2020
Kalinisang-Puri sa Mundong Walang Dangal
Agosto 2020


Kalinisang-Puri sa Mundong Walang Dangal

Ang mga magasin ng Simbahan ay nakipagpulong sa isang grupo ng mga young adult na mula sa iba’t ibang panig ng mundo upang talakayin ang mga hamon at pagpapalang dulot ng pananatiling malinis ang puri sa isang mundong hindi nagpapahalaga—at inaalipusta pa—ang kalinisang-puri. Natuklasan namin na ang kanilang hayagan, tapat, at taos-pusong talakayan ay nakapagpapasigla at nagbibigay-inspirasyon at umaasa kaming matutuklasan din ninyo sa kanilang mga puna ang isang bagay na tutulong sa inyo na pahalagahan ang kasagraduhan ng kasal at ng pisikal na intimasiya.

Sa dami ng mga taong binibigyang-katwiran ang imoralidad, anong mga katotohanan ng ebanghelyo ang nakatulong sa inyo upang manatiling dalisay ang inyong puri?

Martin Isaksen, Norway: Sinasabi sa mga banal na kasulatan na maging malinis at dalisay. Sapat na iyan para sa akin.

Lizzie Jenkins, California, USA: Ang kalinisang-puri ay matibay na pangako. Ipamuhay mo ito. Ito ay paraan ng pamumuhay.

Liz West, England: Ang pagkaunawa sa kung sino ako, ang pagkaunawa na ang buhay ay hindi lamang ngayon at sa isang gabing ito ay nakatulong nang malaki sa akin. Ang plano ng kaligtasan—kahit na hindi ko ito kayang maipaliwanag noong tinedyer ako—ay napakalaking tulong. Napakaganda ng konsepto ng walang hanggang kasal! Kapag nauunawaan ng mga tao ang matibay na pangakong ito, natatanto nila kung gaano kagila-gilalas na inilagay tayo ng Diyos dito bilang mga pamilya at binigyan tayo ng mga kautusan upang hindi lamang tayo maging ligtas kundi maging maligaya rin. Sa tuwing ipamumuhay ko ang mga alituntuning ito at ibinabahagi sa aking mga kaibigan, at sinasabi ko na, “Hindi ako iinom ng alak” o “Hindi ako dadalo sa party na ito” o “Hindi ko ito gagawin,” iginagalang nila ako. Sa huli nakapanig pa rin sila sa akin. Ang pagkaunawa na mayroon akong halaga bilang anak ng Diyos at alam ng Ama sa Langit kung sino ako at talagang may malasakit Siya sa akin ay nakapagpapalakas na sa akin.

Anna (Anya) Vlasova, Russia: Malaking tulong sa akin kapag iniisip ko na bahagi ako ng isang pamilya sa langit. Mahal at iginagalang ko ang Diyos at ayaw kong ikahiya Niya ang mga ginagawa kong pagpili.

Kaylie Whittemore, Florida, USA: Sa palagay ko talaga ang pagkaunawa sa kasagraduhan ng mga pamilya ay nagbigay sa akin ng determinasyon na ipamuhay ang batas ng kalinisang-puri. Ang isa pang bagay ay ang pagkatanto na kapag nilabag natin ang mga kautusan, may mga ibubungang hindi maganda na ayaw kong maranasan.

Falande (Fae) Thomas, Haiti: Inisip ko talaga kung paano nasasabi ng mga tao na, “Bakit ka pa maghihintay samantalang maaari mo nang makuha ang lahat ngayon?” At inisip ko kung gaano ang itatagal ng ganoong uri ng kaligayahan. Mas gugustuhin ko nang sundin ang batas ng kalinisang-puri at, sa bandang huli, ay magkaroon ng kapayapaan.

Hippolyte (Hip) Kouadio, Ivory Coast: Isa sa mga bagay na nakatutulong sa akin nang malaki ay ang pagpapahayag tungkol sa mag-anak: “Aming … ipinapahayag na ang banal na kapangyarihang lumikha ng bata ay nararapat lamang gawin ng lalaki at babae na ikinasal bilang mag-asawa ayon sa batas.”1

Ang isa pang bagay na nakatutulong ay kung paano ipaliwanag sa atin ng mga Kapatid ang kalinisang-puri. Binabalaan nila tayo kung paano nagsisimula ang imoralidad at itinuturo na kapag inabuso natin ang katawan, inaabuso natin ang kaluluwa. Itinuro ni Elder Jeffrey R. Holland na nagbayad-sala ang Tagapagligtas upang balang-araw ay magkaroon tayo ng nabuhay na mag-uling katawan. Ang paraan para maipakitang nagpapasalamat tayo sa ginawa Niyang pagbabayad-sala ay ang panatilihing malinis ang ating katawan.2

Liz: Naaalala ko pa ang isang madetalyeng pakikipag-usap ko sa isang tao noong ako ay mga 15 taong gulang. Pinag-usapan namin kung paanong hindi ako naniniwala sa seksuwal na intimasiya bago ikasal, at natatandaan kong sinabi niya, “Ganun, eh paano kung basta nangyari na lang iyon? Paano kung isang gabi ay basta na lamang kayo … ?” Pero alam ko na maaari akong pumili. Walang bagay na basta na lamang “nangyayari.”

