming dalawa ay tapusin na ang aming relasyon.
Nagtagal ang pagpapahilom. May mga sandali na natukso akong iwaksi ang paramdam na makipagkalas kay Carter dahil na-miss ko ang pagiging malapit namin sa isa’t isa. Paminsan-minsa’y nainis ako sa Diyos, sa paniniwalang bigla Niya akong inalisan ng isang pagkakataon nang hindi ako binibigyan ng panibago. Gayon pa man, umasa ako sa payo ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Pagdating ng mga sandaling iyon at magkaroon ng mga problema … manangan nang mahigpit sa nalalaman na ninyo at manindigan hanggang sa dumating ang karagdagang kaalaman” (“Panginoon, Nananampalataya Ako,” Liahona, Mayo 2013, 93–94).
Hindi ko natanggap ang “karagdagang kaalaman” na iyon sa loob ng maraming buwan, at nagsimula akong mag-isip kung matatanggap ko nga ba iyon. Matapos ang isang taos na panalangin tungkol sa pakikipagkalas, nadama ko ang Espiritu, na sinasabi sa akin na ang mga paramdam ng Ama sa Langit ay para sa ikabubuti ng Kanyang mga anak. Ang mga detalye ng Kanyang katuwiran ay hindi kasing-angkop ng pananampalataya ko sa Kanya.
Batid na may plano ang Ama sa Langit para sa akin, nagkaroon ako ng pag-asa para sa aking hinaharap at tinulungan ako nitong muling makipagdeyt. Isang umaga, binasa ko ang Doktrina at mga Tipan 88:40, kung saan itinuturo ng Panginoon na ang “liwanag ay kumukunyapit sa liwanag.” Bigla kong natanto na ang alituntuning ito ay maaaring angkop sa pakikipagdeyt. Alam ko na mas liligaya ako sa piling ng isang taong kapareho ko ang mga pinahahalagahan at nalalaman.
Kalaunan ay nakilala ko si Austin. Agad kaming nagkaintindihan, mula sa hilig namin sa tacos hanggang sa mga misyon namin sa Estados Unidos. Pamilyar at tugma sa akin ang kanyang magiliw na espiritu, at sa huli ay nagpakasal ako sa kanya. Ang sa amin ay hindi isang mainit at madamdaming relasyon na gaya ng inaasahan ninyo sa isang popular na pelikula ng pag-iibigan. Ito’y matamis at matatag—isang bagay na naniniwala akong magtatagal magpakailanman.
Marami sa atin ang naghahangad ng paliwanag kapag tumatanggap tayo ng mahihirap na paramdam. Batay sa karanasan ko, natutuhan ko na matutulungan tayo ng pananampalataya sa Panginoon na manatiling masunurin nang hindi nalalaman kung bakit. Kapag nagtiwala tayo sa Diyos na nakakaalam ng lahat, madarama natin ang kapayapaan sa mga desisyon nating kumilos ayon sa mga paramdam hanggang sa matanggap nga natin ang “karagdagang kaalaman” na ipinangako Niya sa matatapat.