Pagkilala sa mga Panghuhuwad ni Satanas
Ang awtor ay naninirahan sa Utah, USA.
Kapag naharap tayo sa espirituwal na mga panghuhuwad, matutulungan tayo ng Aklat ni Mormon na malaman kung ano ang totoo at kung ano ang hindi.
Inilalagay ko noon ang mga U.S. dollar bill sa pitaka ko habang nasa tindahan ng groseri nang may napansin ako sa isang perang papel. Naisip ko na ang kulay-berde nito ay mas mapusyaw kaysa sa iba, kaya’t lalo kong sinuri ito. Pagkatapos napansin ko na ang larawan ni Pangulong George Washington ay hindi ganoon kalinaw. Maging ang salat ng papel ay hindi tama. Huwad pala ang perang iyon! Pinalitan iyon ng clerk ng tunay na dollar bill at ibinigay niya ang huwad na pera sa store manager.
Lagi ko nang naiisip ang tungkol sa huwad na dollar bill simula noon. Naisip ko kung gaano na ito katagal sa sirkulasyon at ilang tao na ang nalinlang nito sa paglipas ng mga taon. Sa katunayan, kung hindi ko iyon binigyan ng pansin, pati ako ay maaaring nalinlang din. Ngunit sa paghahambing nito laban sa bagay na tunay at pagtutuon ng pansin sa mga pagkakaiba sa halip na sa mga pagkakatulad, nasabi kong huwad iyon.
Ang Aklat ni Mormon ay puno ng mga halimbawa ng espirituwal na manlilinlang, na sumunod sa mga pamamaraan ni Satanas sa pagsisinungaling at panlilinlang sa iba para sa kanilang sariling kapakinabangan. Sa pag-aaral ng kanilang mga panlilinlang at taktika, napupuna natin ang kanilang mga pagkakamali tulad ng paraan ng pagsasanay sa ating mga mata na mapansin ang kaibhan ng tunay at ng huwad na pera. Kapag lalo nating sinanay ang ating mga mata na matukoy ang mga pagkakaiba, lalo tayong magiging handang mailantad ang mga manlilinlang ngayon at labanan ang kanilang mga kasinungalingan.
Pagtitipon ng Katalinuhan Tungkol sa mga Panghuhuwad ni Satanas
Hangad ni Satanas na akayin tayo sa pamamagitan ng kanyang sariling estilo ng espirituwal na panlilinlang, at kung hindi tayo maingat, tayo ay malilinlang. Nagbabala si Pangulong Joseph F. Smith (1838–1918): “Si Satanas ay napakahusay na manggagaya, at habang patuloy ang pagdagsa ng tunay na katotohanan ng ebanghelyo, ikinakalat niya ang mapanlinlang na mga maling doktrina. Mag-ingat laban sa kanyang huwad na pera, wala itong ibang idudulot kundi kabiguan, kalungkutan, at espirituwal na kamatayan.”1
Ang pinakamabisa nating panlaban para hindi malinlang ng mga panghuhuwad ni Satanas ay ang maging pamilyar hangga’t maaari sa mga katotohanan ng ebanghelyo. Kapag mas lubos nating nalaman ang katotohanan, mas madaling makikita ang mga pagkakaiba kapag inilahad sa atin ni Satanas ang kanyang mga panghuhuwad. Kaya kapag ginawa niya iyon, kailangan nating hanapin ang mga pagkakaiba at hindi ang mga pagkakatulad, tulad ng ginawa ko sa aking mga perang dolyar, dahil doon lagi mabubunyag ang mga kasinungalingan.
Itinuro ni Pangulong Ezra Taft Benson (1899–1994): “Inilalantad ng Aklat ni Mormon ang mga kaaway ni Cristo. … Ang Diyos, sa kanyang walang-hangganang kaalaman noon pa man, ay hinubog nang gayon ang Aklat ni Mormon upang makita natin ang mali at malaman kung paano dadaigin ang mga maling konsepto sa edukasyon, pulitika, relihiyon, at pilosopiya ng ating panahon.”2
Ngayon ay nakikipagdigmaan tayo kay Satanas. Tulad ng alinmang hukbo, kailangan nating malaman kung ano ang plano ng kaaway. Ang pag-alam kung kailan at saan sasalakay ang kaaway, halimbawa, ay napakahalagang impormasyon. Iyan ang dahilan kung bakit ang pagtitipon ng gayong uri ng impormasyon ay tinatawag na “pagtitipon ng katalinuhan.” Kapag kilala natin ang ating kaaway tayo ay magiging mas matalino kaysa sa ating kaaway. Ang Aklat ni Mormon ay makatutulong sa atin sa “pagtipon ng katalinuhan” ukol sa mapanlinlang na mga pamamaraan ni Satanas.
