2020
Makakaya Ko ba Talagang Ipamuhay ang Batas ng Kalinisang-Puri?
Agosto 2020


Digital Lamang: Mga Young Adult

Makakaya Ko ba Talagang Ipamuhay ang Batas ng Kalinisang-Puri?

Nang malaman ko ang tungkol sa Simbahan at sa batas ng kalinisang-puri, hindi ako sigurado kung isang bagay ito na makakaya ko—o gugustuhin ko man lang—na ipamuhay.

Dahil lumaki ako sa labas ng Simbahan, ang batas ng kalinisang-puri ay isang bagay na hindi ko palaging ipinamuhay—ni hindi ko alam kung ano ito. Hindi itinuro ng nanay ko sa amin ng kakambal kong lalaki ang tungkol sa pagsunod sa anumang mga pamantayang moral. Kami, gayundin ang nakababata naming kapatid na lalaki, ay isinilang sa mga magulang na hindi kasal. Ang tatay namin ay madalas na makipag-live in sa isang babae na kasisimula pa lang niyang ideyt.

Nang lumaki na ako, ang mga pag-uusap namin ng mga kaibigan ko ay puno ng panlalait. Sa high school, nagsimula akong makipagdeyt sa isang lalaking hindi rin namuhay ayon sa mga pamantayan ng Simbahan, at ang paggawa ng mga bagay na labag sa batas ng kalinisang-puri ay parang normal na “seremonya ng pagpasok” sa pagiging adult.

Pero nang magsimula akong magpaturo sa mga missionary noong 18 anyos ako, itinuro nila sa akin kung paano ako dapat magkaroon ng malinis na mga kaisipan, mabuting pananalita, at mga kilos na naaayon sa mga turo ni Cristo. Noong una, pinanghinaan ako ng loob. Noon pa man ay hindi ko ipinamumuhay ang batas ng kalinisang-puri, at pakiramdam ko parang sira na ang pagkatao ko—sirang-sira na. Pakiramdam ko kahit talagang magsisi ako, hindi ako lubos na mapapatawad sa aking mga kasalanan kailanman. Sinabi ko sa sarili ko na patuloy na ipapaalala sa akin ni Cristo ang mga pagkakamali ko. Palagi kong iniisip kung paano ko Siya binigo—nang hindi ko man lang nalalaman. Hindi lang iyon, kundi pakiramdam ko rin ay parang imposible nang makasunod ako sa batas ng kalinisang-puri.

Napuno ang aking isipan ng mga tanong mula sa kaaway, na dahilan para magduda ako sa napag-aralan ko tungkol sa kalinisang-puri. Habang nagpapaturo sa mga missionary, may karelasyon ako na hindi prayoridad ang panatilihin ang kalinisang-puri, at naisip ko na babaguhin ng pagsapi sa Simbahan ang relasyong iyon. Siguro hindi akma sa akin Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Naaalala ko na naisip ko, “Napakarami ko nang tinalikuran. At ngayo’y ito naman?” Dahil dito nagduda ako kung sulit ba talaga ang pagsapi sa Simbahan.

Pero hindi ko maikakaila ang katotohanang natagpuan ko sa loob ng Simbahan. Kung alam ko na si Joseph Smith ay isang propeta, ibig sabihin nito ang batas ng kalinisang-puri ay talagang totoong utos mula sa Panginoon. Hindi na ito matatawaran pa. Nalaman ko na ang susunod na hamon sa akin ay ang pagsasabuhay ng batas at pagsisikap bawat araw na mas magpakabuti.

Hindi iyon isang bagay na makakaya kong baguhin sa magdamag. May mga pagkakataon na nagkulang ako. Nadama ko na para itong walang-katapusang pag-uulit; magsisikap akong mas magpakabuti at pagkatapos ay babalik ako sa mga dati kong gawi. Nang sa wakas ay marating ko ang punto na sinusunod ko na ang batas ng kalinisang-puri at pakiramdam ko ay makakatingin na ako nang diretso sa mga mata ng Tagapagligtas at masasabi kong, “Nagsisikap ako; ginagawa ko ang lahat ng makakaya ko nang bukal sa puso ko,” patuloy ko pa ring naaalala ang lahat ng pagkakataon na “nagkamali ako.” Kinailangan kong ipaalala sa sarili ko na alam ko sa puso ko na nagpapatawad ang Panginoon kapag tunay tayong nagsisisi, na siya kong ginawa. Pero hindi talaga iyon pumigil sa akin na makaramdam na isa akong bigo.

Mula noon natanto ko na patatawarin tayo ng Panginoon, pero kailangan din nating matutuhang patawarin ang ating sarili. Nais ng Ama sa Langit na aminin natin ang ating mga pagkakamali, magsisi, magsikap na mas magpakabuti, at magpatuloy. Gayunman, nais ni Satanas na magapos tayo sa ating mga kasalanan. Ang mga damdaming iyon ng kabiguan ay si Satanas na nagsasabi sa akin na, “Hindi mo kayang gawin ito. Nababaliw ka kung naiisip mo man lang na kaya mo.” Pero alam ko na mahal ako ng Panginoon at nais Niya na makita akong lumalago sa aking pananampalataya. Iyan ang nais Niya para sa lahat ng Kanyang mga anak.

Ngayon, bilang miyembro ng Simbahan sa loob lamang ng mahigit isang taon, nakita ko ang mga pagpapalang nagmumula sa pagsunod sa batas ng kalinisang-puri. Hindi ko na nadarama na sira ang pagkatao ko o kaya ay nalilito. Oo, may mga pagkakataon pa rin na tinutukso ako ni Satanas sa pansamantalang kasiyahang dulot ng imoralidad, pero nalaman ko na ang tunay na kasiyahan ay maaari lamang dumating sa pamamagitan ni Cristo. Alam ko na pinagpapala Niya tayo kapag sinusunod natin ang Kanyang mga utos.

Nalaman ko rin na hindi ka gaanong makakalayo para matanggap ang mga pagpapala ng ebanghelyo. Malugod tayong tinatanggap na muli ng Ama sa Langit nang bukas ang mga bisig. Ang mga pagdududa kong iyon ay hindi nagmula kay Cristo o sa Ama sa Langit. Ibinigay Niya sa atin ang batas ng kalinisang-puri upang protektahan at gabayan tayo sa landas ng tipan. Ang pag-aaral ko tungkol sa batas na ito ay nagpalakas nang husto sa aking patotoo tungkol sa Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas. Mahal ng Panginoon ang bawat isa sa atin. Maaari tayong magkamali, pero may pagkakataon din tayong matuto at lumago mula sa ating mga pagkakamali—na magsisi. Hindi Niya ibinigay sa atin ang kautusang ito para pahirapin ang buhay; ginawa Niya iyon dahil mahal Niya tayo.1

Nagpapasalamat ako sa batas ng kalinisang-puri at sa lahat ng bagay na naituro nito sa akin. Nakita ko na kung paano nito napagpala ang aking buhay, at alam ko na pagpapalain din nito ang iba.

Tala

  1. Tingnan sa Russell M. Nelson, “The Love and Laws of God” (Brigham Young University devotional, Set. 17, 2019), speeches.byu.edu.