2018
Pag-unawa sa Iyong Patriarchal Blessing
Nobyembre 2018


Pag-unawa sa Iyong Patriarchal Blessing

Ang isang awtor ay naninirahan sa Illinois, USA, at ang isa naman ay sa New York, USA.

Ang pagtukoy sa mga bahagi ng iyong basbas ay makakatulong sa pagkakaroon mo ng direksyon sa buhay.

man with a map in a maze

Man in maze © Digital Vision Vections/Getty Images

Ang buhay ay puno ng paggawa ng desisyon: Saan ako dapat mag-aral? Ano ang dapat kong pag-aralan? Dapat ba akong magmisyon? Sino ang pakakasalan ko? Kung binigyan kayo ng personal na mapa para gabayan kayo sa mga desisyon sa buhay, susundin ba ninyo ito?

Binigyan tayo ng Ama sa Langit at ni Jesucristo ng gayong mapa—ang mga patriarchal blessing—para bigyan tayo ng direksyon sa buhay. Bagama’t pinagkalooban tayo ng kalayaang makagawa ng sarili nating mga desisyon, malilinaw ng mga patriarchal blessing kung anong mga landas ang magdudulot ng pinakamalaking kaligayahan.

Ngunit hindi sapat ang magkaroon lang ng mapa. Kailangan nating pag-aralan, unawain, at ipamuhay ang kahulugan ng nakasaad sa mapa. Gayundin, kapag naunawaan ninyo ang pananalitang ginamit sa inyong patriarchal blessing—ang inyong personal na gabay sa buhay—mahihiwatigan ninyo kung sino kayo sa paningin ng Diyos at kung ano ang maaari ninyong kahinatnan.

Tuklasin ang Inyong Lipi

Ang una at pinakamahalaga, ipinapahayag sa inyong patriarchal blessing ang inyong lipi, o ang partikular na lipi sa labindalawang lipi ni Jacob (na kalaunan ay tinawag na Israel) na kinabibilangan ninyo. Bagama’t hindi lahat tayo ay literal na inapo ni Jacob, itinuturo sa atin sa mga banal na kasulatan na ang mga miyembro ng Simbahan ay inampon sa sambahayan ni Israel: “Sapagkat kasindami ng tatanggap ng Ebanghelyong ito ay tatawagin alinsunod sa iyong pangalan, at ibibilang sa iyong mga binhi, at magbabangon at papupurihan ka, bilang kanilang ama” (Abraham 2:10).

Sabi ni Shelisa Schroeppel ng Utah, USA, “Ang pagkaunawa na nagmula ako sa sambahayan ni Jacob ay nakakatulong para maunawaan ko ang aking layunin sa buhay na ito at bakit ako tinatawag sa partikular na mga tungkulin sa Simbahan.”

Ang inyong patriarchal blessing ay maaari ding maglarawan ng anumang kaugnay na mga pagpapala na kaakibat ng inyong partikular na lipi. Halimbawa, maraming miyembro ng Simbahan ang kabilang sa lipi ni Ephraim, na isang liping may kakaibang responsibilidad na ipalaganap ang mensahe ng ipinanumbalik na ebanghelyo sa mundo (tingnan sa Deuteronomio 33:13–17; D at T 133:26–34).

Hanapin ang Personal na Payo

Kapag ginamit nang wasto, sa tulong ng mapa ay hindi maliligaw ang isang manlalakbay. Gayundin, sa paglalakbay na ito sa lupa, makapagbibigay ng payo at patnubay ang inyong patriarchal blessing sa inyong buhay. Ang inyong patriarchal blessing ay hindi lamang sinasabi sa inyo kung ano ang gagawin, kundi makapagbibigay ito ng personal na ideya kung aling mga landas—kung tatahakin nang may pananampalataya—ang magpapaalam sa inyo kung nakaayon ang inyong buhay sa kalooban ng Ama sa Langit. Habang pinag-aaralan ninyo ang inyong patriarchal blessing at hinahangad ninyong mamuhay sa paraang nag-aanyaya sa Espiritu ng Panginoon, magkakaroon kayo ng kaligtasan, kagalakan, at direksyon.

