Mga Larawan ng Pananampalataya
Abner Garcia at Midalys Soto
Arecibo, Puerto Rico
Matapos salantain ng bagyong Maria ang Puerto Rico noong Setyembre 2017, lumipat sina Abner at Midalys sa Florida, USA. Hindi nagtagal nakatanggap sila ng pahiwatig sa loob ng templo na bumalik sa Puerto Rico at magbukas ng isang barbershop.
Raul Sandoval, retratista
Midalys
Mahirap ang buhay pagkaraang salantain ng Bagyong Maria ang Puerto Rico. Kahit mayroon kaming nakaimbak na kaunting tubig at pagkain, wala kaming kuryente o tubig sa gripo.
Ginamit namin ang tubig-ulan nang bumagsak ito para labhan ang aming mga damit at maligo. Kapag umuulan, kinukuha ko agad ang mga anak namin, tumatakbo kami sa labas, at sinasabi kong, “Bilis, ligo na!”
Ang pinakamahirap ay wala kaming paraan para makausap ang aming pamilya, mga kaibigan, o iba pa. Buti na lang, may generator ang isang kapitbahay at ipinagamit nila ito sa amin para makatawag kami sa aming pamilya. Nang tawagan namin ang aming pamilya sa Florida, sinabihan nila kaming tumira sa kanila.
Dalawang linggo kaming nasa Florida pagkatapos ng bagyo. Nag-aaral ako ng nursing noon at puwede kong ipagpatuloy ang pag-aaral ko roon. Pero dahil iisa lang ang kotse ng kapatid ni Abner, mahirap para sa amin ang mag-ikut-ikot at para makahanap ng trabaho si Abner. Gusto naming makapagtrabaho at humanap ng paraan para manatili doon.
Naisip ko na mananatili ako sa Florida samantalang babalik si Abner sa Puerto Rico para magtrabaho. Nang sabihin ko sa isang kaibigan ang plano ko, sabi niya, “Huwag, isang pamilya kayo. Dapat sama-sama kayo.”
Nagdasal ako na makapanatili sana kami sa Florida, pero ipinagdasal ni Abner na malaman ang tamang landas na nais ng Panginoon para sa amin. Nagpunta kami sa templo para humingi ng patnubay kung ano ang dapat naming gawin. Nadama ko nang napakatindi ang Espiritu sa loob ng templo na dapat kaming bumalik sa Puerto Rico. Mahirap iyon, pero iyon ang ginawa namin. Itinuloy ko ang aking pag-aaral, at nagpasiya kaming magbukas ng isang barber shop. Si Abner ay isang barbero.
Abner
Nakakita ako ng maliit na puwestong mauupahan para sa aming barbershop. Nang sabihin sa akin ng may-ari ang halaga ng upa, higit pa iyon sa kaya naming bayaran. Itinanong ko kung puwede niyang babaan ang upa. Tinawagan niya ako kalaunan at sinabing, “Gusto kong makilala ang uupa. Isama mo ang asawa mo para makilala ko siya.”
Midalys
Ipinagdasal namin na makita sana niya na mabubuting tao kami. Matapos makipagkita sa kanya, sinabi niyang, “Tinutulungan kayo ng Diyos. Matagal nang bakante ang puwestong ito. Marami nang gustong umupa rito, pero laging hindi tama sa pakiramdam ko. Malakas ang pakiramdam ko na mabubuting tao kayo.”
Binabaan niya ang upa sa loob ng tatlong taon. Nagulat ako. Sinabi niya ang mismong mga salitang ipinagdasal naming mag-asawa.
Abner
Ngayon ay mas ligtas at payapa kami. Kumikita kami, at pinagpapala.
Midalys
Dati ay hindi maganda ang pagtrato ng ilang tao kay Abner dahil miyembro siya ng Simbahan. Sabi rin nila, “Hindi ka dapat magnegosyo na kasama ang asawa mo.” Pero sabi ko, “Siyempre puwede naming gawin ito nang magkasama!” Ang totoo, naging malaking oportunidad ito para sa aming dalawa. Tinutulungan niya ako sa bahay at sa mga bata, at tinutulungan ko siya sa pagpapatakbo ng shop.
Mahal at ginagabayan kami ng Diyos. Ang pagbalik sa Puerto Rico ang tamang hakbang para sa aming pamilya. Ito ang perpektong plano ng Ama sa Langit para sa amin.