Ang Mapanghibok na Pananalita ay Mapanlinlang
Mahigit kalahati sa mga mapanlinlang sa Aklat ni Mormon ang gumamit ng mapanghibok na salita at mapanghalinang personalidad upang makamit ang kanilang mga mithiin. Halimbawa, si Sherem ay may “ganap na kaalaman tungkol sa wika ng mga tao; anupa’t nakagagamit siya ng labis na panghihibok, at labis na mapanghikayat na pananalita, alinsunod sa kapangyarihan ng diyablo” (Jacob 7:4). Ang masasamang saserdote ni Haring Noe ay nangagsalita ng “walang kabuluhan at mapanghibok na salita” (Mosias 11:7), na naging dahilan para ang mga tao ay sumamba sa mga diyus-diyusan at sa iba pang kasamaan. Ganoon din ang nangyari kay Korihor sa kanyang panahon, “inaakay palayo ang puso ng marami” (Alma 30:18). Ginamit nina Amalikeo at Gadianton ang kakayahan nilang manlinlang para makabuo ng hukbo ng masasamang alagad (tingnan sa Alma 46:10; Helaman 2:4).
Hindi ito nagkataon lang. Ang panghihibok ay mababaw, hindi tapat, hungkag, at labis-labis. Nagbabala si Nephi tungkol sa mga taong “magtuturo sa ganitong pamamaraan, mali at palalo at mga hangal na doktrina, at magiging mapagmataas sa kanilang mga puso, at maghahanap ng kalaliman upang ikubli ang kanilang mga payo mula sa Panginoon; at ang kanilang mga gawain ay nasa dilim” (2 Nephi 28:9).
Ang panghihibok ay madalas gamitin para manlinlang; ito ay karaniwang may masamang motibo o nakatagong adyenda. Ang panghihibok ay tungkol sa estilo ng pagkasabi kaysa sa sinabi mismo, at malakas ang epekto nito sa kapalaluan at pagmamataas sa kalooban ng likas na tao. Gayunman, sinasabi ng mga propeta ng Panginoon ang simple ngunit mahahalagang katotohanan na kailangan nating marinig.
Panghihibok ang wikang gamit ni Satanas. Si Pangulong James E. Faust (1920–2007), Pangalawang Tagapayo sa Unang Panguluhan, ay nagpaliwanag: “Madalas ay makatwiran ang sinasabi [ni Satanas] at napakadaling paniwalaan ng kanyang mensahe. Kaakit-akit at kapansin-pansin ang malambing niyang tinig. Hindi ito matigas o nakayayamot. Walang makikinig sa tinig ni Satanas kung marahas ito o mabagsik.”3
Kapag ang mundo ay may inilalahad sa atin na ideya, pilosopiya, o opinyon na tila paraan lamang para akitin ang ating kapalaluan o pagmamataas o parang napakabuti para magkatotoo, dapat maging babala iyon kaagad sa atin. Isiping huwad o mapanlinlang ang mga ideyang iyon. Ihambing ito sa mga katotohanang itinuturo ng mga propeta ng Panginoon. Hanapin ang mga pagkakaiba, hindi ang pagkakatulad, at magiging malinaw ang mapanlinlang na mga ideya.
Nehor—Isang Bantog na Manlilinlang
Malayang ginamit ni Nehor ang pamamaraan ng panghihibok ni Satanas. Suriin natin siya bilang isang case study ng isang espirituwal na manlilinlang. Si Nehor, na ang doktrina ay tila tanggap ang ideya ng isang manunubos, ay isang popular at kahali-halinang mangangaral sa mga Nephita. Nagkaroon ng maraming tagasunod si Nehor sa pagtuturo na “ang buong sangkatauhan ay maliligtas sa huling araw” at “magkaroon ng buhay na walang hanggan” (Alma 1:4).