Sabi ni Gabriel Paredes ng Lima, Peru, “Lubusan ko lang nagamit sa pamilya ko ang ilan sa mga payong ibinigay sa akin sa blessing ko nang mabuklod ako sa aking asawa.

“Kamakailan ay nag-isip kami kung ano ang magagawa namin para palakasin at patatagin ang aming bagong pamilya. Sinagot ang mga tanong namin sa pamamagitan ng aking patriarchal blessing. Doon ay pinayuhan ako na bigyan ng prayoridad ang paggalang, pagpaparaya, at pagmamahal sa aking pamilya, dahil ito ang ilan sa mahahalagang pundasyon ng ebanghelyo ni Jesucristo.

“Nang magtuon kami rito, nalampasan naming mag-asawa ang mga problema. May mga pagsubok pa rin kami sa pamilya paminsan-minsan, pero masaya kami. Nadama ko na ipinapaalala sa akin ng Panginoon kung paano ako magkakaroon ng pamilyang ipinangako Niya sa akin. Alam ko na nangungusap ang Panginoon sa pamamagitan ng mga patriarchal blessing at ang payo roon ay dapat gamitin sa ating buhay.”

Sundin ang mga Payo

Hindi naman mamarkahan sa mapa ang bawat panganib sa daan, ngunit mabuti na lang, madalas magbigay ng mga babala ang mga patriarchal blessing para protektahan tayo sa daan. Nakakatulong ang ilan sa mga payong ito na maprotektahan tayo laban sa impluwensya ni Satanas; ang iba naman ay para maliwanagan tayo kung paano natin madaraig ang ating likas na pagkatao.

Para kay Caitlin Carr ng Utah, hindi kaagad naging malinaw ang ilan sa mga payo sa kanyang patriarchal blessing, ngunit nang pag-aralan niya kalaunan ang kanyang basbas ay nagkaroon siya ng mga bagong ideya.

“Nang matanggap ko ang aking patriarchal blessing, binalaan ako na may mga tao na susubukan at hihikayatin akong lumayo sa katotohanan sa nakasisiya nilang pananalita. Hindi ko ito gaanong inisip; matibay ang paniniwala ko sa mga doktrinang itinuro sa akin.

“Gayunman, nang sumunod na taon ay naharap ako sa mga ideya at pilosopiya na sa unang tingin ay tila nakasalig sa katarungan at pagmamahal ngunit hindi pala. Ang mga mensaheng ito ay tila nagmumula sa lahat ng dako: sa media, paaralan, kahit sa malalapit na kaibigan. Kahit alam ko na ang mga pilosopiyang ito ay salungat sa plano ng Diyos, ginusto kong suportahan kapwa ang mga bagong makamundong ideyang ito at ang Simbahan. Hindi nagtagal natanto ko na ‘walang taong makapaglilingkod sa dalawang panginoon’ (Mateo 6:24) at na hindi ako dapat umasa sa karunungan ng tao. Nilutas ng Ama sa Langit ang aking mga pag-aalinlangan sa pamamagitan ng mga banal na kasulatan at nangusap ng kapayapaan sa aking puso’t isipan. Bunga nito, napalakas ang aking patotoo at naging mas matatag ako sa pagtatanggol ng alam kong totoo.”

Linangin ang mga Kaloob at Talento

Maaari ding banggitin sa inyong patriarchal blessing ang mga espirituwal na kaloob at talentong ibinigay sa inyo ng Panginoon sa pagtatayo ng Kanyang kaharian. Kung binabanggit sa inyong basbas ang isang talentong hindi pamilyar sa inyo, maaaring dahil ito sa hindi pa kayo nagkaroon ng pagkakataong tuklasin o linangin ang talentong ito. Sa masigasig na paghahangad at sa tulong ng Panginoon, maaari kayong lumago upang taglayin ang talentong ito at marami pang iba.

