Ang mga Banal na Layunin ng Seksuwal na Intimasiya
Ang pagkaunawa sa bigay ng Diyos na kaloob ng seksuwalidad sa loob ng plano ng kaligayahan ay tumutulong upang maunawaan natin ang kahalagahan ng batas ng kalinisang-puri.
Ang ating layunin sa buhay na ito ay maging katulad ng ating mga magulang sa langit. Ang ating banal na pagkaunawa at paggamit ng seksuwal na intimasiya o pagtatalik ay mahalaga sa prosesong iyon ng pagiging [tulad Nila].
Ang batas ng kalinisang-puri ay isang walang-hanggang batas, na ibinigay ng ating Ama sa Langit sa lahat ng Kanyang mga anak sa lahat ng panahon. Ito ay nananatiling may bisa at angkop ngayon tulad noong mga naunang panahon sa kasaysayan. Tulad ng iba pang mga kautusan, ang batas ay ibinigay ng Ama sa Langit upang pagpalain at tulungan ang Kanyang mga anak na makamit ang kanilang banal na potensyal. Ang pagsunod sa batas ng kalinisang-puri ay kinabibilangan ng hindi pagkakaroon ng seksuwal na relasyon bago ikasal at pananatiling lubos na matapat pagkatapos ng kasal. Ang mga seksuwal na relasyon ay dapat limitado sa kasal sa pagitan ng isang lalaki at isang babae.1
Layon ng Ama sa Langit na ang seksuwal na relasyon sa pagsasama ng mag-asawa ay magamit upang lumikha ng mga anak, at upang ipahayag ang pagmamahal at palakasin ang emosyonal, espirituwal, at pisikal na mga kaugnayan sa pagitan ng mag-asawa. Sa pagsasama ng mag-asawa, dapat bigkisin ng seksuwal na intimasiya ang mag-asawa sa pagtitiwala, katapatan, at konsiderasyon sa isa’t isa.2 Dapat igalang ng mga seksuwal na relasyon sa pagsasama ng mag-asawa ang kalayaan ng kapwa kapareha at hindi dapat gamitin upang magkaroon ng kontrol o mangibabaw.
Gayunman, maaaring iniisip natin, “Bakit dapat kong sundin ang batas ng kalinisang-puri? Bakit may malasakit ang Diyos sa aking moral na pag-uugali?” Sa pagsagot sa mga tanong na ito, inihayag ng Diyos ang doktrina na, kapag naunawaan nang tama, ay hihikayat sa atin na sundin ang batas ng kalinisang-puri at piliing ipahayag ang ating seksuwalidad ayon sa hangganan na Kanyang itinakda.3 Tulad ng lahat ng mga utos ng Diyos, ang batas ng kalinisang-puri ay pinakamainam na mauunawaan sa konteksto ng plano ng Ama sa Langit ukol sa kaligtasan at kadakilaan (tingnan sa Alma 12:32). Ang pagsunod sa batas ng kalinisang-puri ay magdudulot ng mga pambihirang pagpapala.
Mga Pambihirang Pangako
Lahat ng mga taong nilalang ay minamahal na mga anak ng mga magulang sa langit, na may banal na katangian at tadhana. Ang dahilan kung bakit mayroon tayong katawan ay upang sumalig sa likas na kabanalan na iyon upang sa huli ay makamtan natin ang ating walang-hanggang tadhana.4 Nais ng Ama sa Langit na magkaroon tayo ng karanasan sa lupa, umunlad tungo sa kasakdalan, at sa huli ay tamasahin ang kabuuan ng kaligayahan na tinatamasa Niya. Alam Niya na para magkaroon tayo ng ganitong uri ng walang-maliw na kagalakan, kailangan tayong umunlad sa landas na Kanyang itinakda, sumunod sa mga kautusan na ibinigay Niya.
