Isang Pundasyon para sa Inyong Hinaharap
Hango sa isang mensahe sa pangkalahatang kumperensya noong Oktubre 1997.
Sa mga taon ng pagiging tinedyer ninyo, nagkakaroon kayo ng maraming mithiin na gusto ninyong isakatuparan sa buhay. Kasama sa mga mithiing iyon ang pagmimisyon, pag-aaral, kasal sa templo, matagumpay na mga propesyon, at, siyempre pa, ligtas na pagbalik sa piling ng inyong Ama sa Langit sa kahariang selestiyal.
Isa sa malalaking hamong makakaharap ninyo sa pagkakamit ng mga mithiing iyon ay ang matagumpay na pagkonekta sa mga iyon sa inyong pang-araw-araw na buhay. Maaaring mahirap ito dahil ang inyong panahon ay puno ng mga makamundong bagay. Maaaring kasali kayo kapwa sa paaralan at sa mga aktibidad na tulad ng musika, sayawan, isports, o iba’t ibang samahan. Maaaring marami rin sa inyo ang nagtatrabaho. Nakahalo sa nakakapagod na iskedyul na ito ang mga aktibidad sa Sabado’t Linggo tulad ng mga laro, sayawan, aktibidad ng ward, at party. Hindi lang iyan, kundi saan man kayo magpunta lantad kayo sa tukso mula sa mga kabarkada, social media, pelikula, video game, at musika. Wow! Mapanganib na pakikipagsapalaran!
Ang pinakamahalagang tandaan sa pagbalanse sa lahat ng ito ay ang isaisip ang walang-hanggan at malawak na pananaw. Halimbawa: Paano makakaapekto ang inyong aktibidad sa Biyernes ng gabi sa mangyayari 2, 5, o 10 taon mula ngayon? Maaari ninyong isipin na walang gaanong kinalaman ang Biyernes ng gabi sa 2 taon mula ngayon, ngunit maaaring magkaroon, depende sa kung nasaan kayo at ano ang ginagawa ninyo. Kung gusto ninyong maabot ang inyong potensyal sa hinaharap at maging ang uri ng taong nais ng Panginoon na kahinatnan ninyo, dapat ninyong isaisip ang kawalang-hanggan at pagsikapan iyon ngayon.
Ang Inyong Pundasyon sa Magulong Daigdig
Nakita ng propetang si Isaias ang ating panahon at nagbabala na ito ay magiging panahon na puno ng kaguluhan. Nagpropesiya siya: “Sa aba nila na tumatawag sa masama na mabuti, at sa mabuti na masama, na inaaring liwanag ang kadiliman, at kadiliman ang liwanag, na inaaring mapait ang matamis, at matamis ang mapait!
“Sa aba sa yaong nag-aakalang sila ay marurunong at mababait sa kanilang sariling pananaw!” (Isaias 5:20–21).
Habang lumalaki kayo sa magulong mundong ito, medyo malaki ang hamon sa inyo sa pagharap sa iba’t ibang problema ng modernong buhay. Paano ninyo malalagpasan ang mga taon ng inyong pagiging tinedyer na espirituwal na handa para sa inyong kinabukasan?
Mahalagang malaman ninyo na ang pundasyon ng inyong kinabukasan, kapwa sa temporal at sa espirituwal, ay itinatatag ngayon. Kung ang inyong saligan ay bali dahil sa kasalanan at hindi naisaayos, ang istruktura ng inyong buhay ay matatatag sa isang mahinang pundasyon. Ang inyong hinaharap ay hindi magiging gayon katatag at tiyak na mas mahirap.
Isa sa mga dakilang layunin ng ebanghelyo ni Jesucristo ang ituro sa atin ang ating walang-hanggang potensyal. Ang isang layunin ng organisasyon ng Simbahan ni Jesucristo ay tulungan tayong maabot ang potensyal na iyan. Itinuro sa atin, “Sa bato na ating Manunubos, na si Cristo, ang Anak ng Diyos, ninyo kailangang itayo ang inyong saligan.” Ang ating Tagapagligtas na si Jesucristo “ay isang tunay na saligan, isang saligan na kung sasandigan ng mga tao ay hindi sila maaaring bumagsak” (Helaman 5:12).
