Digital Lamang: Mga Young Adult
Paano Nagagamit ang Nagpapagaling na Kapangyarihan ng Tagapagligtas sa Pagsisisi sa Kasalanang Seksuwal
Bilang bishop ng isang young single adult ward, naglingkod ako sa mga young adult para tulungan silang magsisi at mapadalisay ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo.
Nang maglingkod ako bilang bishop sa isang young single adult ward, naglingkod ako sa maraming young adult upang tulungan silang magsisi at maging malinis mula sa kasalanang seksuwal. Kung pinagdaraanan mo ang sitwasyong ito, ang artikulong ito ay hindi tungkol sa mga hakbang ng pagsisisi—tungkol ito sa kung paano naaangkop sa iyo ang nagpapagaling na kapangyarihan ni Jesucristo at ang mga pagpapala ng Kanyang Pagbabayad-sala. Dalangin ko na makadama ka ng pag-asa sa kaalaman kung gaano ka Niya kamahal at ng iyong Ama sa Langit.
Marami sa mga young adult na pinaglingkuran ko ang nagkamali ang takbo ng isipan tungkol sa pagsisisi mula sa kasalanang seksuwal. Nagsasabi sila ng mga bagay na tulad ng, “Walang sinumang magnanais na ideyt o pakasalan ako dahil nakipagtalik na ako dati,” “Pakiramdam ko parang hindi ako karapat-dapat kaninuman dahil nahirapan na ako sa pornograpiya,” “Sira na ang pagkakataon kong makasal sa templo dahil sa mga pagkakamali ko” o “Hindi ko na maituturo kailanman ang batas ng kalinisang-puri sa iba pang mga miyembro o sa magiging mga anak ko dahil nilabag ko ito.”
Ang totoo, hindi sila naniwala na kaya talagang tanggalin ng Tagapagligtas ang kanilang “mapupulang kasalanan” at gawin itong “mapuputi na parang niebe” (tingnan sa Isaias 1:18). Mali nilang ipinalagay: “Dahil sa maraming pagsisisi ko at maraming pagpapatawad ng Tagapagligtas, magagawa Niyang mapusyaw na rosas ang mga kasalanan kong pulang-pula.”1
Ang ganitong mga uri ng kaisipan ay hindi nagmumula sa Ama sa Langit. Nagmumula ang mga ito kay Satanas, na gustong ipaisip sa iyo na walang pag-asa ang iyong kinabukasan dahil sa iyong mga pagkakamali. Sa kabilang banda, nais ng Ama sa Langit na makadama ka ng pag-asa sa pamamagitan ng Tagapagligtas. Nais Niyang maunawaan mo ang doktrina kung ano ito mismo: “ang inyong mga kasalanan ay magiging mapuputi na parang niebe”—hindi rosas.
Mga Aral tungkol sa Pagmamahal ng Diyos
Ang katotohanan kung ano ang nadarama ng Ama sa Langit para sa iyo kapag nagsisisi ka mula sa kasalanang seksuwal ay makikita sa talinghaga ng alibughang anak (tingnan sa Lucas 15:1–32). Ang alibughang anak ay isang kapansin-pansing halimbawa ng maraming kasalanan, ngunit itinuturo ng Tagapagligtas ang talinghagang ito bilang isang napakasamang sitwasyon para malaman nating lahat na mahal tayo ng Ama sa Langit anuman ang mangyari at na ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo ay angkop sa bawat isa sa atin.
Narito ang tatlong aral na matututuhan natin mula sa alibughang anak:
-
Dapat Mong Malaman na ang Pagtanto na Kailangan Mong Magsisi ang Unang Hakbang
Tulad ng alibughang anak, maaaring nagkaroon ka na ng isang sandali ng tapat na pagsusuri sa sarili na “[ikaw ay nakapag-isip]” (tingnan sa Lucas 15:17) at natanto mo na kailangan kang magbago o magsisi. Ang mga sandaling ito ay hindi nakakahiya; ito ay mga sandaling bigay ng Diyos na makapagbibigay sa iyo ng pag-asa na ikaw ay mapapatawad. Ito ang iyong unang hakbang tungo sa Tagapagligtas.
-
Unawain na ang Iyong Halaga ay Hindi Nagbago
Naiisip ko na tinukoy na ng alibughang anak, na hindi naunawaan ang kapangyarihan ng Tagapagligtas at ang mga pagpapala ng Kanyang Pagbabayad-sala, na ang kanyang potensyal, kahalagahan, at kinabukasan ay nagbago na dahil sa kanyang mga kasalanan. Ipinalagay niya na babalik siya bilang isa lamang “bayarang alipin.” Ngunit ang totoo, isa pa rin siyang pinakamamahal na anak, tulad mo na palaging magiging isang banal at pinakamamahal na anak na babae o anak na lalaki ng Diyos.