Ang pagkaunawa na ang mga ugnayan ng pamilya ay dapat ipagpatuloy sa buong kawalang-hanggan matapos ang buhay na ito ay mahalaga. Pagkatapos ng buhay na ito, ipinapangako sa matatapat na “sila ay makararaan sa mga anghel … sa kanilang kadakilaan at kaluwalhatian … kung aling kaluwalhatian ay magiging isang kaganapan at isang pagpapatuloy ng mga binhi magpakailanman at walang katapusan.
“Pagkatapos sila ay magiging mga Diyos, sapagkat sila ay walang katapusan” (Doktrina at mga Tipan 132:19–20).
Ang doktrina ng mga walang-hanggang pamilya sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay kakaiba sa mga tradisyong Kristiyano. Hindi tayo nilikha para lamang purihin, sambahin, at paglingkuran ang hindi maunawaang Diyos.5 Nilikha tayo ng mapagmahal na mga magulang sa langit upang umunlad at maging katulad nila.6 Ang mga lalaki at babaeng espiritu ay nilikha upang punuan ang isa’t isa. Ito ang dahilan kung bakit ang kasarian ay hindi nagbabago sa kawalang-hanggan—dahil ito ay nagbibigay ng batayan para sa pinakadakilang kaloob na maaaring ibigay ng Ama sa Langit, ang uri ng Kanyang pamumuhay.7
Para mapasaatin ang pagpapalang ito, iniutos ng Ama sa Langit na ang seksuwal na intimasiya ay dapat nakalaan para sa kasal sa pagitan ng isang lalaki at isang babae.8 Ang kasal ay nilayon ng Diyos “na mangahulugan ng ganap na pagsasama ng isang lalaki at isang babae—ang kanilang mga puso, pag-asa, buhay, pag-ibig, pamilya, hinaharap, lahat ng bagay … magiging ‘isang laman’ sa kanilang pagsasama bilang mag-asawa.”9 Hindi natin matatamasa ang uri ng buhay na tinatamasa ng ating Ama sa Langit nang mag-isa o nang walang lubos na katapatan sa loob ng kasal o sa pagsasama nating mag-asawa ayon sa plano ng Diyos.
Tinutulutan tayo ng Diyos na piliin kung paano tayo mamumuhay. Hindi Niya tayo pipiliting tahakin ang landas na itinakda Niya kahit alam Niya na ito ay hahantong sa ating pinakamalalaking kaligayahan. Ang mga kautusan at tipan ng Diyos ang bumubuo sa landas na magtutulot sa atin na maging ganap na tagapagmana sa Kanyang kaharian, kasamang tagapagmana ni Jesucristo (tingnan sa Mga Taga Roma 8:17). Sa pamamagitan ng mabubuting pagpili, nagkakaroon tayo ng kabanalan na nasa ating kalooban. Ang seksuwal na mga relasyon ay “isa sa mga pangunahing pagpapahayag ng ating likas na kabanalan.”10 Ginagawang posible ng ating wastong pagpapahayag ng seksuwalidad na mailahad ang plano ng Diyos sa lupa at sa kawalang-hanggan,11 na nagpapagin-dapat sa atin na maging katulad ng ating Ama sa Langit.12 Nangangako ang Diyos ng buhay na walang-hanggan sa matatapat at kinapapalooban iyan ng walang-hanggang kasal, mga anak, at lahat ng iba pang mga pagpapala ng walang-hanggang pamilya.13
Nakagagambalang mga Pilosopiya at mga Panlilinlang ni Satanas
Ang mga maling pangangatuwiran at mga panlilinlang ni Satanas ay lumikha ng nakagagambalang mga pilosopiya na nagsasabing aalisin ang pangangailangan sa pagsunod sa mga utos ng Diyos, lalo na sa batas ng kalinisang-puri. Malakas ang hatak ng tinig ng pagsalungat ni Satanas, at kadalasan ay kaakit-akit ang kanyang mga pilosopiya. Sa Aklat ni Mormon, itinuro at sinuportahan ng ilan ang mga pilosopiyang ito para linlangin ang iba at makinabang mula sa panlilinlang. Halimbawa, itinuro ni Nehor sa mga Nephita na “ang buong sangkatauhan ay maliligtas sa huling araw, at na hindi nila kinakailangang matakot ni manginig, kundi itaas nila ang kanilang mga ulo at magalak; sapagkat … tinubos [ng Panginoon] ang lahat ng tao; at, sa katapusan, ang lahat ng tao ay magkakaroon ng buhay na walang-hanggan” (Alma 1:4).
