Mga Young Adult
Paano Ko Natutuhang Unawain ang Pananaw ng Diyos tungkol sa Seksuwalidad
Paunawa ng patnugot: Ang artikulong ito ay bahagi ng isang serye tungkol sa pagkakaroon ng positibong pananaw sa seksuwalidad, seksuwal na intimasiya, at batas ng kalinisang-puri sa Agosto 2020 Liahona. Magkakaiba ang ibig sabihin ng katagang seksuwalidad para sa iba’t ibang tao, pero sa kontekstong ito, ang pinag-uusapan natin ay tungkol sa ating seksuwal na damdamin at pagkatao.
Habang lumalaki ako, hindi ko alam kung paano magpigil ng mga damdaming seksuwal, na nag-akay sa akin sa mga maling landasin, pero mas bumuti ang buhay ko sa pagkaalam sa mga katotohanan tungkol sa seksuwalidad at kalinisang-puri.
Nanlumo ako sa aking upuan dahil sa kahihiyan nang pasimulan ng guro ang lesson tungkol sa kalinisang-puri. “Ngayon, alam ko na kayong mga babae ay walang problema sa batas ng kalinisang-puri … ,” pagsisimula niya. Wala siyang kamalay-malay—o ang sinuman—na nahirapan akong sundin ang bagay na ito noong dalagita ako.
Ipinadama sa akin ng mga lesson sa Simbahan na ang damdaming seksuwal ay angkop lamang sa loob ng kasal at na masama ang damdaming seksuwal sa labas ng kasal. Nakaramdam ako ng hiya, panghihina, at na nag-iisa ako, at lubos kong minasama ang buong paksa.
Habang lumalaki ako sa Simbahan, inisip ko dati na ang pag-uusap tungkol sa sex—kahit sa angkop na mga paraan—o pagkilala sa mga seksuwal na ideya at damdamin ay bawal o mali maliban kung kayo ay kasal. Nagkamali ako sa pag-iisip na anumang pag-uusisa o tanong tungkol sa seksuwalidad o maging sa kalinisang-puri ay dapat pigilan dahil hindi ito pagtalima sa plano ng Diyos. At dahil inakala ko na masyadong nakakahiya ang mga tanong ko para talakayin sa kahit sino, naghanap ako ng mga sagot mula sa mga sanggunian na hindi sumasalamin sa seksuwalidad sa paraang nais ng Ama sa Langit.
Nalubog sa Kahihiyan
Maraming taon akong nahirapan sa aking damdamin at pag-uugali. Alam kong mali ang mga ito, pero hindi ko alam kung kanino ako makakahingi ng tulong. Pinasan ko ang bigat ng mga kasalanan at kahihiyan araw-araw, pero sinikap ko pa ring gawin nang tama ang iba pa. Parang hindi ako makaalis sa “gitna ng labanan”—kalahati ko ay nasa mundo at ang natitirang kalahati ay nasa ebanghelyo.
Higit sa anupaman nais kong ibigay ang buong sarili ko sa ebanghelyo. Kaya pinag-aralan ko ang aking mga banal na kasulatan, nanalangin ako, sumali ako sa mga aktibidad ng Simbahan, at ginampanan ko ang aking mga tungkulin. Tila ang ebanghelyo lamang ang nagdulot ng ginhawa sa akin.
Nang unti-unti akong mas natuto at mas napalapit sa Tagapagligtas, lumaki ang hangarin kong ipamuhay nang lubusan ang batas ng kalinisang-puri. Pagkatapos ng maraming pagninilay at pagdarasal, sa huli ay nagpasiya akong kausapin ang bishop ko tungkol sa aking mga pakikibaka.
Pagdama sa Nagpapagaling na Kapangyarihan ng Tagapagligtas
Nang lisanin ko ang opisina ng bishop ko, parang naglaho ang bigat na pinasan ko sa aking mga balikat sa loob ng napakaraming taon. Napaiyak ako at lumuwag ang kalooban ko. Nadama ko na ang nagpapagaling na kapangyarihan ng Tagapagligtas sa buhay ko. Nakatulong sa akin ang mga pag-uusap namin ng bishop ko, sa proseso ng pagsisisi, na maunawaan na normal ang aking damdamin at hindi ako ang nag-iisang may problema sa kalinisang-puri. Nalaman ko na may ibang mga tao—kagaya ko—na tahimik na nagdusa dahil sa hiya, takot, at maling pagkaunawa.
Tinulungan ako ng bishop ko sa proseso mismo ng pagsisisi, pero gumawa rin ng malaking kaibhan ang isang kaibigan ko sa nadama ko tungkol sa hamon na ito. Isa siyang napakagandang halimbawa sa akin. Isang araw ikinuwento niya ang nakaraang mga pakikibaka niya sa pornograpiya. Natigilan ako—hindi ko naisip kailanman na pareho kami ng mga problema. Sumulat ako sa kanya tungkol sa aking karanasan sa pagsisisi para sa mga pagsubok ding iyon at kung gaano nakatulong ang malaman na hindi ako nag-iisa. Sa simbahan sa araw ng Linggo, niyakap niya ako at sinabihan na ipinagmamalaki niya ako sa pakikipagtulungan ko sa bishop at na hindi ako mag-iisa kailanman. Tinulungan niya akong mas madama ang pagmamahal ng Tagapagligtas.
Mula noon, nagawa kong damayan at hikayatin ang mga kaibigang nagkaroon ng gayon ding mga pakikibaka para mas lubos na maipaunawa sa kanila ang batas ng kalinisang-puri.
Sa huli, ang pagkabatid na hindi ako nag-iisa, pagdama na mahal at nauunawaan ako ng bishop ko at ng Tagapagligtas, at pagkaalam tungkol sa walang-hanggang kahalagahan ng kalinisang-puri ay nakatulong sa aking paggaling.
Alam ko na ngayon na maling-mali ako. Ang kalinisang-puri at angkop na seksuwalidad ay kapwa bahagi ng plano ng kaligayahan ng Diyos. Ang damdaming seksuwal ay normal na bahagi ng mortalidad at maaaring maging napakaganda kapag natuto tayong kumilos nang angkop sa mga ito.
Sa pagbabalik-tanaw, nalulungkot ako na hindi ko nadama kailanman na ligtas na talakayin ang batas ng kalinisang-puri kaninuman bago ko kinausap ang bishop ko. Dapat ay nalaman ko na walang dapat ikahiya sa pagtatanong tungkol sa kalinisang-puri o sa seksuwalidad at na mahalagang pag-usapan ang mga ito nang may paggalang sa mga tamang tao.
Magagabayan Kayo ng mga Walang-Hanggang Katotohanan
Dahil sa mga karanasan ko, matitiyak ko sa sinuman na maaaring nahihirapang sumunod sa batas ng kalinisang-puri na maaaring mabago ang puso ninyo. May pag-asa, pagpapagaling, at mga walang-hanggang katotohanan na maaaring gumabay sa inyo. Nalaman ko na napakalaki ng pagkakaiba ng pananaw ng mundo sa seksuwalidad kumpara sa pananaw ng Ama sa Langit ukol dito.
Nagpapasalamat ako sa mga aral na natutuhan ko. Ngayo’y mas malakas na ang patotoo ko tungkol sa batas ng kalinisang-puri ng Panginoon, sa kahalagahan ng seksuwalidad sa ating buhay, at higit sa lahat, sa pagmamahal at nagpapagaling na kapangyarihan ng Tagapagligtas.