Ang Huling Salita
Paano Iiwasan ang Panlilinlang
Mula sa isang mensahe sa pangkalahatang kumperensya noong Oktubre 2019.
Sa isang pagbisita kay Grand-Uncle Grover ilang taon na ang nakalilipas, gustong lumabas ng dalawa naming anak na lalaki para maglaro. Sinabi sa kanila ni Uncle Grover, “Ingat kayo—napakaraming skunk diyan sa labas.” Hindi nagtagal lumabas ang mga bata para maglaro.
Sa daan pauwi, itinanong ko, “Nakakita ba kayo ng skunk?” Sumagot ang isa sa kanila, “Wala po, wala kaming nakitang anumang skunk, pero nakakita po kami ng itim na pusa na may puting guhit sa likod!”
Hindi alam ng mga bata na skunk ang nakita nila. Ito ay isang kuwento ng maling pagkakilala—pag-aakalang iba ang isang bagay na nakita nila. Marami sa ngayon ang mas nahihirapan sa ganitong isyu.
Nais ni Satanas, ang ama ng mga kasinungalingan at dakilang manlilinlang, na pagdudahan natin kung ano talaga ang mga bagay at balewalain ang mga walang-hanggang katotohanan o kung hindi ay baguhin ang mga ito para maging isang bagay na mukhang mas kasiya-siya. Libu-libong taon na ang ginugol niya sa pagsasanay na hikayatin ang mga anak ng Diyos na maniwala na masama ang mabuti at mabuti ang masama.
Kaya naglaan ng paraan ang Panginoon para mapaglabanan natin ang mga hamon at tukso, at marami sa mga ito ay direktang resulta ng mapanlinlang na mga impluwensya ng kaaway at ng kanyang mga pag-atake.
Simple lang ang paraan. Nangusap ang Diyos sa mga propeta noong araw at nagbigay sa kanila ng mga kautusan na may layon na akayin ang Kanyang mga anak tungo sa kaligayahan sa buhay na ito at kaluwalhatian sa susunod. Patuloy na nagbibigay ang Diyos ng mga kautusan sa ating buhay na propeta ngayon.
Ang pagsunod sa mga kautusang ibinigay sa ating propeta ay isang susi hindi lamang sa pag-iwas sa impluwensya ng manlilinlang kundi maging sa pagdanas ng pangmatagalang kagalakan at kaligayahan.
Gayunman, hangad ng kaaway na linlangin kayo. Pinagmumukha niyang hindi mapaminsala ang droga o pag-inom ng alak at sa halip ay iminumungkahi na magdudulot ito ng kasiyahan. Inilulubog niya tayo sa iba’t ibang negatibong elemento na nasa social media, kabilang na ang nakapanlulumong mga pagkukumpara at realidad na ginawang perpekto. Bukod dito, ikinukubli niya ang madilim at mapanirang content na matatagpuan online—tulad ng pornograpiya, tahasang pag-atake sa iba sa pamamagitan ng cyberbullying, at maling impormasyon na nagdudulot ng pagdududa at takot sa ating puso’t isipan.
Nawa’y makilala natin kung ano talaga ang mga panlilinlang ni Satanas. Kailangan nating patuloy na maging matapat at maingat, sapagkat ito lamang ang paraan para mahiwatigan ang katotohanan at marinig ang tinig ng Panginoon sa pamamagitan ng Kanyang mga lingkod. Kapag sinusunod natin ang mga utos ng Panginoon, lagi tayong maaakay sa tamang daan at hindi tayo malilinlang.