Kung ipamumuhay natin ang mga pilosopiya ni Nehor, wala tayong insentibo na limitahan ang ating seksuwal na pagnanasa dahil wala itong kaakibat na kaparusahan sa walang-hanggan. At kung lalabagin natin ang batas ng kalinisang-puri? Walang problema, dahil ang mga tagasunod ni Nehor ay “hindi naniniwala sa pagsisisi ng kanilang mga kasalanan” (Alma 15:15). Maaaring nakagaganyak ang pilosopiyang ito, at marami ang naaakit dito; maaari nating gawin ang anumang gusto natin nang walang kaakibat na kaparusahan sa kawalang-hanggan.
Itinuro ng iba pang mga bulaang guro sa Aklat ni Mormon na ang paniniwala kay Jesucristo, sa Kanyang Pagbabayad-sala, at pagsunod sa Kanyang mga utos ay “pagsingkaw sa inyong sarili” sa “mga bagay na hangal” at mula sa hangal na “kaugalian ng inyong mga ama” (Alma 30:13, 14). Sa katotohanan, ipinahayag nila, na “ang kapatawaran ng inyong mga kasalanan” ay mental o emosyonal na problema lamang, na “likha ng isang isipang matinding nababalisa” (Alma 30:16). Ang malinaw na konklusyon ng mga katuruang ito ay na ang bawat lalaki at babae ay nagtatagumpay sa buhay na ito “alinsunod sa [kanilang] likas na talino” at “lakas,” at anumang gawin ng isang lalaki o babae ay “hindi pagkakasala” (Alma 30:17). Itinataguyod ng mga maling turong ito ang pagsuway sa batas ng kalinisang-puri dahil ang konsepto ng tama at mali ay hindi na uso.
Kaya pala ang mga pilosopiyang ito ay popular pa rin! Ang kawalan ng pananagutan sa anumang pagpili ay tila tunay na kalayaan. Kung maiiwasan natin ang karamihan sa makamundong ibubunga sa paghiwalay sa ibang tao at pagiging maingat, anong pinsala ang dulot nito? Mula sa ganitong pananaw, ang batas ng kalinisang-puri ay tila makaluma, istrikto, o hindi kailangan.
Mga Walang-Hanggang Batas
Ang mga batas ng Diyos ay hindi matatawaran. Hinahayaan Niya tayong balewalain ang mga ito, ngunit hindi tayo malayang lumikha ng sarili nating mga patakaran para sa kawalang-hanggan sa katulad na paraang hindi malaya ang isang tao na lumikha ng kanyang sariling mga batas para sa physics. Nais ng Diyos na tayo ay maging karapat-dapat na tagapagmana sa Kanyang kaharian. Ang pag-asa sa Kanyang makalangit na pamana habang sinusunod ang ibang landas kaysa sa ibinigay Niya ay kawalan ng muwang.
Bago ako tinawag sa full-time na paglilingkod sa Simbahan, nag-alaga ako (Elder Renlund) ng mga pasyente na may matinding pagpalya ang pagtibok ng puso. Sa pagpalya ng tibok ng puso at transplant cardiology, may tukoy, at itinakdang gawain na dapat sundin para makamit ang pinakamagandang resulta: mas mahaba at mas mabuting kalidad ng pamumuhay. Ang panggagamot sa isang pasyente sa ibang paraan ay hindi nagbubunga ng pinakamagandang resulta. Nakakagulat na tinatangka ng ilang pasyente na makipagtawaran sa gagawing panggagamot. Sinabi ng ilang pasyente, “Mas gusto kong huwag uminom ng anumang gamot,” o “Ayaw kong magkaroon ng anumang biopsy sa puso pagkatapos ng transplantation.” Mangyari pa, malaya ang mga pasyente na sundin ang gusto nilang paraan, pero hindi puwedeng gawin nila ang di-kagandahang hakbang o paraan ng panggagamot at asahang pinakamaganda ang kalalabasan nito.