Ang Araw-araw na Maliliit na Gawa ay Malaking Kaibhan ang Nagagawa
Wala pa akong nakilalang negosyante, guro, artist, o atleta na nakaabot ng mataas na antas ng kahusayan na hindi matagumpay na nakakonekta ang pananaw sa kanilang hinaharap sa kanilang pang-araw-araw na buhay. Ang isang mithiin o pananaw na hindi nakakonekta sa pang-araw-araw na buhay sa pamamagitan ng araw-araw na gawain ay malamang na maging isang pangarap na hindi natupad.
Halimbawa: Kunwari ay may paparating kayong midterm test sa geometry. Ang isa sa inyong mga layunin ay makakuha ng mataas na marka sa klaseng iyon, kaya paano ninyo makakamit ang mithiing iyon? Maghihintay ba kayo hanggang sa huling sandali at magkukumahog sa pag-aaral sa gabi bago ang test? Ang paraang ito ay lubhang mapanganib. Sa halip na talagang maunawaan ang materyal at lubos na maging handa at tiwala tungkol sa paksa, papasok kayo sa klase na medyo kinakabahan, umaasang ang itatanong lang ng guro ay yaong alam ninyo ang sagot. (Tiyak ko na hindi lang ako ang nakaranas ng pagkabalisang ito!)
O maglalaan kayo ng kaunting oras bawat araw para kalmadong pag-aralan nang husto ang paksa? Ang paraang ito ay magbibigay sa inyo ng sapat na oras upang maunawaan nang wasto ang materyal, at magkakaroon kayo ng maraming oras na magpatulong sa guro kung nalilito kayo. Hahantong ito sa mas malalim na pagkaunawa sa materyal at ibayong tiwala sa sarili sa pagkuha ng test.
Para makamit ang anumang mithiin—lalo na ang mga selestiyal na mithiin—patuloy na katapatan sa araw-araw ang sagot. Maaari ba ninyong protektahan ang inyong sarili laban sa mga problema at kasamaan ng mundo sa pag-uukol lamang ng dalawang oras sa pagsisimba sa araw ng Linggo? Malamang na hindi. Napakahirap magkumahog para sa isang misyon, at mahirap ding magkumahog na makasal sa templo. Huwag makipagsapalaran. Maging matalino. Tulad sa inyong pag-aaral, ang araw-araw na pagsisikap na nakatuon ang tanging tiyak na paraan upang magtagumpay. Ihanda ang inyong sarili araw-araw. Pag-aralan ang mga banal na kasulatan. Makipag-ugnayan sa inyong Ama sa Langit sa panalangin. Dumalo sa seminary. Panatilihing malinis at handa ang inyong sarili. Kapag ginawa ninyo ito, mapapayapa kayo, magiging malinis ang inyong konsiyensya, lalaki ang tiwala ninyo sa sarili, at malalaman ninyo sa inyong puso na magiging maliwanag at maganda ang inyong hinaharap.
Magpatuloy sa Tulong ng Panginoon
Nais ng Panginoon na magtagumpay kayo, at tutulungan Niya kayo. Tutulungan Niya kayo at susuportahan at itataguyod kayo sa oras ng inyong pangangailangan kung kayo ay tapat sa Kanyang plano. Kung mananatili kayong malapit sa Kanya sa araw-araw, mananatili Siyang malapit sa inyo, at tatanggap kayo ng di-mabilang na mga pagpapala sa bawat aspeto ng inyong buhay, lalo na sa pinakamahalaga—sa espirituwal.
Sa huli ang inyong pagmamahal sa Panginoon ang tutulong sa inyo na maging tapat at manatiling tapat sa inyong selestiyal na mga mithiin. Alam ko na ang Panginoon ay buhay at na ang Kanyang hinahangad at inaasam para sa ating lahat ay isang selestiyal na kinabukasan.