Kamangha-mangha sa akin na binigyan tayo ng Ama sa Langit ng kalayaang pumili at mga kautusan upang mabigyang-laya tayo at na ginagawa ni Satanas ang lahat upang maitali tayo o malimitahan ang ating kilos. Ang mga pagkakataon na binabanggit noon ng kaibigan ko na maaaring may “mangyari” ay sa mga party kung saan nagsisipag-inuman at pinagpapares-pares ang mga tao. Kaya’t hindi ko inilalagay ang sarili ko sa ganoong mga situwasyon. Ang pagpili o desisyon ay hindi dapat ilagay sa huli kapag magsasabi ka na ng oo o hindi. Ang pagpili ay ginagawa bago iyon, kapag tinatanong mo ang sarili mo, “Pupunta ba ako sa party?”

Maraming tao, kung hindi nila muna iisipin ang mga bagay at hindi iisipin ang mga ibubunga nito, ang gagawin ang kahit anong gusto nila sa sandaling iyon. Ngunit kung sasabihin mong, “Gusto ko ganito ang maging resulta; kaya’t ganito ang mga gagawin kong pagpili,” maiiwasan ninyo ang maraming problema.

Binanggit ninyo ang kalayaang pumili at mga kautusan. Ngunit natutulungan ba kayo ng—mga tipan sa binyag o mga tipan sa templo—na maipamuhay ang inyong mga pamantayan?

Fae: Iniisip ko ang buhay ko noong bago ako binyagan at kung gaano naging mas makabuluhan ang buhay ko ngayong nakagawa na ako ng mga tipan. Kagila-gilalas na maaari tayong mapatawad nang dahil sa Pagbabayad-sala. Kapag naaalala ko ang aking mga tipan, naiisip ko kung paano ako makapagsisisi, magiging mas mabuting tao, at makapagpapatuloy sa buhay.

Anya: Nakikita mo ang kawalang-hanggan lalo na sa templo. Tinutulungan ka ng templo na isipin ang iyong buhay sa walang hanggan at hindi lamang ang sa ngayon, kaya’t gagawa ka ng mas matatalinong pagpili.

Lizzie: Kadalasan ay naniniwala tayo na ang seksuwal na intimasiya ay masama, ngunit hindi ito totoo. Kailangan lamang may kasal na naganap na pinagtibay ng tamang awtoridad, sa tamang panahon, at sa tamang tao. Iyan ang ibig sabihin ng mga tipan. Gumagawa ka ng matibay na mga pangako. Sinasabi mong, “Handa na talaga akong gawin ang hakbang na ito sa buhay ko.” Tinutulungan ako ng mga tipan dahil alam kong ginagawa ko ang mga bagay ayon sa pagkakasunud-sunod ng mga ito. At alam ko na kung gagawin ko ang gusto ng Ama sa Langit, mas magiging masaya ako.

Jonathan Tomasini, France: Hindi ako magiging tapat sa sarili ko at hindi ako magiging tapat sa Diyos kung sisirain ko ang aking mga tipan. Tinutulungan ako ng mga tipan sa kasal na makita na gusto kong maialay sa aking kabiyak ang isang taong may pagpipigil sa sarili, na naihanda ang kanyang sarili upang maging mabuting asawa, at napanatiling dalisay ang kanyang sarili.

Maraming argumento sa mundo—marami sa mga ito ang tila nakakukumbinsi at kumplikado—tungkol sa kung bakit hindi na uso ang batas ng kalinisang-puri. Anong mga argumento ang narinig na ninyo at paano kayo tumugon sa mga hamong iyon sa inyong mga pamantayan?

Lizzie: Noong senior year ko na sa high school, naaalala kong may isang guro na nagbigay sa amin ng ilang “payo.” Nag-asawa siya kaagad pagkatapos ng high school, at masama ang kinahantungan nito, kaya’t ang sinabi lang niya sa amin ay “napakaraming isda sa dagat.” Ibig niyang sabihin ay napakaraming bagay na dapat naming subukan, maraming kandidato o lalaking dapat subukan. Naalala kong nabigla ako na sasabihin iyon ng aking guro. Magmula noon naisip ko, oo nga, napakaraming tao, pero ayaw ko naman ng napakaraming tao!

