2020
Ang Paggamit sa Buong Pangalan ng Simbahan ay Asiwa noon Ngunit Sulit
Abril 2020


Ang Paggamit sa Buong Pangalan ng Simbahan ay Asiwa noon Ngunit Sulit

Ang pagsunod sa tagubilin ng propeta ay tila simple, ngunit higit palang pagsisikap ang kailangan kaysa sa inasahan ko.

Nang magsalita si Pangulong Nelson tungkol sa paggamit ng tamang pangalan ng Simbahan sa pangkalahatang kumperensya noong Oktubre 2018, ang kanyang mensahe ay napakalinaw sa akin: “Ito ay utos ng Panginoon. …

“… Malaking tagumpay para kay Satanas ang maalis ang pangalan ng Panginoon sa Simbahan ng Panginoon” (“Ang Tamang Pangalan ng Simbahan,” Liahona, Nob. 2018, 87, 88).

Natanto ko na kailangan kong isiping muli kung paano ako makikipag-usap sa mga nasa paligid ko, pati na sa ilang kliyente sa trabaho ko na nasanay nang tawagin ako na isang “Mormon” at miyembro ng “Simbahang Mormon.”

Nakatuon sa paggamit ng buong pangalan ng Simbahan, naghintay ako sa susunod na pagkakataon upang maangkin ang pagiging miyembro ko sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Tama nga, dumating ang pagkakataong iyon, muli sa konteksto ng negosyo. “Kayong mga Mormon ay mababait na tao,” sabi sa akin ng isang potensiyal na kliyente. “Salamat naman, kung ganoon,” ang sagot ko. “Bilang mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, naniniwala kami na tayong lahat ay magkakapatid.” At nagpatuloy ang mga pakikipag-usap sa kanya at sa iba tungkol sa kabaitan ng “mga Mormon.”

Bagama’t ginawa ko ang bahagi ko sa pagsasabi ng buong pangalan ng Simbahan, nadama ko pa rin na parang mayroong hindi tama. Ang tingin pa rin sa akin ng mga kaibigan at kasamahan ko ay bahagi ako ng “Simbahang Mormon” at hindi bilang isang tagasunod ni Cristo, lalo pa nga bilang miyembro ng ipinanumbalik na Simbahan ni Cristo.

Sulit ba ang Pagsisikap?

Nang sumunod na ilang pakikipag-usap tungkol sa relihiyon ko, parang napaatras ako dahil sa pagkaasiwa sa pagbigkas ng buo at napakahabang pangalan ng Simbahan nang maraming beses sa parehong pakikipag-usap. Bawat kausap ko ay tila nanibago sa akin. At ang usapan ay palaging nakatuon sa “mga Mormon.”

Sinikap kong gawing mas natural ang mga pakikipag-usap ko. Pero naging mas mahirap ito kaysa inakala ko, lalo na sa mga taong ayaw kong masaktan. Ayaw ko na tila ikinakahiya ko o kaya ay tila maligamgam ako sa pamumuhay ng aking relihiyon, pero ayaw ko ring maging marahas, dahil marami sa mga taong tumatawag sa akin na “Mormon” ay ganito na ang tawag sa akin sa loob ng matagal na panahon at tinanggap ko na ito. Narinig ko rin ang maraming miyembro ng Simbahan na tinatawag pa rin ang kanilang sarili at ang iba pang mga miyembro ng Simbahan na “mga Mormon” sa iba’t ibang miting at iba pang mga konteksto.

Natagpuan ko ang sarili ko na nagtatanong kung ang paggamit ng buong pangalan ng Simbahan ay talagang ganoon kahalaga sa dakilang plano ng mga bagay-bagay. Tutal, ang tatak na “Mormon,” ay medyo maganda sa isipan ng maraming tao—ang pagiging “Mormon” ay naging asset o karangalan na para sa akin. Ngunit sa muling pagbasa sa mensahe ni Pangulong Nelson, naramdaman ko na talaga palang mahalaga ito, kahit na medyo nakakaasiwa ito sa pakikipag-usap. Kaya nangako akong muli.

Isang Pagkakataon Upang Magpatotoo kay Cristo

Ang sumunod na pagkakataon na kailangan kong gamitin ang buong pangalan ng Simbahan ay nang binibisita ko ang isang kaibigan sa isang simbahan ng ibang relihiyon. May lumapit sa akin at nakangiting nagtanong kung ako ay isang Mormon. “Ako ay miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, oo,” sabi ko. Nagsimula siyang magtanong sa akin, bawat isa ay nagsisimula sa: “Naniniwala ba ang Simbahang Mormon … ?” At sa bawat pagkakataon, sinimulan ko ang sagot sa katagang: “Sa ipinanumbalik na Simbahan ni Cristo, naniniwala kami …”

Apat o limang beses itong nagpaulit-ulit. Nang mapansin niya na hindi ko tinatanggap ang titulong “Mormon,” diretsahan niya akong tinanong, “Hindi ka ba Mormon?”

Kaya tinanong ko siya kung kilala ba niya kung sino si Mormon—hindi niya kilala. Sinabi ko sa kanya na si Mormon ay isang propeta, isang mananalaysay, isang heneral sa militar, at isang pulitiko sa sinaunang Amerika. Karangalan kong maugnay sa isang taong talagang tapat sa paglilingkod sa Diyos at sa iba.

“Pero,” pagpapatuloy ko, “si Mormon ay hindi namatay para sa aking mga kasalanan. Hindi ibinuhos ni Mormon ang kanyang dugo para sa akin o hindi nagdusa sa Getsemani o namatay sa krus. Hindi si Mormon ang aking Diyos. Si Jesucristo ang aking Diyos at aking Tagapagligtas. Siya ang aking Manunubos. At nais kong sa pamamagitan ng Kanyang pangalan ako makilala sa huling araw, at sana sa pamamagitan ng Kanyang pangalan ako makilala ngayon.”

Nadama ko ang pagtiyak ng Espiritu na sumusuporta sa akin sa maikling patotoo ko sa bago kong kakilala. Pagkaraan ng ilang sandali ng katahimikan, sinabi niya, “Kung ganoon, Kristiyano ka?”

“Oo, Kristiyano ako,” sagot ko, “at miyembro ako ng ipinanumbalik na Simbahan ni Cristo.”

Ang paghangad na sundin ang tagubilin ng propeta ay tila simple, pero kailangan pala ng higit pang pagsisikap kaysa inakala ko. Hindi pa rin ako perpekto sa pagsunod sa lahat ng bagay na ipinagagawa sa akin. Ngunit sa bawat sitwasyon, tinitiyak ko na ginagamit ko ang buong pangalan ng Simbahan.

Nagpapasalamat ako sa Espiritu na nadarama ko kapag nagpapatotoo ako sa iba tungkol sa aking Tagapagligtas at sa pagiging miyembro ko sa Kanyang Simbahan. At ngayon ako ay may magandang paraan upang natural na magpatotoo tungkol sa Kanya at sa Kanyang ipinanumbalik na Simbahan kapag tinatanong ako tungkol sa pagiging “Mormon” ko.