Ang paglinang sa inyong mga talento ay tumutulong sa inyo na makilala ang kakaibang mga bagay na naiaambag ninyo sa gawain ng Panginoon. Pinagbulayan ni Johanna Blackwell ng California, USA, ang mga kaloob at talentong nakasaad sa kanyang basbas kapag natutukso siyang ihambing ang sarili niya sa iba: “Kapag binabasa ko ang sinasabi sa aking patriarchal blessing, naaalala ko na nabiyayaan ako ng mga kaloob na kailangan ko mismo para malampasan ang mga pagsubok at makabahagi ako sa pagpapabilis ng gawain ng Panginoon.

“Sinasabi sa akin sa basbas ko na kaya kong magmahal, magpatawad, at magkaroon ng tapang na makihalubilo sa mga nasa paligid ko. Nang gamitin ko ang mga kaloob na ito, nabiyayaan ako ng Panginoon ng dagdag na hangaring makisalamuha at makipag-ugnayan sa mga taong hindi ko kilala at sa ibang mga kultura. Dahil dito, lumago ang aking patotoo na lahat tayo ay anak ng mapagmahal na Ama sa Langit, at napaglingkuran ko ang iba habang hinahangad nating maging higit na katulad ni Cristo.”

points on the map

Hanapin ang Ipinangakong mga Pagpapala

Ang panghuli, inihahayag ng ating patriarchal blessing ang ipinangakong mga pagpapala sa atin ng Ama sa Langit kung mananatili tayong tapat sa Kanya. Walang garantiya kung kailan matutupad ang mga pangakong ito, ngunit maaari nating malaman na hangga’t masunurin nating ipinamumuhay ang ebanghelyo, matutupad ang mga ito, sa buhay mang ito o sa kabilang-buhay.

Si Sergio Gutierrez ng Nevada, USA, ay umaasa sa isang pangako sa kanyang patriarchal blessing tuwing mag-aalala siya tungkol sa kanyang mga plano sa trabaho sa hinaharap: “Kung minsan nag-aalala ako tungkol sa kawalang-katiyakan sa aking hinaharap, pero may isang pangako sa patriarchal blessing ko na palaging nagpapanatag sa aking isipan. Ipinaaalam sa akin ng pangakong ito na basta’t nagsikap akong mabuti at nanatiling tapat, mapapasaakin ang mga kailangan ko para pangalagaan ang aking pamilya at itatag ang Simbahan. Hindi ko alam ang eksaktong kursong gusto kong kunin, pero binibigyan ako ng pangakong ito ng pananampalataya at tiwala.”

Kung iniisip ninyo kung ano ang kalooban ng Ama sa Langit para sa inyo, hindi kayo nag-iisa. Nauunawaan ng Panginoon na mahaharap kayo sa maraming iba’t ibang landas na maaari ninyong tahakin sa buhay, kaya binigyan Niya kayo ng personal na mapa upang manatiling nakaayon ang inyong buhay sa Kanyang ebanghelyo. Hindi maaaring magdesisyon ang mga patriarchal blessing para sa atin, ngunit maaakay tayo nito tungo sa personal na paghahayag. Sa pamamagitan ng ating patriarchal blessing, ipinapakita sa atin kung paano tayo umaakma sa plano ng Panginoon na tipunin ang Israel sa pamamagitan ng pag-alam tungkol sa ating lipi; binibigyan tayo ng personal na payo, panghihikayat, at mga pangako; at itinuturo sa atin ang natatanging mga kaloob at talentong ibinigay ng Ama sa Langit sa atin para mapaglingkuran Siya. Basta’t sinisikap ninyong mamuhay alinsunod sa lahat ng elementong ito sa sarili ninyong patriarchal blessing, malalaman ninyo na ang mga desisyon ninyo ay nakaayon sa kalooban ng Panginoon para sa inyong buhay.