2020
Pagpapatatag ng Kaharian sa New Caledonia
Abril 2020


Pagpapatatag ng Kaharian sa New Caledonia

Ang mga young adult sa New Caledonia at sa iba’t ibang panig ng mundo ay tumutugon sa tawag na maglingkod at maging mga lider sa Simbahan.

“Ang isa sa malalaking biyaya ng pagiging miyembro sa Simbahan ay ang oportunidad na maglingkod.”1 Bilang young adult, ang paglilingkod sa Simbahan ay maaaring maging kapana-panabik na pagkakataon para umunlad, mamuno, at palakasin ang iyong espirituwal na kalamnan. Ngunit kabilang ang lahat ng iba pang mga responsibilidad na kasama sa pagiging young adult, ang paglilingkod kung minsan ay mahirap—lalo na sa mga lugar na kakaunti pa lang ang mga miyembro ng Simbahan. Halimbawa, ano ang gagawin mo kapag tinawag kang maging stake Young Women president, at naghahanda kang maglingkod sa misyon habang nag-aaral din sa kolehiyo at tumutulong sa institute, at, ikaw ay 21 anyos lang?

Para sa maraming lugar ng Simbahan, hindi kakaiba ang ganitong sitwasyon. Sa New Caledonia, isang maliit na teritoryo ng France na may 2,400 na mga miyembro ng Simbahan, ang mga young adult ay kadalasang binibigyan ng malalaking responsibilidad sa pagpapatatag ng kaharian ng Panginoon. Sinabi minsan ni Pangulong Russell M. Nelson sa mga young adult: “Kayo ang magiging mga lider ng Simbahan ng Panginoon! Handa ba kayong humalili sa pamumuno?”2 Dahil kailangan at dahil sa pagmamahal nila sa Tagapagligtas, ang mga young adult sa buong mundo ay handang maglingkod at mamuno sa Simbahan.

Paglilingkuran Siya Habambuhay

Para sa maraming young adult ng New Caledonia, tinutulungan sila ng kanilang misyon na maghanda para sa panghabambuhay na paglilingkod sa Simbahan. Si Syoelanne (Syo) Ulivaka ay nakatanggap ng tawag na maglingkod bilang pangalawang tagapayo sa bishopric isang linggo lang matapos ma-release sa kanyang full-time mission. “Katatapos ko lang magmisyon,” sabi ni Syo. “Pagod ako, at sinabi ko sa sarili ko, ngayon gusto kong magpahinga.” Ngunit tinanggap pa rin niya ang tungkulin. “Natanto ko na pupunta ako kung saan nais ng Panginoon na pumunta ako. Paglilingkuran ko Siya—hindi lang sa loob ng dalawang taon, kundi habambuhay.”

Simula noong maglingkod siya sa bishopric, si Syo ay may asawa na ngayon, may anak na, at lumipat na sa ibang ward. Ngunit patuloy siyang naglilingkod at gumaganap sa kanyang mga tungkulin sa Simbahan.

Sinabi ni Elder Earl C. Tingey, emeritus General Authority Seventy, sa mga young adult: “Ang pribilehiyong magkaroon ng calling sa Simbahan ay isa sa pinakamagagandang pagpapalang matatamasa ninyo sa buhay. Marami kayong maiaambag sa tinitirhan ninyong ward o branch. Kailangan ang inyong mga talento at kasanayan sa isang lumalagong Simbahan.”3 Hindi lang si Syo ang young adult sa isla kung saan ang kanyang mga kasanayan ay ginagamit upang tulungan ang lumalaking Simbahan—ang iba pang mga young adult ay naglilingkod sa halos lahat ng tungkulin sa ward at stake. Sabi ni Syo, “Sinisikap naming ibalik ang mga bagay na natutuhan namin sa misyon upang palakasin ang aming stake at mga ward.” Ang mga young adult na ito ay gumagawa ng maraming sakripisyo upang palakasin ang kaharian sa kanilang sariling bansa, ngunit gaya ng sabi ni Syo, “karaniwan ay oras namin ang aming isinasakripisyo.”

Ang ilang young adult ay may dalawa o hanggang tatlong tungkulin. “Maaaring pagpapala iyan para sa kanila, ngunit maaari din itong maging pabigat,” sabi ni Syo, dahil maraming nahihirapang mabalanse ang hinihingi ng pagiging young adult sa kanilang mga responsibilidad sa Simbahan. “Mahirap gawin ang lahat ng iyan nang sabay-sabay.” Ngunit nalaman ni Syo na kapag inuuna niya ang Panginoon, madali nang gawin ang iba pa. Sabi niya, “Tumutulong ang Panginoon sa lahat ng bagay—sa paaralan, sa paghahanap ng mapapangasawa—lahat ay nasa kamay ng Panginoon.”

Ang Kinabukasan ng Simbahan

Ang mga propeta at apostol ay may hindi natitinag na opinyon tungkol sa mga kakayahan at paglilingkod na maibibigay ng mga young adult sa Simbahan: “Kailangan namin ang puso at kaluluwa ninyo.” Kailangan namin ng mga [young adult na] masisigla, nag-iisip, at alam kung paano makinig at tumugon sa mga bulong ng Banal na Espiritu”4

Ang mga young adult sa New Caledonia at sa iba’t ibang panig ng mundo ay tumutugon sa panawagang ito ng apostol. Alam nila na sila ang kinabukasan ng Simbahan, at pinipili nilang maglingkod sa anumang paraan na kaya nila. Pinalalakas nila ang loob ng isa’t isa sa kanilang mga tungkulin. Sumasama sila sa mga missionary. Ibinabahagi nila ang ebanghelyo at inaanyayahan ang mga kaibigan nila sa simbahan. Sila ay nagbibigay ng payo sa mga kabataan sa kanilang ward at hinihikayat silang magmisyon. Sila ay naglalakbay nang malayo para magpunta sa templo. Tinuturuan nila ang mga di-miyembro sa kanilang pamilya. At lahat ng mga pagsisikap na ito ay nagpapatatag ng kaharian.

Natanto ni Syo na, pagdating sa paglilingkod sa Panginoon, “Tayo ay Kanyang mga kasangkapan.” Sa mga panahong ito ng paglago ng Simbahan, tatawagin ng Panginoon ang mga Banal sa lahat ng edad, sa lahat ng dako, upang tanggapin ang responsibilidad na patatagin at palakasin ang Kanyang kaharian. Handa ba tayong tumugon sa panawagang iyan?

Mga Tala

  1. Carl B. Cook, “Maglingkod,” Liahona, Nob. 2016, 110.

  2. Russell M. Nelson, sa Marianne Holman Prescott, “Prepare for Future Church Leadership, President Nelson Tells Young Adults” Ene. 8, 2017, news. ChurchofJesusChrist.org.

  3. Earl C. Tingey, “Tatlong Mensahe sa mga Young Adult,” Liahona, Abr. 2007, 27.

  4. M. Russell Ballard, “Ang Pinakadakilang Henerasyon ng mga Young Adult,” Liahona, Mayo 2015, 68.