-
Matanto na Naghihintay ang Ama sa Langit at ang Tagapagligtas na Patawarin Ka
Inilarawan ng Tagapagligtas kung paano tumugon ang ama sa pagbabalik ng alibughang anak para ituro kung ano ang nadarama ng Ama sa Langit para sa iyo kapag lumapit ka sa Kanya: “Samantalang nasa malayo pa siya, ay natanawan na siya ng kaniyang ama, at nagdalang-habag, at tumakbo, at niyakap siya sa leeg, at siya’y hinagkan” (Lucas 15:20).
Naniniwala ako na ikinagulat ng alibughang anak ang tugon ng kanyang ama. Naiisip ko na siya ay umiiyak, nakatingin sa mga mata ng kanyang ama, at nagsasabing, “Ama, nagkasala ako laban sa langit, at sa iyong paningin: hindi na ako karapatdapat na tawaging anak mo” (Lucas 15:21). Subalit inilagay ng ama sa balikat ng kanyang anak ang isang bata at sinuotan ng singsing ang daliri nito. Hindi niya pinahiya ang kanyang anak, hindi siya nanlamig, hindi niya ito pinilit na magmakaawa, ni hindi niya ito pinangaralan—nagalak lamang siya na nagbago ang puso ng kanyang anak at bumalik sa kanya.
Ito ay isang makapangyarihang sandali na nagpapamalas kung paano tumutugon ang Ama sa Langit kapag ginagawa mo ang unang hakbang tungo sa pagsisisi. Hinihintay ka Niya at nais Niyang patawarin ka. Siya at ang Tagapagligtas ay kapwa tuwang-tuwa kapag lumalapit ka sa Kanila para tulungan kang madaig ang iyong mga kasalanan.
Ang Pagpapala ng Pagsisisi
Ang tungkulin ko bilang bishop ay tulungan ang mga young adult na humugot ng lakas sa Tagapagligtas at sa mga pagpapala ng Kanyang Pagbabayad-sala. Sinikap kong tularan ang halimbawa ng pagmamahal ng Ama sa Langit para sa matatapang na young adult (na ang ilan ay itinuturing kong aking mga bayani) na handang magtapat sa akin tungkol sa kanilang mga kasalanan, na nagnanais na mapadalisay ng Tagapagligtas. At nakita kong nangyari ang pagpapadalisay na iyon.
Ngunit nakita ko rin ang napakarami sa mga young adult na ito na nakikipaglaban kay Satanas, na nagsinungaling sa kanila upang mapanatili sila sa pagkaalipin. Hindi lamang nagwawagi si Satanas kapag nagkakasala ka—nananalo rin siya kung napapaniwala ka niya na wala kang halaga, na hindi ka saklaw ng pagmamahal ng Diyos, at na walang kapag-a-pag-asa ang iyong sitwasyon kaya hindi ka saklaw ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas. Nagwawagi siya kapag napapaniwala ka niya na hindi ka lubos na mapapatawad sa iyong mga kasalanan kailanman.
Pero hinding-hindi iyan totoo.
Ipinaliwanag ni Pangulong Russell M. Nelson na “itinuturing ng maraming tao na parusa ang pagsisisi—isang bagay na dapat iwasan maliban sa pinakamatitinding sitwasyon. Ngunit ang pakiramdam na pinaparusahan tayo ay galing kay Satanas. Tinatangka niyang hadlangan tayo na umasa kay Jesucristo, na nakatayong nakaunat ang mga kamay, umaasa at handa tayong pagalingin, patawarin, linisin, palakasin, dalisayin, at pabanalin.”2
Ang pagsisisi ay isang indibiduwal na proseso na nagsisimula sa kalumbayang mula sa Diyos at nagtatapos sa pagbabago ng puso—at pag-uugali. Ito ay hindi isang mekanikal na proseso o checklist, at para ito sa lahat.
Kung kailangan mong magsisi sa kasalanang seksuwal, inaanyayahan kitang magsimula sa pagdarasal sa Ama sa Langit at sa pakikipagtulungan sa iyong bishop o branch president. Magsisi nang may positibong pananaw. Ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo ang pinakadakilang kaloob na naibigay na. Sa piling Niya, maaari mong talikuran ang iyong mga kasalanan at muling maging “maputi na parang niebe.” Sa piling Niya, maaari kang magpakabuti pa kaysa rati. Sa piling Niya, makakasulong ka nang may pag-asa at tiwala na may magandang buhay na naghihintay sa iyo.