Nakikita ba natin kung bakit ang mensahe ni Nehor ay labis na kaakit-akit? Itinuro niya ang tungkol sa isang relaks at panatag na Diyos—isang Diyos na, dahil mahal Niya ang lahat, ililigtas Niya ang bawat-isa, kahit ano pa ang mangyari. Kaya’t magpatuloy at gawin ang gusto ninyo, dahil mabuti ang lahat ng ito. Ito ay kaakit-akit na pilosopiya na tanggap ng mga tao noong panahon ni Nehor (tingnan sa Alma 1:5) tulad ng maraming tao ngayon. Isang libreng tiket papunta sa langit na halatang gustung-gusto ng mga tao.
Kung gayon ano ang problema sa mensahe ni Nehor? Tingnan nating muli ang mga pangunahing punto ng kanyang argumento:
-
Nilikha ng Diyos ang lahat ng tao—totoo.
-
Mahal ng Diyos ang lahat ng tao—totoo.
-
Hindi tayo dapat matakot sa Diyos—totoo.
-
Dapat tayong magalak sa ideya ng kaligtasan—totoo.
Kung titingnan natin, malaki ang pagkakatulad ng itinuro ni Nehor at ng mga katotohanan ng ebanghelyo. Ngunit alalahanin—tulad ng mga huwad na pera, kailangan nating hanapin ang mga pagkakaiba, hindi ang mga pagkakatulad. Kaya tingnan natin ang huling punto ni Nehor:
-
Ipagkakaloob ng Diyos sa lahat ang buhay na walang hanggan—mali!
Ngayon, narito ang mahalagang kaibhan na nagsasabi sa atin na si Nehor ay isang espirituwal na manlilinlang. Ang kaligtasan mula sa kamatayang pisikal ay tinitiyak sa lahat, ngunit ang kaligtasan mula sa espirituwal na kamatayan ay batay sa ating kusang-loob na pagsisisi. Kung tayo ay magsisisi, maaari tayong tumanggap ng buhay na walang hanggan (tingnan sa Jacob 6:11). Pero ang buhay na walang hanggan ay hindi libre.
Nakilala nina Gedeon at Alma ang Manlilinlang
Ang kasamaan ni Nehor ay nalantad sa araw na nakilala niya si Gedeon, isang mabuting guro sa Simbahan ng Diyos. Si Gedeon ay nanindigan sa harap ni Haring Noe maraming taon na ang nakalipas at dahil dito ay nagkaroon ng karanasan sa espirituwal na mga manlilinlang (tingnan sa Mosias 19:4–8). Si Nehor ay “nagsimulang makipagtalo sa kanya nang matalim, upang kanyang maakay palayo ang mga tao ng simbahan; subalit [si Gedeon] ay napangatwiranan ng lalaki, pinaaalalahanan siya sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos” (Alma 1:7). Nakilala ni Gedeon si Nehor na isang manlilinlang. Nang malantad, ginamit ni Nehor ang isa pa sa mga pamamaraan ni Satanas—ang pagpaslang. Pero hindi nasayang ang pagkamatay ni Gedeon. Dinala ng mga tao ang manlilinlang na si Nehor sa harapan ni Alma upang hatulan.
Kinilala ni Alma na hindi lamang nagkasala si Nehor ng paggamit ng huwad na pagkasaserdote at pagpaslang kundi kung hindi ipatutupad ito, ang huwad na pagkasaserdote ay “mangangahulugan ng kanilang lubusang pagkalipol” (Alma 1:12). Kaya si Nehor ay hinatulang mamatay, at dumanas ng “isang kadusta-dustang kamatayan” (Alma 1:15).
Sina Gedeon at Alma ay mga halimbawa para sa atin. Kapag nasa atin ang Espiritu, makikita at maririnig natin ang “katunayan ng mga bagay” (Jacob 4:13). Makikilala natin ang mga huwad na plano ng panlilinlang at mga balak ni Satanas nang “may ganap na kaalaman, ng liwanag ng araw ay mula sa kadiliman ng gabi” (Moroni 7:15).
Ang ating “mapanlinlang” na kaaway ay matalino, ngunit gaya nina Gedeon at Alma, maaari tayong maging mas matalino. Tulad nang unti-unti kong nakita ang mga pagkakaiba ng aking mga perang papel, unti-unti rin nating masasanay ang ating mata at ating isipan at espiritu na makilala ang mga pagkakaiba ng katotohanan at kasinungalingan. Kapag ginawa natin ito, makikilala natin ang mga huwad o manlilinlang at malalabanan ang kanilang mga kasinungalingan.