Jonathan: Sinabi ng isang kakilala ko na kapag may ka-relasyon siya, gusto muna niyang malaman kung sexually compatible siya sa taong iyon. Ibinigay niyang halimbawa ang pakikipagdeyt sa isang lalaking gusto niya noon, at nang may nangyari na sa kanila, hindi niya nadamang compatible o para talaga sila sa isa’t isa at hindi tumagal ang kanilang relasyon. Ginamit niya ang karanasang iyon para ipakita ang kanyang punto, at parang nakakakumbinsi naman. Sa huli, ipinaliwanag ko sa kanya na naniniwala ako na maaari niyo namang makilalang mabuti ang isa’t isa sa ibang paraan, at kapag ginawa ninyo iyon at nagkaroon ng tiwala habang sinusunod ang batas ng kalinisang-puri, mas magiging compatible kayo kapag ikinasal na kayo.

Anya: Ang pinakamadalas kong marinig na katwiran ay na kapag nagmamahalan ang dalawang tao, OK lang; ang intimasiya ay pagpapakita lamang ng pagmamahal.

Martin: Ang isang bagay na pumapasok sa isip ko kapag naririnig ko ang pangangatwiran na “Mahal namin ang isa’t isa” ay ang binanggit noon ni Pangulong Spencer W. Kimball. Sinasabi niya na madalas ay patagong pumapasok ang pagnanasa kapag inaakala ng mga tao na sila ay nagmamahalan.3 Iyan ang situwasyon ng maraming tao kapag masyado na silang malapit sa isa’t isa bago pa sila ikasal: iyon ay pagnanasa kahit na inaakala nilang mahal na nila ang isa’t isa. Kung talagang mahal nila ang isa’t isa, mas igagalang nila ang bawat isa, susuportahan ang isa’t isa, at uunawain na mayroong panahon para sa seksuwal na intimasiya. At, para sa akin, ipinakikita ng intimasiya bago ang kasal na hindi ninyo talaga susuportahan ang isa’t isa kahit na iniisip ninyong gagawin ninyo iyon. Sapagkat kung hindi ninyo kayang tulungan ang isa’t isa ngayon sa pamumuhay ng inyong mga pamantayan, paano ninyo masusuportahan ang isa’t isa kalaunan?

Kaylie: Iniisip ng ilang tao na hindi naniniwala sa Diyos na ang Biblia at ang batas ng kalinisang-puri ay hindi na uso. May ilan akong kaibigan noon sa high school na mga ateista o agnostiko—at may isa akong kaibigan na talagang hindi naniniwala noon sa mga itinuturo ng kanyang relihiyon. Namuhay lang siya batay sa nais niya, sa inaakala niyang tama para sa kanya. Ang pisikal na intimasiya, batay sa kanyang pananaw, ay pagbibigay kasiyahan sa sarili, at anumang bagay na hahadlang sa kasiyahang iyon ay hindi kanais-nais.

Sa palagay ko nagulat ang kaibigan ko na naniniwala ako sa Biblia at sa mga kautusan ng Diyos, pero sinikap kong tulungan siyang maunawaan na hindi ko itinuturing na mga pagbabawal o hadlang ang mga kautusan; ipinamumuhay ko ang mga ito sapagkat mas pinasasaya ako ng mga ito. Bagama’t hindi kami nagkasundo sa puntong ito, iginalang niya ako, at nanatili kaming matalik na magkaibigan.

Liz: Lahat ng mga argumentong ito ay may sagot sa mga pangunahing alituntunin ng ebanghelyo. Kapag naniniwala ka na mayroong Diyos, kapag naniniwala ka na may mas dakilang plano, kapag naniniwala ka na mayroong pananagutan, kapag naniniwala ka na may isang taong nagmamahal sa iyo at nagmamalasakit sa iyo, at kapag naniniwala ka na ikaw ay mahalaga dahil ikaw ay anak ng Diyos—kung gayon mas malamang na ituring mong mahalaga ang sarili mo at igagalang mo ang iyong katawan. Kapag hindi alam o hindi pinaniniwalaan ng mga tao ang mga alituntuning ito, tinitingnan nila ang ibang tao at mga lugar para malaman kung gaano sila kahalaga.

Anong mga impluwensya o halimbawa ang nakatulong sa inyo na mangakong ipamuhay ang batas ng kalinisang-puri?

Hip: Mayroon akong roommate noon na nakatakda nang ikasal. Isang araw ay pinag-usapan namin ang tungkol sa nalalapit niyang kasal, at may nagtanong, “Ano sa palagay ninyo ang matitibay na pangakong tutulong sa inyo na manatiling matatag?” Ang sagot niya ay, “Ang hindi pagsunod sa batas ng kalinisang-puri ay makasisira sa aming relasyon. Kaya’t nagpasiya kaming hindi namin gagawin ang anumang bagay na hindi kami komportableng gawin sa harap ng bishop o ng aming mga magulang.” Nakaimpluwensya iyon sa akin hanggang ngayon.

