Kaligayahan: Hindi Lang Kalagayan
Itinuro sa atin na ang pagkakaroon ng kagalakan ang layunin ng ating buhay (tingnan sa 2 Nephi 2:25). Subalit bakit kung minsan ay tila napakailap ng kaligayan? Marahil ay dahil hindi natin nauunawaan kung ano ba talaga ang kaligayahan … at kung ano ang hindi kaligayahan.
Ano ang Kaligayahan?
Sa pinakasimpleng lebel, ang kaligayahan ay ang pasamantalang pag-angat ng inyong kalagayan sa isipan sa isang lebel na mas mataas kaysa sa inyong kadalasang emosyonal na equilibrium.1 Sa madaling salita, ang ibig sabihin nito ay mabuting pakiramdam.
Maraming paraan para maudyok ang isang emosyonal na tugatog—pakikipagbiruan sa isang kaibigan, paglalaro ng isang nakatutuwang laro, o maging pagkain sa isang pirasong cheesecake—subalit hindi ito nagtatagal. Kadalasan ay nagpapapalit-palit tayo mula sa isang pinagmulan ng aliw sa isa pa sa pagtatangkang makamit muli ang emosyonal na tugatog na iyon. Subalit wala bang kaligayahang nagtatagal?
Mayroon—subalit lubos itong di-kapansin-pansin kaysa sa iniisip ninyo, kaya madalas ay hindi natin natatamaan ang marka. Sinasabi sa atin ng mundo na ang isang makubuluhang buhay ay dapat napuspos ng pakikipagsapalaran, na ang inyong mga araw ay dapat isang walang tigil na biyahe pababa sa isang kalyeng madali at puno ng kasiyahan. Subalit sa katotohanan, hindi natin kailangan ng palagiang pagkaligalig upang masabi na namuhay tayo “nang maligaya” (2 Nephi 5:27). Ang tumatagal na kaligayahan—na maaari nating tawaging tunay na kaligayahan—ay mas tahimik at matatag na diwa ng kapakanan sa halip na isang kapansin-pansing pakiramdam ng sarap. Naglalaho ang saya at aliw, subalit ang tunay na kaligayahan ay hindi isang napadaan na kalagayan—mas tumatagal ito. Kung ang pagdanas sa aliw ay pag-angat ng inyong emosyon nang mas mataas sa equilibrium, ang pagkamit ng tunay na kaligayahan ay tulad ng pag-angat mismo sa equilibrium.2
Maaaring maisip ninyo na ang matatag na kaligayahan ay nangangailangan ng patuloy na pagkakaroon ng yaman at kalayaan mula sa sakit o pagsubok. Subalit ipinakikita ng mga pag-aaral na hindi natitiyak ng mga kanais-nais na mga kalagayan ang kaligayahan, at hindi ito sinisira ng mga di-kanais-nais. Bagkus, sa lahat ng mga bagay na nakaaapekto sa inyong kaligayan, mas naiimpluwensiyahan ito ng inyong mga pagpili.3 Itinuro ni Elder Ulisses Soares ng Panguluhan ng Pitumpu, “Ang kaligayahan ay tinutukoy ng mga gawi, asal, at huwaran ng pag-iisip na direkta nating matutugunan nang may sadyang pagkilos.” Ang kaligayahan ay higit pa sa mabuting kalagayan o buhay na walang problema—ito ay isang paraan ng pag-iisip at pamumuhay na makokontrol natin. Ang pangkalahatang antas ng ating kalagayan ay tiyak na naaapektuhan ng genetics o ng pagpapalaki sa atin, subalit malaki ang ginagampanan ng ating mga personal na pagpili. Sa madaling salita, “ang kaligayahan ay isang pagpiling magagawa ninuman.”4
Paano Ako Magiging Maligaya?
Paano ba tayo magiging tunay na “maligaya”? Ano ang lihim na sangkap ng ating cheesecake ng kaligayahan? Tulad ng ipinaliwanag ni Elder Soares, ang tunay na kaligayahan ay nangangailangan ng “matagal na pagsisikap para sa isang bagay na mas mahalaga sa buhay.” Katulad nito ang iminungkahi ni Viktor Frankl, isang tanyag na Holocaust survivor at psychiatrist, na ang kaligayahan ay ang “epekto ng pansariling katapatan ng isang tao sa isang landas na mas dakila pa sa sarili.”5
At ano pa ba ang maaaring maging mas dakila kaysa sa inihanda ng Diyos para sa atin? Sa paghahanap natin ng kaligayahan, hindi na natin kailangan pang tumingin sa iba kaysa sa plano ng Ama sa Langit. Tutal, may dahilan kung bakit ito tinatawag na “plano ng kaligayahan”! (Alma 42:8, 16). Maraming talata sa mga banal na kasulatan ang nagpapatotoo na ang pagsunod sa plano ng Diyos ay nagdudulot ng kaligayahan (tingnan sa 2 Nephi 2:13; Helaman 13:38). Bagama’t hindi tayo maililigtas ng pamumuhay nang mabuti mula sa lahat ng dalamhati, mailalagay tayo nito sa isang posisyon na mas makadaranas tayo ng kaligayahan sa buhay na ito, at hahantong ito sa ating kadakilaan at walang hanggang kagalakan sa mundong darating.
Tulad ng pananampalataya, ang kaligayahan ay mapahihina o mapalalakas, depende sa inyong mga kilos. Kung ginugugol ninyo ang inyong oras sa pagtugis sa panandaliang kasiyahan, ang kaligayahan ninyo ay “dinadala sa magkabikabila ng lahat na hangin” (Mga Taga Efeso 4:14). Subalit kung sinisikap ninyong mamuhay nang mabuti, magkakaroon kayo ng matatag na diwa ng saligang kapayapaan at kapakanan na malalabanan ang anumang unos. At kapag ginawa ninyong priyoridad ang pananampalataya kaysa kasiyahan, matutuklasan ninyo ang tunay na kagalakan—ang uri na matatagpuan lamang ng “tunay na nagsisisi at mapagpakumbabang naghahanap ng kaligayahan” (Alma 27:18).