Totoo rin iyan sa ating lahat. Malaya tayong piliin ang ating sariling landas sa buhay, pero hindi tayo malayang piliin ang kahihinatnan na dulot ng pagsunod sa sarili nating patakaran, kahit ilang beses pa itong sabihin ng ibang tao. Hindi dapat sisihin ang Ama sa Langit kapag hindi natin natatanggap ang mga pagpapalang may kaugnayan sa batas ng kalinisang-puri dahil sa pagsuway.
Sa dispensasyong ito, itinuro ng Tagapagligtas na ang mga walang-hanggang batas ay hindi nababaluktot at bukas para sa talakayan. Sabi Niya, “At muli, katotohanang sinasabi ko sa inyo, na yaong pinamamahalaan ng batas ay pinangangalagaan din ng batas at ginagawang ganap at pinababanal ng gayon din.
“Yaong lumalabag sa batas, at hindi sumusunod sa batas, sa halip ay naghahangad na maging isang batas sa sarili nito … ay hindi mapababanal ng batas, ni ng awa, katarungan, o paghuhukom” (Doktrina at mga Tipan 88:34–35; idinagdag ang pagbibigay-diin). Hindi natin maaaring ipalit ang ating sariling mga patakaran sa mga walang-hanggang batas gaya rin naman na ang isang lalaki na hahawak sa mainit na baga ay makapagpapasiya na hindi mapaso.
Kung tayo ay hindi masunurin, ang matatamasa lamang natin ay “yaong handa [nating] tanggapin, dahil hindi [tayo] handang tamasahin yaong [atin] sanang tatanggapin” (Doktrina at mga Tipan 88:32). Ang pagsunod sa batas ng kalinisang-puri ay isang paraan na ipinapakita natin na handa tayong gawin ang lahat para matanggap ang lahat ng pambihirang pagpapala na nauugnay sa mga walang-hanggang pamilya.
Ang mga Batas ng Diyos, sa Huli, ay Laging Patas o Makatuwiran
Hindi lahat ng mga anak ng Ama sa Langit ay may pagkakataon sa buhay na ito na maranasan ang seksuwal na intimasiya sa pagsasama ng mag-asawa ayon sa batas ng Diyos. Ang ilan ay hindi magkakaroon ng pagkakataong makapag-asawa. Ang iba ay kumbinsido na dahil sa kakaiba nilang kalagayan, ang pagsunod sa batas ng kalinisang-puri ay napakahirap gawin at hindi makatarungan kaya maaari nilang piliing huwag gawin ito.
Gayunman, ang pagkamakatarungan ay dapat hatulan ayon sa walang-hanggang pananaw, mula sa pananaw ng Ama sa Langit at ni Jesucristo.14 Hinikayat ng Tagapagligtas ang Kanyang mga tao na huwag humatol sa kung ano ang makatarungan o hindi makatarungan hanggang sa araw na gagawin Niya ang Kanyang mga hiyas (tingnan sa Malakias 3:17–18). Ang “mga hiyas” na tinutukoy ng Tagapagligtas ay ang mga taong, sa kabila ng inaakala o pansamantalang kawalang-katarungan o iba pang hadlang, ay sumusunod sa Kanyang mga kautusan.
Kapag nadarama natin na hindi makatarungan sa atin ang ating kalagayan, mas makabubuting sundin ang payo ni Haring Benjamin. Sinabi niya, “Ninanais kong inyong isaalang-alang ang pinagpala at maligayang kalagayan ng mga yaong sumusunod sa mga kautusan ng Diyos. Sapagkat masdan, sila ay pinagpala sa lahat ng bagay, kapwa temporal at espirituwal; at kung sila ay mananatiling matapat hanggang wakas, sila ay tatanggapin sa langit upang doon sila ay manahanang kasama ng Diyos sa kalagayan ng walang katapusang kaligayahan” (Mosias 2:41; idinagdag ang pagbibigay-diin).