Jonathan: Ngayong young adult na ako, mas madali nang makinig sa mga propeta at pag-isipan ang mga bagay na sinasabi ng mga lider ng Simbahan. Pero bago iyan, sa palagay ko ay malaki ang responsibilidad na nakaatang sa ating mga magulang at pamilya. Ang Simbahan ay makapagbibigay ng impormasyon at napakarami pang bagay, ngunit ang mga halimbawa ng aking pamilya ay nakatulong talaga sa akin na matanto na ang ebanghelyo ay mabuti at nagpapasaya sa atin.

Liz: Habang lumalaki ako, ang pinakamalapit na miyembro ng Simbahan na kaedad ko ay isa’t kalahating oras ang layo sa aming tirahan, kaya’t walang ibang miyembro sa paaralan. Ngunit ang isang bagay na talagang pinasasalamatan ko ay na kahit ako lang mag-isa roon, palaging dumarating sa Mutual ang aking mga lider; palagi silang nagpupunta sa seminary; palagi silang dumarating para turuan ako—sa bawat pagkakataon. Hindi nila kailan man sinabing, “Tutal, isa lang naman ang estudyante kaya huwag na lang tayong magklase ngayon.” Natitiyak kong marami akong natutuhan, ngunit ang talagang natandaan ko ay ang katatagan ng mga lider ko. At dahil sa kanila, nagkaroon ako ng maraming pagkakataon na madama ang Espiritu.

Sa palagay ko hindi natin kailanman lubusang napahahalagahan ang kaloob na Espiritu Santo. Kahit na naroon ang mga magulang ko at pamilya at mga lider, kapag nasa paaralan na ako ay ako na lang mag-isa sa sarili ko. Ngunit kasama ko ang Espiritu. Kaya’t kung ano man ang nagpapanatili sa Espiritu sa buhay ng isang tao ay magiging malaking impluwensya sa pagtulong sa mga taong iyon na sundin ang batas ng kalinisang-puri.

Lizzie: Isa sa malalaking impluwensya sa akin ay ang pagkakaroon ng sarili kong patotoo. Kung hindi ka talagang matatag sa ebanghelyo, madali talagang tahakin ang ibang landas. Ngunit kapag sinimulan mo sa pagtiyak na mayroon kang matatag na pundasyon sa ebanghelyo, magiging maayos ang lahat.

Hip: Kapag gusto mong lumakas ang iyong katawan, mag-eehersisyo ka, at kapag nag-ehersisyo ka, nakikita mo ang mga resulta. Kung ipamumuhay natin ito sa espirituwal na paraan, kailangan nating espirituwal na mag-ehersisyo. Napakarami nating dapat gawin para mapalakas ang ating espirituwalidad, gaya ng pagbabasa ng mga banal na kasulatan at paggawa nang lahat ng magagawa natin upang mapasaatin ang Espiritu. Dapat din tayong magtakda ng mabubuting mithiin at gumawa para makamtan ang mga mithiing iyon. Ngunit para makamtan ang mga mithiing iyon, hindi natin ito magagawa nang mag-isa. Kailangang kasama natin ang Panginoon. Sa Kanya tayo humuhugot ng lakas at sa Espiritu upang malampasan ang mga hamon sa ating buhay. Pagkatapos ay masusunod natin ang pakiusap ni Pangulong Thomas S. Monson:

“Huwag tulutang wasakin ng inyong mga pagnanasa ang mga pangarap ninyo. Daigin ang tukso.

“Tandaan ang sabi sa Aklat ni Mormon: ‘Ang kasamaan ay hindi kailanman kaligayahan.’”4

Mga Tala

  1. “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” Liahona, Nob. 2010, 129.

  2. Tingnan sa Jeffrey R. Holland, “Of Souls, Symbols, and Sacraments,” sa Brigham Young University 1987–88 Devotional and Fireside Speeches (1988), 77–79.

  3. “Sa oras ng pagkakasala, ang dalisay na pag-ibig ay itinutulak palabas ng isang pinto samantalang patago namang pumapasok ang pagnanasa sa kabilang pinto. Sa gayon ang damdamin ay napalitan ng pagnanasa sa laman at hindi mapigilang silakbo ng damdamin. Tanggap na ang doktrinang buong sigasig na itinuro ng diyablo, na ang ipinagbabawal na seksuwal na relasyon ay makatwiran” (Teachings of Spencer W. Kimball, ed. Edward L. Kimball [1982], 279).

  4. Thomas S. Monson, “Maging Isang Halimbawa,” Liahona, Mayo 2005, 113.

Mga larawang kuha ni Craig Dimond