Sa huli, walang makapapantay sa walang-hanggang kawalang-katarungan na tiniis ng Tagapagligtas. Subalit, kung tayo ay tapat, gagantimpalaan Niya tayo sa anumang kawalang-katarungan na nararanasan natin, at kakamtin natin ang kalagayan ng walang katapusang kaligayahan.
Sa pagpili nating sundin ang mga kautusan ng Diyos, pati na ang batas ng kalinisang-puri, tayo ay makararanas ng galak at “kapayapaan sa daigdig na ito, at buhay na walang-hanggan sa daigdig na darating” (Doktrina at mga Tipan 59:23)15 dahil tayo ay magiging bahagi ng walang-hanggang pamilya, kasama ang mga ninuno at inapo.16 Kapag ang mag-asawa ay ibinuklod sa kawalang-hanggan ng awtoridad ng priesthood, sila ay dadakilain at magkakaroon ng ganap na kaluwalhatian at walang-hanggang mga inapo.17
Tukso at Pagsisisi
Inaasahan ng Diyos na tutuksuhin tayo sa pagsisikap nating ipamuhay ang batas ng kalinisang-puri. Iyan ang dahilan kaya ibinigay Niya ang Kanyang Anak para maging ating Tagapagligtas at Manunubos. Sa pamamagitan ni Jesucristo at ng Kanyang Pagbabayad-sala, mapalalakas tayo upang mapaglabanan ang tukso. Lahat ng mga anak ng Diyos na dumaranas ng anumang uri ng tukso ay maaaring bumaling sa Tagapagligtas para humingi ng tulong.18 Nauunawaan ni Jesucristo kung ano ang pinagdaraanan natin dahil Siya ay “tinukso sa lahat ng mga paraan gaya rin naman natin,” at hinihikayat tayo na “magsilapit [nang] may pagkakatiwala sa luklukan ng biyaya, upang tayo’y magsipagtamo ng awa, at mangakasumpong ng biyaya upang tumulong sa atin sa panahon ng pangangailangan” (Sa Mga Hebreo 4:15, 16).
Kapag nadadapa tayo, kailangan nating alalahanin na maaari tayong maging malinis sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesucristo at taos-pusong pagsisisi.19 Napakasaya ng pagsisisi dahil, “bagaman ang [ating] mga kasalanan ay maging tila mapula, ay magiging mapuputi na parang niebe” (Isaias 1:18). Ang Tagapagligtas ay hindi lamang magpapatawad; kalilimutan Niya ang ating mga kasalanan.20 Ano pa ang mahihiling natin: Tulong kapag tinutukso, kapatawaran kapag nagsisisi tayo. Hindi dapat katakutan ang pagsisisi kahit na tinatangka ni Satanas na “hadlangan tayo na umasa kay Jesucristo, na nakatayong nakaunat ang mga kamay, umaasa at handa tayong pagalingin, patawarin, linisin, palakasin, dalisayin, at pabanalin.”21
Patotoo
Ang mga batas ng Diyos ay dinisenyo para sa ating lubos na kaligayahan. Nais Niyang gamitin natin ang ating katawan at seksuwalidad sa mga paraan na inorden Niya upang tayo ay maging katulad Niya. Nabiyayaan kami sa pagsasama naming mag-asawa ng tiwala sa isa’t isa sa pagsunod namin sa batas ng kalinisang-puri. Lumakas ang aming tiwala sa isa’t isa at sa ating Ama sa Langit habang sinusunod namin ang utos na ito. Ang plano ng Diyos ang tanging landas na nagbibigay-daan sa ganap na kagalakan. Nangangako kami na malalaman din ninyo na mahal kayo ng Diyos at na kayo ay pagpapalain sa kawalang-hanggan habang sinusunod ninyo ang Kanyang mga kautusan.